Miyerkules, Marso 27, 2019

Matapos ang pulong

pakiramdam ko'y para kaming mga patay-gutom
naghihintay ng pagkain nang matapos ang pulong
tila baga ako'y nasa impyerno't nasusunog
nais ko nang umalis kahit ulo'y umiinog

tunay ngang minsan, nakakainip ang paghihintay
umaasa'y di mo alam kung darating ngang tunay
kayraming nasa isip, nahihiya, nagninilay
iniihaw sa init ang buong kalamnang taglay

nais ko nang magpaalam kahit walang kinain
magdadahilan na lang akong may katatagpuin
kahit di nag-almusal, sa tanghalian, kapos din
mabuti nang umalis at nakakahiya na rin

- gregbituinjr.

Martes, Marso 26, 2019

Pag-aalay, Pasasalamat, Panawagan

PAG-AALAY, PASASALAMAT, PANAWAGAN
(kinatha para sa huling bahagi ng isang nilikhang bidyo ng
makata hinggil sa kampanya ng mga kandidato ng PLM partylist,
na in-upload noong Marso 26, 2019 sa facebook page na LitraTula)

sa Philippine Underground Movement, maraming salamat
sa campaign jingle ng PLM na katha nyong sukat
ang mga tulang naririto'y alay ko sa lahat
nawa'y iboto ninyo ang maglilingkod ng tapat

Ka Leody De Guzman para senador, iboto
ang PLM partylist, ito ang ating partido
lahat sila, sa Senado't Kongreso'y ipanalo
upang may kakampi ang masa at uring obrero

- gregbituinjr.

Sabado, Marso 23, 2019

Si Oriang, ang Lakambini

SI ORIANG, ANG LAKAMBINI

Si Oriang, bayani, asawa
Lakambini ng Katipunan
Matapang na Katipunera
Para sa bayang tinubuan

Ikaw ang mithing binibini
Ng bayani't Supremo Andres
Itinalagang Lakambini
Nang bayan ay di na magtiis

Magkatuwang kayo ni Andres
Sa Katipunang pinagpala
Susupil sa pagmamalabis
Ng mga Kastilang kuhila

Kay Andres, di ka lang asawa
Di ka lang inspirasyon kundi
Kasama sa pakikibaka
At kalayaan ang lunggati

Ang bayan ay inyong hinango
Mula sa hinagpis at luha
Sinindihan ninyo ang sulo
Nang kamtin ng bayan ang laya

- gregbituinjr.

(Binasa sa Rizal Park Open Air Auditorium, Marso 23, 2019. Ang mga litrato ay kuha ni Ms. Liberty Bituin, asawa ng makata. Taos-pusong pasasalamat kay Prof. Joel Malabanan ng PNU sa imbitasyong tumula sa Luneta.)




Biyernes, Marso 22, 2019

Tula sa World Water Day, Marso 22, 2019

TULA SA WORLD WATER DAY, MARSO 22, 2019

kahapon ay World Poetry Day, araw ng pagtula
ngayon ay World Water Day, araw ng tubig ng madla
habang ang krisis sa tubig ay biglang nagsimula
nawalan ng tubig, ramdam  ng masa'y dusa't luha

animo krisis ay nilikha upang pag-usapan
itong pagtatayo ng dambuhalang Kaliwa Dam
na sa krisis daw sa tubig umano'y kalutasan
ngunit magpapalubog sa maraming pamayanan

pagtatayo ng Kaliwa Dam ay tutulan ngayon
pagkat sa krisis sa tubig ay di ito ang tugon
maraming tubig, pamamahala ay di ayon
di maayos, pulos tutubuin ang laging layon

napapalibutan ng tubig itong ating bansa
palibot ay dagat, kayraming ilog, sapa't lawa
parte ng bayodibersidad, mahalagang sadya
subalit may krisis sa tubig, dapat maunawa

sa nangyaring krisis na ito'y daming apektado
tubig nang gawin pang pribado'y nagmahal ang presyo
tubig ay serbisyo, kaya huwag gawing negosyo
ito'y para sa publiko, huwag isapribado

at ngayong World Water Day, nawa'y maraming makinig
tutulan ang Kaliwa Dam, ito ang aming tindig
at kung kinakailangan, tayo'y magkapitbisig
upang ang lumikha ng krisis ay ating malupig

- gregbituinjr.
(binasa sa rali hinggil sa tubig sa harap ng tanggapan ng MWSS
sa Katipunan Avenue, Balara, Lungsod Quezon, Marso 22, 2019)

Huwebes, Marso 21, 2019

Ang personal ko'y pulitikal

ANG PERSONAL KO'Y PULITIKAL

nanindigan akong ang personal ko'y pulitikal
kasapi ng lipunang ang mayorya'y nagpapagal
upang makakain kahit alipin ng kapital
kayod-kalabaw, sarili mang buhay ay sinugal

ang personal ko'y pulitikal, kahit sa pagkain
nabubusog lang ba pag kapitalismo'y kainin?
giginhawa lang ba pag komersyalismo'y lunukin?
o sa globalisasyon, dukha'y lalong gugutumin?

pulitikal din kahit ang pag-ihi, bakit kamo
iihi sa C.R. ng mall, ang bayad: sampung piso
pag-ihi man sa C.R. ng simbahan, sampung piso
may presyo rin kasi bawat pag-flush sa inidoro

pulitikal din naman kahit pagpili ng damit
magbabarong tulad ng sa kabangbayan nangupit?
kamisetang kupas tulad ng sa monay nang-umit?
o payak na kasuotan ng dukhang nagigipit?

pulitikal din ang pahinga, paghinga't paghiga
nasa isip ang nangyayari sa pamilya't madla
bakit kahit kayod-kalabaw, kayraming nalikha
ay di pa rin sapat ang sahod nitong manggagawa

pag-aasawa ma'y personal, ito'y pulitikal
kung wala silang trabaho, pag-ibig ba'y tatagal?
kung walang pambili ng bigas, ang isa'y aangal
baka may pag-ibig lang sa unang taon ng kasal

pulitikal din kahit ang pagsakay sa dyip o bus
dapat may pamasahe ka't bulsa'y di kinakapos
karukhaa'y pulitikal, walang dangal sa limos
ayaw rin ng obrero't madla ang binubusabos

ah, buhay ko'y nasa panahon ng pakikibaka
kumikilos para sa uri kaya aktibista
kumikilos para sa bayan, paglaya ang nasa
itinataguyod din ang kagalingan ng masa

kongkreto ring magsusuri sa kongkretong sitwasyon
at kung maaari'y mag-isip ng labas sa kahon
patuloy na oorganisahin ang rebolusyon
na organisadong uring manggagawa ang layon

ang personal ko'y pulitikal, ang buo kong buhay
sa kapakanan ng uri't ng bayan na'y inalay
patuloy akong makikibaka hanggang mamatay
kikilos hanggang sosyalismo'y maipagtagumpay

- gregbituinjr.

Martes, Marso 19, 2019

Pagsasalin ng akda

minsan, nakakatamad magsalin ng isang akda
o anupamang sulating wala kang napapala
walang insentibo, ramdam mong mahirap ka na nga
naaabuso pa ang kakayahan mong kumatha

mas nais kong isalin kung may sosyalistang layon
upang matuto ang manggagawang mag-rebolusyon
kahit libre, walang bayad, para sa uri iyon
hayaan akong magsalin kahit walang panglamon

ngunit kung ibang isyung di para sa sosyalismo
napipilitang magsalin, pakikisama ito
kung walang insentibo, ako ba'y naaabuso
mabuti pang isalin ko'y Marxismo-Leninismo

sana'y makaramdam ang nakasalubong kong langgam
siya naman kung pagmamasdam mo animo'y paham
di ko kasi ugali yaong basta makialam
sabihan ang kausap ko na walang pakiramdam

- gregbituinjr.

Linggo, Marso 17, 2019

Itim ang suot bilang sagisag ng protesta

ITIM ANG SUOT BILANG SAGISAG NG PROTESTA

pulitikal ang pagsuot ko ng t-shirt na itim
dahil ang bulok na sistema'y puno ng panindim
dahil sangkatutak ang krimeng karima-rimarim
dahil kayraming rosas ang ginahasa't sinimsim
dahil laksang inosente ang pinaslang, kaylagim

pagsuot ko ng kamisetang itim ay protesta
kahit pa kay-init nito habang nasa kalsada
kahit nasa gitna ng alab ng pakikibaka
di dapat nakatunganga lang habang nakikita
na maraming lugmok ang naghahanap ng hustisya

hangga't sistema ng lipunan ay napakalupit
hangga't niyuyurakan ang dangal ng maliliit
patuloy akong magsusuot ng itim na damit
bilang protesta, at hustisya'y aking igigiit

- gregbituinjr.

Sabado, Marso 16, 2019

Asam ng mulawin

litrato mula sa google
ASAM NG MULAWIN

nakakapagod yaong ganda ng tanawin
habang nililipad ang lawak ng layunin
nananaginip, buti kung ako'y mulawin
isang taong ibong may langit na hangarin

minamasdan-masdan ko ang magandang dilag
pagkat kaytamis ng ngiting nagpapapitlag
sa pusong tila pagsinta'y naaaninag
kaya nadarama'y kalagayang panatag

matayog ang punong nais pagpahingahan
ng pakpak na hapo't pusong nahihirapan
dahil pag-irog sa dilag ay di malaman
kung liligaw ba sa kabila ng kaibhan

pusikit pa ang karimlan sa balintataw
gayong nakapikit kahit araw na araw
nawa'y makaisa ko siya ng pananaw
upang sa lipunang ito'y di maliligaw

- gregbituinjr.

Biyernes, Marso 15, 2019

Payo ng isang lola sa mga dalaga

PAYO NG ISANG LOLA SA MGA DALAGA

payo ng isang lola sa mga dalaga:
ang iyakan mo'y ang mahal mong ama't ina
na todo ang gapang upang mairaos ka
at di ang guwapong syotang iyong sinisinta
na ginagapang ka nang makaraos siya

sadyang kayganda ng payo nitong matanda
na pagmamahal sa magulang ang adhika
sa mga dalagang basal pa at sariwa
upang di maputikan at mapariwara
upang maingatan ang puri't di masira

pagpupugay sa lolang iyon na marahil
may mga karanasang ang anak ay sutil
at saksi siyang may mga anak na taksil
at ang payo niya'y upang mali'y masupil

- gregbituinjr.

Huwebes, Marso 14, 2019

Tanggapin ang pera, iboto ang nasa konsensya

TANGGAPIN ANG PERA, IBOTO ANG NASA KONSENSYA

limang daang piso ang bigay para sa balota
kapalit naman ay tatlong taon ng pagdurusa
ang pinapayo ko lang: sige, tanggapin ang pera
ngunit iboto'y kauri't nasa inyong konsensya

ang limang daang piso sa dukha'y malaking tulong
na bigay ng trapong nagtataguyod ng halibyong
pambili ng bigas, delata, o kaya'y galunggong
habang interes lang ng trapo'y patuloy ang sulong

tiyaking ang iboboto'y kakampi ng obrero
kauri ng manggagawa, dukha, di mga trapo
ang mga mandarambong ay huwag nang iboboto
upang di masayang ang ating boto sa dorobo

- gregbituinjr.

* halibyong - salitang Tagalog sa fake news o disinformation
* dorobo - salitang Hapones sa magnanakaw

Miyerkules, Marso 13, 2019

Lugmok sa kawalan

lugmok na naman ako sa kawalan, di ko batid
kung bakit sa hangin ang diwa ko'y inihahatid
ng guniguning tila baga ako'y binubulid
sa banging anong lalim, sa kawalang di mapinid

animo ang sakit niya sa utak ko'y gumulo
nagugulumihanan sa kawalan ng sentimo
saan kukunin ang pang-operasyon ng misis ko
ang problema'y baka di makapagbayad sa dulo

madalas na ako ngayong tulalang naglalakad
buti't alisto pa ring di mabangga't napaigtad
nang sasakyan sa aking gilid ay biglang sumibad
tila baga ang iwing pagkatao'y naging hubad

mahirap ngang mangarap na buwan ang sinusuntok
ginhawa'y iniisip wala namang maisuksok
dapat magpakatatag sa kabila ng pagsubok
di dapat nakatunganga lang at basta malugmok

- gregbituinjr.

Martes, Marso 12, 2019

Bakahin ang halibyong

BAKAHIN ANG HALIBYONG

Paano babakahin ang daluyong ng halibyong?
Maling balita'y nagkalat, pawang disimpormasyon
Masang nalilito'y tinambakan ng linggatong
Taktika ba ng mapanlinlang na administrasyon?

Mga pekeng balita'y dapat mawala sa bayan
Lalo't naglipana na ito sa ating lipunan
Bakahin ang halibyong para sa katotohanan
At ipaglaban bawat makataong karapatan

Sino bang kikilos kundi tayong naniniwala
Na itong kasaysayan ay di sinasalaula
Na di tayo nganganga lang pag may pekeng balita
Sa laksang halibyong ay dapat lagi tayong handa

Ang mga may pakana ng halibyong ay durugin
Panahon nang bawat halibyong ay labanan natin
Tayo'y magkaisa sa makatarungang layunin
Na katototohanan sa bawat balita'y hanapin

- gregbituinjr.

* HALIBYONG, taal na wikang Filipino, na ibig sabihin ay disinformation o fake news. Pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari. ~ mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Linggo, Marso 10, 2019

Bibliya'y istorya lang ng Israel

BIBLIYA'Y ISTORYA LANG NG ISRAEL

Bibliya: istorya lang ng taga-Israel ito
Na nang-aagaw ngayon ng lupaing Palestino
Nahan naman ang istorya ng bayang Pilipino
Wala sa Bibliya, na pulos Irael ang kwento
Kung meron man, winasak ng mga Kastila ito

Kaya sa Bibliya'y di na ako naniniwala
Maigi pa marahil maniwala kay Bathala
Mula sa katutubo, tunay na mapagkalinga
Bathalang ninais wasakin din nitong Kastila
Subalit narito pa rin ito't nangungulila

Ayon sa Bibliya, Israel ang angkang pinili
Na para sa Diyos, sila ang natatanging lahi
Di Ehipto, di tayo, sa Palestino'y namuhi
Palestino'y inagawan ng lupa't dinuhagi
Iyan din ang layon ng simbahang mapang-aglahi

Istorya ng Israel isinusubo sa atin
Na nakabibikig at di naman natin makain
Magsiluhod at pumikit raw tayo't manalangin
Habang unti-unting inagaw ang ating lupain
Balang araw, buong mundo'y kanilang aangkinin

Ang Bibliya ng mananakop ay pang-Israel lang
Diyan nakasulat ang mito nila't kasaysayan
Mabuti pang paniwalaan ang ating babaylan
Na pilit winasak noon ng Kastilang sukaban
Iyan ang aking tindig at nais paniwalaan

- gregbituinjr.

Martes, Marso 5, 2019

Salin ng tulang Spirits of the Dead ni Edgar Allan Poe


SPIRITS OF THE DEAD
by Edgar Allan Poe

MGA ESPIRITU NG PATAY
ni Edgar Allan Poe
Malayang Salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Thy soul shall find itself alone
’Mid dark thoughts of the gray tombstone—
Not one, of all the crowd, to pry
Into thine hour of secrecy.

I

Nagisnang mong nangulila ang iyong kaluluwa
Saloobin ay kaydilim sa abuhing lapida
Walang isa man, sa tanang madla, ang nagigisa
Sa iyong napapanahong lihim na nag-iisa.

II

Be silent in that solitude,
Which is not loneliness—for then
The spirits of the dead who stood
In life before thee are again
In death around thee—and their will
Shall overshadow thee: be still.

II

Maging matahimik ka sa pag-iisa mong iyon
Na hindi naman kalungkutan - at kung magkagayon
Yaong naroroong mga espiritu ng patay
Sa harap mo ay muling nakatayong nabubuhay
Sa kamatayang lumigid - at loob na pinukaw
Nila ang sa iyo'y lalamon: huwag kang gagalaw.

III

The night, tho’ clear, shall frown—
And the stars shall look not down
From their high thrones in the heaven,
With light like Hope to mortals given—
But their red orbs, without beam,
To thy weariness shall seem
As a burning and a fever
Which would cling to thee for ever.

III

Ang gabi, bagamat maliwanag, ay sumimangot-
At ang mga bituin ay hindi dapat yumukod
Mula sa luklukang kaytayog sa langit na banal
Ng may liwanag tulad ng Pag-asang alay sa mortal
Ngunit ang mga pulang globo nilang walang sinag
Ay tila nakikita, sa iyong pagkabagabag,
Bilang siyang nasusunog at yaong karamdaman
Ang mangungunyapit sa iyo magpakailanman

IV

Now are thoughts thou shalt not banish,
Now are visions ne’er to vanish;
From thy spirit shall they pass
No more—like dew-drop from the grass.

IV

Ngayon mga saloobin mo'y hindi mawawala,
Ngayon mga pangitain ay hindi mapupuksa;
Makakatawid sila mula sa espiritu mo
Walang higit pa - tulad ng hamog - mula sa damo.

V

The breeze—the breath of God—is still—
And the mist upon the hill,
Shadowy—shadowy—yet unbroken,
Is a symbol and a token—
How it hangs upon the trees,
A mystery of mysteries!

V

Ang simoy - ang hininga ni Bathala - ay patuloy
At yaong alapaap na naroroon sa burol,
Malabo - malabo - subalit hindi nasisira
Itong isang sagisag at isa rin itong tanda
Paano naisabit sa punong tinitingala
Tunay na kahiwagaan sa lahat ng hiwaga!

Source: The Complete Poems and Stories of Edgar Allan Poe (1946)
Pinagbatayan: aklat na The Complete Poems and Stories of Edgar Allan Poe (1946)

Biyernes, Marso 1, 2019

An Ode To Liberty

AN ODE TO LIBERTY

Another fight for the future is at stake
Nefarious pogrom in this country feared indeed
One after another, blood was turned into lake
Due to the rise of another Hitlerian breed!
Enduring the actions of this notorious beast
Towards ending these terrible deeds of terror
On the want for freedom, we rise with clenched fist
Liberty against this tragic acts we longed for!
In the midst of darkness and stupidity
Beneath the eyes of struggle and fearfulness
Entering the years of sorrow and tragedy
Revolting is just right to repeal this madness!
To the future and this present generation:
You are the hope for another revolution!
- gregbituinjr.