Linggo, Pebrero 19, 2012

Babae - ni Cynthia Kuan


BABAE
ni Cynthia Kuan

I

Babae, ikaw daw ay hinugot sa tadyang ni Adan
Kaya dapat lang na ikaw ay andyan lang
Tama lang ba na ikaw ay simple lang
Kung ikaw naman ay may alam?

Iyong karapatan ay dapat ipaglaban
Marapat lamang iyo itong ipaalam
Ipabatid, ibahagi ng buong paham
Nang sa gayon ay malaman 
ang iyong kahalagahan

II

Babaeng feminista, babaeng aktibista
Ikaw ay simbulo ng katatagan
Katapangan, di matawaran
Ng maging sino ka man...

Ikaw ba ay sadyang ganyan
O hinubog ng karanasan
Nililok, hinulma, pinanday ng kaalaman
Anuman ang iyong pinagdaanan
Imahe ka ng iyong kasarian..

Miyerkules, Pebrero 1, 2012

Posible ang Imposible - ni Layana Grace


mula sa facebook ni Layana Grace


POSIBLE ANG IMPOSIBLE
ni Layana Grace 
Miyerkules, Pebrero 1, 2012 nang 1:05 PM

sa taong masidhi iyang pagnanasa
sa nais makuha't maabot na lupa
walang imposible't walang alintana
ang bawat paskit, paghamong mabisa

'di ko kakagatin ang mga pasaring
na 'di maaabot ang nais marating
pagka't ang lakas moy sadyang kakatiting
ika'y tao lamang at sadyang alipin

sa simpleng pagtingin sa payak na buhay
talagang mahirap makuha ang pakay
lalo't ang pagita'y 'di kaya ng sigaw
at iyang hanggana'y hindi natatanaw

kung may inaasam, sapat na dahilan
upang pagningasin punding katatagan
ang iyong tanungin ay 'yang kakayahan
gaano katiba'y ang kapit sa buhay

lahat naghahangad ng kaligayahan
ngunit iilan lang ang makakasilay
silang matatapang, 'di takot sa hukay
at di nag-iisip na mayro'ng hangganan

Lunes, Enero 30, 2012

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo
ni Greg Bituin Jr.

Sadyang nag-aapoy sa galit ang taumbayan sa bawat pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang sagot ng kapitalista’y pagbuhos ng malamig na tubig ng rollback. Kaya pag pinatampok na sa media na nag-rollback ang presyo ng langis, bigas, LPG, at iba pa, natutuwa na at kalma ang kalooban ng taumbayan, dahil nag-rollback na ang presyo ng bilihin, na akala’y ibinalik na ito sa dating presyo. Pero ang totoo, pakunswelo lang ito ng mga kapitalista. Dahil hindi naman nito ibinabalik sa orihinal na presyo ang ni-rollback na presyo. Papatungan ng malaki, ngunit wala pa sa kalahati ang iro-rollback. Isang psywar tactics ng mga kapitalista upang kumalma ang taumbayan, habang harap-harapan nilang niloloko ang mga ito.

Ang mekanismong rollback ay pagbawas lang ng kaunti sa malaking patong ng kapitalista sa presyo. Kumbaga'y salamangka ito ng mga kapitalista para maibsan ang galit ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, na talaga namang pabigat sa bulsa ng naghihirap na mamamayan. Mataas ang patong, maliit ang bawas. Ganyan ang mahika ng rollback. Ganyan ang sikolohiyang ginagamit ng kapitalista para tumubo habang niloloko ang masa.

Tingnan natin ang kahulugan ng rollback sa diksyunaryo: (1) A rollback is a reduction in price or some other change that makes something like it was before; (2) Rollback (legislation), legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation.

Sa unang depinisyon, ibinaba ang presyo ng bilihin "that makes something like it was before." Kailan ba nabalik sa orihinal na presyo ang isang bilihin kapag nag-rollback? Wala. Nag-roll lang ang presyo, pero hindi nag-back sa dating presyo nito.

Sa ikalawa namang depinisyon: "legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation", hindi naman ito nangyayari dahil sa deregulation law, tulad sa langis. Merkado ang nagtatakda ng presyo, kaya di batas ng gobyerno ang nagbabago ng presyo. 

Suriin natin ang nakaraang pag-rollback ng presyo ng langis nito lang Enero 2012. Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Dahil sa pagprotesta ng sektor ng transportasyon, dagling nag-rollback ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Nag-rollback ng 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkakrisis sa bigas. Ang dating P20 average ng isang kilo ng bigas ay umabot ng P40 bawat kilo sa kaparehong klase ng bigas. Natural, krisis, at aplikable dito ang law of supply and demand ng kapitalismo. Kaunti ang supply ng bigas kaya mataas ang presyo. Nang magkaroon naman ng supply ng bigas sa merkado, natatandaan kong sinabi sa balita na ni-rollback na ang presyo ng bawat kilo ng bigas. Ngunit sa totoo lang, kalahati lang ng itinaas na presyo ang nabawas, kaya nakapatong pa rin sa orihinal na presyo ang kalahati. Di nabalik sa P20 bawat kilo ng bigas, kundi nasa average na P30 na ang kilo ngayon. May P32, may P35 bawat kilo ng bigas.

Sabi nga ni Marx sa kanyang Das Kapital, Tomo I, Kabanata 5, pahina 182, na tumutukoy kay Benjamin Franklin: It is in this sense that Franklin says, "war is robbery, commerce is generally cheating." Kung ang digmaan ay pagnanakaw, ang komersyo sa kabuuan ay pandaraya. Tulad ng rollback na hindi naman talaga pagbalik sa tamang presyo, dahil ito'y rollback na pakonswelo, dahil ito’y paraan ng kapitalista na mapaamo ang mga konsyumer, ang rollback ay maliwanag na isang paraan ng pandaraya sa taumbayan. Malaki ang patong, maliit ang bawas, kaya may patong pa rin.

Inilinaw pa itong lalo nina Marx at Engels sa artikulong Free Trade (1848): "What is free trade, what is free trade under the present condition of society? It is freedom of capital. When you have overthrown the few national barriers which still restrict the progress of capital, you will merely have given it complete freedom of action." Ibig sabihin, malaya ang merkado na gawin ang gusto niya dahil nga ito'y malayang kalakalan. Dahil sa deregulasyon, wala nang kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng pangunahing bilihin sa bansa. Dahil sa globalisasyon, ginawang patakaran ang deregulasyon na nagpalaya sa mga malalaking kumpanya, halimbawa, kumpanya ng langis, na paikutin at bilugin ang ulo ng taumbayan para sa kanilang sariling interes na tumubo. Kaya pinauso ang rollback na kunwari’y nakikinabang ang taumbayan, gayong binawasan lang ng maliit ang malaking patong sa presyo. 

At upang masolusyunan ito, isa sa mga unang hakbang ay ibalik sa gobyerno ang pag-regulate sa presyo ng bilihin, tulad ng pag-repeal sa Oil Deregulation Law at iba pang magugulang na batas sa presyuhan.

Biyernes, Enero 27, 2012

Pagsasaaklat ng 2 Dekada ng BMP


AKLATANG OBRERO PUBLISHING COLLECTIVE
aklatangobrero@gmail.com

Enero 27, 2012

________________________
________________________
________________________

Re: Paghahanda ng Pagsasaaklat ng Dalawang Dekada ng BMP (1993-2013)

Mga kasama, 

Isang maalab at mapagpalayang pagbati!

Masalimuot ang kasaysayan ng paggawa sa Pilipinas. At ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay kabilang sa kasaysayang ito.

Ang ating sosyalistang organisasyong BMP ay magdadalawang dekada na sa susunod na taon (2013). Mula sa isa sa pinakamatinding tunggalian sa paggawa ay isinilang ang BMP noong Setyembre 14, 1993. Panahon na upang isalibro ng BMP ang kasaysayan nito, bilang testamento ng pagiging mayor na pwersa nito sa kasaysayan ng paggawa sa Pilipinas. 

Dahil dito'y minumungkahing isa sa gawing proyekto ng BMP ang pagsasalibro ng nagdaang dalawang dekada nito (mula 1993 hanggang 2013). Ibig sabihin, one-year and a half in the making ang librong ito. Mabuti na ang maaga dahil panahon ng eleksyon ang 2013 at baka di ito mapagtuunan ng pansin. Ang sumusunod ang mungkahing balangkas ng aklat.

1. Ang tunggalian sa paggawa - mula KMU-NCRR ay naging BMP (1993-1995) - ni Ka Romy Castillo

2. Ang BMP sa panahon ni Ka Popoy Lagman (1995-2001) - ni Victor Briz

3. Ang BMP mula pagkamatay ni Ka Popoy hanggang sa kasalukuyan (2001-2013) - ni Ka Leody de Guzman

4. Ang prinsipyong tangan at lipunang pangarap ng BMP - ni Ka Gem de Guzman

5. Mga naipanalong laban ng BMP - ni Ka Leody De Guzman

6. Pagtatayo ng Balangay ng BMP sa buong Pilipinas - ni Ka Ronnie Luna

7. Ang pagtatayo ng Partido ng Manggagawa at ang pagbaklas ng BMP - ni Teody Navea

8. Mga kampanyang nilahukan ng BMP, pakikipagkaisa sa iba't ibang sektor at organisasyon

9. Ang Pamana ni Ka Popoy - ilang mga sulatin ni Ka Popoy, tulad ng Pagkakaisa

10. Atake ng Globalisasyon sa BMP at sa Uring Manggagawa

11. Mga Tulang alay sa BMP - ni Greg Bituin Jr.

12. Mga Pagninilay ng mga Unyonista't Sosyalistang Kasapi ng BMP

13. Ang BMP sa hinaharap

14. At iba pang mga artikulo batay sa mapapagkaisahan ng kasalukuyang Central Committee ng BMP

Ang nasabing aklat ay ilulunsad sa ika-14 ng Setyembre, 2013, kasabay ng pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng BMP. Ang inyo pong lingkod ay tutulong sa pagtitipon ng mga akda, at pagle-layout ng nasabing aklat. Nawa’y sa ating pagpupunyagi at pagtutulungan ay maging ganap nang libro ang kasaysayan ng BMP. Marami pong salamat. Mabuhay ang BMP!


GREG BITUIN JR.
Tagapangasiwa
Aklatang Obrero Publishing Collective

Miyerkules, Enero 25, 2012

Ang Apat na Sikreto ng Sahod


ANG APAT NA SIKRETO NG SAHOD
Maikling Kwento
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maaliwalas ang umaga. Walang nakalambong na ulap sa bughaw na langit. Tila kaysarap ng simoy ng hangin bagamat nasa lungsod ang lugar na puno ng polusyon. Imbes na huni ng mga ibon ay pawang harurot ng traysikel ang bumubulabog sa katahimikan ng lugar.

Gising na ang mga manggagawa sa piketlayn, habang may ilang di pa makatayo sa pagkagupiling dahil na rin sa pagod sa nagdaang araw. Nagdagsaan kasi kahapon ang mga manggagawang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Metro East Labor Federation, at ang pederasyon ng mga nakapiket, ang Super Federation, na siyang mayhawak ng kaso ng nakawelgang unyon. 

Nagsibangon na ang ilang lider dahil sa maagang pagdating ng mga kabataang estudyante mula sa grupong Piglas-Kabataan o PK. Ang mga ito'y mga anak ng mga lider-maralita ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) at ng pederasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Bakasyon noon at isa sa gawain ng mga kabataan ang integrasyon sa hanay ng mga manggagawa, na taun-taon nilang ginagawa, at nais din nilang kapanayamin ang mga lider ng unyon para sa kanilang munting dyaryong Piglas. Bakit nga ba nakawelga ang mga manggagawa? Gaano nga ba kahirap ang buhay sa piketlayn?

"Magandang araw po!" ang bati ni Magda, ang lider ng may pitong kabataang dumalaw sa piketlayn. "Kami po ang mga lider-kabataan mula sa Piglas-Kabataan. Narito po kami upang makapanayam kayo, at kahit po sa munting panahon ay makipamuhay sa inyo."

"Ako nga pala si Lena, ang pangulo ng unyon dito sa pabrika. Mabuti naman at napadalaw kayo. Kumain na ba kayo? Pagpasensyahan nyo muna ang aming agahan, sinangag, tuyo at kamatis."

"Salamat po. Katatapos lang po namin. Bakit po kayo nakapiket ngayon?"

"Nagpiket kami dahil tinanggal kami sa trabaho bilang regular. Ang sabi ng manedsment, pwede naman daw kaming muling i-rehire pero gagawin na kaming mga kontraktwal. Ang gumagawa ngayon ng aming trabaho ay yaong mga totoong kontraktwal, kaya kaming mga regular na siyang dapat mayhawak ng mga makina ay narito't nakapiket."

Siya namang pagdating nina Vilma at Nora, pawang mga instruktor hinggil sa kalagayan ng paggawa.

"Sandali, Magda, ha? Kumustahin ko muna sila." ani Lena. "Kumusta na, Vi at Nors? Sila nga pala yung mga kabataang estudyante sa pangunguna ni Magda. Baka pwedeng makasama rin sila sa idaraos nating pag-aaral ngayon."

"Kumusta?" sabay abot ng kamay. "May idaraos nga pala kaming pag-aaral ngayon, tungkol ito sa paksang Puhunan at Paggawa. Dalo sana kayo."

"Mabuti naman po kami. Mabuti po at may pag-aaral na idaraos, makikinig kami. Alam naming anumang butil ng kaalamang aming matamo mula sa mga manggagawa ay malaking punong mabunga na ang aming makakamit."

"O, paano po? Maliit lang naman itong lugar natin kaya tiyak namang magkakarinigan tayo." ani Vi.

Katatapos lamang mag-almusal ng mga manggagawa, kaya naghanap na sila ng maayos na pwesto para sa pag-aaral. Inilatag ni Nora ang manila paper at tumambad sa mga manggagawa ang pamagat na malaking nakasulat: Puhunan at Paggawa. Ang mga estudyante naman ay naupo na rin upang matamang makinig.

"Mga kasama, isang magandang umaga sa ating lahat,” ang bungad ni Vilma. “Tayo ay nabubuhay sa ilalim ng kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang sistema ng lipunan ay katulad din ng sistema sa pabrika. Pagkat sa pabrika, sistemang kapitalismo ang pinaiiral. Suriin natin ang buhay sa pabrika. Tumatakbo ang buhay sa pabrika sa pamamagitan ng dalawang mayor na aspeto: ang puhunan at ang paggawa. Ibig sabihin, hindi pwedeng isa lang sa kanila. Ang kapitalista ang siyang may-ari ng pabrika at siyang namuhunan sa makina, hilaw na materyales, at nagbabayad sa sahod ng manggagawa, at ang manggagawa naman ang nagbebenta ng lakas-paggawa upang tumakbo ang pabrika." 

"Sila po pala ang may-ari, e, di sila po ang mapagpasya sa kumpanya", ang sabad ni Ato, isa sa mga estudyante.

"Alam nyo ba na di tatakbo ang pabrika kung wala ang manggagawa? Anumang gawin ng kapitalista sa kanyang pera, makina at hilaw na materyales, hindi sila kikita. Di tutubo ang pera, kakalawangin lang ang makina, at baka masira lang ang mga hilaw na materyales. Tatakbo lang iyan at tutubo lang ang kapitalista kapag pinagalaw na ng manggagawa ang mga makina," paliwanag ni Vilma.

"Ibig sabihin po pala, tatakbo lang ang pabrika kasi nariyan ang manggagawa," sabad muli ni Ato.

"Tama ka. Kung walang manggagawa, di tatakbo ang pabrika, ngunit pwedeng tumakbo ang pabrika kahit walang kapitalista. Makagagawa ng produkto ang mga manggagawa dahil sa kanilang lakas-paggawa na siyang binibili naman ng kapitalista, at ang pambayad sa presyo ng lakas-paggawa ng manggagawa ang tinatawag na sahod."

Tatangu-tango sina Magda, pati na si Lena at ang iba pang manggagawa.

"Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalista hinggil sa usaping sahod. Una, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Ibig sabihin, ang halaga ng lakas-paggawa ang siyang presyong binabayaran ng kapitalista, at ang tawag sa presyong ito ay sahod. Ikalawa, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ay kapital. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital," paliwanag pa ni Vilma.

"Di po ba, kaltas sa puhunan ng kapitalista ang sahod? Bakit ito ang pinakaimportante sa kapitalista, gayong kabawasan nga ito?" Malalim ang pagsusuri ni Magda.

"Magandang tanong," ani Vilma. "Ganito iyan. Ang sahod bilang pera, kapag ginastos na ng manggagawa, ay nauubos. Pero sa kapitalista, ang sahod ding ito, habang ginagastos ng kapitalista, ay lumalago. Bakit ka'nyo? Maliit lang kasi ang gastos sa sahod ng manggagawa kumpara sa tubo ng kapitalista. Magbigay tayo ng halimbawa."

Inilatag na agad ni Nora ang isa pang manila paper, at natambad sa mga manggagawa't kabataan ang isang kompyutasyon. Pulos numero sa kanang bahagi, habang sa kaliwang bahagi naman ang kumakatawan sa mga numero.

"Suriin natin ang mga datos batay sa kompyutasyon sa kita ng kumpanyang Goldi. Sa isang departamento nila, nakakagawa ang mga manggagawa ng 12,000 rolyo ng cake bawat araw, sa loob ng 3 shift. Ibig sabihin, may 4,000 cake ang nagagawa sa bawat shift. Ang halaga ng bawat cake sa merkado ay P200. May kabuuang 106 na manggagawa na sumasahod ng P450 sa loob ng walong oras na paggawa, mas mataas ng kaunti sa minimum wage ngayon na P426 dito sa National Capital Region," paliwanag ni Vilma, habang matamang nakikinig at nakatitig ang mga manggagawa sa mga numero, nagsusuri.

"I-multiply natin. Ang halaga ng kabuuang rolyo ng cake ay P2,400,000.00; mula 12,000 rolyo ng cake times P200.00 halaga ng bawat cake. Gumastos ngayon ang kumpanya ng sahod na P47,000.00 lamang, mula sa komputasyong P106 manggagawa times P450.00 na sahod kada araw. Ibawas natin ang kabuuang benta ng cake: 2,400,000.00 minus sahod na P47,700.00, ang kita ng kumpanya o gross profit ay P2,352,300.00. Ibawas na rin natin dito ang gastos sa buwis, bayad sa kuryente at tubig, gastos sa depresasyon ng makina, at hilaw na materyales, na nasa kalahati o 50% ng kita. Mula sa gross profit P2,352,300.00 (kita minus sahod) ibabawas ang kalahati nito o 50%, ang kita ng kumpanya ay P1,176,150.00 sa isang buong araw. O, di ba, malaki ang tubo ng kumpanya. Paano kung i-multiply mo pa ito sa isang buwan? E, di limpak-limpak na tubo ito, kumpara sa gastos nila sa sahod," mahabang paliwanag ni Vilma. Nakakunot naman ang noo ng mga nakikinig. Halatang nagsusuri.

"Mula sa kompyutasyon sa itaas ay dadako naman tayo sa ikatlong katotohanan ng sahod. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng tubo ng kapitalista. Ang gastos sa sahod ang siyang porsyon ng kapital na pinanggagalingan ng tubo. Sa madaling salita, ang porsyong ito ng kapital ay walang ambag sa produksyon na ginastos para sa materyales at makina. Ito ang misteryo at mahika ng kapitalismo. At panghuli sa apat na katotohanan hinggil sa sahod, ang nagpapasahod talaga sa manggagawa ay ang mismong manggagawa," dagdag pa ni Vilma. "Halina't muli tayong mag-kompyut." Inilatag ang isa pang manila paper.

"Sa P2,400,000.00 kita ng kumpanya sa isang araw, hatiin natin ito sa 106 manggagawa. Lumalabas na bawat manggagawa ay kumikita ng P22,641.51 sa bawat araw o walong oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin bawat oras ang halagang ito: P22,641.51 divided by 8 oras, pumapatak itong P2,830.19 bawat oras. Ibig sabihin, mahigit dalawang libong piso na ang kita ng bawat manggagawa sa isang oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin ito sa bawat minuto: P2,830.19 divided by 60 minuto. Lumalabas na sa bawat minuto sumasahod ang manggagawa ng halagang P47.17. At kung hahatiin naman ito sa bawat segundo: P47.17 divided by 60 segundo, lumalabas na sa bawat segundo ay may 79 sentimo ang manggagawa," mahabang talakay muli ni Vilma.

Sumabad si Magda na noon din ay nagkokompyut sa papel, "Ibig sabihin po pala, sa P450 sahod ng manggagawa, kung hahatiin sa P47.17 kita niya bawat minuto, lumalabas pong sa loob lamang ng 9.5 minuto ay nakuha na ng manggagawa ang kanyang sahod. At ang natitirang pitong oras at 50.5 minuto ay sa kapitalista na napunta. Nakagagalit naman ang ganyang katusuhan ng kapitalista. Dapat nga po talagang lumaban ang mga manggagawa"

"Tama ka, Magda. Iyan ang halaga ng di bayad na oras ng paggawa. Ibig sabihin, malaki talaga ang tinutubo ng kapitalista sa bawat araw, at mumo lang ang natatanggap ng manggagawa," ani Vilma. "Okey, mga kasama, uulitin ko, ha. Ang apat na lihim ng kapitalismo hinggil sa sahod ay ang apat na katotohanang pilit itinatago nila sa manggagawa. Ang sahod ay presyo. Ang sahod ay kapital. Ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa ng humamig ng tubo."

Nagtanong si Jose, isa pa sa mga kasamang estudyante ni Magda. "Bakit po nakapako kasi ang sweldo ng manggagawa sa P450, di po ba pwede namang taasan ito? Mga P1,000 sa isang araw, para kahit papaano naman ay mabuhay naman ng maayos ang pamilya ng manggagawa. Sa pagkakaalam ko, P1,000 ang sinasabi ng NEDA na halagang makabubuhay sa isang pamilya."

Si Nora naman ang sumagot, "Alam nyo, ang minimum wage ay tinatakda mismo ng gobyerno sa pamamagitan ng Minimum Wage Law, at pinapatupad ito ng Regional Wage Board. Mga kapitalista ang mayorya sa Kongreso na siyang nagpasa ng batas na ito, kaya anong aasahan natin, kundi pawang mga batas na pabor sa kanilang uri, pabor sa kapwa nila kapitalista. Bihira nga ang mga batas ngayong talagang kampi sa manggagawa."

Pinutol ni Vilma ang talakayan, "Sa ngayon ay iyan muna ang ating tatalakayin. May kasunod pa tayong paksa hinggil naman sa kapitalistang lipunan."

"Pinagnilayan ko pong mabuti ang mga paliwanag ninyo. Tama at lohikal. Nuong bata pa po ako ay nagtataka na kung bakit kung sinong masisipag ang siyang naghihirap, tulad ng aking amang magsasaka sa probinsya na madaling araw pa lang ay gising na para bisitahin ang bukid at mag-araro. Napakasipag pero mahirap pa rin kami. Sa ngayon po, nagpapasalamat po kaming muli sa aming mga natutunan,” ani Magda, “Handa po kaming kumuha ng iba pang pag-aaral. Naniniwala po kaming ang mga manggagawa na siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ay di dapat naghihirap.”

Katanghaliang-tapat na kaya nagyaya na si Lena kina Magda, "O, siya. Naghanda na kami ng ating pananghalian. Kumain muna tayo at saka natin ipagpatuloy ang ating naudlot na kwentuhan kanina."

"Sige po." At masaya nang nagsikuha ng kani-kanilang mga pagkain ang mga kabataang estudyante, kasama ang mga unyonistang ilang araw na ring nakapiket.

Huwebes, Enero 19, 2012

Ang "Monologo ng Manggagawa" ni Roberto "Bobet" Mendoza

ANG "MONOLOGO NG MANGGAGAWA" NI ROBERTO "BOBET" MENDOZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad ako't nabili ko sa halagang P100 lamang ang aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik" na sale sa UP Press Bookstore noong Disyembre 14, 2007. Ang nasabing aklat ay binubuo ng 760-pahina, at may sukat na 7" ang lapad at 10" ang taas. Sa kapal na ito'y baka mahigit P500 ito sa iba pang bookstore. Buti na lamang at natsambahan kong nagbaratilyo ng libro ang UP Press Bookstore na nasa unang palapag ng Balay Kalinaw sa UP Diliman.

Klasik ang librong ito at collector's item na kung tutuusin, dahil ito'y katipunan ng mga dulang nilikha mismo ng mga manggagawa mula sa pabrika, mga dulang tinipon sa loob ng tatlong dekadang singkad, mula 1967 hanggang 1997. Inilathala ang aklat na ito ng Office of Research Coordination ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon noong 1998, kung saan ang mga patnugot ng aklat na ito'y sina Glecy C. Atienza, national artist for literature Bienvenido L. Lumbera, at Galileo S. Zafra. 

Nang makita ito ni Apo Chua, isang UP professor, awtor ng libro at tagapayo ng Teatro Pabrika, tinanong agad niya sa akin kung nabasa ko na sa librong ito ang tula ni Bobet Mendoza, na isang kasapi rin ng Teatro Pabrika. Ang sabi ko'y hindi pa, at itinuro niya sa akin ang "Monologo ng Manggagawa" sa mahabang dulang "Kuwatro Kantos", na mula pahina 559 hanggang 606. Sinabi niyang basahin ko raw ang tulang ito ni Bobet Mendoza at magugustuhan ko. Kung gayon, si Bobet Mendoza ang tinutukoy sa pambungad ng dulang "Kuwatro Kantos" kung saan nakasulat: "Ang mahabang "Monologo ng Manggagawa" sa dulo ng unang eksena ay nakabatay sa monologo na laging itinatanghal noon ng isang naunang miyembro ng Tanghalang Silangan." Matatagpuan ang nasabing tula sa pahina 575-579 ng nasabing aklat. Matagal ko na ring nakilala si Bobet Mendoza dahil isa siya sa mga mang-aawit at naggigitara para sa Teatro Pabrika, na siya ring grupong pangkultura ng sosyalistang organisasyon at pampulitikang sentro ng uring manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Gayunpaman, sa aklat ay walang eksaktong nakalagay kung sino ang tiyak na may-akda ng mahabang tulang "Monologo ng Manggagawa" at tanging ang may awtor ay yaong buong dulang "Kuwatro Kantos" na nakasulat sa pambungad: "Sinulat ito nina Glecy Atienza, Roberto Mendoza at ng Teatro Pabrika Writers' Pool."

Isang trahedya ang tula, na nang dahil sa kahirapan sa lalawigan ay pinangarap ng isang karaniwang tao na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ngunit lagim ang kanyang sinapit sa huli.

Nagsimula ang tula sa paglisan ng manggagawa sa kanilang lalawigan upang magtrabaho sa Maynilang anya'y nakararahuyo. Lumuwas siya ng Maynila't nahanap ang barungbarong na tahanan ng kanyang Nana Sela. Naghanap siya ng trabaho't nakapasok sa pabrika ng pakain sa hayop, ngunit umalis din upang mapasok naman sa isang pabrika ng sapatos. Naging kasapi siya ng unyon at naging aktibo sa mga gawain doon, dahil naniniwala siyang dapat maging makatarungan ang kapitalista sa ibinibigay na sahod at benepisyo sa manggagawa. Hanggang kumilos na rin siya sa labas ng pabrika upang organisahin ang iba pang manggagawa. Ngunit naging mainit siya sa mga kapitalista.

Papauwi na ang manggagawang iyon mula sa isang pagpupulong nang hinablot siya ng kung sinong mga buhong at ipinasok sa sasakyan. Dinala sa isang talahiban, at doon naalala ng manggagawa ang iniwan niyang lalawigan pati na mga magulang at kapatid na naghihintay. Ngunit iyon na pala ang kanyang katapusan.

Tinortyur siya ng mga kumuha sa kanya hanggang siya'y pinatakbong pilit. Tumalima naman siya sa pag-aakalang siya'y makakatakas. Ngunit paano niya matatakasan ang putok ng baril? Sa huling hibla ng kanyang hininga'y umaasa siyang sana'y may magpatuloy pa ng kanyang marangal na adhikain para sa mga manggagawa.

Napakaganda ng salaysay ni Mendoza, at sinuman ang makababasa nito, sa wari ko'y maghihimagsik dahil sa kawalang katarungang sinapit ng manggagawa. Maganda ang pagkakahawak ni Mendoza sa tugma't sukat. Apat na taludtod ang bawat saknong, habang lalabing-apatin ang pantig ng bawat taludtod, bagamat di siya naging masinsin sa pagtiyak ng sesura o hati sa gitna ng tula, na dapat ay may hati sa ikapitong pantig, na sa kabuuan ng tula'y di sumusunod sa ganito. Gayunpaman, di na ito gaano pang mapapansin ng mga mambabasang di pamilyar sa batas ng tugma't sukat, at di na rin papansinin ng sinumang makikinig o manonood sa monologo, dahil sa mas mapapansin nila ang indayog at emosyon ng pagkakasalaysay ng tula.

Isang taas-noo at taas-kamaong pagbati ang iniaalay ko sa makatang ito ng uring manggagawa. Sadyang kalulugdan siya at maoorganisa niya ang mga unyonista't karaniwang manggagawa sa tula niyang ito. Mabuhay ka, kasamang Bobet!

Halina't ating namnamin ang kabuuan ng 34-saknong na tula.


MONOLOGO NG MANGGAGAWA
ni Roberto "Bobet" Mendoza, Teatro Pabrika

Naging balon ng luha mga mata ni Inang;
Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;
Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,
Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.

Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo
Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho
Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,
Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.

Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;
Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;
At maging si Tatang ay di na mananakahan;
Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.

Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;
Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;
Kahit may pananabik takot ang nakakubli;
Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.

Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;
Punong-puno ng tao kahit saan luminga;
Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;
Kaya kailangan ay matibay na sikmura.

Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan
Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;
Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;
Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.

Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita
Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella
Na nagsasaad kung saan siya nakatira
Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.

Nakakakaba ang makitid na daraanan
Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan
Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan
Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.

Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,
At sa halip ay nagtuon sa dapat marating
‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin
Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.

Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;
Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda
Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala
At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.

Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella
Ibang-iba siya noong huli kong makita
Kumikinang sa alahas, todo ang pustura
Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.

Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil
Sa paligid na ito na nakahihilahil
Taglay ang pag-asa at walang makakapigil
Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.

Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho
Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo
Binabasang lahat, paskil na madaanan ko
Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”

Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam
Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;
Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam
Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.

Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap
Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat
Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat
Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.

Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;
Upang makapagpagamot kahit papaano
Ngunit ang takdang araw upang makuha ito
Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.

Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis
Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?
‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit
Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.

Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho
Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako
At dito’y agad akong naging isang miyembro
Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.

Hindi nagtagal at akin nang naunawaan
Ang unyon pala’y para sa aming karapatan
Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan
Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.

Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo
Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko
Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo
Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.

Ang pagsasamantala ang ugat ng problema
Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya
Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika
Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.

Naging matagumpay ang aking mga gawain
Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin
Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;
Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.

Sa mga kapitalista ako ay uminit
Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,
Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit
Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.

Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid
Hindi ako natinag at ni hindi nanginig
Ako’y naniniwala na nasa aking panig
Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.

Papauwi na ako mula sa aming pulong
Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon
Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,
Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.

Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik
Ng mga lulan nitong pawang mababalasik
Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,
Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.

Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali
Sa madilim na silid na hindi ko mawari
Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi
Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.

Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan
At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan
Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan
Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.

Ang bawat parusang iginagawad sa akin
Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin
May kasamang katanungang dapat kong sagutin,
Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.

“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”
“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko
Sila ay lalong bumangis at sinila ako
Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.

Muli akong nagising sa kaibang paligid
Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib
Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid
Hinihintay ng magulang at mga kapatid.

Ako ay kinalagan ng mga mapandahas
Pinatakbo ako kahit na magkandadulas
Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas
Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.

Tumalima ako at tumakbo papalayo
‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo
Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo
Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.

Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa
Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa
Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa
Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.

Linggo, Disyembre 18, 2011

Pahayag sa ika-25 anibersaryo ng KPML

Pahayag ng grupong Maso at Panitik sa ika-25 anibersaryo ng KPML
Disyembre 18, 2011

Nagpupugay ang sosyalistang grupong pampanitikang Maso at Panitik sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ngayong Disyembre 18. Isa itong okasyon ng pagdiriwang at pagninilay sa pakikibaka, tagumpay, kabiguan at pagpapatuloy ng KPML, bilang sosyalistang sentro ng maralita, sa nakaraang dalawampu't limang taon. Isang kasaysayan ng pagpapatuloy sa hanay ng maralitang nakikibaka laban sa lupit ng demolisyon, laban sa kahirapan, laban sa bulok na sistema. Isang kasaysayang dapat magsilbing inspirasyon bagamat patuloy na naghihirap ang maralita, patuloy ang mga demolisyon ng kabahayan sa kalunsuran, patuloy ang pagpapatapon sa maralita sa mga relokasyong malayo sa kanilang trabaho.

Mula nang isilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, patuloy itong nakibaka para makamit ng mga maralita ang kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Marami nang lider-maralita ang nagbuwis ng buhay para sa kapakanan ng maralita. Nariyan si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, na namatay habang nakikipagdebate sa loob ng Senado para ipagtanggol ang kapakanan ng maralita laban sa demolisyon. Nariyan ang ipanalo ng KPML ang iba't ibang isyu laban sa demolisyon, tulad ng tagumpay ng mga maralita sa Sitio Mendez. Nariyan ang pakikibaka laban sa paglaganap ng HIV at AIDS, kampanya laban sa child labor at kontraktwalisasyon, kampanya para sa pabahay at karapatang pantao. Nariyan ang patuloy na pagkilos sa parlyamento ng lansangan upang ipaglaban ang karapatan ng maralita sa paninirahan at iba pang isyung pulitikal, at ipakita ang pakikiisa at pagdamay sa laban ng iba’t ibang aping sektor ng lipunan, tulad ng manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan. Nariyan ang mga lider-maralita at kasapian nitong nananatiling matatag at hindi tumitigil sa kanilang pakikibaka upang ipalaganap ang sosyalistang adhikain ng organisasyon, buhay man ang ialay. Marami mang sakripisyo ang pinagdaanan ng KPML, nananatili itong matatag sa anumang unos na dumatal sa organisasyon.

Ang KPML bilang sosyalistang organisasyon ng maralita ay dapat magpatuloy at huwag panghinaan, sa gitna man tayo ng delubyo ng globalisasyon, sa ilalim man tayo ng bulok na sistemang kapitalismo, dapat magpatuloy ang mga maralita at higpitan ang pagkakaisa tungo sa pagkakamit ng kanilang bisyon, misyon at layuning nakaukit sa kanilang programa, plataporma at saligang batas hanggang sa tagumpay.

Patuloy tayong makibaka. Patuloy nating hawanin ang landas tungo sa adhikain nating lipunan. Kaya sa okasyong ito, isang pagpupugay para sa mga lider at kasapi ng KPML. Tuloy ang laban tungo sa pagkakamit ng sosyalismo, tungo sa lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, tungo sa lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang ugat ng kahirapan. 

Mabuhay ang KPML! Mabuhay ang sosyalistang sentro ng maralita!

Miyerkules, Disyembre 7, 2011

Monopolyo nga naman - ni Anthony Barnedo

Monopolyo nga naman
ni Anthony Barnedo
09.25.11
10am

Sa aking pagka-aliw sa sarsuwelang nasaksihan
Umusbong ang hinagpis sa kaapihang natuklasan
Monopolyo ay resulta ng elitistang banggaan
Hindi tunggalian ng mahirap at ng mayaman.

Lahat sila’y nagkakaisa, kumpitensya man ay nar’yan
Pagsagad ng kahirapan, sadyang tubo ang dahilan
Paglilinlang sa masang kailanma’y di naambunan
Serbisyo’t pakinabang ng kasalukuyang lipunan.

Ang gobyerno’y parang isang manyikang tautauhan
Para bang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Anong klaseng monopolyo pa kaya ang aabangan
At tuluyan ng magising damdamin ng mamamayan
Halina’t baklasin naghaharing uri ng lipunan
Manggagawa’t maralita ay magkaisa’t lumaban.

Ang gobyerno’y sadyang isang manyikang tautauhan
Sadya ngang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Mahiwagang Langis - ni Anthony Barnedo


Mahiwagang Langis
ni Anthony Barnedo
07.02.11
8am


Haplusin mo ang aking kaibuturan
Lunasan mo ang aking nararamdaman
Maghimala ka ng walang katapusan
Gamutin mong sugat ng puso't isipan.

Pagmasdan mo silang nangangailangan
Pila-pila lang, nakikipag-unahan
Resetang hawak walang mapaghugutan
Bahala nang umiwas kay kamatayan.

Grabe na kalala itong kalagayan
Pagkakawang gawa'y ginawang minahan
Parang sa isang pyesta'y nagchichibugan
Habang naglilimos ang karamihan.

Itong paghihirap tuluyang wakasan
Pananamantala'y dapat ng pigilan
Isang hagod lang ng makapangyarihan
Mahiwagang langis, maghiwaga naman.

Miyerkules, Nobyembre 23, 2011

Pahayag sa International Day to End Impunity

Pahayag ng grupong Maso at Panitik

WAKASAN ANG IMPUNIDAD!

Kaming mga makata't manunulat mula sa sosyalistang grupong Maso at Panitik ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng mga manunulat at mamamahayag sa buong mundo sa pagmarka sa Nobyembre 23 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Impunidad (International Day to End Impunity). Ang araw na ito'y itinakda ng mga mamamahayag sa iba't ibang panig ng mundo bilang pag-alala sa pagmasaker sa 32 mamamahayag, sa kabuuang 57, sa tinaguriang Maguindanao massacre.

Ang impunidad, ayon sa international law of human rights, ay tumutukoy sa kabiguang madala sa hustisya ang mga lumabag sa mga karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay kultura ng pagpatay at kawalang hustisya.

Idineklara ng mga mamamahayag mula sa iba't ibang panig ng mundo ang Nobyembre 23 na International Day to End Impunity sa pulong ng International Freedom of Expression Exchange (IFEX) noong Hunyo 2, 2011. Doon ay inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang 2011 special report na pinamagatang "Getting Away with Murder", kung saan nasa 2011 impunity index ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq, Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India. Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag mula sa iba't ibang panig ng mundo ang pinatay mula 1992, kung saan 36 dito ay ngayong 2011.

Dapat mabigyan ng katarungan ang mga pagkamatay na ito ng mga mamamahayag. Kaya kami sa grupong Maso at Panitik, habang nakikibaka para sa pagbabago ng sistema at pagkakamit ng hustisya para sa lahat, ay nakikiisa sa lahat ng mamamahayag sa panawagang wakasan na ang impunidad.

Naniniwala kaming makakamit ang tunay na hustisya at mawawakasan ang impunidad kung mapapalitan ang pandaigdigang kapitalismo ng isang sistemang tunay na maglilingkod sa lahat ng mamamayan, walang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon upang lahat ay makinabang, isang lipunang pamumunuan ng uring manggagawa.

Patuloy kaming tutula at magsusulat ng mga maiikling kwento at sanaysay, at sa hinaharap ay makapagsulat ng nobela na tumalatakay sa kasalukuyang kalagayan ng sambayanan sa ilalim ng salot na sistemang kapitalismo at ang pangangailangang makibaka at kumilos upang mapalitan ito tungo sa sistemang sosyalismo, isang sistemang magtitiyak ng karapatan ng bawat isa, isang lipunang makatao.

Wakasan ang Impunidad! Hustisya sa lahat ng mamamahayag na biktima ng masaker sa Maguindanao! Hustisya para sa lahat! Mabuhay ang uring manggagawa! Mabuhay ang mga sosyalistang makata at manunulat!

Huwebes, Nobyembre 17, 2011

Wakasan ang Impunidad


Nobyembre 23, Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Impunidad
ni Greg Bituin Jr.

Kasabay ng ikalawang anibersaryo ng pinakamatinding atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan, ang Maguindanao massacre sa Mindanao, ilulunsad ng iba’t ibang grupo sa buong mundo ang kauna-unahang pagkilala sa International Day to End Impunity (IDEI) sa Nobyembre 23, 2011 bilang bahagi ng pandaigdigang panawagan ng hustisya para sa lahat ng mga pinaslang dahil sa kanilang karapatang magpahayag.

Matatandaang noong Nobyembre 23, 2009, walang awang pinaslang ang 57 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag at manggagawa sa media, sa Maguindanao, habang ang mga ito’y papunta upang samahan ang pamilya Mangudadatu at mga tagasuporta nito sa pagpa-file ng kandidatura sa pagka-gobernador ni Esmael Mangudadatu.

Noong Hunyo 2, 2011, inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang 2011 special report na pinamagatang “Getting Away with Murder” sa pandaigdigang pulong ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX) sa Beirut, Lebanon, kung saan tinalakay ang impunidad sa buong mundo. Doon idineklara ng mga mamamahayag ang Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity) bilang pag-alala sa kamatayan ng 32 Pilipinong mamamahayag na napatay sa Maguindanao massacre. Nasa 2011 impunity index ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq, Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India. Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag sa buong mundo ang pinatay mula 1992, at 36 na nitong 2011.

Ang pandaigdigang aktibidad sa Nobyembre 23 ay pinangungunahan ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX), na nakabase sa Toronto, Canada, at isang network ng 95 na organisasyon ng mga mamamahayag sa buong mundo. Sa Pilipinas naman, ito’y pinangungunahan ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

Ano nga ba ang impunidad? Ayon sa international law of human rights, ito’y tumutukoy sa kabiguang dalhin sa hustisya ang mga lumabag sa mga karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay isang kultura ng pagpatay at kawalang hustisya. Nariyan ang kaso ng pagpatay at pagdukot sa mga aktibista, o desaparesidos, na hanggang ngayon ay di pa nakikita.

Ang Pilipinas ang itinuturing na isa sa mga delikadong lugar sa mga mamamahayag sa buong mundo. Ayon sa CMFR, may 121 mamamahayag na ang pinaslang sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Sa mga kasong ito, nasa 8% pa lamang ang mga kasong nareresolba.

Dapat mawakasan na ang ganitong mga karahasan at kultura ng kamatayan.

Wakasan na ang impunidad! End Impunity, Now!

Linggo, Nobyembre 13, 2011

Tayo ang 99.999%

TAYO ANG 99.999%
ni Greg Bituin Jr.

Simboliko ang katawagang 99%. Tumutukoy ito sa mga mayorya ng naghihirap na mamamayan sa buong mundo. Sila ang pinahihirapan ng 1% ng bilyonaryo at milyonaryo sa daigdig.

Ayon sa United Nations, umabot na sa 7 Bilyon ang tao sa buong mundo. Ang 99% ng 7B ay 6,930,000,000, at ang 1% ay 70,000,000. Ibig sabihin, 70 Milyon ang mayayamang kumokontrol sa buong mundo. Napakalaki ng bilang nila, 70M. Baka nga mas maliit pa ang bilang nito dahil sa kanilang kumpetisyon ay tiyak nagkakainan sila. Marahil 0.01% o 700,000 lang sila, at tayo naman ay nasa 99.99% o 6,999,300,000. O kaya sila'y 0.001% o 70,000 milyonaryo sa buong mundo, at tayo naman ay 99.999% = 6,999,930,000.
Gayunpaman, dahil ipinanawagan na sa buong mundo ang 99%, na hindi naman ito round-off, ito na rin ang tinanggap natin, dahil mas madaling maunawaan ng simpleng masa. Naghihirap ang 99%. Ang damuhong 1% ang dahilan ng patuloy na kahirapan at pagdurusa ng sambayanan.

Dito sa Pilipinas, sa populasyon nating 94 Milyon, tayong nasa 99% ay bumibilang ng 93,060,000, habang silang 1% ay 940,000 milyonaryo lamang, o marahil ay napakababa pa ng bilang nito. Marahil sila'y 0.001% o 940 lamang, habang tayo'y 99.999% o 93,999,060 katao. Ang bilang ng bilyonaryo'y tiyak na mabibilang sa daliri.

Ngunit sa ating kabilang sa 99%, ilan dito ang organisado? Wala pa bang 1% ng 99%, o 930,600? May 1,500 na unyon na nakatala sa DOLE, kung saan nasa 8 milyon ang organisado. Pero ang may CBA lamang ay nasa 200,000 indibidwal. Ibig sabihin 8.5% lamang manggagawa ang organisado, ngunit 0.2% lamang ang may CBA.

Nakararami ang mga mahihirap sa bansa. Nariyan ang nasa sektor ng maralita, magsasaka, mangingisda, at iba pa. Kaunti na lang ang mga regular na manggagawa, at karamihan ay mga kontraktwal na. Dapat silang maorganisa bilang kasama sa 99% upang baguhin ang kalagayang ang kumokontrol lamang sa buhay ng mayorya sa Pilipinas ay ang 1%. Isama na rin natin dito ang ispesyal na sektor ng kababaihan at kabataan upang mas tumaginting ang tinig ng protesta laban sa mga naghaharing uri.

Kabilang sa nasa 1% ang mga nakaupo sa kongreso at senado, mga nasa ekekutibo at hudikatura, mga malalaking negosyante, anupa't nakapwesto sila sa matataas na posisyon sa pamahalaan at mayhawak ng malalaking negosyo sa bansa. Sila ang mga bilyonaryo't milyonaryong dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Sila ang may-ari ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain, na kahit yata dagat at hangin ay gusto ring ariin at pagtubuan. Sila ang gumagawa ng batas, na dapat sana'y para sa lahat ng mamamayan, ngunit laging pabor sa kanilang uri. Sila ang nagpauso ng salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa. Sila ang madalas magpademolis ng bahay ng maralita. Sila ang mga kapitalistang mahilig magpunta sa simbahan, magdasal, at laging nagbibigay ng malaking donasyon sa simbahan, ngunit hindi maitaas ang sahod ng kanilang manggagawa. Silang 1% ang dahilan ng malaking agwat ng mahirap at mayaman.

Sa buong mundo, ang 1% ang kumokontrol sa ekonomya ng daigdig. Sila ang nagsasagawa ng polisiya sa World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at iba pang mga financial institution. Sila ang nagpapautang sa maraming mahihirap na bansa, ngunit may malaking interes, na dahilan upang lalo pang maghirap ang mga mahihirap.

Silang mga nasa 1% ang pahirap sa bayan, pahirap sa buong mundo. Hangga't pag-aari nila ang malalawak na lupain, makina't pabrika, paiikutin lang nila tayo sa kanilang mga maninipis na palad, habang ang mga manggagawa't iba pang aping sektor ng lipunan ay pulos lipak at kalyo na ang palad ngunit nananatiling mahirap. Silang mga nasa 1% ang dapat nating patalsikin.

Tayong nasa 99% ay dapat maorganisa sa adhikaing baguhin ang lipunang ito tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao kung saan wala nang 1% na nagpapahirap sa sambayanan. Dapat tayo na'y maging 100% na nakakakain ng sapat sa bawat araw, at nakakamtan ang ating mga batayang karapatan, kabilang na ang karapatan sa paninirahan, trabaho, kalusugan, edukasyon, at iba pa.

Ngunit hindi natin ito makakamtan kung hindi tayo kikilos. Kung hindi tayo, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa? Halina’t mag-organisa! Baguhin ang sistema!

Martes, Nobyembre 8, 2011

Karahasan sa Kababaihan, Tigilan Na!

KARAHASAN SA KABABAIHAN, TIGILAN NA!
ni Greg Bituin Jr.

Kamakailan ay nabalita sa telebisyon ang pagdukot, panggagahasa't pagpatay noong Setyembre 23 sa estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na si Given Grace Cebanico, 19 na taong gulang. Kasunod nito'y nabalita sa pahayagang Remate ang panggagahasa at pagpatay sa isang 9-anyos na batang babaeng natagpuang patay sa loob ng isang simbahan sa Muntinlupa noong Oktubre 27. Kahindik-hindik at nakagagalit ang mga balitang ito. Wala silang kalaban-laban at kinitlan pa ng buhay. Anong uri ng mga halimaw ang may kagagawan ng mga ito?

Napakarami nang karahasan sa mga kababaihan. Nariyan ang pisikal na karahasan, tulad ng pananakit at pagpatay; sekswal na karahasan, tulad ng panghihipo lalo na pag nalalasing, panggagahasa, pagtrato sa babae bilang sekswal na bagay o sex object, paggamit ng malalaswang salita; sikolohikal na karahasan, tulad ng pangangaliwa at pagmamanman (stalking); at pinansyal na pang-aabuso, tulad ng pagbawi ng sustentong pinansyal.

Dahil sa ganitong mga karahasan sa kababaihan, may dalawa nang pandaigdigang araw ng kababaihan na ginugunita sa buong mundo bilang paalala na ang mga kababaihan ay taong may dangal at hindi dapat dinadahas. Ang una at mas kilala ay ang International Women's Day tuwing Marso 8, at ang ikalawa'y ang International Day for the Elimination of Violence Against Women tuwing Nobyembre 25. Sa dalawang ito'y mas madugo ang kasaysayan ng Nobyembre 25.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day tuwing Marso 8 ay unang idineklara sa ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng Manggagawang Kababaihan sa Copenhagen na dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa labimpitong bansa. Ipinanukala ito ni Clara Zetkin ng Social Democratic Party sa Alemanya na magkaroon ng ispesyal na araw para idulog ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang mga karapatan.

Ang Nobyembre 25 naman ay idineklara ng United Nations (UN) noong 1999 bilang paggunita sa tatlong pinaslang na magkakapatid na babaeng Mirabal. Noong Nobyembre 25, 1960, sa utos ng diktador na si Rafael Trujillo ng Dominican Republic ay pinaslang sina Patria Mercedes Mirabal, María Argentina Minerva Mirabal at Antonia María Teresa Mirabal. Ang magkakapatid na babaeng ito'y nakibaka upang wakasan ang diktadurya ni Trujillo. Mula 1981 ay ginugunita ng mga aktibista para sa karapatan ng kababaihan ang Nobyembre 25 bilang paggunita sa tatlong babaeng ito. At noong Disyembre 17, 1999, idineklara ng UN General Assembly ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Mula rito'y itinatag na rin ng mga kababaihan ang 16 Days of Activism Against Gender Violence mula Nobyembre 25 (International Day for the Elimination of Violence Against Women) hanggang Disyembre 10 (International Human Rights Day) upang simbolikong idiin na ang mga karahasan sa kababaihan ay paglabag sa karapatang pantao.

Matatamaan na rin sa 16 na araw na ito ang Nobyembre 29 na kilalang International Women Human Rights Defenders Day, at Disyembre 6 na anibersaryo naman ng Montreal Massacre, kung saan pinaslang noong Disyembre 6, 1989 ang labing-apat na kababaihan sa Engineering Building ng École Polytechnique sa Montreal sa Canada.

Ang mga makasaysayang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi dapat kababaihan lamang ang gumugunita kundi ang mga kalalakihan din. Pagkat meron din silang inang pinagkautangan ng buhay, asawang nagbigay ng kanilang mga anak, mga kapatid na babae, anak na babae, at mga kaibigang babae. Anupa't kalahati ng buong mundo'y pawang kababaihan.

Kaya hindi lamang tuwing Marso 8 dapat maging aktibo sa pakikibaka ang mga kababaihan kundi sa Nobyembre 25 din, at sa 16 na araw mula rito hanggang Disyembre 10, upang igiit, kilalanin at respetuhin ang kanilang mga karapatan. Sana, sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito’y mabawasan na ang mga karahasan sa kababaihan, lalo na sa mga bata. Ang pagsasabatas ng Republic Act No. 9262 (2004) o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act ay isa nang malaking hakbang upang bigyang proteksyon ang mga kababaihan at kanilang mga anak na nakararanas ng pang-aabuso o karahasan. Kailangang tumungo sa karapatang pantao at pagrespeto sa kapwa ang oryentasyon ng lahat sa kababaihan. At higit sa lahat, hindi dapat masayang ang mga araw ng paggunitang ito sa mga kababaihan sa buong mundo at sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito upang kilalanin ang karapatan ng kababaihan sa buhay, dignidad, at pantay na pagtrato. Itigil na ang mga karahasan sa kababaihan!

Hustisya kay Given Grace at sa lahat ng mga babaeng biktima ng karahasan!

Mabuhay ang ating mga ina, asawa, kapatid at anak na babae! Mabuhay ang mga kababaihan!

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri


MGA AGOS SA DISYERTO: ISANG PAGSUSURI
ni Greg Bituin Jr.

Ang pag-alon ng Mga Agos sa Disyerto ang nagbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at kabataan. Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Sa mga manunulat na ito'y tanging si Ordoñez pa lang ang aking nakadaupang-palad at nagbigay sa akin ng huli niyang libro ng mga tula sa launching nito.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Mabisa ang mga paglalarawan sabuhay ng karaniwang tao. Lumitaw ang grupong Mga Agos sa Disyerto sa panahong tigang ang panitikang Pilipino sa mga agos ng totoong nangyayari sa lipunan, sa panahong pulos pag-iibigan at romansa ang nangingibabaw na panitikan, dahil ito ang nais ng komersyal. Binali nila ito at sinundan nila ang yapak ng mga nauna sa kanila, tulad ni Rizal na may-akda ng Noli at Fili, ni Amado V. Hernandez na may-akda ng marami ring maiikling kwento at kilalang nobelang "Mga Ibong Mandaragit" (na dumugtong sa El Fili ni Rizal) at "Luha ng Buwaya", ni Lazaro Francisco na may-akda ng nobelang satire na "Maganda pa ang Daigdig" at "Daluyong", at marami pang iba.

Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Mga kwentong hindi pumasa sa magasing Liwayway ngunit nanalo ng Palanca, at nailathala sa magasin ng kolehiyo, tulad ng The Quezonian ng MLQU.

Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil, hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng sosyalistang rebolusyon, atbp.

Ang panitikan ay nagbabago, umuunlad. At ang mga kwentista'y mas nagiging matalas na rin sa pagsusuri sa lipunan. Kung noon ay palasak sa mga kwento ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, ngayon naman ay naging tungkulin na ng mga manunulat na ilagay sa kwento ang mga pagsusuri ngayon batay sa kongkretong kalagayan ng kapitalistang lipunan. Nasapol ito mismo ni Rogelio Ordonez sa kanyang maikling kathang "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" nang kanyang tinalakay dito kung paanong ang isang bukirin ay naging pabrika, ang mga magsasaka'y naging manggagawa, pati na mga problema sa pabrika tulad ng kawalan ng umento sa sahod at ang pangamba sa pag-uunyon.

Sa ngayon, may panibagong hamon sa mga seryosong manunulat, ang ilarawan sa kanilang mga maikling kwento ang tunay na kalagayan ng mga aping sektor ng lipunan, laluna ang uring manggagawa, sa ilalim ng kapitalistang lipunang umiiral ngayon, at ang pangangailangan ng isang bagong sistemang ipapalit sa kapitalismo - ang sosyalismo. At ang mahalaga, mailathala ito sa mga magasin, at sa kalaunan ay maisalibro ito sa darating na panahon upang magamit din ng mga mag-aaral sa sekundarya at sa kolehiyo. Sa ngayon, tanging ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang tumatalakay sa sosyalismo. Nasundan ito ng mahabang tulang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng Manggagawa) (1936) ni Lino Gopez Dizon. Ngunit sa pagsingit ng kaisipang pambansang demokratiko sa panitikan ay hindi na nasundan ang mga akdang may sosyalistang adhikain, na batay sa pagkakaisa ng uring proletaryado.

Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.

Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.

Siyanga pala, maraming salamat sa isang kasamang nagbigay ng aklat na Mga Agos sa Disyerto na kabilang sa mga binigay niyang halos dalawampung aklat pampanitikan, na pawang nasa sariling wika. Mabuhay ka, kasama!

Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pandepensa sa niyuyurakan nilang pagkatao at dignidad. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "Sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang po kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban, tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Wala itong pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang alam lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil walang trabaho roon at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi kinakausap nang maayos ang mga maralita nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat usapin ng maralita, dapat tandaang magkasama lagi ang kanilang tatlong mahahalagang usapin - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay, pinalayas pa, inilayo pa sa trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya tiyak na lalong gutom at kahirapan ang inaabot ng mga maralitang pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city housing dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na sa market value nakabatay ang halaga ng pabahay, dapat ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad. Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, dalawang libong piso (P2,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P200 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Kinikilala pa ba ng kasalukuyang lipunan na ang mga maralita’y mga tao ring tulad nila? Kung laging etsapwera ang maralita, nararapat lamang magkaisa sila’t lumaban at tuluyan nang baguhin ang mapang-aping lipunang ito. Dapat magkaisa ang lahat ng maralita bilang iisang uri at lusawin na ang konseptong demolisyon at relokasyon!

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang magkakasakitan, masasaktan din ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatang mabuhay ng may dignidad.

Huwebes, Oktubre 20, 2011

Ang FASAP at ang Baligtaring Hukuman

ANG FASAP AT ANG BALIGTARING HUKUMAN
ni Greg Bituin Jr.

Nanalo na sa korte nitong Setyembre 7, 2011 ang 1,400 myembro ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) ang labintatlong taon ng pakikibaka at paghahanap ng katarungan. Ilegal ang pagsibak sa trabaho ng 1,400 manggagawa ng PAL at dapat silang i-reinstate at mabayaran. Pabor sa FASAP ang desisyon, at ito'y "final and executory", pinal na at hindi na pakikinggan pa ang anumang apela dito. Ngunit sa isang iglap lamang, sa pamamagitan ng isang liham ng abogado ng Philippine Airlines (PAL) na si Atty. Estelito Mendoza sa Korte Suprema, ang desisyong "final and executory" ay biglang nabalewala. Binawi agad ng Supreme Court en banc ang naunang desisyon ng Second Division ng Korte Suprema na nagdedeklarang ilegal ang pagsibak ng PAL sa 1,400 flight attendants noong 1998.

Huling balwarte ng demokrasya ang turing sa Korte Suprema, ngunit sa pagbawi nito sa desisyon ng 2nd Division, tunay na nabahiran ang pangalan at dangal ng Korte Suprema. Nang dahil sa sulat ng abogado ng ikalawang pinakamayamang tao sa bansa, kaybilis magpasiya ng Korte Suprema. Sa napakabagal na hustisya sa mga mahihirap sa Pilipinas, napakabilis ng hustisya kay Lucio Tan. Hindi maiiwasang magduda kung may umikot ngang milyong-milyong pisong salapi sa kasong ito. Aba'y pag mahirap, kaybagal ng hustisya. Magbibilang pa ng ilang taon sa kulungan bago mapalaya sa isang kasong di pala nila nagawa.

Tagapagtanggol nga ba talaga ng naghaharing uri, ng mga elitista't mayayaman ang hukuman? Nakapagtataka bang laksa-laksang mahihirap ang nakakulong kaysa mayayaman?

Sa liham ni Estelito Mendoza, kinwestyon nito ang komposisyon ng Second Division na naglabas ng resolusyon. Wala na raw kasi ang lahat ng myembro ng Third Division na unang humawak at nagdesisyon sa kaso. Ikinagalit ito ng mga kasapi ng FASAP, kaya agad silang nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema noong Oktubre 12 upang kondenahin ang pagbawi ng Supreme Court en banc sa naunang desisyon ng Supreme Court Second Division. Ngunit dahil napakahaba ng pisi ng mga kasapi nito, nakapag-file pa rin sila ng Motion for Reconsideration. Sa inihaing petisyon ng FASAP, hiniling nila na ibasura ang SC en banc resolution na may petsang October 4, 2011.

Ang desisyong pabor sa mga manggagawa ng PAL ay naging bato pa. Nakapagdududa pa bang kampi sa kapitalista maging ang hudikatura? Iisa lang sila ng uri. Nagpapatunay lang itong sa ilalim ng kapitalistang sistema ng lipunan, hindi pagkamakatao ang umiiral kundi ang kaganiran ng kapitalista sa tubo. Umiikot ang salapi. At ito ang masakit. Gaano man katindi at kahaba ng pasensya ng manggagawa upang ipaglaban ang kanilang karapatan, nanalo na sila, pabor na sa kanila, “final and executory” na ang desisyon sa kanila, ngunit nababaligtad pa. Napakayamang kapitalista kasi ang kanilang kalaban. Ikalawang pinakamayaman sa buong Pilipinas.

Kung nangyayari ito sa mga manggagawa ng PAL, na nakibaka talaga sa labanan sa korte, paano pa ang mga mahihirap na naghahanap ng hustisya, ngunit walang pambayad sa korte? Hindi ito makataong lipunan. Walang hustisya para sa manggagawa hangga’t itong mga kapitalista ang nakapangyayari sa ating lipunan. Walang hustisya sa mga maralita hangga’t kapitalismo ang sistema. Parang Divisoria na pati ang Korte, kung sino ang may pambayad, sila ang nananalo. Kung sino ang mas malaki ang bayad, sila ang nagwawagi. Nakapagtataka pa bang mas marami ang mahihirap na nakakulong, at ang mga mayayamang nakulong ay nakalalaya na. Hindi ito makatarungan. Dapat mabago mismo ang sistema. Dapat itayo ang totoong lipunang makatao na magtitiyak na walang maiitsapwera, na ang hustisya ay para sa lahat.

Ang nangyari sa FASAP ay eye-opener para sa marami na wala tayong maaasahan sa ilalim ng kapitalistang lipunan kundi lalo’t lalong kahirapan at pagdurusa. Panahon na para wakasan ang ganitong klase ng sistema, at itayo na ang isang lipunang makatao.

Miyerkules, Oktubre 19, 2011

Ang Nagwawalanghiya Pa ang Pinagpapala

ANG NAGWAWALANGHIYA PA
ANG PINAGPAPALA
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinipsip nila ang ating lakas-paggawa
na madalas ay di binabayarang tama
ibinabaon tayo sa pagiging dukha
kahirapan pa natin ay pinalalala

pag nalugi naman ang kanilang kumpanya
manggagawa'y sisisihin dahil nagwelga
pinagpapala pa'y mga kapitalista
ng gobyernong kauri nila sa burgesya

pag ang bansa'y nagkaproblema sa panggugol
obrero'y tanggal, buhay ng dukha'y sasahol
pag may krisis, bangko pa ang pinagtatanggol
sa kapitalista'y di sila makatutol

bakit ba yaong mga nagwawalanghiya
ang siyang sa mundong ito'y pinagpapala
kapitalista'y sinambang tila Bathala
habang itsapwera ang manggagawa't dukha

globalisasyon ang lumikha nitong krisis
obrero'y unti-unti nilang tinitiris
karapatan ng masa itong pinapalis
turing ng kapitalismo sa masa'y ipis

habang mga bangkong tuloy sa pagkalugi
tutulungan ng gobyernong mapagkandili
di sa kanyang mamamayan, kundi sa imbi
tila sumumpang bangko'y tutulungan lagi

kapitalismo nga'y walanghiya't kaysakim
sa puso'y dumuduro't nagdulot ng lagim
sa bituka nati'y gumuguhit, matalim
hanggang magsuka tayo ng dugong nangitim

palitan na natin itong sistemang bulok
sa pagbabago lahat tayo'y magsilahok
mga sektor, dukha, babae, tagabundok
uring manggagawa'y ilagay na sa tuktok