Martes, Agosto 23, 2011

Paalam, Edith Tiempo at Kerima Polotan


The socialist literary group Maso at Panitik is one with the Filipino literary community in mourning the death of two noted Filipino female writers over the weekend. They left the Philippine literary community with deep sadness.

National Artist for Literature Edith Tiempo passed away late afternoon August 21, 2011 at the age of 92, while Palanca awardee and journalist Kerima Polotan Tuvera died August 19, 2011 at the age of 85.

Tiempo’s published works include the novel A Blade of Fern (1978), His Native Coast (1979), The Alien Corn (1992), One, Tilting Leaves (1995) and The Builder (2003); the poetry collections, The Tracks of Babylon and Other Poems (1966), and The Charmer’s Box and Other Poems (1993); and the short story collection Abide, Joshua, and Other Stories (1964). Her works have won numerous prizes from the Don Carlos Palanca Awards in Literature, the CCP literary contest, and the Philippine Free Press literary contest.

Polotan was the most awarded writer among her contemporaries at one time. She won the Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature for her short stories “The Virgin” (1952), “The Trap” (1956), “The Giants” (1959), “The Tourists” (1960), “The Sounds of Sunday” (1961) and “A Various Season” (1966).

Pahayag ng grupong MASO AT PANITIK sa Buwan ng Wika 2011

IPAGPATULOY ANG PAGPAPALAGANAP
NG SOSYALISTANG PANITIKAN SA SARILING WIKA

Ang sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK ay nagpupugay sa lahat ng mga sosyalistang manunulat sa kasaysayan, mga Pilipino man sila o mula sa ibang bayan.

Ang tema ng Buwan ng Wika 2011 ay "Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas". Kaya bilang mga sosyalistang manunulat, naniniwala kami sa Maso at Panitik na sa pamamagitan ng Wikang Filipino ay maipatagos sa sambayanan ang panitikang sosyalista, lalo na yaong tumatalakay sa mga isyu ng lipunan at sa adhikaing pagbabago tungo sa isang lipunang sosyalismo dahil naniniwala kaming ang sosyalismo ang tuwid na landas. Ang Buwan ng Wika ay isang pagkakataon upang ipakita ang galing ng bawat sosyalistang manunulat sa pagkatha at pagpapalaganap ng sosyalistang panitikan na amin nang nasimulan.

Ang wika ang sinasabing diwa ng ating pagkatao at kaluluwa ng isang bansa, na ating gamit sa pakikisalamuha at pakikipagtalastasan sa ating kapwa. Nagsisilbi itong tulay na nag-uugnay sa atin sa ating mga karatig na pamayanan at sa ating mga kababayan. Kaya tayo'y nagkakaisa at nagkakaunawaan. Gayundin naman ang panitikan na siyang daluyan ng wika.

Bilang mga sosyalistang manunulat, naninindigan kaming may matatawag na tayong sosyalistang panitikan sa sariling wika. Nilingon namin ang mga akda ng mga yumaong manunulat at lider-manggagawa, tulad ng sosyalistang nobelang "Banaag at Sikat" ni Lope K. Santos, ang mga akda nina Hermenegildo Cruz, Amado V. Hernandez, Lazaro Francisco, mga maikling kwento ng grupong Mga Agos sa Disyerto, hanggang sa sosyalistang akdang "Puhunan at Paggawa" ni Filemon Lagman, na nag-iwan ng mapagpalaya't matitinding bakas upang ipagpatuloy namin ang pagsusulong ng panitikang sosyalista.

Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pangangampanya tungo sa lipunang sosyalismo. Kaya nararapat lamang na organisahin ang mga aktibistang manunulat at makata upang makapag-ambag sa pagsulong ng sosyalistang literatura sa buong bansa, kundi man sa buong daigdig.

Bilang pagkilala sa Buwan ng Wika, naninindigan kami sa Maso at Panitik na ipagpapatuloy namin ang pagsusulong ng panitikang sosyalista sa sariling wika sa lahat ng larangan ng panitikan, maging ito man ay tula, dula, maikling kwento, awit, sanaysay, kritisismo, nobela, iskrip-pangradyo o pampelikula, at iba pa. Ipagpapatuloy namin ang pagtitipon ng mga akdang sosyalista na sa kalaunan ay aming ilalathala, upang ang nasa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ay mamulat na dapat baguhin ang sistemang naging dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Patuloy naming gagamitin natin ang Wikang Filipino sa pagmumulat hinggil sa kalagayan ng kasalukuyang lipunan at paninindigan sa mga isyung nakakaapekto sa sambayanan.

Ngayong Buwan ng Wika, magpapatuloy kami sa Maso at Panitik sa adhikaing ipalaganap ang sosyalistang panitikan sa puso't diwa ng bayang naghihirap. Magpapatuloy kami sa aming tungkuling pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan at pagtalakay sa pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.

(Agosto 22, 2011)

Martes, Agosto 16, 2011

BAHAY KUBO 2011 Version.... - ni Gina Sy-Luna

BAHAY KUBO 2011 Version....
Gina Sy-Luna, mula sa facebook

Bahay Condo, kahit munti
ang mga Gadgets doon ay sari sari
Flat screen na TV, Blu-Ray DVD
.........IPOD, IPAD, IPHONE.

Laptop na malaki, Laptop na maliit
at saka meron pa, portable MP3
Digicam, Videocam, WIFI at HD
sa paligid - ligid ay puno ng .... Chargeeeerrrr! :)

Miyerkules, Agosto 3, 2011

Sa Dulo ng Pakikibaka - ni Noel Manzano

SA DULO NG PAKIKIBAKA
Noel Manzano

Batid ko ang hirap ay di madaling masupil
Kahit lakas paggawa'y ialay hanggang huling butil
Sapagkat silang namumuhunan ay sobra ang sutil
Patuloy ang opresyon, sa buhay siyang kumikitil.

Balangkasin ang isang makatuwirang paniningil
Dinaranas ng maralita ay dapat ng matigil
Kapitalismong hayok sa dugo'y tanggalan ng pangil
Wakasan ang pang-aapi't marahas na paniniil.

Ang maso'y nakahanda upang tanikala'y matanggal
Nang aliping sahuran sa kamay ng iilang hangal
Huwag papasilaw sa kanilang pagpapakabanal
Sapagkat tanging tubo lang ang kanilang pinagdarasal.

Ang karet ang panghaharibas sa lahat ng sagabal
Sa sosyalismong lipunan na magtataas ng dangal
Nang manggagawa't maralitang hantungan ng kalakal
Na tanging nakikinabang, Imperyalistang nananakal.

Sa dulo ng pakikibaka ang tanging magtatanggol
Kundi aping uri sa naghaharing uri hahabol
Walang magpapabagsak sa kapitalismo, susukol
Kundi rebolusyunaryong hukbo ang siyang hahatol.

Martes, Agosto 2, 2011

Manggagawa - ni Anthony Barnedo

Manggagawa
ni Anthony Barnedo
July 1, 2011
16:00

Natataranta ang mga paa sa paghahabol ng oras,
Nagkakarera sa pagsibol ng umaga.

Sa paghaplos ng haring araw sa mga balat
Na nagkakaisang kahit ano pang kinis nito’t gaspang
Pagsasamantalahan ka ng init,
Susunugin,
Papasuin.

Walang pakundangan ang bawat minuto
ng walong oras mong sumusobra
Sa pabrika,
Sa mga fast food,
At nakakalulang mga mall.

Ang mga galaw ay parang robot na de baterya
At kahit ga’no pa ang pagpatak ng pawis
ay walang katumbas na halaga.

Mabuti kung ang lipunan ay nagiging patas
Sa pagtingin at trato sa mayaman at mahirap.

Mabuti kung ang manggagawa’y lagi ng may tagapakinig
Sa libro de kwenta ng kanyang kalayaan at karapatan.

Dumarating sa puntong kailangan niyang dumaing
Nananakit ang balikat at kasukasuhan,
Nagkakapalang kalyo sa bawat detalye ng palad.

At ang mga paa
Patuloy na tumatakbo,
Naghahabol,
Nakikipagkarera sa buhay
Sumasalo ng buong bigat at paghihirap.

Manggagawa
Isa siyang manggagawa
Nagpapatakbo ng makina
Hindi pinapatakbo ng makina
Hinding hindi.

Paglayang Nasayang - ni GBJ

PAGLAYANG NASAYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(Namatay sa sakit na kanser ang bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero, 63, noong Hulyo 15, 2011. Nilagdaan naman ni Pangulong Noynoy Aquino ang release paper ni Umbrero noong Hulyo 19, apat na araw pagkamatay ni Umbrero.)

huli na ang lahat, Noynoy Aquino
huli na pagkat ang pinalaya mo
sa una mong presidential clemency
ay ilang araw nang naililibing

di ko alam, 'yan ba ang utak-wangwang
na laging huli't palpak ang dulugan
noon pa dinulog ang kasong iyan
ngunit di naman agad inaksyunan

level 4 na ang kanser ni Umbrero
tanging hiling niya, Noynoy Aquino
ay makasama ang kanyang pamilya
sa nalalabi pang araw sa mundo

ngunit bigo siya, binigo siya
ng pangulong ayaw ng utak-wangwang
ilan pa, Noynoy, ang bibiguin mo
ilan pa ang mabibigo sa iyo

namatay siyang bigong makasama
sa huling araw ang kanyang pamilya
presidential clemency mo'y wala na
sayang pagkat iyon ang iyong una

tularan mo ang ina mong butihin
bilanggong pulitikal, palayain
paulit-ulit itong aming hiling:
BILANGGONG PULITIKAL, PALAYAIN!

Miyerkules, Hulyo 27, 2011

Ang Palaruan - katha ni Alex Castro

ANG PALARUAN
katha ni Alex Castro

Pagsikat ng araw sa mumunting palaruan
Nagmamadaling lumuwas sa bahay-bahayan
Suot ng tsinelas, almusa'y kinalimutan
Mga manlalaro'y sabay-sabay nagtakbuhan

Parang mga langgam, nagsiakyatan sa bundok
Nalunod sa tawanan, sigawan, at kantahan
"Tunay na laro'y magsisimula na, kalahok
Hablot ng sako't paramihan ng kayamanan"

Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot
Isa, dalawang kilo, punuin lang ang sako
Naghalo na ang pawis at ang dumi ng bundok
Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot

Paglubog ng araw sa mumunting palaruan
Isang mumunting bundok na pinagbubungkalan
Pagod naglakad palayo, mga kabataan
Bitbit ang mga sako ng ginto't kayamanan

Isang silip sa sako na agad pinatitimbang
Ginto't kayamanan pala ay basura lang
Sa palaruan ay isang mayamang nilalang
Sa palaruan lang isang mayamang nilalang

Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot
Ang takbo ng araw ay hindi na nagbago
Iisa na ang buhay ng bata at ng bundok
Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot

ang tulang ito'y ipinasa ni Primo Morillo ng Sanlakas-Youth sa pamamagitan ng facebook, mula sa https://www.facebook.com/photo.php?fbid=238065946217435&set=a.214401385250558.63985.100000420938015&type=1&theater

Biyernes, Hulyo 15, 2011

Maso at Panitik's solidarity message to KPML's 4th National Congress

MASO AT PANITIK
http://masoatpanitik.blogspot.com, masoatpanitik@gmail.com

Poetry should also contain steel and poets should know how to attack. ~ Vietnamese revolutionary leader Ho Chi Minh

Kami sa sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK ay taas-kamaong nagpupugay sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdaraos nila ng kanilang Ika-4 na Pambansang Kongreso nitong Hulyo 16, 2011 sa KKFI Gymnasium sa P. Paredes St., Sampaloc, Maynila.

Ang MASO AT PANITIK ay samahan ng mga makata’t aktibistang alagad ng panitikan na nagsusulong ng kaisipang Marxismo at Leninismo sa pambansang kamalayan na ang adhikain ay ang pagtatayo ng lipunang sosyalismo. Ang tema ng aming mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng manggagawa’t maralita, pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, at pagpapalaganap ng diwang sosyalismo. Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, elitista, mayayaman, at uring kapitalista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Habang bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pakikibaka tungo sa lipunang sosyalismo. Naniniwala kami sa MASO AT PANITIK na dapat gamitin ang literatura para isulong ang kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Kaya dapat nating payabungin ang sosyalistang literatura sa ating mga kwento, awit, sanaysay, tula’t dula, di lang sa hanay ng masa, kundi sa hanay din ng akademya, media, atbp.

Napakaraming dukha ang may talento sa pagkatha, ngunit di nabibigyan ng pagkakataong ipakita ang kanilang natatanging galing, kaya narito kami sa MASO AT PANITIK upang tumulong at gumabay sa mga may talentong maralita at kabataang manunulat at makata mula sa komunidad, habang isinusulong ang pakikibaka ng maralita, kasabay ng pagpapalaganap ng diwang sosyalismo. Dapat magparami at mag-organisa ng mga magsusulong ng sosyalistang literatura sa bansa, maralita man sila, manggagawa, estudyante, kabataan, aktibista, atbp.

Payo nga ni Ho Chi Minh, dapat marunong ding umatake ang mga makata. Kaya inaatake namin ang bulok na sistema, mga elitista’t burgesyang naghahari-harian na nagpapanatili sa kabulukan ng lipunan. Kasabay ng pagkatha ang gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpopropaganda. Isa sa gabay namin ang prinsipyo ng KPML sa Saligang Batas nito, Artikulo 2, Seksyon 4: “Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.” Kaagapay ng KPML ang MASO AT PANITIK sa pagsusulong ng SOSYALISMO!

KPML, SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA!

PABAHAY, TRABAHO, SERBISYO, IPAGLABAN! MABUHAY ANG KPML!

Linggo, Hulyo 3, 2011

Di si Rizal ang Kumatha ng "Sa Aking Mga Kabata"

DI SI RIZAL ANG KUMATHA NG "SA AKING MGA KABATA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwing Agosto ay pinagdiriwang ang Buwan ng Wika, at tiyak na matatalakay muli ang kasabihang "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda." Karaniwan, ang kasabihang ito tungkol sa wika ay sinasabing mula raw sa isang tula ni Jose Rizal - ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na sinulat umano niya noong siya'y walong taong gulang pa lamang. Ito ang palasak hanggang ngayon.

Nang dumalo ako noong Hulyo 2, 2011 sa paglulunsad ng aklat na "Rizal: Makata" ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, nagkainteres akong lalo nang mabasa ko mismo sa likod ng aklat ang malaking nakasulat: Hindi si Rizal ang sumulat ng "Sa Aking Mga Kabata". Kaya mataman akong nakinig sa pagtalakay ni G. Almario habang ipinaliwanag niyang hindi kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata".

Balikan natin ang tulang "Sa Aking Mga Kabata":

Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.

Ang salita nati'y huad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.

Magaling ang pagkakatula, kabisado ng makata ang tugma't sukat. Bawat taludtod ng tula ay lalabindalawahing pantig, at may sesura sa ikaanim na pantig.

Ipinaliwanag ni G. Almario ang maraming tula ni Rizal, tulad ng "Mi Retiro" at "Ultimo Adios", pati kung paano ito isinalin. At ang huli niyang tinalakay ay ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" at sinabi nga niyang di kay Rizal ang tula. Maraming ibinigay na paliwanag si G. Almario, ngunit sapat na sa akin ang isa lang upang mapatunayan kong hindi nga kay Jose Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" - ang salitang "kalayaan".

Ayon kay G. Almario, sa liham ni Jose Rizal sa kanyang Kuya Paciano noong 12 Oktubre 1886, ipinagtapat ni Rizal ang kahirapan sa pagsasalin niya ng Wilhelm Tell, istorya ng isang bayani ng Switzerland, lalo na ang salitang Aleman na "Freiheit" o sa Kastila ay "libertad" dahil wala siyang makitang katumbas na salitang Tagalog nito. Kahit ang salitang "kaligtasan" ay di niya maitumbas sa pagsalin ng salitang "Freiheit" o "libertad". Nakita lang niya sa salin ni Marcelo H. Del Pilar ng akdang "Amor Patrio" ang salitang "malaya" at "kalayaan" bilang salin ng "Freiheit" o "libertad" kaya ito na ang kanyang ginamit.

Kung hindi alam ni Rizal ang salitang "kalayaan" bago niya isinalin ang Wilhelm Tell noong 1886, paano niya nasulat noong walong taong gulang pa lamang siya ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" (1869)? Tanong nga ni Almario, nagkaamnesya ba si Rizal kaya di niya napunang nagamit na niya ang salitang "kalayaan" sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata"? Pero ang totoo, di nagkaamnesya si Rizal kundi talagang di kanya ang tula. Pati ang pagkakasulat ng tula ay hindi kay Rizal, dahil sa orihinal na tulang nilimbag ni Hermenegildo Cruz, ang pagkabaybay ay "kalayaan" na dalawang beses sinulat sa tula, gayong sa paraan ng pagsusulat ni Rizal, dapat ito'y "calayaan" noong panahong siya'y nasa eskwelahan hanggang kolehiyo.

Pinuna pa ni G. Almario pati ang salitang "Ingles" kung bakit naroroon iyon, gayong dapat ay salitang "Griyego" ang nakasulat doon. Panahon kasi ng Amerikano nang ilathala ni Hermenegildo Cruz ang tulang iyon, kaya marahil papuri ito sa bagong mananakop para mailusot sa mga sensor na Amerikano ang tula. Ayon pa kay G. Almario, kung detektib lamang siya, tatlo ang suspek kung kanino talaga galing iyon - kay Hermenegildo Cruz, ang nagbigay dito ng tulang si G. Gabriel Beato Francisco, na ipinagkaloob naman dito ni G. Saturnino Racelis ng Lukban. Kaya kung di kay Rizal ang "Sa Aking Mga Kabata", di siya kumatha ng anumang tula sa wikang Tagalog. Lahat ng tula ni Rizal ay pawang nasa Espanyol.

Pag-uwi ko'y binasa ko ang Kabanata 9 ng aklat, na may pamagat na "Tumula Ba si Rizal sa Tagalog?" at sinaliksik ko ang mismong sinulat ni Rizal sa kanyang Kuya Paciano. Nasa wikang Ingles ang nakita ko, nasa filipiniana.net.

http://www.filipiniana.net/publication/rizal-leipzig-12-october-1886-to-paciano-rizal/12791881737302/1/0

"I lacked many words, for example, for the word Freiheit or liberty. The Tagalog word kaligtasan cannot be used, because this means that formerly he was in some prison, slavery, etc. I found in the translation of Amor Patrio the noun malayĆ”, kalayaban that Marcelo del Pilar uses. In the only Tagalog book I have — Florante — I don't find an equivalent noun. The same thing happened to me with the word Bund, liga in Spanish, alliance in French. The word tipĆ”nan which is translated in Arca de la alianza or fidelis arca doesn't suffice, it seems to me. If you find a better word, substitute it. For the word Vogt or governor, I used the translation given to Pilate, hukĆŗm. For the prose I used purposely the very difficult forms of Tagalog verbs that only Tagalogs understand."

Sa paglulunsad ng librong "Rizal: Makata" sa Filipinas Heritage Library sa Makati Avenue, nagbayad kami ng P250.00 para sa talakayan, kung saan kasama na sa binayaran ang aklat, sertipiko at meryenda. Nilathala ang libro ng Anvil Publishing. Ang paglulunsad ng libro ang handog ni G. Almario sa ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal. Kaya bawat isang dumalo ay may libro. Pinalagdaan ko iyon kay G. Almario bago kami umalis ng aking kasamang babae na naengganyong dumalo sa paanyaya ko sa facebook. Doon na kami nagkita sa venue. Marami akong inimbita sa facebook. Gayunman, sulit para sa tulad kong makata, manunulat at istoryador ang pagkakadalo ko sa talakayang iyon. Di nasayang ang pagod ko, dahil bukod sa napakarami kong natutunan, may natutunan akong bago.

Hindi pala kay Rizal at hindi pala si Rizal ang kumatha ng tulang "Sa Aking Mga Kabata", kaya tiyak malaki ang epekto nito sa Buwan ng Wika na ipinagdiriwang tuwing Agosto. Marahil, hindi na mababanggit si Rizal, at maiiwan na si Manuel L. Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa.

Mamamatay na kaya ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" ngayong nalaman nating di pala si Rizal ang totoong tumula nito?

Sa palagay ko, dahil hindi pala kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata", maraming mababago sa mga libro, at marahil unti-unti ring mawawala sa kamalayan ng madla ang tulang ito, bagamat maganda ang dalawang taludtod nitong naging gabay ko na sa aking pagsusulat at pinaghanguan ng isang palasak na kasabihan - "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda."

Lunes, Hunyo 27, 2011

Monopolyo na naman - ni Anthony Barnedo

Monopolyo na naman
Anthony Barnedo

Ang iilang naghaharing uri'y nagbabanggaan
Ang demokrasya'y kanila ng pinaglalaruan
Matira ang matibay, magdurusa ang talunan
Tiyak ang tubo sa magwawagi ang hangganan.

Kalayaan sa merkado'y tuluyang niyurakan
Mapagtagumpayan lamang ang pagiging gahaman
Piso pisong text ngunit limpak limpak ang kitaan
At may bulong bulungan, wala namang pinuhunan.

At ano 'tong gustong magpasaya sa mamamayan
Animo'y bulag sa tunay na interes ng bayan
Naturingang taga-pangalaga ng karapatan
Namumuong monopolyo'y binibigyan ng daan.

Babalik na naman bangungunot ng nakaraan
Mas grabe pa ang kahihinatnan ng sambayanan
Pagsasamantalang nagdudulot ng kahirapan
Monopolyong hatid ng imperyalistang isipan.

Halina maralita, kumilos tayo't lumaban
Pagkakaisa'y bigkisin para sa kalayaan
Manggagawa ang ating hanay lalong palakasin
Ang pang-aapi ay tuluyan na nating buwagin.

Sabado, Hunyo 11, 2011

Re: Mag-ambag sa unang literary chap book ng grupong MASO AT PANITIK

Re: Mag-ambag sa unang literary chap book ng grupong MASO AT PANITIK

MASO AT PANITIK
masoatpanitik@gmail.com, http://masoatpanitik.blogspot.com/

Hunyo 8, 2011

Mga kaibigan, kasama, kapwa makata at manunulat,

Isang maalab na pagbati!

Isa sa plano ng sosyalistang grupo ng manunulat at makata, ang MASO AT PANITIK, ay ang maglathala ng literary chap book. Ang unang chap book ay katipunan ng mga tula, sanaysay at kwento hinggil sa pagsusuri o kritik sa isang taon ng panunungkulan ni Noynoy Aquino bilang pangulo. Ang unang chap book ng sosyalistang MASO AT PANITIK ay ilalabas sa merkado sa ika-25 ng Hulyo, 2011, kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Noynoy.

Dahil po dito, kayo po ay inaanyayahang mag-ambag ng akdang pampanitikan batay sa inyong pagsusuri sa unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy. Limang tula ang maksimum na maaaring iambag ng bawat makata. Dalawang sanaysay at isang maikling kwento naman ang maksimum bawat manunulat. Ang lahat po ay pawang nakasulat sa wikang Filipino, at maaari din namang mag-ambag ng akda sa wikang Ingles, ngunit isa lamang bawat manunulat. Kung nais nyo namang maunawaan ang tugma't sukat sa pagtula, nagbibigay ng pag-aaral na tinatawag na STSPK (Seminar sa Tugma't Sukat para sa mga Progresibong Kilusan) ang grupong MASO AT PANITIK. Maaari kayong magpa-iskedyul.

Mangyaring pakipasa ang inyong tula sa email na masoatpanitik@gmail.com at sa aklatangobrero@gmail.com. Ang huling petsa ng pasahan (deadline) ay sa Hulyo 20, 2011, upang bigyang puwang pa ang pagta-type, pag-edit, pag-layout at paglalathala ng chap book.

Inaasahan po namin ang inyong maagap na pagtugon upang makasama ang inyong sulatin sa unang chap book ng grupong MASO AT PANITIK. Maraming salamat.


GREG BITUIN JR.
Kasaping Tagapagtatag at Pasimuno, MASO AT PANITIK

Martes, Enero 4, 2011

Ang Tula Bilang Propaganda - ni GBJ

ANG TULA BILANG PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan ay sinabi ng dakilang lider at rebolusyonaryong Vietnamese na si Ho Chi Minh, "Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." Kung paglilimiang mabuti ang mga katagang ito, sinasabi ni Ho Chi Minh na ang makata'y di lang tagahabi ng mga kataga o nagtatahi lang ng mga salita. Ang makata'y isa ring mandirigma. Ibig sabihin, dapat di pulos mabulaklak na salita, kundi bakal na tagabandila rin ng katotohanan na umaatake sa bulok na sistema ang dapat mamutawi sa mga titik ng kanyang mga tula.

At sino ang dapat atakehin ng makata? Ang mga naghaharing uri ba o ang mga inaaping uri? Kanino siya magsisilbi? Marahil ang makata'y mas magiging kakampi ng inaaping uri. Dahil wala namang pera sa tula. Sino ba namang tangang kapitalista ang mamumuhunan sa tula gayong alam naman niyang malulugi siya rito? Pagtutubuan ba ng uring elitista ang mga tula ng makata? Hindi. Bihira, kundi man kakaunti lang ang bibili nito kaya tiyak ang kanilang pagkalugi.

Kung hindi kakampi ng naghaharing uri ang makata, kakampi ba siya ng inaaping uri? Ang kanyang mga tula, palibhasa'y nasa anyo ng tugma't sukat, lalo na kung matalinghaga na siyang isang katangian ng tula, ay maaaring di basahin ng dukha o ng mga manggagawa dahil marahil mahihirapan silang arukin ang mga ito pagkat di ito ang karaniwan nilang sinasalita sa araw-araw. Baka isnabin lang nila ito't ituring ding elitista ang makata. Kaya saan susuling ang makata? Nasa kanya ang desisyon. Ngunit dahil sa mapanuligsang katangian ng makata sa mga nangyayaring di dapat sa bayan, mas mapapakinabangan siya ng aping uri upang mapalaya ang mga ito sa kanilang kaapihan. Kaya may mga makatang aktibista. Gayunman, marami ang nangingimi, o marahil ay naiirita, sa mga nililikhang tula ng mga aktibista. Di daw sila sanay magbasa ng tula, dahil hindi ito pangkaraniwan, at nauumay sila sa tugma nito't sukat. Kaya nagkakasya na lamang sila sa pagbabasa ng mga prosa o akdang tuluyan.

Ngunit ang tula'y pangmatagalan, panghabampanahon, di tulad ng mga polyetong pinapakalat na ang buhay ay nakadepende sa lumitaw na isyu sa kasalukuyan, na pagkatapos maresolba ang isyu ay sa bentahan ng papel, kundi man sa basurahan, ang tungo ng mga polyeto. Ang tulang "Mga Muog ng Uri" na isinulat ni Amado V. Hernandez sa kulungan ng Muntinlupa noong Mayo 1952 ay nalathala sa libro, habang wala ka nang makikitang mga polyetong ipinamahagi noong APEC Conference sa Pilipinas noong 1996. Ang tulang "Manggagawa" ng makatang Jose Corazon de Jesus na isinulat noong bandang 1920s (1932 namatay ang makata) ay nagawan pa ng kanta, habang ang mga polyeto noong Pebrero 2006 laban sa pagrereyna ni Gloria Macapagal-Arroyo ay di mo na makita ngayon. Wala ka na ring makitang kopya ng paid advertisement ng mga manggagawang bumuo ng UPACC (Union Presidents Against Charter Change) sa Philippine Daily Inquirer noong Mayo ng 1997 o 1998 (di ko na matandaan ang taon).

Makikita pa ang kopya ng mahabang tulang "Epiko ni Gilgamesh" sa napreserbang 12 tabletang luwad mula sa koleksyon ng aklatan ni Haring Ashurbanipal ng ika-7 siglo BC. Ito'y orihinal na pinamagatang "Silang Nakakita ng Kailaliman" (Sha naqba imuru) o Paglaktaw sa Iba Pang mga Hari (Shutur eli sharri). Ang mahahabang epikong tulang Iliad at Odyssey ni Homer ay buhay pa rin ngayon. Sa Pilipinas, naririyan ang dalawang mahahabang tulang tumatalakay sa isyu ng bayang sawi dahil sa mga naghahari-harian sa lipunan, "Florante at Laura" ni Balagtas, at ang "Sa Dakong Silangan" ni Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus). May maiikli rin namang mga tula, tulad ng walang kamatayang "The Raven" at "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe, mga tula ng komunistang si Pablo Neruda, ang "Invictus" ni William Ernest Henley, ang "Manggagawa" at "Bayan Ko" ni Jose Corazon de Jesus, "Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan" ni Amado V. Hernandez, at "Republikang Basahan" ni Teodoro Agoncillo. Nariyan din ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na pinagmulan ng kasabihang "ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”, ngunit ayon sa makabagong pananaliksik ay di pala akda ni Gat Jose Rizal ang naturang tula (nasa aklat na "Rizal: Makata" na akda ni national artist Virgilio S. Almario ang tungkol dito).

Narito ang birtud ng tula bilang isang makasaysayang sining at tagabandila ng kultura ng sibilisasyon noon pang una. Ipinipreserba nito ang kasaysayan, kaisipan, damdamin at paninindigan ng mga una pang tao sa pamamagitan ng tula. Di lang ang iniisip ng mga tao noon, kundi kung ano ang karanasan ng kanilang bayan at nararanasan ng kanilang mamamayan. Ang ganitong preserbasyon ng mga tula ng mahabang panahon ang isa sa mahalagang katangian ng tula na makasaysayan at kapaki-pakinabang para sa mga susunod na henerasyon.

Sa Pilipinas, nagtunggalian noon ang Sining-para-sa-Sining (art for art's sake) na kinakatawan ni Jose Garcia Villa laban sa aktibismo sa panitik na kinakatawan naman ni Salvador P. Lopez. Ito, sa pakiwari ko, ang pulso ng debate hinggil sa form versus content, o anyo laban sa nilalaman. Debateng maaari namang pag-ugnayin at hindi paghiwalayin. Maaari namang magtugma't sukat, o laliman ang talinghaga, kahit na pulitikal ang nilalaman, upang hindi ito lumabas na nakakaumay sa panlasa ng mambabasa. Kailangang mas maging mapanlikha o creative pa ang makata upang basahin at pahalagahan ang kanyang katha.

Sa sirkulo ng mga aktibista't rebolusyonaryo sa kilusang kaliwa, ang pagtula ay isang obra maestra ng makata, lalo na yaong nasa mga pook ng labanan, sa sonang gerilya man iyan, sa pabrika, sa dinemolis na erya ng iskwater, sa pangisdaan, maging sa paaralan. Ang tula'y kanyang kaluluwa, kakabit ng kanyang pagkatao, at hindi isang libangan lang. Ang tula’y propaganda upang patagusin sa kamalayan ng masa ang paninindigan ng makata.

Nagmula ang salitang "propaganda" sa Congregatio de Propaganda Fide, na ang ibig sabihin ay "congregation for propagating the faith," o "kongregasyon para sa pagpapalaganap ng pananampalataya", isang komite ng mga kardinal na itinatag noong 1622 ni Gregory XV upang pangasiwaan ang mga misyon sa ibayong dagat. Nagbago ang kahulugan nito noong Unang Daigdigang Digmaan, at nagkaroon ng negatibong kahulugan. Gayunman, ang tunay na kahulugan nito ang ating ginagamit ngayon - pagpapalaganap ng kaisipan o paniniwala.

Dahil para sa mga makatang mandirigma, ang tula'y armas sa propaganda, armas ng pagmumulat sa masa, sandata upang mulatin ang uring manggagawa sa kanyang mapagpalayang papel upang palitan ang sistemang mapang-api at mapagsamantala. Ang tula'y kasangkapan ng makatang proletaryado laban sa burgesya at naghahari-harian sa lipunan.

Sa ngayon, naitayo ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK noong Setyembre 2010 ng ilang mga mapangahas at makatang aktibista na layuning dalhin ang ideolohiyang sosyalista sa panitikang Pilipino. Lumikha na rin sila ng blog para sa layuning ito.

Nauna rito'y prinoyekto ng Aklatang Obrero Publishing Collective na tipunin ang mga nagawa nang tula, maikling kwento't sanaysay na tinipon ng mga nasa panig ng RJs. Nailathala na ang tatlong tomo ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa mula 2006 hanggang 2008, dalawang tomo ng KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita mula 2007 hanggang 2008, at ang unang aklat ng TIBAK: Katipunan ng Panitikang Aktibista noong 2008. Walang nailathalang aklat na MASO, KOMYUN at TIBAK nitong 2009 at 2010, dahil bukod sa kakapusan ng pinansya, ay dahil sa kakulangan ng akda ng mga literati, tulad ng makata at manunulat ng maikling kwento, sa kilusang sosyalista. Ang mga susunod na tomo ng mga aklat na ito'y poproyektuhin na ng grupong Maso at Panitik sa pakikipagtulungan sa Aklatang Obrero. Kaya asahan ng uring manggagawa at masa ng sambayanan ang muling paglilimbag ng MASO, KOMYUN at TIBAK.

Higit pa sa metaporang pagkausap sa mga buwan, bituin, paruparo at bulaklak, at tigib ng damdaming panaghoy ng pag-ibig ang tungkulin ng tula. Pagkat ang tula bilang propaganda ay pagmumulat ng mga natutulog na isipan, o ng mga walang pakialam sa mga nangyayari sa lipunan. Ngunit di naman lahat ay nagbabasa ng tula, kaya dapat maging mapanlikha ang mga sosyalistang makata. Ang mga tula nila'y maaaring gawing awitin, o kaya naman ay bigkasin sa mga rali, sa harap ng mas maraming nagkakatipong manggagawa't aktibista. Halina’t suriin natin ang ilan sa mga walang kamatayang saknong at taludtod sa panulaang Pilipino, na nagsilbi upang mulatin ang maraming Pilipino sa kalagayan ng lipunan at mapakilos sila tungo sa pagbabago.

Maraming manghihimagsik ang namulat sa kalagayan ng bayan nang mabasa ang ilang saknong ng Florante at Laura, tulad ng:

“Sa loob at labas / ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang / nangyayaring hari
Kagalinga’t bait / ay nalulugami
Ininis sa hukay / ng dusa’t pighati.”

Ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, na binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod, ay tigib ng pagpupugay sa lumilikha ng yaman ng bansa, ang mga manggagawa.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus
16 pantig bawat taludtod

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Mapagmulat. Maraming tulang nagsasalaysay na ang tingin ng marami ay simpleng maikling tulang nagsalaysay lamang sa ilang pangyayari, ngunit pag niliming maigi ay mapapansin ang hiyas ng diwang naglalarawan na pala ng tunggalian ng uri sa lipunan. Sa sumusunod na tula’y inilarawan ang konseptong baluktot na lumukob na sa madla, ngunit sa pamamagitan ng ilang taludtod lamang ay nagwasak sa kasinungalingan ng mga ideyang pilit isinaksak ng naghaharing uri sa dukha.

MGA TAGA-LANGIT
ni Gat Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod

“Saan ako galing?” ang tanong ng anak,
“Galing ka sa langit” ang sagot ng ina;
“Ang tatang at ikaw, taga-langit din ba?”
“Oo, bunso, doon galing tayong lahat.”
“Masarap ba, inang, ang buhay sa langit?”
“Buhay-anghel: walang sakit, gutom, uhaw,
walang dusa’t hirap, walang gabi’t araw,
abot ng kamay mo ang balang maibig.”

Bata’y nagtatakang tanong ay ganito:
“Kung tayong mag-anak ay sa langit mula
at ang buhay doo’y kung pulot at gata
bakit nagtitiis tayo sa impyerno?”
Sa gayon, ang tanging panagot ng ina,
ay isang malalim na buntong-hininga.

Napakasimple ng tula ni Gat Amado, ngunit tumatagos sa isip at puso ang kamalian ng mga ideyang burgis. Sadyang mapagmulat. Ang bata mismo’y nagtataka kung galing nga ba tayo sa langit? O ang langit na sinasabi’y ang tinatamasa ng mga naghaharing uri sa lipunan, ang buhay na pulot at gata. Bakit ba tayo pinabayaan ng langit na sinasabi at dito sa mundo’y pulos hirap. Sadya ngang higit pa sa pagdala ng makata sa pedestal ng pagsinta sa nililiyag ang tungkulin at katangian ng tula. Bagkus ito mismo’y kasangkapan ng aping uri upang mamulat ang mas marami pang kababayang naghihirap. Hindi lang pagtalakay ng isyu, hindi lang paglalarawan ng nagaganap sa lipunan, bagkus ay nagpapaliwanag at nangungumbinsi sa uring api na hindi permanente ang kalagayan ng dukha, na may sisilay pang panibagong sistemang magbabalik sa dangal ng tao, maging siya man ay dukha o petiburges. Kailangang wasakin ang mga baluktot na kaisipang nagpapanatili ng kamangmangan ng tao, tulad ng paniniwala sa pamahiin, mitolohiya at burgis na advertisements. Kailangang baligtarin natin ang mga kaisipang nakaangkla sa pagkamal ng tubo, imbes na sa pagpapakatao.

Malaki ang papel ng pulitika at ekonomya sa buhay ng tao. Mula pa pagkabata'y sakop na siya ng paaralan, alituntunin ng pamahalaan, kabuhayan, lipunan at kalinangan. Minomolde ng panitikan bilang bahagi ng kalinangan ng isang bansa ang kaisipan ng tao. Nariyan ang sanaysay, tula, dula, maikling kwento, na hindi lamang mababasa sa libro, kundi maririnig sa radyo at mapapanood sa telebisyon, sinehan, DVD, at mga balita't dokumentaryo sa mas malawak na saklaw. Alam ng makata na hindi nahihiwalay ang kanyang mga tula sa lipunan.

Ang tula bilang propaganda ay pagmumulat. Tagabandila na may nagaganap na tunggalian ng uri sa lipunan. Walang takot bagkus ay nakaharap na tulad ng mandirigmang sugatan na nais ipanalo ang isang digmaan. Kung matatandaan ko pa ay ganito ang sinabi minsan ni Bob Dylan, “Art is not merely a reflection of reality but it must also subvert reality.” Ibig sabihin, ang tula bilang sining ay hindi lang tagapaglarawan ng mga isyu ng lipunan at mga bagay-bagay sa paligid, bagkus ang tula’y tagapagwasak din, tulad ng pagkawasak ng konsepto ng langit sa isipan ng bata sa tula ni Gat Amado.

Kaya kailangang maunawaan ng mga makabagong makata ngayon ang pangangailangang gamitin nila ang kanilang mga tula para sa pagsulong ng pakikibaka tungo sa pagpapalit ng sistemang kapitalismo tungo sa susunod na yugto nito. Sosyalisado na ang produksyon, ngunit pribado pa rin ang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon kaya marami pa ring naghihirap. Tungkulin ng mga aktibista’t rebolusyonaryong makata na gamitin ang kanilang mga tula sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Ito ang niyakap na tungkulin ng sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK.

Tulad ng sinabi ni Ho Chi Minh, tunay na malaki ang tungkulin ng makata sa pagmumulat, lalo na sa uring manggagawa, upang baguhin ang bulok na sistemang umiiral sa lipunan. Bilang mandirigmang makata, kinatas ko sa ilang taludtod ang tungkulin ng tula sa rebolusyon:

TULA AT REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i.

ano ang silbi ng tula sa rebolusyon
kung di ito nagmumulat ng masa ngayon

dapat ba tula'y ialay lang sa pedestal
ng malaking tubo't kapitalistang hangal

o tula'y pwersang gamit sa pakikibaka
upang mapalitan ang bulok na sistema

dapat ang bawat tula'y sintigas ng bakal
masasandigan, may prinsipyong nakakintal

tula'y malaking silbi sa pakikibaka
lalo sa pagmumulat ng aping masa

di basta-basta mahuhulog sa imburnal
pagkat bawat tula ng makata'y may dangal

tula'y may tindig, naghahangad ng paglaya
ng uring manggagawa at lahat ng dukha

ii.

dapat bawat makata'y alam sumalakay
sa bulok na sistema, gobyerno’t kaaway

makata'y dapat agapay ng pagbabago
at tinig ng mga aping dukha't obrero

sila'y di dapat laging nasa toreng garing
kundi kasama ng dukha't masang magiting

sa laban dapat makata'y kayang tumagal
hindi agad natitinag o hinihingal

dapat alam nila paano umatake
nang matulungang manalo ang masang api

laban sa mga ganid, mapagsamantala
at kumakatawan sa bulok na sistema

makata'y dapat magaling ding umasinta
at kayang durugin ang lahat ng puntirya

Linggo, Disyembre 26, 2010

Manggagawa - ni GBJ

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Martes, Disyembre 21, 2010

Ugaling Kapitalista - ni GBJ

UGALING KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pag nalugi, ang kapitalista'y nabubuwang
pag tumubo, sa obrero'y walang pakialam
pag nalugi, akala mo sila'y namatayan
pag tumubo, sa obrero'y walang pakiramdam

pag nalugi, tanong nila'y saan nagkamali
pag tumubo, magagaling daw silang magsuri
pag nalugi, sa manggagawa pa namumuhi
pag tumubo, manggagawa nila'y di mapuri

pag nalugi, obrero'y sinisisi pa nito
pag tumubo, magaling daw ang kapitalismo
pag nalugi, nais nilang magtanggal ng tao
pag tumubo, di mai-regular ang obrero

pag nalugi, manggagawa'y kontraktwal daw kasi
pag tumubo, magaling daw silang dumiskarte
pag nalugi, manggagawa pa ang walang silbi
pag tumubo, kapitalista ang tanging saksi

sadya bang ganito silang asal-tampalasan
pag nalugi, manggagawa ang may kasalanan
pag tumubo, obrero'y di pinararangalan
ang pinupuri nila'y tanging sarili lamang

Linggo, Disyembre 19, 2010

Patalastas ng Maso at Panitik


MASO AT PANITIK
masoatpanitik@gmail.com

LIBRENG SEMINAR SA PAGGAWA NG TULA

Nagbibigay ng libreng seminar sa mga unyon, samahang maralita at aktibista ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK hinggil sa Tugma at Sukat. Halina't pag-aralan ang tanaga, dalit, diyona, siyampituhan, at iba pang katutubong pagtula.

MAGPASA NG TULA

Inaanyayahan kayo ng MASO AT PANITIK na magpasa ng inyong mga tula hinggil sa uring manggagawa at mga isyung panlipunan para sa librong "Dilim, Liwanag at Aktibismo. Ang deadline ay sa Abril 22, 2011. Maksimum na 10 maiikling tula bawat makata. Ilalathala ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective at nakatakdang ilunsad sa Mayo 1, 2011, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Ipasa ang inyong tula sa masoatpanitik@gmail.com.

Martes, Disyembre 14, 2010

Milyun-milyong Kontraktwal - ni GBJ

MILYUN-MILYONG KONTRAKTWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kailangan ng trabaho, nagpaalipin
kahit maging kontraktwal, basta may makain

kaysa raw magutom ang kanilang pamilya
kaysa raw mamatay silang dilat ang mata

basta may makain, kahit maging kontraktwal
nagpapaalipin kahit di maregular

sa lipunang itong walang kinabukasan
ang kinabukasan ay alipin ng gahaman

kinabukasang inukit na ng kapital
upang pagtubuan iyang mga kontraktwal

kontraktwalisasyong walang benepisyo
di tao kung ituring ang mga obrero

kundi makina, makinang walang pamilya
obrerong pinagsasamantalahan nila

ilan ba, ilan pa silang dapat maapi
sa buhay na itong hirap ay tumitindi

nasa milyon na ang tulad nilang kontraktwal
panay ang trabaho, nananatiling kaswal

milyun-milyong kontraktwal, magkaisa kayo
ang bulok na sistema'y baguhin na ninyo

katiyakan sa trabaho'y dapat tiyakin
pagiging regular ay dapat nyong maangkin

lakas-paggawa'y dapat mabayarang tama
benepisyo'y dapat kamtin ng manggagawa

kaya obrero, tapusin ang kabulukan
ugitin mo na ang iyong kinabukasan

manggagawa, dapat na kayong magkaisa
kontraktwalisasyong salot, tapusin nyo na

Sabado, Disyembre 11, 2010

Ang Haba ng Pila sa Lansangan - ni Anthony Barnedo

Ang Haba ng Pila sa Lansangan
ni Anthony Barnedo
12.05.10

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang pangarap ay walang katapusan
Uusad kung minsan, walang kasiguruhan
Hihinto pagkaraan, maghihintay sa karangyaan.

Tataya sa Lotto, sagot sa kahirapan
Manonood ng sine upang problema'y malimutan
Sa LRT siksikan, walang mapaglagyan
Saan ba ang aking byahe, patungo sa kung saan?

Balde baldeng tubig ang aking bitbit bitbit
Buti pa ang iba, grocery ang dala dala
Nakikipag-unahan sa osya ng simbahan
Mapagbigyan kaya itong aking kahilingan?

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang unahan ay di ko natatanaw
Buti pa ang ekonomiya, umuusad, umuunlad
E itong kalagayan, anong patutunguhan?

May feeding ang mga bata, sponsor ni Konsehal
May relief sa nasunugan, kay Chairman dumaan
Pa-parti ni Mayor, Pa-birthday ni Congressman
Marami pa ring nagugutom, sa kalye nakabaon.

Si Will nagpa-pogi sa mga lola ng tahanan
Si Bossing nagtawag, pantawid gutom ni Juan
Namamahagi ng swerte, kumikita naman sila ng malaki
Pila-pila lang, makakarating din sa paroroonan.

Ang haba haba ng pila sa lansangan
Tila ang hangganan ay di matagpuan
May kikilos para sa Inang Bayan!
Anong klaseng uri naman ang makikinabang?

Libo-libong botante sa bawat eskwelahan ang nakapila
Libo-libong mamamayan sa bawat ospital ang nakapila
Libo-libong manggagawa sa tanggalan nakapila
Libo-libong maralita sa demolisyon nakapila.

Lunes, Nobyembre 29, 2010

Pagbabago, Sosyalismo - ni GBJ

PAGBABAGO, SOSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(nilikha sa pagdalo sa 2 araw na "Socialist Conference", Nobyembre 27-28, 2010)

sa kumperensyang iyon umaalingawngaw
"Pagbabago, Sosyalismo!" ang sinisigaw
sadyang may pag-asa na kaming natatanaw
tila gutom sa hustisya'y biglang natighaw

iyo ngang dinggin, "Pagbabago, Sosyalismo!"
ito nga ang lunas sa hirap ng obrero
ito nga ang dapat matutunan ng tao
dapat makasama sila sa pagbabago

sosyalismo nga ang lunas sa ating hirap
sosyalismong titiyak na tayo'y malilingap
sosyalismong kaytagal na nating pangarap
halina't kumilos nang ito'y maging ganap

isigaw natin, "Pagbabago, Sosyalismo"
sosyalismo ang lunas na hanap ng tao
mag-organisa tayo tungong sosyalismo
mag-organisa tayo hanggang sosyalismo

Linggo, Nobyembre 21, 2010

Sa Kabila ng Lahat - ni Anthony Barnedo

SA KABILA NG LAHAT
ni Anthony Barnedo
Agosto 6, 2010

Sa pagsikat pa lang nitong nagliliyab na araw
Tagaktak na ng paghihirap yaring natatanglaw
Sa hapag nitong mesa’y hinagpis ang nangibabaw
Sampung pisong tuyo at sabaw na umaapaw.

Hindi alintana panganib sa toldang bubungan
Parang kahon nga ng posporo ‘tong kinalalagyan
Walang pag-aaring lupa at desenteng tahanan
Pagkakaitan pa ng tiyak na paninirahan.

Labis labis na na pagdurusa ang kinakarga
Kapos ang bulsa sa trabaho na panakanaka
Kaming manggagawa dugo’t pawis ang kinakasa
Ngunit kahit katiting di makita ang ganansya.

Luluha ka tiyak sa merkadong puro gahaman
Limpak na tubo, pagnanakaw sa ati’y lubusan
Walang silbing sistemang umiiral sa lipunan
Pagkat mayayaman lamang ang sagana sa bayan.

Bakit sa kabila ng lahat walang nangangayaw
Dinaranas ng madlang tao bakit di isigaw
Katulad ng pagtangis sa Pugadlawin umigpaw
Ng madama proletaryadong pumapaimbabaw.

Sabado, Nobyembre 6, 2010

Pagharap sa Katotohanan - ni Anthony Barnedo

PAGHARAP SA KATOTOHANAN
ni Anthony Barnedo
May 19, 2010

Ano kaya ang sasalubungin bukas,
Sa guhit ng kasaysayang walang wakas?
Ang damdaming tuluyang ng nagkadungis
Sa hapdi ng paghihirap at hinagpis.

Sa bawat pagpatak ng butil ng pawis
Kaakibat ang piliting makaalpas
Ng Dalitang pagkaapi ang dinanas
Sa tanikalang nag-umigpaw ang dahas.

Sa mugtong mata man palagi ang bakas
Ang tinik sa puso'y di na maaalis
Ang hapdi man ay mapawi't magkalunas
Dilim ay mananatiling nakabigkis.

Hangga't sistema'y sa bayan nakagapos
At ang iilan nga ay nagmamalabis
Demokrasya'y maskara lamang ng Burgis
Ng Kapitalistang tubo lang ang nais.

Paglaya ay lagi na lang kinakapos
Katotohanan ay di ba hinahaplos?
Halina't pagbabago ay gawing lubos
Pakikibaka't maigting na pagkilos.


(Tulang may labing dadalawahing pantig bawat taludtod.)