Lunes, Marso 3, 2025

Sa pagtatagumpay

SA PAGTATAGUMPAY

maraming dapat gawin upang magtagumpay
sa ating buhay, sa bahay, sa hanapbuhay
anumang suliranin ang nakabalatay
ay malalampasan kapag tayo'y nagsikhay

ang buhay nati'y di pulos laban at galit
dahil sa mga karapatang pinagkait
dahil binubusabos na ang maliliit
kundi mayroon ding panahon ng pag-awit

buhay ay punong-puno ng pakikibaka
lalo na't hanap ay panlipunang hustisya
paano wakasan ang mga dinastiya
na isang dahilan ng bulok na sistema

magtatagumpay lang tayo sa minimithi
kung sama-samang kikilos ang ating uri
upang wakasan na ang sangkaterbang hikbi
dahil sa kagagawan ng kuhila't imbi

- gregoriovbituinjr.
03.03.2025

Esensya

ESENSYA

matagal ko nang itinakwil ang sarili
upang sa uri at sa bayan ay magsilbi
lalo na't ayokong maging makasarili
sapagkat buhay iyong di kawili-wili

mabuti pa ngang magsilbi tayo sa masa
magsilbi sa maliliit, di sa burgesya
labanan ang mga kuhila't dinastiya
kahulugan ng buhay ay doon nakita

esensya ng buhay tuwina'y nalilirip
kapiling ng masa't dukhang dapat masagip
mula sa hirap, ginhawa ba'y panaginip?
tibak na tulad ko'y kayraming nasa isip

uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
ang laging isinisigaw ng aking diwa
manggagawa't magsasaka ang mapagpala
na sana'y magtagumpay sa inaadhika

- gregoriovbituinjr.
03.03.2025

Linggo, Marso 2, 2025

Pipino at mansanas

PIPINO AT MANSANAS

iyon lang ang pananghalian niya
pipino at mansanas lang talaga
istabilidad ay hinahanap pa
kung anong wastong pagkain sa kanya

kaytagal, hanggang ngayon hinahanap
kung anong sanhi ng sakit at hirap
tatlong testing na, wala pa ring ganap
ang mga doktor na'y nagsusumikap

doon sa ospital na mamahalin
sanhi'y di pa batid, ano ang lihim
ng sakit na nagpahirap pa man din
sa kabila ng milyong tumaginting

kinain niya'y pipino't mansanas
baka maibsan ang sakit na danas
baka ito ang kailangang lunas
baka... baka?! baka siya'y lumakas

- gregoriovbituinjr.
03.02.2025

Sabado, Marso 1, 2025

Ang nanilay

ANG NANILAY

sa totoo lang ay nais kong huwag nang magising
at masaksihan ang pamimilipit mo sa sakit
ang pinapangarap ko'y tuluyan ka nang gumaling
mawala na ang tuwi-tuwina'y pamimilipit

apektado na rin ang buo kong pangangatawan
na binabalewala ko lang, inuuna kita
nawa'y lumakas ka na't bumuti ang kalusugan
nais kong mawala na ang sakit mong dinurusa

sa ngayon, nilalakasan ko lang ang aking loob
puso ko ma'y lumuluha dahil sa iyong lagay
sa mga gawain man at trabaho, ako'y subsob
naririto pa rin akong sa iyo'y nagbabantay

habang may buhay, may pag-asa, anang matatanda
na payo at gabay sa matagal na pagtalunton
sa daigdig na puno ng talahib na sariwa
upang kumilos pa rin at tuluyang makabangon

- gregoriovbituinjr.
03.01.2025

Ang pinutol na puno sa EDSA

ANG PINUTOL NA PUNO SA EDSA

naraanan ko'y isang putol na puno sa EDSA
na napapalibutan ng semento sa bangketa
ano kaya ang kwento sa likod ng kwento nito?
ang puno kayang pinutol dito'y ginawang troso?

kung nilipat naman ang puno ay saan nalipat?
subalit hindi, pagkat naiwan doon ang ugat!
balewala na lang siya sa mga nagdaraan
o baka makatisod, sanhi ng kapahamakan...

marahil, mayroong kasaysayan doong natago
na hindi ko alam kung atin pa bang mahahango
naging saksi ba sa himagsikan ang punong iyon?
ng mga Katipunero o panahon ng Hapon?

sakaling punong iyon ay makapagsasalita
ay kayrami nang kwento ang ating maitatala
bakas na lamang niya yaong naiwan sa atin
ugat na pinanatili't anong pamanang angkin?

- gregoriovbituinjr.
03.01.2025

Ang mensahe sa plakard

ANG MENSAHE SA PLAKARD

nakunan ko'y isang mahalagang mensahe
sa anibersaryo ng pag-aalsang Edsa
"Marcos-Duterte Panagutin!" yaong sabi
at "Baguhin ang sistema, hindi ang klima!"

sa nakasaad sa plakard ako'y sang-ayon
na ginawang gatasan ang kaban ng bayan
pinakamasahol na badyet ngayong taon
higit sangmilyon sang-araw ang ginastusan

di mapigil ng dinastiyang pulitikal
ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin
tinig ng taumbayan na'y gumagaralgal
nais nilang sistemang bulok na'y putulin

tatlong bente pesos na ang kilo ng bigas
mabuti't UniThieves na'y nagkawatak-watak
dapat mahalal na pinuno'y yaong patas
upang taumbaya'y di gumapang sa lusak

- gregoriovbituinjr.
03.01.2025

* litratong kuha ng makatang gala noong 02.25.2025 sa Edsa Shrine kasabay ng ika-39 anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa

Ang panulat

ANG PANULAT

pluma ko'y di hihinto
sa panitikang tanto
saknungan ay binuo
mula danas sa mundo

pluma ko'y di titigil
tadtad man ng hilahil
magsalita ma'y garil
o kaya'y nanggigigil

laging magsisiwalat
ng anumang naungkat
upang ang nagsasalat
ay sakaling mamulat

matamis ang salita
maasim ang sikmura
buhay man ay mapakla
patuloy sa pagkatha

- gregoriovbituinjr.
03.01.2025