Martes, Abril 17, 2012

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa, Kapartido ni Ninoy Aquino sa LABAN (1978)
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa ikawalong isyu ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012, pahina 18.)

Kilalang manggagawa si Ka Alex Boncayao. Isa siya sa kapartido ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., nang tumakbo ito para sa halalan noong 1978 para sa Interim Batasang Pambansa.Ang Lakas ng Bayan, na pinaikling LABAN, ang partido pulitikal na inorganisa ng nakakulong pa noon na si Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.  Kalaban nilang mahigpit dito ang KBL (Kilusang Bagong Lipunan). Ang ilan sa mga kumandidato rito ay sina Alex Boncayao (kinatawan ng manggagawa), Trinidad "Trining" Herrera (kinatawan ng maralita) at Jerry Barican (kinatawan ng kabataan). Sa 165 kandidato, 137 ang nakuha ng KBL, ngunit walang naipanalo kahit isa ang LABAN. Ngunit sino nga ba si Alex Boncayao, ang lider-manggagawa? Bakit ang pangalan niya ay mas sumikat, hindi pa sa halalan, kundi nang ipinangalan sa kanya ang isang brigadang kinatakutan noon ng burgesya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB)?

Ayon sa ilang pananaliksik, tubong Agos, sa bayan ng Bato, sa lalawigan ng Camarines Sur si Alex Boncayao na mula sa pamilya ng mga magsasaka. Dahil namulat sa kahirapan sa kanayunan, sa murang gulang ay nilisan niya ang pinagmulang bayan upang makapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo. Pagdating niya ng lungsod, naghanap siya ng iba't ibang trabaho upang mabuhay. Siya'y naging tricycle driver, naging dyanitor at naging assistant chemist sa pabrikang Solid Mills.

Panahon ng batas militar nang maging tagapangulo siya sa unyon ng Solid Mills. Pinangunahan niya ang mga welga't sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ng Solid Mills noong 1976-77. Noong 1975-76, isa si Alex sa mga responsableng lider ng naunang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na namuno sa militanteng kilusang manggagawa upang labanan ang diktadurya ng  rehimeng Marcos.

Kasama siya sa mga tumakbong kandidato, sa pangunguna ni Senador Ninoy Aquino, sa ilalim ng bandera ng LABAN, sa halalan ng Interim Batasang Pambansa (IBP). Kasama ni Alex Boncayao sa mga kandidato ng Laban ang mga kilalang pulitikong sina Ernesto Maceda, Ramon Mitra, Jr., Nene Pimentel, Soc Rodrigo, Charito Planas at Neptali Gonzales. Walang nakalusot ni isa sa dalawampu't isang kandidato ng LABAN.

Dahil sa malawakan at lantarang dayaan sa halalan at panghuhuli ng diktaduryang Marcos sa mga kandidato ng LABAN, nagpasyang mamundok si Alex. Tumungo si Alex sa kanayunan at nagpasyang lumahok sa armadong pakikibaka. Sumapi si Alex Boncayao sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa Nueva Ecija at nag-organisa ng mga manggagawang bukid. Hunyo 19, 1983, isang buwan bago paslangin si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport, napatay si Alex Boncayao ng mga sundalo ng rehimeng Marcos sa isang engkwentro sa Nueva Ecija.

Isang taon pagkamatay niya, noong 1984, binuo ng Metro Manila Rizal Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines ang isang brigadang ipinangalan sa kanya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB) na may layuning magkaroon ng level playing field bilang armadong hukbong tagapagtanggol ng mga manggagawa laban sa mga goons ng kapitalista, at maging tagapagtanggol ng mga inaapi. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang ABB ay kinatakutan ng burgesya’t mayayamang mapang-api sa masa habang lihim namang nagpapalakpakan, sa ayaw man natin o sa gusto, ang masang kaytagal na pinagsamantalahan ng bulok na sistema.

Si Alex Boncayao, tulad ng iba pang martir ay hindi makakalimutan ng kilusang sosyalista at ng kilusang paggawa. Ang pangalan niya'y naging simbolo ng paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala. 

Ang kanyang mga makabuluhang ambag para sa pagsusulong ng pagbabago ay hindi matatawaran. Isa siyang tunay na martir ng uring mapagpalaya. Mabuhay si Alex Boncayao, manggagawa!

Mga Pinaghalawan:
(a) aklat na Ulos, Mayo 2002
(b) Wikipedia articles
(c) filipinovoices.com
(d) matangapoy.blogspot.com
(e) Taliba ng Bayan, 1992


PAHIMAKAS KAY ALEX BONCAYAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Nagpapatuloy pa ang pakikibaka
Ng maraming api sa gabi at araw.
Sa tinig sa ilang ng luha at dusa
Ang ngalan mo'y tila umaalingawngaw.

Kasama mo noon si Ninoy Aquino
Kandidato kayo sa partidong Laban
At tumakbo kontra pasistang gobyerno
Upang ang bayang api’y mapaglingkuran.

At nang matapos nang ganap ang eleksyon
Ay pumalaot ka tungong kanayunan
Sumama ka na doon sa rebolusyon
Ang masa'y kapiling at pinagsilbihan.

Prinsipyo’y matatag, hindi nadudungo
Magiting kang lider ng masa't obrero
Ngunit pinaslang ka ng pasistang punglo
Kaytindi ng iyong isinakripisyo.

Kaya nang mapaslang ka’y naging imortal
Sa ngalan mo’y natatag isang brigada
Misyo’y durugin kapitalistang hangal
Na sa manggagawa’y nagsasamantala.

Ang ngalan mo yaong umaalingawngaw
Sa dakong iyon ng bulok na sistema
Bayani kang tunay, Ka Alex Boncayao
Tulad mong obrero'y tunay na pag-asa.