Linggo, Disyembre 26, 2010

Manggagawa - ni GBJ

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Martes, Disyembre 21, 2010

Ugaling Kapitalista - ni GBJ

UGALING KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pag nalugi, ang kapitalista'y nabubuwang
pag tumubo, sa obrero'y walang pakialam
pag nalugi, akala mo sila'y namatayan
pag tumubo, sa obrero'y walang pakiramdam

pag nalugi, tanong nila'y saan nagkamali
pag tumubo, magagaling daw silang magsuri
pag nalugi, sa manggagawa pa namumuhi
pag tumubo, manggagawa nila'y di mapuri

pag nalugi, obrero'y sinisisi pa nito
pag tumubo, magaling daw ang kapitalismo
pag nalugi, nais nilang magtanggal ng tao
pag tumubo, di mai-regular ang obrero

pag nalugi, manggagawa'y kontraktwal daw kasi
pag tumubo, magaling daw silang dumiskarte
pag nalugi, manggagawa pa ang walang silbi
pag tumubo, kapitalista ang tanging saksi

sadya bang ganito silang asal-tampalasan
pag nalugi, manggagawa ang may kasalanan
pag tumubo, obrero'y di pinararangalan
ang pinupuri nila'y tanging sarili lamang

Linggo, Disyembre 19, 2010

Patalastas ng Maso at Panitik


MASO AT PANITIK
masoatpanitik@gmail.com

LIBRENG SEMINAR SA PAGGAWA NG TULA

Nagbibigay ng libreng seminar sa mga unyon, samahang maralita at aktibista ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK hinggil sa Tugma at Sukat. Halina't pag-aralan ang tanaga, dalit, diyona, siyampituhan, at iba pang katutubong pagtula.

MAGPASA NG TULA

Inaanyayahan kayo ng MASO AT PANITIK na magpasa ng inyong mga tula hinggil sa uring manggagawa at mga isyung panlipunan para sa librong "Dilim, Liwanag at Aktibismo. Ang deadline ay sa Abril 22, 2011. Maksimum na 10 maiikling tula bawat makata. Ilalathala ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective at nakatakdang ilunsad sa Mayo 1, 2011, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Ipasa ang inyong tula sa masoatpanitik@gmail.com.

Martes, Disyembre 14, 2010

Milyun-milyong Kontraktwal - ni GBJ

MILYUN-MILYONG KONTRAKTWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kailangan ng trabaho, nagpaalipin
kahit maging kontraktwal, basta may makain

kaysa raw magutom ang kanilang pamilya
kaysa raw mamatay silang dilat ang mata

basta may makain, kahit maging kontraktwal
nagpapaalipin kahit di maregular

sa lipunang itong walang kinabukasan
ang kinabukasan ay alipin ng gahaman

kinabukasang inukit na ng kapital
upang pagtubuan iyang mga kontraktwal

kontraktwalisasyong walang benepisyo
di tao kung ituring ang mga obrero

kundi makina, makinang walang pamilya
obrerong pinagsasamantalahan nila

ilan ba, ilan pa silang dapat maapi
sa buhay na itong hirap ay tumitindi

nasa milyon na ang tulad nilang kontraktwal
panay ang trabaho, nananatiling kaswal

milyun-milyong kontraktwal, magkaisa kayo
ang bulok na sistema'y baguhin na ninyo

katiyakan sa trabaho'y dapat tiyakin
pagiging regular ay dapat nyong maangkin

lakas-paggawa'y dapat mabayarang tama
benepisyo'y dapat kamtin ng manggagawa

kaya obrero, tapusin ang kabulukan
ugitin mo na ang iyong kinabukasan

manggagawa, dapat na kayong magkaisa
kontraktwalisasyong salot, tapusin nyo na

Sabado, Disyembre 11, 2010

Ang Haba ng Pila sa Lansangan - ni Anthony Barnedo

Ang Haba ng Pila sa Lansangan
ni Anthony Barnedo
12.05.10

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang pangarap ay walang katapusan
Uusad kung minsan, walang kasiguruhan
Hihinto pagkaraan, maghihintay sa karangyaan.

Tataya sa Lotto, sagot sa kahirapan
Manonood ng sine upang problema'y malimutan
Sa LRT siksikan, walang mapaglagyan
Saan ba ang aking byahe, patungo sa kung saan?

Balde baldeng tubig ang aking bitbit bitbit
Buti pa ang iba, grocery ang dala dala
Nakikipag-unahan sa osya ng simbahan
Mapagbigyan kaya itong aking kahilingan?

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang unahan ay di ko natatanaw
Buti pa ang ekonomiya, umuusad, umuunlad
E itong kalagayan, anong patutunguhan?

May feeding ang mga bata, sponsor ni Konsehal
May relief sa nasunugan, kay Chairman dumaan
Pa-parti ni Mayor, Pa-birthday ni Congressman
Marami pa ring nagugutom, sa kalye nakabaon.

Si Will nagpa-pogi sa mga lola ng tahanan
Si Bossing nagtawag, pantawid gutom ni Juan
Namamahagi ng swerte, kumikita naman sila ng malaki
Pila-pila lang, makakarating din sa paroroonan.

Ang haba haba ng pila sa lansangan
Tila ang hangganan ay di matagpuan
May kikilos para sa Inang Bayan!
Anong klaseng uri naman ang makikinabang?

Libo-libong botante sa bawat eskwelahan ang nakapila
Libo-libong mamamayan sa bawat ospital ang nakapila
Libo-libong manggagawa sa tanggalan nakapila
Libo-libong maralita sa demolisyon nakapila.

Lunes, Nobyembre 29, 2010

Pagbabago, Sosyalismo - ni GBJ

PAGBABAGO, SOSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(nilikha sa pagdalo sa 2 araw na "Socialist Conference", Nobyembre 27-28, 2010)

sa kumperensyang iyon umaalingawngaw
"Pagbabago, Sosyalismo!" ang sinisigaw
sadyang may pag-asa na kaming natatanaw
tila gutom sa hustisya'y biglang natighaw

iyo ngang dinggin, "Pagbabago, Sosyalismo!"
ito nga ang lunas sa hirap ng obrero
ito nga ang dapat matutunan ng tao
dapat makasama sila sa pagbabago

sosyalismo nga ang lunas sa ating hirap
sosyalismong titiyak na tayo'y malilingap
sosyalismong kaytagal na nating pangarap
halina't kumilos nang ito'y maging ganap

isigaw natin, "Pagbabago, Sosyalismo"
sosyalismo ang lunas na hanap ng tao
mag-organisa tayo tungong sosyalismo
mag-organisa tayo hanggang sosyalismo

Linggo, Nobyembre 21, 2010

Sa Kabila ng Lahat - ni Anthony Barnedo

SA KABILA NG LAHAT
ni Anthony Barnedo
Agosto 6, 2010

Sa pagsikat pa lang nitong nagliliyab na araw
Tagaktak na ng paghihirap yaring natatanglaw
Sa hapag nitong mesa’y hinagpis ang nangibabaw
Sampung pisong tuyo at sabaw na umaapaw.

Hindi alintana panganib sa toldang bubungan
Parang kahon nga ng posporo ‘tong kinalalagyan
Walang pag-aaring lupa at desenteng tahanan
Pagkakaitan pa ng tiyak na paninirahan.

Labis labis na na pagdurusa ang kinakarga
Kapos ang bulsa sa trabaho na panakanaka
Kaming manggagawa dugo’t pawis ang kinakasa
Ngunit kahit katiting di makita ang ganansya.

Luluha ka tiyak sa merkadong puro gahaman
Limpak na tubo, pagnanakaw sa ati’y lubusan
Walang silbing sistemang umiiral sa lipunan
Pagkat mayayaman lamang ang sagana sa bayan.

Bakit sa kabila ng lahat walang nangangayaw
Dinaranas ng madlang tao bakit di isigaw
Katulad ng pagtangis sa Pugadlawin umigpaw
Ng madama proletaryadong pumapaimbabaw.

Sabado, Nobyembre 6, 2010

Pagharap sa Katotohanan - ni Anthony Barnedo

PAGHARAP SA KATOTOHANAN
ni Anthony Barnedo
May 19, 2010

Ano kaya ang sasalubungin bukas,
Sa guhit ng kasaysayang walang wakas?
Ang damdaming tuluyang ng nagkadungis
Sa hapdi ng paghihirap at hinagpis.

Sa bawat pagpatak ng butil ng pawis
Kaakibat ang piliting makaalpas
Ng Dalitang pagkaapi ang dinanas
Sa tanikalang nag-umigpaw ang dahas.

Sa mugtong mata man palagi ang bakas
Ang tinik sa puso'y di na maaalis
Ang hapdi man ay mapawi't magkalunas
Dilim ay mananatiling nakabigkis.

Hangga't sistema'y sa bayan nakagapos
At ang iilan nga ay nagmamalabis
Demokrasya'y maskara lamang ng Burgis
Ng Kapitalistang tubo lang ang nais.

Paglaya ay lagi na lang kinakapos
Katotohanan ay di ba hinahaplos?
Halina't pagbabago ay gawing lubos
Pakikibaka't maigting na pagkilos.


(Tulang may labing dadalawahing pantig bawat taludtod.)

Lunes, Oktubre 18, 2010

Lupang Kanduli - ni Anthony Barnedo

LUPANG KANDULI
ni Anthony P. Barnedo

Kapirasong paraiso’y kanilang pinagyaman
Upang maging kanlungan nitong abang mamamayan
Ang lawa ay karugtong ng kanilang kabuhayan
Hantungan ng kanilang masiglang kinabukasan.

Kaunlaran ay yumabong sa paglipas ng taon
Dati’y bahay na pawid ngayo’y bato ang silungan
Ilang bagyo na rin ang sumubok sa katikasan
Para sa pamilya’y pinamalas ang katatagan.

Sa mapang-akit nitong taglay na likas na yaman
Lawa’y pinanlisikan nitong pagkagahaman
Tila ang bait upang mangingisda ay tulungan
Binuhos ang puhunan sa pag-alagwang tuluyan.

Sinamantala na ang lahat ng pagkakataon
Nagpyesta ang kapitalista, lawa’y ibinaon
Ang naging pyesa’y manggagawa’t sa tubo tumuon
Kasehodang pagkayurak ng abang kalikasan.

Ang gobyerno’y nakatanaw ng pangangailangan
Nakangising ginamit ang kanyang kapangyarihan
Binasbasan ang kita at binigyan ng katwiran
Pagkamal ng salapi ng iilang mayayaman.

Pagprotekta sa bayan ang pangunahing dahilan
Sa pagsasaayos nitong lawa ng karangyaan
Itinayo yaong dam sa dakong timog kanluran.
Hanggang ito’y naging palikurang walang imbakan.

Naglaho na ang samu’t saring natural na yaman
At naging pusali ang angkin nitong kagandahan
Ano kaya ang ibibida nito sa dayuhan?
Isang kahunghangan at sadyang kasinungalingan.

Noon ang kasaganaha’y tinatamasa ninuman
Ngayon ay pagdarahop ang grabeng nararanasan
Sa pagbulusok ng pag-unlad ng lagay ng bayan
Maralita’y lumubo’t nawasak pang kalikasan.

Lumipas ang panahon at ang bathala’y tumugon
Ang sisi’y sa maralita kung bakit nagkaganun
Kaya itong pobre’y sapilitang pinalilisan
Sa lupang kanyang tinubuan at kinalakihan.

Totoo ang panganib ay palagiang nariyan
Bagyo at pagbaha’y talagang kakahilakbuan
Ngunit hindi ang maralita ang may kasalanan
Ng trahedyang iginuhit ng sirang kalikasan.

Di ba’t ang may kasalanan ay silang namuhunan
Lantarang inagaw sa mahirap ang kabuhayan
Walang humpay sa pagtatayo ng palaisdaan
Hanggang dukha’y nawalan na ng pangingisdaan.

Kapitalista ang dapat na pinaparusahan
Pagkat ang pagkagahaman ang tunay na dahilan
Kung bakit ang lawa ay lusak ang kinahantungan
Naging impyerno! paraisong pinahalagahan!

Ngayon ang maralita’y itatapon sa kung saan
Serbisyo raw ng demokratikong pamahalaan
Ano kaya ang naghihintay na kinabukasan?
Paninirahan at kabuhayang walang katiyakan.

Pasasaan pa’t iiral matinding tunggalian
Siguradong di pagagapi ang uring gahaman
Kanila’y ililigtas pinagkukunan ng yaman
Kahit pa ipagbuwis ng buhay ng karamihan.

Huwag sanang maging marahas ang pamahalaan
Paglilingkod sa bayan gawing makatotohan
Maralita’t manggagawa sanang maging sandigan
Hindi kapitalista ang dapat na paglingkuran.

Pagkaganun pa man ang laban ay huwag bitawan
Magkaisa sa makataong interes ng bayan
Ang lawa ng karangyaan, ang lupang tinubuan
Iwaksi ang sistemang nagpapahirap sa bayan.


Tulang may labing limang pantig bawat taludtod.

Ang tulang ito ay hango sa mga kwento ng mga nakatira sa baybayin ng Laguna Lake o “Lupang Kanduli” na ang ibig sabihin ay lupang inaabot ng tubig mula sa lawa. Ang tula ay sumasalamin sa buhay at suliranin ng mga mamamayang naghahangad ng makataong serbisyo para sa katiyakan ng kanilangt paninirahan.

Miyerkules, Oktubre 6, 2010

Magkapitbisig na, manggagawa - ni GBJ

MAGKAPITBISIG NA, MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sino ang tutulong sa manggagawa
kundi ang kanyang kapwa manggagawa
sino bang magbabago ng bansa
kundi kayong hukbong mapagpalaya

babaguhin ang sistemang kuhila
dahil ito ang dahilan ng luha
at dusa ng manggagawa't dalita
kapitalismo nga'y kasumpa-sumpa

hangga't nananatili ito ngayon
lalo tayong sa hukay binabaon
sistemang ito'y nakaka-kombulsyon
halina't tayo nang magrebolusyon

manggagawa, tayo'y magkapitbisig
panawagan ba'y inyong naririnig
sa sosyalismo, tayo nang sumandig
nang kapitalismo'y ating malupig

Pagsunog sa Kalakal - ni GBJ

PAGSUNOG SA KALAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

imbes na pakinabangan ang mga sobra
produkto'y ipamigay sa gutom na masa
sinusunog na ng gagong kapitalista
ayos lang sunugin yaong di maibenta

kung ipamimigay yaong mga kalakal
ay lalo nang malulugi ang mga hangal
benta ng produkto nila'y lalong tutumal
dahil hangarin nila'y tubo ng kapital

gagawa ng produkto para pagtubuan
imbes ito'y para sa pangangailangan
imbes kumain ng sapat ang mamamayan
imbes na di magutom ang sangkatauhan

pag pinamigay, puso nila'y magdurugo
magutom ka man, di sila matutuliro
ginagawa ang produkto para tumubo
upang negosyo nila'y tuloy ang paglago

wala na silang paki sa karapatan mo
ano naman daw ang pakinabang sa iyo
bakit ka bibigyan ng kanilang produkto
ikaw ay hampaslupa lang dito sa mundo

mamatay ka sa gutom kung wala kang pera
pangunahin sa kanila'y tubo, di masa
mas nais pang sunugin ang kalakal nila
kung di pagtutubuan ng kapitalista

Martes, Setyembre 28, 2010

Ang Nais Ko - ni Anthony Barnedo

ANG NAIS KO
ni Anthony Barnedo

Ang nais ko’y ulan upang diligan ang lupa
Nang ang uhaw ay mapawi’t makitang basa
Lalangoy sa dagat, hinding hindi sa basura
Malinaw na pag-asa’t bubura sa problema.

Ang lupain ay bitak-bitak kinalaunan
Walang pakinabang ang kanal na dinaraan
Sadyang tao nga ang talagang may kasalanan
Sa damdaming nagliyab ni Inang Kalikasan

‘Wag daw magsunog ng tanso, pobreng maralita
Basura’t usok kung saan ay nakakasira
Naglalahikang plantasyon namamayagpag nga
Gawa ng gobyerno’y kundi maningil ng gana

Kasabay ng pag-unlad pagbabago ng klima
Habang ang marami’y nawawalan ng pag-asa
Bakit hindi kaya ang sistema’y palitan na
Ng hindi naaabuso ang yaman ng bansa

Ang yaman nga’y ninakaw saka pinagsasahan
At si inang kalikasan nadustang tuluyan
Lupa’y binungkal, tinayuan ng kaharian
Na s’yang pabrika ng gahamang kapitalista.

Kaya’t ang nais ko’y umulan ng kalakasan
Upang madiligan tuyong damdaming sugatan
Maging simula ng pagbabago ng panahon
‘sang pagtangis sa pinaghaharian ng ilan.

Ang tulang ito‘y may labing apat na pantig bawat taludtod.
March 10, 2010 – 15;17

Buhay ni Lenlen - ni Anthony Barnedo

BUHAY NI LENLEN
ni anthony barnedo

ang hirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len nakaatang ang lahat sa buhay
kumakayod, umaasa sa kakarampot na kita
kakarampot na tumataguyod sa kanyang pamilya

pamilya, mula sa pamangkin hanggang sa kanyang lola
sa pamilya ng kasama, sa iba, sa masa
sa kuryente, tubig, upa sa bahay, saan hahanapin ang pera,
kung titilad tilarin sa malalaking bayarin ang kakarampot na kita

ang hirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len ang mundo ay problema
naglalakad sa kalsada ng walang pera, sumisigaw
nakikipagbuno sa hampas ng kapalaran

kapalaran ba ang maging dukha
ang maging isang manggagawa, para sa iba
para ba sa bayan at kapitalista
wala nang natira,puro na lang sa kanila

ang hirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len ay hirap ang pag-asa
sige lang ang taas ng ekonomiya, maunlad
ang lamesa`y walang laman,gutom

gutom na nilikha ng sistema
sistemang inabuso ng naghaharing uri, buwaya
buwayang iniluklok ng lagim na makinarya
makinarya na siyang nagiging sistema

mahirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len na umiibig sa bayan
nakikibaka, nagsusulong, naghahangad
nang pagbabago ng sistema….

nang pagbabago ng sistema…

March 25, 2008
sa opisina ng KPML

Sabado, Setyembre 25, 2010

Maralita'y Proletaryado - ni GBJ

MARALITA'Y PROLETARYADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

reserbang hukbo raw ng paggawa
ang turing sa mga maralita
wala sa pabrika silang dukha
di tulad ng mga manggagawa

reserbang hukbo dahil papalit
pag obrero'y tinanggal ng pilit
ng kapitalistang anong lupit
dahil marami namang kapalit

reserba man pareho ang uri
sa dusa sila'y nananatili
wala ring pribadong pag-aari
ang dukhang sa hirap namalagi

sa pinagtrabahuhan lang iba
pagkat ang obrero'y sa pabrika
sariling kayod naman ang isa
ngunit pareho ring nasa dusa

kaya bakit pa pag-iibahin
dukha'y reserbang hukbo ang turing
gayong parehong mahirap pa rin
nagdidildil din kapwa ng asin

kaya ang dukha'y proletaryado
kagaya rin ng mga obrero
na walang pag-aaring pribado
kundi ang lakas-paggawang ito

maralita, proletaryado ka
sumama na sa pakikibaka
babaguhin natin ang sistema
na nagdulot sa inyo ng dusa

sumama sa laban ng obrero
na kapareho nyong proletaryo
lipunang bulok baguhin ninyo
at itatag na ang sosyalismo

Ang Maralita Bilang Uring Proletaryado

ANG MARALITA BILANG URING PROLETARYADO
ni Juan Maralita

Maraming maralita ang nagtatanong kung bakit isinisigaw natin sa mga rali ay "uring manggagawa, hukbong mapagpalaya", gayong hindi naman daw sila manggagawa. Wala daw silang pirming trabaho, di tulad ng mga manggagawa na swelduhan.

Una kong napuna ang sentimyentong ito sa isyu ng P125 nang magrali kami sa Kongreso upang hilingin ang pagpapasa ng batas hinggil sa P125 dagdag na sahod ng mga manggagawa. Mga bandang 2003 yata ito, kung hindi ako nagkakamali.

Sabi ng mga maralita, "Nasaan ang mga manggagawa? Bakit tayong mga maralita ang sumisigaw na itaas ang sahod, gayong wala naman tayong sahod. Ano ang itataas sa atin? Hindi natin ito isyu." Sa raling iyon kasi, mas marami ang maralitang nagrali kumpara sa mga manggagawa.

Sa ilan sa aming mga talakayan, lagi nilang itinatanong kung maituturing ba silang manggagawa. Maralita sila at walang sahod, katwiran nila. Ako naman ay nagsasabing bilang maralita, bahagi tayo ng uring manggagawa. Pero sa pagpapaliwanag sa kanila, kailangan talagang ipaliwanag ito ng masinsinan at hindi simple lang na sabihing "Ang manggagawa ay umuuwi sa mga komunidad at ang mga maralitang may trabaho ay manggagawa." Dahil kasabay nito'y ihihirit nilang muli, "Bakit tayong maralita, sumasama sa mga pagkilos ng mga manggagawa, pero pag tayong maralita ang dinedemolis, wala naman dito ang mga lider-manggagawa. Paano natin mapapatunayan na sila nga ang hukbong mapagpalaya?"

Matitindi ang mga tanong. Ngayon ngang 2009, ilang araw lang ang nakararaan ay muli itong naging paksa ng mga maralita, kaya obligadong talakayin ito ng isang lider-manggagawa sa pulong ng mga pinuno ng lider-maralita. Kinakailangan talagang patindihin pa ang edukasyon o pagpapaunawa ng diwa ng uring manggagawa sa lahat ng sektor.

Kailangan talagang magagap ng maralita na pag sinabi nating manggagawa, hindi ito tumutukoy lamang sa mga manggagawa sa pabrika. Ito'y Marxistang termino na tumutukoy sa relasyon sa pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng makina, pabrika, lupain at mga hilaw na materyales. Dahil Marxistang termino, hindi ito depinisyong taal sa Pilipinas. Obligadong ipaunawa sa kanila bakit lumitaw ang ganitong termino, at bakit natin sinasabing manggagawa ang mga maralita, mangingisda, at maliliit na manininda o vendors, at iba pang aping sektor, kahit hindi sila nasa pabrika.

Isa sa mga pulitikang pag-aaral na ibinibigay sa mga maralita ang ARAK o Aralin sa Kahirapan. Dito'y pinag-aaralan ang mga pinagdaanang lipunan ng tao sa kasaysayan.

Una, sa panahon ng primitibo komunal, kung saan ang mga tao mula sa iba't ibang tribu'y kolektibong namumuhay at nagsasalu-salo sa mga pagkaing kanilang nakukuha.

Lumitaw ang lipunang alipin nang inalipin ng mga malalakas na tribu ang mahihinang tribu. sa panahong ito nagawa ang Great Wall sa Tsina, Pyramid sa Ehipto, at ang Taj Mahal sa India na pawang produkto ng mga alipin. Naging pag-aari ng panginoong may-alipin ang mga alipin.

Nang matuto ang tao ng pag-aagrikultura at inari na ng tao ang lupa, lumitaw ang panginoong maylupa at ang mga walang pag-aari ay nagtrabaho bilang magsasaka. Ito ang lipunang pyudal. Ang sistema dito'y hatian ng produkto sa pagitan ng may-ari ng lupa at ng walang lupang magsasaka, na ang ibinenta ay ang kanilang lakas-paggawa.

Dahil nang panahong iyon ay may salapi na bilang gamit sa pagpapalitan ng mga kalakal, na siyang sistema ng mga mangangalakal ng panahong iyon, lumaganap ang paggamit ng salapi bilang kapalit ng serbisyo.

Kasabay ng paglitaw ng Rebolusyong Industriyal, unti-unti na ring napalitan ang hatian ng produkto sa lupa, na imbes na palay ang kapalit ay salapi na. Unti-unti nang napalitan ang lipunang pyudal ng sistemang kapitalismo. Malaki ang papel na ginampanan ng mga mangangalakal o merchant upang maipakilala ng unti-unti ang sistemang ito. Pati na ang palitan ng kalakal gamit ang pera, at pagbibigay ng pera kapalit ng serbisyo o lakas-paggawa. Kaya para ka magkapera, kung wala kang kapital, ang ibenta mo ay ang iyong lakas-paggawa kapalit ng katumbas na salapi sa bilang ng oras bawat araw. Halimbawa, inupahan ka ng walong oras bawat araw, ang salaping ibibigay sa iyo ay tinatawag na sahod.

Sa lipunang kapitalismo, nariyan ang mga may-ari ng mga kagamitan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales at malalaking lupain, na siya nilang kapital upang makagawa ng maraming produktong bumubuhay sa lipunan, habang ang mas nakararami ay ang mga nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa lipunang ito sumulpot ang dalawang uri: Una'y ang uring nagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon, na tinatawag na kapitalista, burgesya, naghaharing uri, o elitista. Dahil sa kanilang kapangyarihan sa pag-aari, kinilala silang makapangyarihan sa ekonomya at pulitika ng isang bansa.

Ang ikalawa'y ang uring walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon o mga proletaryado (mula sa salitang Italyanong "proletarius" o mamamayan nasa mababang uri dahil walang pribadong pag-aari ng ikabubuhay) at nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa, pangunahin ang mga manggagawang nagtatrabaho sa mga pabrika, kasama na rin dito ang mga maralita, mga bendor, guro, at iba pang nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa kalaunan, mas ginamit ang salitang ‘proletaryado’ na tumutukoy sa manggagawa bilang uri at malakas na pwersa sa pagbabago.

Dahil walang pribadong pag-aaring pabrika, makina at lupain ang mga maralita, kundi nabubuhay din lang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa o pagtatrabaho para swelduhan, ang maralita ay nabibilang sa uring manggagawa o proletaryado at hindi sa uring kapitalista. Kaya ang maralita’y di lang simpleng bahagi ng uring proletaryado, kundi sila mismo’y uring proletaryado.

Sa masinsinang pagpapaliwanag sa mga maralita, mas naunawaan nila kung bakit sila uring manggagawa o proletaryado. Kailangan lang na tayo'y maging matyaga sa pagpapaliwanag at pagpapaunawa nito sa kanila.

Miyerkules, Setyembre 8, 2010

Bulag sa Muta - ni Primo Morillo

BULAG SA MUTA
ni Primo Morillo

Bagot.
Nabuburyong
sa bagal ng daloy
ng panahon.
Sa usad ng hustisyang
kuwadrado ang gulong.

Banas.
Inis sa paulit-ulit,
sa buhay na de-otso.
Alaskado, asar-talo
Asa pa sa pagbabago.

Baliw.
Nagkandaloko sa sistemang
walang pinatunguhan.
Nawalan ng ulirat.
Namatay ng dilat.

Bulagta.

Pawiin ang Pribadong Pag-aari - ni GBJ

PAWIIN ANG PRIBADONG PAG-AARI
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pribadong pag-aari ang ugat
ng dusa ng masang nagsasalat
pribadong pag-aaring bumundat
sa kapitalistang laging angat

kaytindi ng pagsasamantala
dahil inaari ang pabrika
materyales, lupain, makina
nitong mayayamang elitista

ang kapitalista'y umasenso
habang ang masang nagtatrabaho
hirap pa rin, kaybaba ng sweldo
dukha pa rin ang mga obrero

hangga't may pribadong pag-aari
kahirapan ay mananatili
hangga't may pribadong pag-aari
lipuna'y mahahati sa uri

uring manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema
lalo'y sistemang kapitalista
at ibalik ang dangal ng masa

durugin: pribadong pag-aari
pati na burgesya, hari't pari
pawiin natin ang mga uri
nang magkapantay lahat ng lipi

Diwang Sosyalista - ni Greg Bituin Jr.

DIWANG SOSYALISTA
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pag may nakikita kaming pagsasamantala
di kami tutunganga bagkus makikibaka
aalamin agad kung ano ba ang isyu nila
at tutulong kami sa abot ng makakaya

dahil bawat pagsasamantala’y isang krimen
na sa mga biktima’y masakit sa damdamin
ang bawat pang-aapi’y di dapat palagpasin
ang sinumang maysala’y dapat papanagutin

dahil tangan namin ang diwang sosyalista
na dapat ay walang api’t nagsasamantala
hangad naming baguhin ang bulok na sistema
papalitan ng mas makabuluhang esensya

taas-noo kaming patuloy na lumalaban
upang mapalitan itong bulok na lipunan
ngunit di pulos galit ang nasa kalooban
kundi pagmamahal sa kapwa at mamamayan

ang pribadong pag-aaring nagdulot ng hirap
sa sambayanang paglaya ang pinapangarap
sa lipunan ay dapat maiwaksi nang ganap
at sa bagong sistema, ang masa’y ililingap

pangunahing pwersa sa amin ay manggagawa
sila yaong tunay na hukbong mapagpalaya
kaya kung lipunang ito’y daanan ng sigwa
pangungunahan ito ng uring manggagawa

kaya ang panawagan namin ay magkaisa
ang manggagawa upang baguhin ang sistema
kasama ang iba pang aping sektor ng masa
pagkat tangan namin ang diwang sosyalista

Lunes, Setyembre 6, 2010

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula - ni GBJ

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus" noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig, ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross" na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara krus.

Nang nagsaliksik ako sa internet ng tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa pahayagang Obrero o sa pahayagang Ang Sosyalista para maipalaganap sa mga manggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12 taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus" sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.

Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.98

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa unang saknong ng isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

GUNITA SA NAGDAANG KAMUSMUSAN
ni Jose Corazon de Jesus

Sa isang mahaba / at dating kalsada
ang kurus sa Mayo / ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong / mga sampagita;
sa kamay may kurus / siyang dala-dala
ubod po ng ganda.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, p.91

Kurus din ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

ANG PANAHON ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.
- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon, mula sa aklat na Tudla at Tudling, p.370

Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.

Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.

ANG LUMANG SIMBAHAN ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.
- unang saknong ng tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga p.167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!
- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, p.53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ng pantig bawat taludtod), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at hindi natin ito basta-basta na lang binabago.

Ang Lipunang Makatao sa BMP Hymn - ni GBJ

ANG LIPUNANG MAKATAO SA BMP HYMN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa orihinal na kopya ng BMP Hymn, na nalathala sa Maypagasa magazine ng Sanlakas, nakasulat sa ikatlong taludtod, "lipunang makatao" imbes na "daigdig na makatao". Ngunit mas popular na inaawit ngayon ang "daigdig na makatao", habang ang nakalathala naman sa magasing Maypagasa ay "lipunang makatao". Alin ang tama sa dalawa?

Mapapansing ang pagkakasulat ng buong awit ay patula, lalo na't susuriin natin ang tugma at sukat nito. Nakakaunawa ng paraan ng pagtulang may tugma't sukat ang kumatha nito, kaya may palagay akong isa ring makata ang nag-akda ng awit.

Ngunit bago ito, dapat maunawaan ng mambabasa kung ano ba itong tinatawag nating pantig (syllable), taludtod (line), saknong (stanza), tugma (rhyme) at sukat (meter). Ang taludtod ang bawat linya ng tula. Ang saknong ay binubuo ng ilang taludtod, na kung baga sa sanaysay, ito ang talata na binubuo ng ilang pangungusap. Ang tugma naman ay ang pagkakapareho ng tono sa dulo ng dalawa o higit pang taludtod. Ang sukat ang siyang bilang ng pantig o pagbuka ng bibig sa bawat taludtod. Binilang ko ang pantigan ng tatlong saknong ng BMP Hymn, labing-apat ang pantig sa una at ikalawang saknong, habang ang ikatlong saknong naman o ang koro ay labindalawang pantig lahat.

BMP Hymn
Nalathala sa magasing Maypagasa ng Sanlakas
Setyembre 1998, pahina 23

Ating mga karanasan, pinanday, hinubog (14)
Nitong pakikibakang sa atin ay huminog (14)
Kaya't tumindig, patuloy sa pagbabantayog (14)
Ng pag-asa at liwanag na nais ihandog. (14)

Koda:
Hayo na't iguhit sa dahon ng kasaysayan (14)
Sagisag ng uri't ganap nating kalayaan (14)
Nasa pagbubuklod natin ang kapangyarihan (14)
Na kamtin ang pagbabagong ating inaasam. (14)

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang lipunang makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

(Ulitin ang koda)
(Ulitin ang koro 3x)

Kaya kung ang inaawit ngayon sa koro ay "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao" na nasa orihinal, inconsistent na ito sa pantigan, dahil magiging labintatlo na ang pantig ng ikatlong taludtod ng koro. Kaya ganito ang mangyayari:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang daigdig na makatao (13)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Paano nga ba nangyaring nabago ang taludtod na ito? Ginusto ba ito ng mga umaawit nito, o pinalitan mismo ito ng Teatro Pabrika sa pag-aakalang ito ang mas tama? Tila ang nagbago nito'y di nauunawaan ang tugma't sukat sa pagtula na dapat na una niyang pinansin kung babaguhin niya ang tulawit (tulang paawit) na ito. Marahil kung malalaman ng orihinal na nagsulat ng kanta na binago ito ay agad itong magpoprotesta.

Mas angkop pa at hindi kapansin-pansin ang pagbabago kung halimbawa’y ganito ang ginawang pagbabago sa ikatlong taludtod ng Koro:
Patungo sa daigdig na makatao (12 pa rin)

Gayunman, mahalagang suriin natin ang mismong nilalaman ng koro, at ito ang pagtuunan natin ng pansin. "Daigdig na makatao" nga ba o "lipunang makatao"? Magandang suriin muna natin kung ano ang kahulugan ng "daigdig" at "lipunan".

Ayon sa unang kabanata ng librong "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman, "Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay “asosasyon ng tao”, ito’y isang “asosasyon” para sa kabuhayan ng mga myembro nito."

Ano naman ang "daigdig"? Ang daigdig naman ay isang planeta sa pisikal na kaanyuan nito, at hindi isang sistema ng kabuhayan. Ayon sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya, at sa WikiFilipino: "Ang planetang Daigdig[1] ay ang pangatlong planeta mula sa Araw. Ito ang pinakamalaking planetang terestriyal ng sistemang solar. Kumpirmado ng makabagong agham na ang Daigdig lamang ang katawang pamplaneta kung saan maaaring tumira ang mga buhay na organismo tulad ng mga hayop at halaman."

Agad naresolba ang munting problemang ito kung pagbabatayan ang ikaapat na taludtod ng koro na "Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo", kaya ang ikatlong taludtod ng koro ay tumutukoy sa "lipunang makatao" at hindi sa "daigdig na makatao".

Pagkat ang sosyalismo ay sistema ng lipunang ipapalit natin sa lipunang kapitalismo. Tulad ng ating binabanggit sa ating mga pag-aaral ng lipunan sa daigdig na ito mula primitibo komunal, lipunang alipin, lipunang pyudal, ang kasalukuyang lipunang kapitalismo, at ang ipapalit natin ditong lipunang sosyalismo. Bagamat sinasabi nating pandaigdigan ang pagbabagong dapat maganap dahil pandaigdigan ang salot na kapitalismo, na dapat nating palitan ng pandaigdigang sosyalismo, ang mas tinutukoy nating babaguhin ay ang sistema ng lipunan, at di pa ang mismong daigdig. Dagdag pa rito, nabanggit na sa ikalawang taludtod ng koro ang salitang "mundo" na singkahulugan ng "daigdig".

Kaya para sa consistency sa bilang ng pantig, sa lohika, sa kahulugan at sa ideyolohiya, mas angkop at wastong gamitin ang "lipunang makatao" kaysa "daigdig na makatao" sa koro ng awit. Mungkahing ito ang ating gamitin sa pag-awit ng BMP Hymn.

Sa kabuuan, maganda ang mensahe ng sosyalistang awitin ng BMP dahil makatindig-balahibo at nakapagpapaapoy ng damdamin kung uunawaing mabuti ang mensahe ng awit, sadyang kumakapit sa kaibuturan ng ating diwa't pagkatao.

Linggo, Setyembre 5, 2010

Ang Dapat Na'y Abolisyon ng mga Uri - ni GBJ

ANG DAPAT NA'Y ABOLISYON NG MGA URI
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di pagkakapantay-pantay ng mga uri
ang ninanais ng hukbong mapagpalaya
pagkat mga uri'y di dapat manatili
pagkat ito ang dahilan ng dusa't luha

kung pagpapantayin natin ang mga uri
na nais nitong kapitalistang kuhila
obrero'y patuloy lang sa buhay na sawi
sistema'y di nagbago't lalo lang sumama

uring elitista'y nagbabakasakali
upang maisalba ang uring walang awa
alam nilang sa manggagawa'y natatangi
ang dakilang misyong dapat nilang magawa

manggagawa'y may misyong dapat ipagwagi
palitan ang sistemang dahilan ng sigwa
sistemang kapitalismo'y dapat mapawi
pagkat dulot ay buhay na kaawa-awa

misyon nila'y abolisyon ng mga uri
ito ang adhika ng uring manggagawa
tatanggalin din ang pribadong pag-aari
upang maipanalo ang misyong dakila

walang uring dito'y dapat pang manatili
nang matayo na ang sosyalismong adhika
uring manggagawa’y siyang dapat maghari
silang kinilalang hukbong mapagpalaya

Sabado, Setyembre 4, 2010

Mangarap at Kumilos - ni Ramon B. Miranda

MANGARAP AT KUMILOS
ni Ramon B. Miranda

Nais mong maabot lipunang malaya
Ibig mong makamit kaginhawaan ng madla
Nangarap kang ang lupa’y ibigay sa timawa
At masaganang buhay para sa manggagawa.

Paano mo mararating ang pangarap na ito
Kung bulag ka sa nangyayari sa paligid mo
Tainga mo nama’y bingi sa karaingan ng tao
Di mo pinapansin ang kanilang pagsusumamo.

Pananaw mo sa buhay, bakit ba ganyan?
Nais mong tumulong ikaw nama’y nag-aalinlangan
Ikaw ba’y natatakot iyong karapata’y ipaglaban?
O iniisip mo lamang ang sarili mong kapakanan?

Kung sa dibdib mo’y takot ang namamahay
Pangarap mong lipunan di maipagtatagumpay
Kaya nakasalalay sa iyong mga kamay
Taos-pusong pakikilahok sa pakikibaka ng buhay.

Kaibigan halina’t mag-aral at mag-isip
Tayo nang bumangon sa pagkakaidlip
Karapatan natin kailangang masagip
Sa kuko ng mapagsamantala, gahaman at sipsip.

Sa sistemang bulok, huwag aksayahin
Itong kinabukasang tinataglay natin
Ang ating mga teorya’y dapat pagyamanin
Buhay ay gugulin sa magandang adhikain.

Gawaing pagmumulat ay mahirap talaga
Sanlaksang pilosopo sa iyo ay dadagsa
Kung magtitiyaga ka lamang sa pag-oorganisa
Hanay ay mabibigkis, lipunan ay lalaya.

Nasa pagkilos ang ating paglaya
Hindi sa pangarap at patunga-tunganga
Kung hindi ngayon, kailan pa
Kaya kilos na, baka masayang ka!

Parang Ibon - ni Sammy Arogante

PARANG IBON
ni Sammy Arogante

Nagmula sa nayon
Nangarap umahon
Parang ibong langay-langayan
Dapo dito, dapo doon

II

Tulad ng maralita
Tirik dito, tirik doon
Kahit masikip, ito’y tinitiis
Estero, kalsada, kami’y nakatirik

Kahabaan ng Boulevard
Inyo kaming masisilip
Tahanang tagpi-tagpi
Ito’y masisikip


III

Bata ay masasaya, panganib di alintana
Tangkang demolisyon, sa kanila’y balewala
Basta’t makapaglaro, sila’y masaya na
Mga dyip, trak, kanilang kaulayaw
Murang kaisipan ay wala pang alam
Kung anong sasapitin ng abang kalagayan

IV

Araw man o gabi, kami’y di mapakali
Dahil ang panganib, lagi naming katabi
Lugar na tinitirikan, malapit sa aksidente
Sa hirap ng buhay, nakikipagsapalaran lagi.

V.

Mabuti pa ang ibong langay-langayan
Maraming madadapuan
Pero kaming maralita
Madalas walang tirahan

Lagi pang binubulabog
Ng pesteng pamahalaan
Kaya nagtitiis na lang kumubli
Maging sa ilalim ng tulay

Kailan pa sila tutulungan
Ng pamahalaan
Para maisaayos naman
Ang kanilang pamumuhay?

Batang Manggagawa - ni Antonio Pesino

BATANG MANGGAGAWA
ni Antonio Pesino

Mabangis ang lamig sa paghihintay ng bukang liwayway
Tinutuhog ito ng ideyang makamit ang tagumpay
Na sa bawat minuto’y may kapalit na gintong mahukay
na papawi sa paghihikahos ng kalamnan at buhay.

Mula sa init ng araw, katawang paslit ay pinanday
Kaakibat nitong nagpupumiglas ng damdaming taglay
Paano makawawala sa tanikalang pumapatay?
Sa panahong dapat ay isang maayos na pamumuhay.

Delubyo ang haring araw, sa lakas paggawa’y sumabay
Tagaktak ang pawis, sa balikat ‘tong mundo’y nakasampay
At bawat pagnanais ay di makaahon sa pagkampay
At bawat pagnanais makarating ay di magtagumpay.

Ni pag-angkin sa karapatan ay walang kamalaymalay
Kahit paglalaro ay walang puwang kahit sa bahay
Kaligayahan ay ang salaping pinagpagurang tunay
Tumatawid sa kahirapan kahit walang gumagabay.

Ngunit di sa dapithapon natatapos ang paglalakbay
Hindi lamang sa pagbubungkal ng lupa iwawagayway
Hindi sa basurahan, palaisdaan nakasalalay
BATANG MANGGAGAWA, dapat lang sa eskwelahan ilagay.

- labing pitong pantig

oct. 07, ’07, Villa Consuelo

Mapalad nga ba ang inaapi? - ni GBJ

MAPALAD NGA BA ANG INAAPI?
ni greg bituin jr.
10 pantig bawat taludtod

mapapalad kayong naghihirap
ang sabi ng mga mapagpanggap
pagkat langit inyong malalasap
kaya huwag na kayong mangarap

mapalad nga ba ang inaapi
relihiyoso'y ito ang sabi
kaya ang tanong kong nalilimi
relihiyon nga ba'y anong silbi

inaapi na nga, mapalad pa?
anong klase ba ang turo nila
mali-mali ang turo sa masa
inapi na, mapalad pa pala!

mapalad daw ang mga naapi
kaya tigilan nyo na ang rali
talaga ngang sila'y ibang klase
nais lang pala'y huwag nang magrali

niloloko pa nila ang dukha
silang wala namang ginagawa
sa paghihirap ng maralita
pangako nila'y panatang wala

Panimulang Oryentasyon ng MASO AT PANITIK

Ang MASO AT PANITIK ay isang samahan ng mga makata at manunulat para sa uring manggagawa at masa ng sambayanan, mga aktibistang alagad ng panitikan na nagsusulong ng kaisipang Marxismo at Leninismo sa pambansang kamalayan na ang adhikain ay ang pagtatayo ng lipunang sosyalismo. Ang tema ng kanilang mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng proletaryado, iba't ibang isyung panlipunan at pang-ekonomya, at layuning pagwasak sa relasyon ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan.

Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pangangampanya tungo sa lipunang sosyalismo. Kaya nararapat lamang na organisahin ang mga aktibistang manunulat at makata upang makapag-ambag sa pagsulong ng sosyalistang literatura sa buong daigdig.

Para sa grupong MASO AT PANITIK, internasyunalismo at sosyalismo ang dapat lumaganap ngayon. Kaya nagkaisa ang ilang mga sosyalistang makata at manunulat na dapat gamitin ang literatura para sa pagsusulong ng kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Tungkulin ng mga kasapi ng MASO AT PANITIK ang pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.

MGA SASAPI:
- Nakakuha ng oryentasyon ng MASO AT PANITIK
- Nakapagpasa ng tatlong tula o dalawang sanaysay o isang maikling kwento
- Nasulatan, nalagdaan at nakapagpasa ng membership form
- Nakakuha ng edukasyong pang-aktibista, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK) at Landas ng Uri (LNU)
- May pagkilala sa Pahayag ng mga Prinsipyo ng sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (mula sa Saligang Batas ng KPML) at 10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), na siyang mga magulang ng grupong MASO AT PANITIK

MGA TUNGKULIN AT GAWAIN NG MGA KASAPI:
- Pagtukoy at pagrerekrut ng mga aktibistang manunulat at makata
- Pagsusulat ng maikling kwento, sanaysay at tula na nagpapakita ng aping kalagayan ng manggagawa, maralita, mangingisda, magsasaka, kababaihan, kabataan, at iba pang aping sektor sa lipunan
- Pagbibigay ng pag-aaral hinggil sa pagsusulat ng maikling kwento, sanaysay, tulang may tugma't sukat, tulang may malayang taludturan, kasaysayan ng panitikang Pilipino
- Sariling pag-aaral at pagbibigay ng sosyalistang pag-aaral sa kapwa makata't manunulat, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Landas ng Uri (LNU), at Puhunan at Paggawa (PAKUM)
- Pag-oorganisa ng mga literary editors sa mga pahayagang pangkampus
- Paggawa ng mga aklat-pampanitikan hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan at pang-ekonomya
- Palagiang paglulunsad ng mga poetry reading hinggil sa iba't ibang isyu ng sambayanan, na maaaring gawin sa mga piketlayn, sa mga lugar na dinemolis, sa rali sa Mendiola, sa lansangan ng pakikibaka
- Pagpapakilala sa mga sosyalistang makata at manunulat
- Pagkatha ng mga islogan sa mga pagkilos, tulad ng rali o mobilisasyon
- Pagmumulat sa pamamagitan ng pagtula
- Pagsasalin ng mga sosyalistang akda at tula
- Paghahanap ng pondo para sa mga ilalathalang aklat at pahayagan
- At marami pang iba na may kaugnayan sa pagsusulong ng sosyalistang diwa’t panitikan

MGA PROYEKTONG AKLAT SA 2010
- MASO, Kalipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Ikaapat na Aklat
- KOMYUN, Kalipunan ng Panitikan ng Maralita, Ikatlong Aklat
- TIBAK, Kalipunan ng Panitikang Aktibista, Ikalawang Aklat

ILANG MGA PAHAYAG:

Pahayag ng mga Prinsipyo ng KPML
- mula sa Saligang Batas ng KPML, Artikulo 2

Seksyon 4. Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.

Seksyon 8. Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.

Seksyon 9. Naniniwala ang KPML na ang isang sosyalistang kaayusan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa, sama-sama at tuloy-tuloy na pagkilos ng mga maralita ng lunsod, ng mga manggagawa, at ng buong sambayanan.


10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng BMP

Isa mga pangunahing dahilan ng pagbaklas ng BMP sa KMU ang magkaibang tindig ng dalawang samahan sa oryentasyon ng kilusang paggawa - magkakasya na lamang ba ang mga manggagawa sa pagsusulong ng pambansang demokrasya o ipaglalaban nila ang isang lipunan na bubuwag sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala?

Sa ilalim ng pambansang demokrasya, iinam ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa. Subalit mananatili silang alipin ng kapital - mga sahurang alipin na binubuhay lamang para lumikha ng yaman na hindi sa kanila.

Sa sosyalismong tinitindigan ng BMP, ipapalit ang isang sistema na walang pagsasamantala at pang-aapi sa sinuman. Isang sistema na magtataglay ng sumusunod na katangian:

1. Lipunang walang mga uri. Lipunan na hindi hinahati, hindi sinisino o kinikilala ang tao sang-ayon lamang sa uri niyang kinalalagyan.

2. Lipunang walang imperyalismo at imperyalistang pagsasamantala. Lipunang wawakas sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

3. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Lipunang nakapundar sa sosyal na pagmamay-ari ng mga kasangkapan at mga produktong nililikha nito.

4. Lipunang hindi pinatatakbo ng 'free market' o nakapundar lamang sa tubo at paghahangad ng limpak na tubo. Lipunang nakaplano ang ekonomiya sang-ayon sa layuning ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao.

5. Lipunang ang estado ay pinatatakbo ng mga manggagawa. Lipunang ang buong populasyon ay bahagi ng armadong hukbo ng bayan.

6. Lipunang ipinatutupad ang ganap na demokrasya sa pamamagitan ng direktang partisipasyon ng bawat tao sa gobyerno at sa lahat ng usaping hinaharap ng lipunan.

7. Lipunang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao - trabaho sa lahat, libreng pabahay, libreng edukasyon sa kabataan, libreng gamot at pangangalaga sa kalusugan, at marami pa. Ang mga ito ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan.

8. Lipunang ang mga pagawaan ay patatakbuhin ng mga manggagawa mismo (workers' self-management).

9. Lipunang ganap na magpapalaya sa kababaihan mula sa pang-aapi sa pagawaan at sa loob ng tahanan.

10. Lipunang bibigkis sa pinakamalawak na pagkakaisa ng buong sangkatauhan.