TÁNAK
kaysarap gamitin / ng lumang Tagalog
lalo na't patungkol / sa pagsinta't irog
sa mapulang rosas, / may mga bubuyog
na lilipad-lipad, / rosas ay kinuyog
bago sa pandinig / ang salitang "tának"
batid ko'y katugmâ / nitong isdang "banak"
ang lumang salitâ / ay ikinagalak
niring aking pusong / dama'y pagkaantak
tának: kahuluga'y / napakadalisay
purong-puro, tunay, / kaysarap manilay
wagas na pagsinta / ang iniaalay
pinakamamahal, / pag-ibig na tunay
buti't ang makata'y / nakapagsaliksik
ng salitang luma't / bago lang sa isip
na sa kakathai'y / nais na isiksik
pagkat matulaing / kaysarap malirip
- gregoriovbituinjr.
12.14.2025
* tanak - mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.902



















