Linggo, Disyembre 26, 2010

Manggagawa - ni GBJ

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Martes, Disyembre 21, 2010

Ugaling Kapitalista - ni GBJ

UGALING KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pag nalugi, ang kapitalista'y nabubuwang
pag tumubo, sa obrero'y walang pakialam
pag nalugi, akala mo sila'y namatayan
pag tumubo, sa obrero'y walang pakiramdam

pag nalugi, tanong nila'y saan nagkamali
pag tumubo, magagaling daw silang magsuri
pag nalugi, sa manggagawa pa namumuhi
pag tumubo, manggagawa nila'y di mapuri

pag nalugi, obrero'y sinisisi pa nito
pag tumubo, magaling daw ang kapitalismo
pag nalugi, nais nilang magtanggal ng tao
pag tumubo, di mai-regular ang obrero

pag nalugi, manggagawa'y kontraktwal daw kasi
pag tumubo, magaling daw silang dumiskarte
pag nalugi, manggagawa pa ang walang silbi
pag tumubo, kapitalista ang tanging saksi

sadya bang ganito silang asal-tampalasan
pag nalugi, manggagawa ang may kasalanan
pag tumubo, obrero'y di pinararangalan
ang pinupuri nila'y tanging sarili lamang

Linggo, Disyembre 19, 2010

Patalastas ng Maso at Panitik


MASO AT PANITIK
masoatpanitik@gmail.com

LIBRENG SEMINAR SA PAGGAWA NG TULA

Nagbibigay ng libreng seminar sa mga unyon, samahang maralita at aktibista ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK hinggil sa Tugma at Sukat. Halina't pag-aralan ang tanaga, dalit, diyona, siyampituhan, at iba pang katutubong pagtula.

MAGPASA NG TULA

Inaanyayahan kayo ng MASO AT PANITIK na magpasa ng inyong mga tula hinggil sa uring manggagawa at mga isyung panlipunan para sa librong "Dilim, Liwanag at Aktibismo. Ang deadline ay sa Abril 22, 2011. Maksimum na 10 maiikling tula bawat makata. Ilalathala ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective at nakatakdang ilunsad sa Mayo 1, 2011, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Ipasa ang inyong tula sa masoatpanitik@gmail.com.

Martes, Disyembre 14, 2010

Milyun-milyong Kontraktwal - ni GBJ

MILYUN-MILYONG KONTRAKTWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kailangan ng trabaho, nagpaalipin
kahit maging kontraktwal, basta may makain

kaysa raw magutom ang kanilang pamilya
kaysa raw mamatay silang dilat ang mata

basta may makain, kahit maging kontraktwal
nagpapaalipin kahit di maregular

sa lipunang itong walang kinabukasan
ang kinabukasan ay alipin ng gahaman

kinabukasang inukit na ng kapital
upang pagtubuan iyang mga kontraktwal

kontraktwalisasyong walang benepisyo
di tao kung ituring ang mga obrero

kundi makina, makinang walang pamilya
obrerong pinagsasamantalahan nila

ilan ba, ilan pa silang dapat maapi
sa buhay na itong hirap ay tumitindi

nasa milyon na ang tulad nilang kontraktwal
panay ang trabaho, nananatiling kaswal

milyun-milyong kontraktwal, magkaisa kayo
ang bulok na sistema'y baguhin na ninyo

katiyakan sa trabaho'y dapat tiyakin
pagiging regular ay dapat nyong maangkin

lakas-paggawa'y dapat mabayarang tama
benepisyo'y dapat kamtin ng manggagawa

kaya obrero, tapusin ang kabulukan
ugitin mo na ang iyong kinabukasan

manggagawa, dapat na kayong magkaisa
kontraktwalisasyong salot, tapusin nyo na

Sabado, Disyembre 11, 2010

Ang Haba ng Pila sa Lansangan - ni Anthony Barnedo

Ang Haba ng Pila sa Lansangan
ni Anthony Barnedo
12.05.10

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang pangarap ay walang katapusan
Uusad kung minsan, walang kasiguruhan
Hihinto pagkaraan, maghihintay sa karangyaan.

Tataya sa Lotto, sagot sa kahirapan
Manonood ng sine upang problema'y malimutan
Sa LRT siksikan, walang mapaglagyan
Saan ba ang aking byahe, patungo sa kung saan?

Balde baldeng tubig ang aking bitbit bitbit
Buti pa ang iba, grocery ang dala dala
Nakikipag-unahan sa osya ng simbahan
Mapagbigyan kaya itong aking kahilingan?

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang unahan ay di ko natatanaw
Buti pa ang ekonomiya, umuusad, umuunlad
E itong kalagayan, anong patutunguhan?

May feeding ang mga bata, sponsor ni Konsehal
May relief sa nasunugan, kay Chairman dumaan
Pa-parti ni Mayor, Pa-birthday ni Congressman
Marami pa ring nagugutom, sa kalye nakabaon.

Si Will nagpa-pogi sa mga lola ng tahanan
Si Bossing nagtawag, pantawid gutom ni Juan
Namamahagi ng swerte, kumikita naman sila ng malaki
Pila-pila lang, makakarating din sa paroroonan.

Ang haba haba ng pila sa lansangan
Tila ang hangganan ay di matagpuan
May kikilos para sa Inang Bayan!
Anong klaseng uri naman ang makikinabang?

Libo-libong botante sa bawat eskwelahan ang nakapila
Libo-libong mamamayan sa bawat ospital ang nakapila
Libo-libong manggagawa sa tanggalan nakapila
Libo-libong maralita sa demolisyon nakapila.