Linggo, Abril 30, 2023

Ang luto ni misis

ANG LUTO NI MISIS

anong sarap ng luto ni misis
na ginisang hipon at kamatis
kapara'y pagsintang anong tamis

kaya aking gutom ay natanggal
sa buong maghapon ay tumagal
tanda ng totoong pagmamahal

tila ako'y nasa alapaap
ng aking mga pinapangarap
na buhay na'y di aandap-andap

ika nga, busugin mo ang sinta
alamin mo ang kanyang panlasa't
tatagal ang inyong pagsasama

ah, salamat sa ginisang hipon
na kung himbing ka'y mapapabangon
upang malasap ang sarap niyon

- gregoriovbituinjr.
04.30.2023

Paalala sa bathroom

PAALALA SA BATHROOM

ang bathroom ay tiyaking malinis
tanggalin ang kalat sa lababo
bawat dumi'y tiyaking maalis
at i-flash lagi ang inidoro

tulong mo na iyon sa kasama
mga habiling kaya't madali
upang maayos ang opisina
upang kalinisa'y manatili

papasukin mo ba pag mapalot?
dahil di nagbuhos ang gumamit?
maaasar sa panghi at bantot?
di naglinis ang pabaya't sutil?

nakapaskil: Let's keep this Bathroom "Clean"
wow! ang sinabihan pa'y Gentlemen!
payong iyan ba'y di kayang gawin?
Gentlemen, iyan ba'y kayang sundin?

- gregoriovbituinjr.
04.30.2023

* litratong kuha sa isang opis

Mahabang manggas, sumbrero't tubig sa Mayo Uno

MAHABANG MANGGAS, SUMBRERO'T TUBIG SA MAYO UNO

bilin sa lalahok sa Mayo Unong papalapit
magsuot ng sumbrero't manggas, magdala ng tubig
papalo na raw ng fifty degrees Celsius ang init
baka sa matinding init, ma-heat stroke, mabikig

pampalit na tshirt at bimpo'y magdala rin naman
bakasakaling sa pawis, likod ay matuyuan
labanan ang heat stroke, isipin ang kalusugan
sabihan din natin ang ating mga kasamahan

nawa'y maging matagumpay ang ating Mayo Uno
pati na ang pagsama-sama ng uring obrero
sana bilin sa init ay mapakinggang totoo
lalo na't nasa climate emergency na ang mundo

taospusong pagpupugay sa Uring Manggagawa! 
bati'y taaskamao sa Hukbong Mapagpalaya!

- gregoriovbituinjr.
04.30.2023

Sabado, Abril 29, 2023

Nag-aaway o naglalaro?

NAG-AAWAY O NAGLALARO?

nag-aaway ba o naglalaro ang mga kuting?
o pinapakita sa bawat isa'y paglalambing?
pinanood ko sila noong ako'y bagong gising
kaya binidyo ko silang mga anak ni Muning

nanggigigil kaya sila kaya nagkakalmutan?
o sa isa't isa'y talaga nang nakukulitan?
di ba sila nag-aaway kundi nagbibiruan?
minsan mga magkakapatid ay talagang ganyan

baka sila'y nagsasanay paano magkarate
naglalaro lamang sila't naglalambing, mabuti
dapat lang, magkakapatid naman ang mga ire
nakatuwaan ko lang ibidyo sila, kyut kasi

- gregoriovbituinjr.
04.29.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/kcUHTbspc9/

Kwentong kuting

KWENTONG KUTING

hayaan mong magkwento ako ng kuting at pusa
lalo't magkakapatid na kuting, nakakatuwa
hayaang ikwento sila hanggang sila'y mawala
dahil nagsilaki na't naghanap ng ibang lungga

baka makagawa rin ako ng mga pabula
tulad ni Aesop hinggil sa nag-uusap na pusa
o kuting, baka may sinasabing di ko unawa
na sa bawat ngiyaw nila'y mayroong nakakatha

ganyan ang iwing buhay ng tulad naming makata
minsan ay naghahanap ng isang magandang paksa
tulad ng anim na kuting na ang isa'y nawala
kaya limang magkakapatid silang itutula

maraming salamat sa mga kuting kong alaga
titipunin ko ang sa kanila'y ginawang katha
na balak kong balang araw na ito'y malathala
at akdang buhay nila'y isasaaklat kong sadya

- gregoriovbituinjr.
04.29.2023

Kuting na nilalaro ang laso

KUTING NA NILALARO ANG LASO

kuting na ito'y aking nabidyo
pinaglalaruan yaong laso
nakakatuwa kung pagmasdan mo

gayong wala pa silang sambuwan
ngayong Abril lang sila sinilang
kaya laro ang nasa isipan

dalawa sa limang magkapatid
na paglalaro ang nababatid
laso kaya'y kanyang mapapatid?

ilang buwan pa't sila'y lalaki
matututo na silang manghuli
ng daga, tangi kong masasabi

alagaan muna habang kuting
iyan ngayon ang aking layunin
kwento nila'y isusulat ko rin

- gregoriovbituinjr.
04.29.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/kcjDKZZIaN/

Biyernes, Abril 28, 2023

Lambingan

LAMBINGAN

patuloy ang paglalambing
matamis ang loving-loving
parang asukal matining
ako kaya'y nahihimbing?

sinlasa kaya ng atis?
sinsarap din ba ng mais?
kung asukal ba sa tamis?
baka magka-diabetes?

para kaming mga langgam
na anong tamis ng ulam
kung ang pagsinta'y maparam
ako'y tiyak magdaramdam

kung aming pagsinta'y wagas
tiyak puso ko'y lalakas

- gregoriovbituinjr.
04.28.2023

Alalahanin sila ngayong Abril Bente Otso

ALALAHANIN SILA NGAYONG ABRIL BENTE OTSO

alalahanin ang Abril Bente Otso taon-taon
dahil sa World Day for Safety and Health at Work
at International Day for Dead and Injured Workers
na tinatawag ding Workers' Memorial Day

mababanggit sa ating bansa ang mga trahedya
tulad ng Manila Film Center Tragedy kung saan
isandaan animnapu't siyam na manggagawa yaong
nabaon sa lupa nang ginagawang gusali'y gumuho

sampung manggagawa sa Eton construction sa Makati
ang nahulog at namatay sanhi ng isang aksidente
at ang pitumpu't dalawang manggagawang namatay
sa sunog sa pabrika ng tsinelas na Kentex

may mga lider-manggagawang binaril at pinaslang
ng marahil ay utusan ng kapitalistang halang
sa araw na ito sila'y ating alalahanin
upang di na mangyari muli, sistema na'y baguhin

itayo ang pangarap na lipunang makatao
kung saan wala nang pagsasamantala ng tao sa tao
iyan muna, mga kababayan, ang ibabahagi ko
alalahanin ang araw na ito bago mag-Mayo Uno

- gregoriovbituinjr.
04.28.2023

Huwebes, Abril 27, 2023

25 Pahalang: Tinutukhang

25 PAHALANG: TINUTUKHANG

parang tanggap na ng sambayanan
ano ang salitang TINUTUKHANG
tulad dito sa palaisipan
na ADIK agad ang kasagutan

sa dalawampu't lima pahalang
na gawain ng may pusong halang
na biktima'y basta na lulutang
sa dugo pagkat siya'y pinaslang

ang salitang ito'y nakilala
sa panahon ng Gera sa Droga
kung saan kayraming itinumba
at kayrami ring lumuhang ina

tanggap na ba ang salitang iyon?
mula nagdaang administrasyon
salitang ginamit na paglaon
na kinatatakutan na ngayon 

sa palaisipan nga'y nalagay
dahil nangyayari itong tunay
iyon nga lang, di ka mapalagay
dahil kayraming inang nalumbay

marahil malalagay na ito
sa iba't ibang diksiyonaryo,
sa glosaryo, sa bokabularyo,
maging sa karapatang pantao

bago mang naimbentong kataga
pumapaimbulog ang salita
pabalbal man ay walang kawala
na alam na rin ng mga bata

- gregoriovbituinjr.
04.27.2023

* litrato mula sa dyaryong Pang-Masa, Abril 27, 2023, pahina 7    

Paglilinis bago umalis

PAGLILINIS BAGO UMALIS

bago ako umalis
agad munang naglinis
ginamit ay inimis
nag-mop din at nagwalis
pag dumating si misis
tahanan na'y malinis

alagang mga kuting
na madalas maglambing
ay naglalaro man din
sa sahig at sa sapin

matapos ang gawain
ako'y agad kumain
at binigyan ang kuting
ng isdang ulam ko rin

ako'y umalis na nga
na ramdam ay ginhawa
habang nakatunganga
ang kuting na alaga

- gregoriovbituinjr.
04.27.2023

Tara nang magkape't pandesal

TARA NANG MAGKAPE'T PANDESAL

sabay na tayong mag-almusal
tara nang magkape't pandesal
nang sa gutom ay di mangatal

lalo't maraming lalakarin
mayroong kakapanayamin
hinggil sa kanilang usapin

mga isyung dapat tugunan
ano kayang mga dahilan
at nasadlak sila sa ganyan

aba'y magkape muna tayo
bago pag-usapan ang isyu
at saka pag-isipan ito

pandesal ay pamatid-gutom
na anong sarap pagkabangon

- gregoriovbituinjr.
04.27.2023

Huling bidyong buo pa ang anim na kuting

HULING BIDYONG BUO PA ANG ANIM NA KUTING

ito ang huling bidyo ng anim na kuting
na pagmasdan mo't anong sayang panoorin
ngayon ay lima na lang sila, di na anim
pagkat isa'y nakalabas ng bahay namin

di ko siya kinuha't naroon ang ina
tiyak kukunin ang kuting na anak niya
subalit nagkamali ako ng akala
di na umuwi, ina ba'y nagpabaya na?

hindi, kinuha raw ng batang kapitbahay
ang kuting, ani misis, kaya napawalay
kaya di na naiuwi ng pusang nanay?
o dinadalaw niya sa kabilang bahay?

sa pagkawalay niya, ramdam ko'y panimdim
buhay ay ganyan at dapat nating tanggapin
apat na araw ang lumipas, buo pa rin
ang limang naiwang magkapatid na kuting

marahil balang araw sila'y mawala na
sa bahay pagkat nagsilaki na rin sila
aking isusulat ang kanilang istorya
manatili silang buo'y ganap kong saya

- gregoriovbituinjr.
04.27.2023

* ang bidyo na may petsang 04.23.2023 ay mapapanood sa https://fb.watch/k9oXF15fdO/

Miyerkules, Abril 26, 2023

Bigas mais sa almusal

BIGAS MAIS SA ALMUSAL

niluto ko'y bigas na mais sa agahan
na nabili ni misis sa isang tindahan
bigas na mais nama'y aking sinubukan
kung gaano kasarap, nang aking matikman

inulam ay galunggong na aking pinrito
nang mainin ang bigas na mais na ito
tinikman ko, parang iba ang lasa nito
walang lasa, o nawala ang panlasa ko

gayunpaman, ito'y aking kinain pa rin
bago umalis kaysa pa ako'y gutumin
buti nang may laman ang tiyan at kumain
at baka sa bigas mais ay masanay din

sa bigas mais man ako muna'y magtiis
pag sobrang kanin, baka magka-diabetes
magandang alternatibo ang bigas mais
salamat at ito'y nadiskubre ni misis

- gregoriovbituinjr.
04.26.2023

PITO ba'y SIETE o SIPOL?

 

PITO BA'Y SIETE O SIPOL?

ang tanong sa pahalang ay PITO
at S.I. na ay naisagot ko
na unang dalawang letra nito
at may dalawa ring sagot dito

pagbigkas ng PITO ba'y paano
gayong wala ring tudlik sa dulo
di naman maaaring SILBATO
kaya SIETE't SIPOL lang ito

tanong ay huwag munang sagutin
kundi pababa muna'y unahin
at agad mapagtatanto mo rin
ang sa pahalang ay tugon man din

A.P. sa labinlima pababa
P.O. ang magalang na tugon nga
LA-AN sa dalawampu pababa
tamang sagot ay nabatid na nga

PITO'y SIETE, di pala iyan
SIPOL yaong tamang kasagutan
pag di mo makuha sa pahalang
kunin sa pababa't malalaman

- gregoriovbituinjr.
04.26.2023

* ang litrato ng palaisipan ay mula sa pahayagang Bulgar, Abril 22, 2023, pahina 15.

Martes, Abril 25, 2023

Soneto sa rehistradong SIM

SONETO SA REHISTRADONG SIM

buti't ang sim na'y nairehistro
at di na madededo ang sim ko
pagkat hinabol ang last day nito
at ayos naman, beripikado

nagsabi kasing congratulation
successfully registered na iyon
kaysarap sa pakiramdam niyon
sim ay magagamit pa rin ngayon

ikaw ba, nakapagrehistro na?
ng sim mo, aba'y ayos naman ba?
anong pakiramdam mo, masaya?
at si Mahal ay makokontak pa!

nagrehistro kaysa ma-deads ang sim
at kung hindi'y tiyak maninimdim

- gregoriovbituinjr.
04.25.2023

Maraming salamat, kamakatang Glen Sales

MARAMING SALAMAT, KAMAKATANG GLEN SALES

siyang tunay, hindi tamad tayong mga makata
pagkat madalas paksa'y natatagpuan sa wala
minsan naman ay naroon sa ating pagtingala,
sa bawat buntong-hininga, sa bawat pagtunganga

may paksa na sa bawat bato mong natatalisod
pag kumati ang likod, pag nanghina ang gulugod
pag nanamlay ang tuhod ng obrerong kumakayod
upang pamilya'y buhayin, mababa man ang sahod

ah, pag-unlad nga ba ng sinasabing ekonomya
iyang pagpatag ng bundok dahil sa pagmimina
sa pagtunganga'y laksa ang naglalarong ideya
upang suriin ang bayan, lipunan, pulitika

oo, di katamaran ang pagtitig sa kawalan
nagsisipag pa rin nakatitig man sa katipan,
butiki sa kisame, o ibong lumilipad man
maya-maya't susulatin na ang nasa isipan

- gregoriovbituinjr.
04.25.2023

* ang larawan ay mula sa kolum na Dagitab ng kamakatang Glen Sales sa pahayagang Laguna Courier, Tomo XXVII, Blg. 15, Abril 24-30, 2023, pahina 6

Una kong Poetry Book ng Nobel Prize Winner

UNA KONG POETRY BOOK NG NOBEL PRIZE WINNER
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago umuwi ay dumaan muna ako sa National Bookstore sa Malabon City Square kahapon, Abril 24, pagkagaling sa pulong sa tanggapan ng maralita sa Navotas. At doon ay nakita ko ang aklat na Field Work, Poems, ni Seamus Heaney, Winner ng Nobel Prize in Literature.

Naengganyo ako sa pabalat pa lamang, dahil nakasulat ay Poems sa ilalim ng pamagat na Field Work. Kung walang Poems na nakasulat, baka hindi ko ito pinansin. Nakadagdag pang nakaakit sa akin ang Winner of the Nobel Prize in Literature sa ilalim ng pangalang Seamus Heaney, na hindi ko naman kilala, at ngayon ko rin lang narinig at nabatid.

Hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na iyon, na kahit pamasahe ko na lang ang nasa bulsa ay agad kong binili. Nag-iisa na lang kasi iyon sa iskaparate ng mga aklat. Baka maunahan pa ako ng iba. Ika nga, treasure na ito para sa mga makatang tulad ko, at collector's item para sa aking munting aklatan. May sukat na 5.5" x 8.25" ang nasabing aklat na nabili ko sa halagang P199.00. Inilathala ito ng Farrar - Straus - Giroux (FSG) sa New York.

Nasa dalawampu't siyam na tula ang nalathala sa aklat, na umaabot ng limampu't apat na pahina. Ang kabuuang aklat ay nasa 68 pahina, kasama ang Acknowledgement, Table of Contents, at iba pang aklat ng FSG Classics. Nabanggit din ang pamagat ng iba pang aklat ng tula ni Seamus Heaney, na umaabot ng labingwalo, kabilang ang Field Work, apat na aklat ng kritisismo, dalawang Plays o Dula, at isang Translation o Salin. 

Bagamat may ilang aklat na rin ako ng nobela ng iba pang Winner ng Nobel Prize in Literature, tulad ng Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway, na nagawaran ng Nobel Prize in Literature noong 1954, ang Field Work ni Seamus Heaney ang una kong aklat ng tula ng isang Winner ng Nobel Prize in Literature. 

Walang tala hinggil sa talambuhay ni Seamus Heaney, bagamat may tala o blurb sa likurang pabalat ng aklat hinggil sa Field Work: Field Work is the record of four years during which Seamus Heaney left the violence of Belfast to settle in a country cottage with his family in Glanmore, Country Wicklow. Heeding "an early warning system telling me to get back inside my own head," Heaney wrote poems with a new strength and maturity, moving from the political concerns of his landmark volume North to a more personal, contemplative approach to the world and to his own writing. In Field Work he "brings a meditative music to bear upon fumdamental themes of persons and place, the mutuality of ourselves and the world" (Denis Donoghue, The New York Times Book Review).

[Ang Field Work ang tala ng apat na taon kung saan iniwan ni Seamus Heaney ang karahasan ng Belfast upang manirahan sa isang bahay kubo sa kanayunan kasama ang kanyang pamilya sa Glanmore, Country Wicklow. Dininig ang "isang maagang babala sa sistemang nagsasabi sa aking bumalik sa loob ng sarili kong ulo," sumulat si Heaney ng mga tulang may bagong lakas at matyuridad, na kumilos mula sa mga pampulitikang pag-alala sa kanyang tungkong batong tomo ng North patungo sa isang mas personal, mapagnilay na pananaw sa daigdig at sa kanyang sariling sulatin. Sa Field Work kanyang "dinala ang mapagnilay na himig upang maatim ang mga batayang tema ng mga tao at lugar, ang pagdadamayan ng ating sarili at ng daigdig" (Denis Donoghue, The New York Times Book Review).]

Sa bandang ibaba naman ay nakasulat: "Seamus Heaney received the Nobel Prize in Literature in 1995. He lives in Dublin."

Nagsaliksik ako ng kanyang talambuhay, kung sino ba talaga siya, bukod sa pagiging Nobel Prize winner. Ayon sa wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Seamus_Heaney):

Seamus Justin Heaney MRIA (13 April 1939 – 30 August 2013) was an Irish poet, playwright and translator. He received the 1995 Nobel Prize in Literature. Among his best-known works is Death of a Naturalist (1966), his first major published volume. Heaney was and is still recognised as one of the principal contributors to poetry in Ireland during his lifetime. American poet Robert Lowell described him as "the most important Irish poet since Yeats", and many others, including the academic John Sutherland, have said that he was "the greatest poet of our age". Robert Pinsky has stated that "with his wonderful gift of eye and ear Heaney has the gift of the story-teller." Upon his death in 2013, The Independent described him as "probably the best-known poet in the world".

(Si Seamus Justin Heaney MRIA (Abril 13, 1939 - Agosto 30, 2013) ay isang makatang Irish, mandudula at tagasalin. Nagawaran siya ng Nobel Prize in Literature noong 1995. Kabilang sa kanyang pinakakilalang akda ang Death of a Naturalist (1966), ang kanyang unang mayor na nalathalang tomo. Kinilala at kinikilala pa rin si Heaney bilang isa sa pangunahing tagapag-ambag ng tula sa Ireland sa kanyang panahon. Inilarawan siya ng makatang Amerikanong si Robert Lowell bilang "pinakamahalagang makatang Irish mula pa kay Yeats", at marami pang iba, kasama ang akademikong si John Sutherland, na nagsabing siya "ang pinakadakilang makata sa ating panahon". Sinabi ni Robert Pinsky na "sa kanyang kahanga-hangang taglay na mata at tainga ay may talento si Heaney ng pagiging kwentista." Sa kanyang pagkamatay noong 2013, inilarawan siya ng The Independent bilang "marahil ang pinakabantog na makata sa daigdig".)

Ayon naman sa Poetry Foundation (https://www.poetryfoundation.org/poets/seamus-heaney): Seamus Heaney is widely recognized as one of the major poets of the 20th century. A native of Northern Ireland, Heaney was raised in County Derry, and later lived for many years in Dublin. He was the author of over 20 volumes of poetry and criticism, and edited several widely used anthologies. He won the Nobel Prize for Literature in 1995 "for works of lyrical beauty and ethical depth, which exalt everyday miracles and the living past." Heaney taught at Harvard University (1985-2006) and served as the Oxford Professor of Poetry (1989-1994). He died in 2013.

(Si Seamus Heaney ay kinikilala bilang isa sa mga pangunahing makata ng ika-20 siglo. Katutubo sa Hilagang Ireland, lumaki si Heaney sa County Derry, at kalaunan ay nanirahan ng maraming taon sa Dublin. Siya ang may-akda ng mahigit 20 tomo ng tula at kritisismo, at nag-edit ng maraming ginawang antolohiya. Nanalo siya ng Gawad Nobel para sa Panitikan noong 1995 "dahil sa pagkatha ng magagandang liriko at kaasalang malalim kung arukin, na ipinagbubunyi ang araw-araw na mga himala at ang buhay na nakaraan." Nagturo si Heaney sa Harvard University (1985-2006) at nagsilbi bilang Guro ng Pagtula sa Oxford (1989-1994). Namatay siya noong 2013.)

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang kanyang sonetong A Drink of Water, na nasa pahina 8 ng Field Work, Poems:

A Drink Of Water
by Seamus Heaney

She came every morning to draw water
Like an old bat staggering up the field:
The pump’s whooping cough, the bucket’s clatter
And slow diminuendo as it filled,
Announced her. I recall
Her grey apron, the pocked white enamel
Of the brimming bucket, and the treble
Creak of her voice like the pump’s handle.
Nights when a full moon lifted past her gable
It fell back through her window and would lie
Into the water set out on the table.
Where I have dipped to drink again, to be
Faithful to the admonishment on her cup,
Remember the Giver fading off the lip.

Isang Inuming Tubig
ni Seamus Heaney

Pag umaga'y pumupunta siya't umiigib ng tubig
Tulad ng matandang paniking pasuray-suray sa bukid:
Ang paglangitngit ng poso, ang kalampag ng timba
Na kaybagal man ay napupuno niya ito,
Inihayag sa kanya. Naalala ko
Ang kanyang abuhing apron, ang binulsang puting enamel
Ng umaapaw na timba, at ang patatlo-tatlong
Impit ng kanyang tinig na parang hawakan ng poso.
Mga gabing pasan ng bilog na buwan ang kanyang kabalyete
Bumagsak ito sa kanyang bintana at titihaya
Sa tubig na nakalagay sa hapag.
Kung saan nalubog ako upang uminom muli, upang maging
Tapat sa paalala sa kanyang tasa,
Alalahanin ang Tagabigay na kumukupas ang labi.

Nakalulugod na natsambahan ko ang isa sa kanyang aklat, na binili ko sa National Bookstore sa Malabon. Marahil para sa akin talaga ang aklat na ito. Maraming salamat po.

Pusang uhaw

PUSANG UHAW

kaya pala umakyat ng lababo
pagkat uhaw, nais niyang uminom
bakasakali sa patak ng gripo
ay matighaw ang uhaw, pati gutom

buti't may tubig pa sa palanggana
upang yaong uhaw niya'y mawala
nang nakatingala siya kanina
akala ko'y may tumatakbong daga

kasisilang pa lang ng mga kuting
kaya dapat lang siyang magpalakas
pagkat pasususuhin niya'y anim
na sabay-sabay sususo ng gatas

mabuti nang may inaalagaan
walang mga daga sa paminggalan

- gregoriovbituinjr.
04.25.2023

* may mapapanood na bidyo sa: https://fb.watch/k6Y2bD7jn7/

Pusong uhaw

PUSONG UHAW

dapat diligan pa rin ang pag-ibig
mahirap kung kulang ito sa dilig
dapat ding madalas ang pagniniig
kaya diwata'y kinulong sa bisig

upang pagsinta ko'y kanyang mawatas
na ito'y talagang taos at wagas
kaya binibigay ko'y di lang rosas
dapat ay makabili rin ng bigas

puso'y diligan, di dapat mauhaw
upang pagsinta'y lagi mong matanaw
upang pagmamahal ay lumilitaw
kaya mata'y hayan at lumilinaw

pawang sambit ko'y pagsinta't pagsuyo
lalamunan ko man ay nanunuyo
ako'y patuloy pa ring nanunuyo
nang iwing pag-ibig ay di maglaho

- gregoriovbituinjr.
04.25.2023

Lunes, Abril 24, 2023

Mithi

MITHI

nagpapatuloy ang ating buhay
upang tupdin ang napiling pakay
upang lasapin ang saya't lumbay
upang sa kapwa ay umalalay
habang yakap ang prinsipyong lantay

dinaranas nati'y laksa-laksa
paano ba babangon sa sigwa
paano ba lulusong sa baha
paano magkaisa ang dukha
pati na kauring manggagawa

bakit dapat dukha'y irespeto
pati na kapatid na obrero
bakit ang karapatang pantao
at hustisya'y ipaglalaban mo
pati ang tahanan nating mundo

sariling wika ang patampukin
sa mga tula't ibang sulatin
laksang masa ang dapat mulatin
upang kalagayan ay baguhin
at lipunang makatao'y kamtin

lipunan ay ating sinusuri
bakit ba may naghaharing uri
bakit may pribadong pag-aari
na kahirapan ay siyang sanhi
ah, sistema'y baguhin ang mithi

- gregoriovbituinjr.
04.24.2023

Yibok at yamas


YIBOK AT YAMAS

nakita ko'y dalawang di pamilyar na salita
na animo'y karaniwan lang na mga kataga
YIBOK sa kakataying hayop ay pagpapataba
YAMAS ay bagaso, sapal, natira sa pagpiga

nasa pahalang ang salitang kapwa natagpuan
habang nagsasagot ng sa dyaryo'y palaisipan
U.P. Diksiyonaryong Filipino pa'y tiningnan
upang mabatid lang kung tama ba ang kahulugan

sa pahalang, numero trenta, tanong ay bagaso 
alam ko'y sapal iyon kaya sapal ang sagot ko
nang sinagutan ang pababa, nag-iba na ito
lumabas na yamas ang sagot, napatango ako

kaya nais kong ibahagi ang YIBOK at YAMAS
pagkat bago sa akin ang salitang natalastas
salamat sa krosword at napapatulang madalas
nagagawan ng katha yaong salitang nawatas

- gregoriovbituinjr.
04.24.2023

* palaisipan mula sa dyaryong Pilipino Star Ngayon, Abril 22, 2023, pahina 10
* kahulugan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1343 at 1345

Linggo, Abril 23, 2023

Kuting at nilagang mais

KUTING AT NILAGANG MAIS

nginatngat ng kuting ang styropor
na nasa likod ng refrigerator

kaya agad siyang kinuhang sadya
pinakain ng mais na nilaga

wala pang isang buwan nang isilang
ang anim na kuting, na kainaman

sumususo lang ng gatas sa ina
ngayon ay natututong kumain na

nginatngat nila ang nilagang mais
ngayon ay busal na lang at numipis

alam ko na anong ipapakain
kung di isda'y nilagang mais na rin

tila ako'y yaya ng mga kuting
na sa akin animo'y naglalambing

- gregoriovbituinjr.
04.23.2023

* may bidyo ng mga kuting na kumakain ng nilagang mais sa kawing na: 

https://fb.watch/k50ZfjnJ8w/

Sabado, Abril 22, 2023

Sa Araw ng Daigdig

SA ARAW NG DAIGDIG

Abril Bente Dos, Earth Day, / ano bang dapat gawin?
ito ba'y nararapat / na ipagdiwang natin?
baka mas dapat gawin / ay ang alalahanin
ang pagkasira nito, / sinong dapat sisihin?

tinatapon sa dagat / ang laksa-laksang plastik
na nagiging pagkain / ng mga may palikpik
pati ilog at sapa, / sa plastik nagsitirik
sadyang kapabayaan / ang ating inihasik

mapipigilan kaya / ang nagbabagong klima?
climate emergency ba'y / kaya pang madeklara?
iyang Annex I countries / ay magbabayad pa ba?
sa bansang apektado / ng ilan nang dekada?

dahil daw sa pag-unlad / ay kinalbo ang bundok
at mga kagubatan / ng mga tuso't hayok
sa tubo, tila baga / namumuno ay bulok
dahil sa pagmimina'y / pinatag pa ang bundok

kaya development ba'y / equals destroying nature?
kahulugan ng progress / ay destroying earth's future?
ang kapitalismo ba'y / sistemang parang vulture?
kaya ang ating mundo'y / di nila nino-nurture?

sa Araw ng Daigdig, / pulos ba kamunduhan?
at wala nang paggalang / sa mundo't sambayanan?
basta tumubong limpak, / wala nang pakialam
sa tahanang daigdig, / bulsa'y bumundat lamang!

- gregoriovbituinjr.
04.22.2023

*litrato CTTO, maraming salamat sa PMPI

Biyernes, Abril 21, 2023

Sa pagtula

SA PAGTULA

kailan daw ba lilipas yaring pagmamakata
kailan daw titigilan ang pagkatha ng tula

kailan daw ba tula ko'y aking ipagdadamot
ngunit di ko alam ang sa kanila'y isasagot

tula'y pinababasa ko raw gayong walang bayad
ngunit tula'y nais kong gawin, walang ibang hangad

anuman ang isyu ng masa'y pinag-aaralan,
sitwasyon, uri sa lipunan, uri ng lipunan

upang tunay na maunawaan ang mga isyu
sapagkat doon nagmumula ang laksang paksa ko

isyu ng vendor, ng maralita, ng manggagawa,
ng magsasaka, mangingisda, babae at bata, 

karapatang pantao at panlipunang hustisya
ligawan, haranahan, buhay-karaniwan, klima

bunga ng kalumpit, sinturis, manggang manibalang
kinalbong bundok at gubat, talampas, parang, ilang

ipagdadamot ko ba ang kakayahang tumula
ay iyan ako, ako iyan, makata ng madla

hindi, patuloy akong tutula, wala mang bayad
at iyan ako, ako iyan, pagtula ang hangad

- gregoriovbituinjr.
04.21.2023

Huwebes, Abril 20, 2023

Huwag magpahuli

HUWAG MAGPAHULI

huwag magpahuli sa mga balita
nang makapaghanda sakaling may sigwa
huwag magpahuli sa salbaheng mama
upang di matokhang at ina'y lumuha

huwag magpahuli sa modernong mundo
bagong teknolohiya'y alamin ninyo
huwag magpahuli sa buwitreng trapo
na masa'y uutuing sila'y iboto

huwag magpahuli at papasok ka pa
upang eksamen sa eskwela'y ipasa
huwag magpahuli sa bully at gangsta
baka pag narekrut nila'y ma-hazing ka

huwag magpahuli, agahan mo sabi
dahil mahaba pa ang iyong biyahe
huwag magpahuli sa listong babae
lalo na kay misis pag dumidiskarte

- gregoriovbituinjr.
04.20.2023

Miyerkules, Abril 19, 2023

Unang anibersaryo ng pamamaril kina Ka Leody

UNANG ANIBERSARYO NG PAMAMARIL KINA KA LEODY

hapon ng Abril disinwuwebe, taong nakaraan
sina Ka Leody ay pinagbabaril daw naman
habang nangangampanya ay aming nabalitaan
tingnan daw namin sa pesbuk, sabi ng kasamahan

habang sa mga katutubo'y nakikipag-usap
nang malutas ang problema nilang kinakaharap
hinggil sa lupang ninunong inagaw sa mahirap
nang sila na'y pinagbabaril, iyon ang naganap

may ilang nasugatan, ayon sa balita noon
na naganap sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon
kausap nila'y tribu ng Manobo-Pulangiyon
mabuti na lang at walang namatay sa naroon

kinabukasan ay headline sa dyaryo ang nangyari
kaya ilang dyaryo ang sa amin ay pinabili
nang mga naganap ay mabasa naming mabuti
ngayon ang unang anibersaryo ng insidente

buti't sina Ka Leody, Walden, at D'Angelo
ay di natamaan, habang may sugatang totoo
buti't napag-usapan naman ang talagang isyu
inagaw ang lupaing kinabukasan ng tribu

isyu ng lupang ninuno'y pag-usapan talaga
dapat ibalik ang lupang inagaw sa kanila
pagsasamantala sa katutubo'y wakasan na
dapat nang mabago ang ganyang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
04.19.2023

Martes, Abril 18, 2023

Anim na kuting

ANIM NA KUTING

nanganak na si Muning
aba'y anim na kuting

wala pang isang linggo
naglalakad na ito

inisip ko talaga
pa'no sila nagkasya

sa maliit na tiyan
ng pusa, kainaman

kapatid pa'y dalawa
nauna sa kanila

malalaki na naman
at gala na kung saan

bilang na nila'y walo
magkakapatid ito

mga bagong alaga
manghuhuli ng daga

aking ipapakain
mga natira man din

tinik, bituka't ulo
ng isdang niluto ko

- gregoriovbituinjr.
04.18.2023

Lunes, Abril 17, 2023

Di ko ikinahihiyang maging...

DI KO IKINAHIHIYANG MAGING...

di ko ikinahihiya ang maging tibak
ang maging kaisa ng dukha't hinahamak
pagkat bayan ay sugatan at nagnanaknak
dahil sa sistemang bulok at mapangyurak

di ko ikinahihiyang maging makata
dahil iyan ang pinili kong buhay, tumula
nais kong kumatha ng laksang talinghaga
upang magkama ang sa sahig nakahiga

di ko ikahihiyang maging manunulat
dyaryo't libro'y binabasa't binubulatlat
maraming isyung nanilay at nadalumat
nang masulat na'y binabahagi sa lahat

di ko ikahihiya yaring pagkatao
pagkat iyan ako, ito ako, prinsipyo
ang pinaiiral, magutom mang totoo
basta ginagawa'y wasto at makatao

nakakahiyang gawin ay katiwalian
o ang pangungurakot sa pamahalaan
lalo na't pagnanakaw sa kaban ng bayan
pag nahuli ka'y tiyak na makakasuhan

- gregoriovbituinjr.
04.17.2023

Linggo, Abril 16, 2023

Jerbert Briola, Gregorio Y. Zara, at iba pang inhinyero sa bansa

JERBERT BRIOLA, GREGORIO Y. ZARA, AT IBA PANG INHINYERO SA BANSA
Maikling pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tinalakay na magagaling na nakatapos ng engineering sa artikulong ito: The undervalued Filipino engineer na sinulat ni Isagani De Castro, na nalathala Abril 15, 2023 sa Rappler.com, at matatagpuan sa link o kawing na: https://www.rappler.com/.../opinion-undervalued-filipino.../

Kung ako ang nagsulat nito, isasama ko si Jerbert Briola, kilalang Human Rights Defender (HRD) at isa sa founder ng HR online Ph, at ng taunang Human Rights Pinduteros Award, na graduate ng B.S. Chemical Engineering sa FEATI University. Siya rin ang opisyal na kinatawan ng human rights community sa bansa sa National Preventive Mechanism (NPM) against torture kasama ng CHR (Commission on Human Rights).

Halos kasabayan ko si Jerbert sa FEATI, dahil features literary editor ako ng campus paper na The Featinean noong siya pa ang pangulo ng FEATI University Supreme Student Council (FUSSC).

Unang nabanggit sa nasabing artikulo si Gregorio Y. Zara, mula rin sa FEATI U, at nag-iisang national scientist na inhinyero sa ating bansa. Siya ay naging propesor ng aeronautics sa FEATI, naging head ng Aeronautical Engineering Department at dean ng Engineering and Technology, at naging vice president at acting president ng FEATI. Si Zara ang imbentor ng TV Telephone noong 1956, ilang dekada bago tayo magkaroon ng video call sa ating mga selpon.

Nabanggit din sina Tony Tan Caktiong ng Jollibee, graduate ng chemical engineering sa UST; si Ramon Ang ng San Miguel Corp., graduate ng mechanical engineering sa FEU; si dating President Fidel V. Ramos na civil and military engineer; si Diosdado Banatao, ang sinasabing "Bill Gates" ng Pikipinas, graduate ng electrical engineering sa Mapua Institute of Technology; Edgar Saavedra, CEO ng Megawide, graduate ng civil engineering sa La Salle; at ang mag-amang engineer na sina David at Sid Consunji, na nagdisenyo ng CCP, PICC, Folk Arts Theatre at Manila Hotel.

Binanggit din ang mga di kilalang inhinyerong nagtayo ng Banaue Rice Terraces, na kinilalang World Heritage Site ng UNESCO noong 1995.

Ang tanong: Paano nagamit ni Jerbert Briola ang kanyang tinapos bilang chemical engineer upang lalo pang mapatampok ang usapin ng karapatang pantao, bukod sa HR OnlinePh, Human Rights Pinduteros Award, at kinatawan sa NPM against torture? Tulad ng paano ginamit ni Caktiong ang pagiging chemical engineer upang mapalago ang Jollibee?

Tulad ko, paano ko ba ginagamit ang kursong BS Math, bagamat di ako nakatapos dahil maagang nag-pultaym, sa larangan ng pagsusulat, pagtula, at aktibismo?

Masasagot ito pag nakapanayam na si Jerbert Briola para sa isa pang artikulo. Maaang hindi ako. Maaaring ng Rappler pa rin.

Mabuhay ang mga kasamang inhinyero tulad ni Jerbert Briola!

Alaga

ALAGA

kinarga ko si Muning
matapos mapakain

pusang aking katoto
na minsan ay kasalo

isda'y pananghalian
namin hanggang hapunan

ulo'y kanyang pinapak
tinik pa'y nilamutak

mabuting alagaan
talagang kaibigan

siya ri'y nakatanghod
sa aking panonood

at mahusay pang pusa
sa paghanap ng daga

balahibo'y kayganda
at alagang talaga

pusa siyang kaylambing
lalo't ako'y humimbing

pag nangalabit siya
tiyak kong umaga na

- gregoriovbituinjr.
04.16.2023

Agila at lawin

AGILA AT LAWIN

pawang ibong mandaragit 
iyang agila at lawin
lilipad-lipad sa langit
mamaya'y may dadagitin

pawang malalaking ibon
na naninila ng sisiw
na nag-iyakan na noon
sa kuko'y di makabitiw

eagle and hawk pag iningles
tawag ng mga dayuhan
pawang endangered species
na dapat pangalagaan

iyang agila at lawin
sa krosword ay isinagot
palaisipang isipin
mo't may sayang bumabalot

iyo ring dinggin ang tinig
nitong lawin at agila
silang pag humuni'y daig
ang busina at makina

marami nang mga batas
na bawal silang hulihin
upang sila'y mailigtas
hayaan sa papawirin

- gregoriovbituinjr.
04.16.2023

Sabado, Abril 15, 2023

Pagbutihin ang pag-aaral

PAGBUTIHIN ANG PAG-AARAL

mag-aaral akong mabuti, sabi sa sarili
noong ako'y pumapasok pa bilang estudyante
ngayong tumatanda na'y ito rin ang sinasabi
ko sa kanila, at huwag laging barkada't yosi

wiling-wili nga ako noon sa matematika
lalo sa estadistika at trigonometriya
geometriya nama'y nakuha ko nang hayskul pa
kaya sa kolehiyo'y nag-aral akong talaga

pinagbuti man ang pag-aaral, di nakatapos
maraming dahilan, bukod pa sa pagiging kapos
sapagkat agad na akong nagpultaym sa pagkilos
at tumulong sa nasagasaan ng sigwa't unos

sa kanta: "kung natapos ko ang aking pag-aaral"
karugtong: "disin sana'y mayroon na akong dangal"
nawalan nga ba ako ng dangal, ako ba'y hangal?
pagkat di nakatapos, kung saan lang nakasandal?

kung aking babalikan ang mga nakaraan ko
nais ko pa rin ngayong bumalik sa kolehiyo
tapusin ang B.S. Math o kaya'y anumang kurso
baka balang araw, maging ganap ding inhinyero

- gregoriovbituinjr.
04.15.2023

* litrato mula sa Pilipino Star Ngayon, Abril 14, 2023, p 5

Iwasan ang bitag

IWASAN ANG BITAG

bakit "Remember Password", ano ang intensyon?
dahil baka password mo'y malimutan ngayon?
na madali mong buksan ang pesbuk mong iyon?
paano kung nasalisihan ka ng maton?

iyan ay booby trap kumbaga sa digmaan
upang ang iba'y madali rin iyang buksan
o maakses, kaya huwag mong papatulan
huwag kang mag-okay sa booby trap na iyan

ah, mahirap na baka masalisihan ka
at baka mag-upload sila ng di maganda
saka mo malalamang na-hack ka na pala
password ay tiyagaing laging naalala

tiyaking mag-log-out pagkatapos gumamit
sundin mo ang aking payo, huwag makulit
baka pag naiwan mong bukas, may magalit
nag-upload ng di maganda ang isang pangit

maging mahinahon pag iyong nakaharap
ang booby trap na iyang sadyang mapagpanggap
"Remember Password" ay di basta tinatanggap
baka pesbuk mo'y mawala sa iyong ganap

- gregoriovbituinjr.
04.15.2023

Biyernes, Abril 14, 2023

HRD Protection Bill, Isabatas! Now na!

HRD PROTECTION BILL, ISABATAS! NOW NA!

Human Rights Defenders Protection Bill na'y isabatas
para sa karapatang pantao't sistemang patas
upang malabanan ang samutsaring pandarahas
ng sinumang Cain na di marunong pumarehas

talagang binasa ko ang H.R.D. Protection Bill
panukalang batas ito laban sa mapaniil,
mapang-abuso't sa karapatan ay naninikil
upang managot ang mga berdugong kumikitil

panukalang batas na ito'y aralin din ninyo
dagdag na armas para sa karapatang pantao
bakasakaling mapigilan ang mga berdugo
sa pagpaslang, maraming buhay na'y nasakripisyo

kaya H.R.D. Protection Bill, isabatas ngayon
dahil layunin nito'y magkaroon ng proteksyon
ang tagapagtanggol ng karapatang ang nilayon
ay mapabuti ang mundo't berdugo'y mapakulong

- gregoriovbituinjr.
04.14.2023

Sa ika-195 anibersaryo ng Webster Dictionary

SA IKA-195 ANIBERSARYO NG WEBSTER DICTIONARY

sa Webster Dictionary, taasnoong pagpupugay!
sa kanilang anibersaryo, mabuhay! MABUHAY!
tanda ko, bata pa'y mayroon nang Webster sa bahay
na sinasangguni nang nagsusunog pa ng kilay

diksyunaryong aming kasama't kasangga tuwina
upang grado'y mapataas habang nag-aaral pa
ito ang unang diksyunaryong sa bahay nakita
kaya tila siya'y kamag-anak naming talaga

salamat sa Webster at kami'y talagang natuto
upang maunawa ang maraming salita rito
limang taon na lamang at magdadalawang siglo
ang Webster, dalawandaang taong anibersaryo

magandang sanggunian, maliliit man ang titik
ngunit sa pagsangguni mo'y magiging matalisik
kahulugan ng salitang Ingles ay natititik
minsan, mga salita'y hahanaping nasasabik

bagamat Ingles ang wika'y natuto kaming sukat
upang poem, essay at short story ay masulat
sa pagsalin man ng wika, Webster ang binulatlat
muli, sa Webster Dictionary, maraming salamat!

- gregoriovbituinjr.
04.14.2023

Tanong

TANONG

ngayon po'y nais ko lang magtanong
sa mga talagang marurunong
pag-unlad ba'y paano isulong
kung kahulugan nito'y paurong

matatawag nga bang kaunlaran
kung sinisira ang kalikasan?
nagtayo ng tulay at lansangan
nagpatag naman ng kagubatan

bundok na'y kalbo sa pagmimina
mga puno'y pinagpuputol pa
negosyante'y tumaba ang bulsa
subalit hirap pa rin ang masa

sangkaterba ang ginawang plastik
na laksang tubo ang ipinanhik
ngunit plastik sa dagat sumiksik
sapa't ilog, sa plastik tumirik

anong klaseng pag-unlad ba ito?
progreso ba'y para lang kanino?
anong pag-unlad ba ang totoo?
kung nawawasak naman ang mundo?

sa pag-unlad, anong inyong tindig?
kung sira na ang ating daigdig
kanino kaya kayo papanig?
tanong ba'y unawa ninyo't dinig?

- gregoriovbituinjr.
04.14.2023

Pi

PI

numero iyong agad nakita
at PI ang sagot ko kapagdaka
na numerong pamilyar talaga
dahil mula sa matematika

PI ang rata ng sirkumperensya
ng bilog sa diyametro niya
ang PI ay kilala nang pormula
sa matematika at pisika

PI ay mula sa letrang Griyego
titik P ang kahulugan nito
ginamit dahil sa Perimetro
ng bilog, mabuti't nabatid ko

ang nagkalkula'y si Archimedes
isip ay magaling at makinis
si William Jones naman ang nagbihis
nitong PI sa makabagong tesis

nang sa krosword ito'y madalumat
ay PI ang agad kong isinulat
tangi kong masasabi'y salamat
dahil PI ay muling nabulatlat

- gregoriovbituinjr.
04.14.2023