Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Ang halalang ito'y gawin nating makasaysayan

ANG HALALANG ITO'Y GAWIN NATING MAKASAYSAYAN

wala pa tayong Senador na manggagawa
na ilang taong nagtrabaho sa pabrika
elitista't artista ang bumubulaga
nananalo sapagkat masa'y nagpabola

kaya ang sigaw namin: Manggagawa Naman!
iboto ang manggagawang subok sa galing
ang aming kandidato: Leody de Guzman
lider-manggagawa, prinsipyado, magiting

ang mga trapong Senador ay walang nagawa
upang buhay ng masa'y guminhawang ganap
baka lider-obrero'y pag-asa ng madla
upang ipaglaban ang kanilang pangarap

gawing makasaysayan ang halalang ito
at maging bahagi tayo ng kasaysayan
lider-manggagawa'y ilagay sa Senado
kaya ating iboto: Leody De Guzman

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 24, 2019

Si Clara Zetkin, sosyalistang lider-kababaihan

SI CLARA ZETKIN,  SOSYALISTANG LIDER-KABABAIHAN

taas-kamao sa sosyalistang si Clara Zetkin
lider-kababaihan at kaibigan ni Lenin
at Rosa Luxemburg na pawang mga magigiting
na sa kanilang panahon ay bayaning tinuring

sa Stuggart, siya'y kasapi ng Bookbinders Union
naging aktibo rin sa Tailors and Seamstresses Union
at dati ring Kalihim ng Internasyunal noon
gayong ilegal sa babae noon ang mag-unyon

kumperensya ng mga babae'y inorganisa
pagboto ng babae'y ipinaglaban din niya
at nilabanan ang peminismong sumusuporta
sa restriksyon sa pagbotong batay sa ari't kita

mas nakatuon siya sa uri, at di sa sekso
na prinsipyo niya sa panlipunang pagbabago
naniniwala si Zetkin na tanging sosyalismo
ang daan upang lumaya ang babae't obrero

malaki ang inambag ni Zetkin sa kasaysayan
ng daigdig, lalo sa mapagpalayang kilusan
ng mga kababaihan tungo sa kalayaan
at nag-organisa ng Araw ng Kababaihan

kaya muli, isang taas-kamaong pagpupugay
kay Clara Zetkin na talagang sosyalistang tunay
sa manggagawa't sosyalismo, buhay ay inalay
kaya sa iyo, Clara Zetkin: Mabuhay! Mabuhay!

- gregbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 20, 2019

Ang awiting Heal the World ni Michael Jackson

ANG AWITING "HEAL THE WORLD" NI MICHAEL JACKSON

halina't pakinggan ang Heal the World ni Michael Jackson
sapagkat awiting ito'y isang mensahe't hamon
tila ba sa plastik at usok, tao'y nagugumon
at mga isda sa dagat, upos ang nilululon

halina't awiting Heal the World ay ating suriin
ang mensahe'y sa kapwa tao inihahabilin
sakit nitong mundo'y tulong-tulong nating gamutin
paano ba kanser ng lipunan ay lulutasin

daigdig bang tahanan nati'y sakbibi na ng lumbay
pagkat pinababayaan natin itong maluray
ng usok ng kapitalismong naninirang tunay
sa ngalan ng tubo, kalikasa'y ginutay-gutay

huwag nating ipagwalangbahala't isantabi
kundi damhin natin ang awit, ang kanyang mensahe
ang habilin sa ating kumilos at maging saksi
upang henerasyon nati'y di magsisi sa huli

- gregbituinjr.

Biyernes, Pebrero 1, 2019

Bakit malupit mag-yosi break?

BAKIT MALUPIT MAG-YOSI BREAK?

yosi break na rin ang tawag ko sa munting pahinga
di naman nagyoyosi't tunganga lang sa kalsada
naroong nagninilay habang namamalikmata
na may naglalakad na isang magandang dalaga

kailangang mamahinga sandali't mag-yosi break
lalo't napakabanas at araw ay nakatirik
di man nagyoyosi, sa pamamahinga na'y sabik
pagkat panahon ng pagkatha, ilantad ang hibik

ang iba'y nagyoyosi't nasasarapang humitit
ramdam nila'y ginhawa habang upos nakadikit
sa labi, habang nagkukwento siya't nangungulit
sa kausap, at baka may kung anong hinihirit

anong lupit mag-yosi break, humihiram ng alwan
kahit man lang sumandali, ginhawa'y maramdaman

- gregbituinjr.