Ang Guro at ang Araw ng Paggawa
ni Ramon B. Miranda
Mayo Uno – Ang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa buong mundo. Sa tuwing sasapit ang araw na ito, milyun-milyong manggagawa sa buong daigdig ang naglulunsad ng mga iba't ibang aktibidades upang ipagdiwang ang araw na ito. Ilan sa mga ito ay ang pagsasagawa ng rali, kilos-protesta, dayalog at marami pang iba.
Bakit nga ba ipinagdiriwang ang araw na ito? Ayon sa pananaliksik ng mga eksperto sa paggawa, ginugunita sa araw na ito ang mga sakripisyo ng mga martir na manggagawang namatay sa Haymarket Square sa Chicago nang magsagawa sila ng isang sama-samang pagkilos noong Mayo 1886 para ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa.
Naging inspirasyon ng mga manggagawa sa buong daigdig ang pagkilos na iyon upang mapababa sa walo ang oras paggawa na dati-rati’y umaabot ng labingdalawa (12) o mahigit pa noong nakaraang mga panahon.
Dito sa Pilipinas, pinangunahan ng Union Obrera Democratica de Filipinas ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno na nilahukan ng 100,000 manggagawang Pilipino mula sa iba’t ibang pagawaan.
Sa ating mga kaguruan, nararapat din bang makiisa tayo sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa? Maraming mga guro ang nagsasabing hindi naman daw sila manggagawa, bakit sila makikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa? Ayon pa sa kanila, may sariling laban ang guro na kaiba sa laban ng mga manggagawa. Ilan lamang ito sa mga kadahilanan kung bakit ang ilang mga guro ay napakakunat ng paglahok sa pakikibaka ng uring manggagawa.
Bilang mga guro, nararapat lamang tayong lumahok sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sapagkat tayong mga guro ay nabibilang din sa uring manggagawa. Bilang paglilinaw, ang mga manggagawa ay walang pribadong pag-aari sa kasangkapan sa produksyon upang makalikha ng iba’t ibang produkto na kailangan niya at ng sangkatauhan. Wala siyang pag-aari kundi ang kanyang sariling lakas na ibinebenta upang magtrabaho sa mga nagkalat na pagawaan. Sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanyang pag-aaring lakas-paggawa, binibigyan naman siya ng kapitalista ng bayad na kung tawagin ay sahod na siyang ginagamit niya sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan upang mabuhay.
Katulad ng mga manggagawa, ang mga guro ay walang pribadong pag-aari tulad ng paaralan o iba't ibang institusyon na may kinalaman sa edukasyon. Ang tanging pag-aari natin ay ang ating kaalaman sa pagtururo upang humubog ng mga mag-aaral para maging mabuting mamamayan sa hinaharap. Ang kaalamang ito ang ating ibinibenta sa mga naglipanang may-ari ng mga paaralan o pamantasan sa ating bansa. Ang tanging hinihingi nating kapalit sa pagbebenta ng kaalaman ay ang tinatawag na sahod. Ano ngayon ang kaibahan natin sa manggagawa? Hindi ba’t kabilang din tayo sa uring manggagawa?
Ang mga manggagawa at mga guro ay nagpapagod at nagpapawis upang mabuhay bilang tao. Kung ikaw ay may-ari ng isang pagawaan, hindi ka na manggagawa, ang tawag na sa iyo ay kapitalista. Kung ikaw ay isang guro na nagmamay-ari ng isang paaralan o pamantasan, ang tawag rin sa iyo ay kapitalista. Maaring mabibilang lang sa daliri ang mga kapitalisang edukador na nagtuturo sa paaralan o pamantasan sa dahilang ang tanging layunin ng kapitalista ay paghahangad na lumaki ang kanyang tubo.
Ngunit lagi’t lagi nating tatandaan, “Mawawala ang kapitalista pero ang manggagawa kailanma’y hindi mawawala. Mawawala ang mga kapitalistang edukador ngunit ang mga guro ay mananatili.”
Tayong mga guro ay may kaparehong laban sa katulad nang nangyayari sa hanay ng mga manggagawa. Kung inyong matatandaan, naipanalo nating mga guro ang laban sa 6 Hours Teaching Load na dati-rati’y umaabot sa 8 oras at umaabot pa ng 12 hanggang 16 na oras, lalo na ang mga nagtuturo sa mga probinsiya. Manipestasyon lamang ito na hindi tayo hiwalay sa laban ng manggagawa dahil aminin man natin o hindi, tayo ay nabibilang sa “Uring Manggagawa”.
* Si Ginoong Ramon B. Miranda ay guro, makata at manunulat. Siya ay guro sa Arellano High School sa Doroteo Jose St., sa Sta. Cruz, Maynila. Isa rin siya sa mga opisyal ng pambansang grupong Teachers Dignity Coalition (TDC), at isa sa mga haligi ng AtingGuro Partylist.