LUPANG KANDULI
ni Anthony P. Barnedo
Kapirasong paraiso’y kanilang pinagyaman
Upang maging kanlungan nitong abang mamamayan
Ang lawa ay karugtong ng kanilang kabuhayan
Hantungan ng kanilang masiglang kinabukasan.
Kaunlaran ay yumabong sa paglipas ng taon
Dati’y bahay na pawid ngayo’y bato ang silungan
Ilang bagyo na rin ang sumubok sa katikasan
Para sa pamilya’y pinamalas ang katatagan.
Sa mapang-akit nitong taglay na likas na yaman
Lawa’y pinanlisikan nitong pagkagahaman
Tila ang bait upang mangingisda ay tulungan
Binuhos ang puhunan sa pag-alagwang tuluyan.
Sinamantala na ang lahat ng pagkakataon
Nagpyesta ang kapitalista, lawa’y ibinaon
Ang naging pyesa’y manggagawa’t sa tubo tumuon
Kasehodang pagkayurak ng abang kalikasan.
Ang gobyerno’y nakatanaw ng pangangailangan
Nakangising ginamit ang kanyang kapangyarihan
Binasbasan ang kita at binigyan ng katwiran
Pagkamal ng salapi ng iilang mayayaman.
Pagprotekta sa bayan ang pangunahing dahilan
Sa pagsasaayos nitong lawa ng karangyaan
Itinayo yaong dam sa dakong timog kanluran.
Hanggang ito’y naging palikurang walang imbakan.
Naglaho na ang samu’t saring natural na yaman
At naging pusali ang angkin nitong kagandahan
Ano kaya ang ibibida nito sa dayuhan?
Isang kahunghangan at sadyang kasinungalingan.
Noon ang kasaganaha’y tinatamasa ninuman
Ngayon ay pagdarahop ang grabeng nararanasan
Sa pagbulusok ng pag-unlad ng lagay ng bayan
Maralita’y lumubo’t nawasak pang kalikasan.
Lumipas ang panahon at ang bathala’y tumugon
Ang sisi’y sa maralita kung bakit nagkaganun
Kaya itong pobre’y sapilitang pinalilisan
Sa lupang kanyang tinubuan at kinalakihan.
Totoo ang panganib ay palagiang nariyan
Bagyo at pagbaha’y talagang kakahilakbuan
Ngunit hindi ang maralita ang may kasalanan
Ng trahedyang iginuhit ng sirang kalikasan.
Di ba’t ang may kasalanan ay silang namuhunan
Lantarang inagaw sa mahirap ang kabuhayan
Walang humpay sa pagtatayo ng palaisdaan
Hanggang dukha’y nawalan na ng pangingisdaan.
Kapitalista ang dapat na pinaparusahan
Pagkat ang pagkagahaman ang tunay na dahilan
Kung bakit ang lawa ay lusak ang kinahantungan
Naging impyerno! paraisong pinahalagahan!
Ngayon ang maralita’y itatapon sa kung saan
Serbisyo raw ng demokratikong pamahalaan
Ano kaya ang naghihintay na kinabukasan?
Paninirahan at kabuhayang walang katiyakan.
Pasasaan pa’t iiral matinding tunggalian
Siguradong di pagagapi ang uring gahaman
Kanila’y ililigtas pinagkukunan ng yaman
Kahit pa ipagbuwis ng buhay ng karamihan.
Huwag sanang maging marahas ang pamahalaan
Paglilingkod sa bayan gawing makatotohan
Maralita’t manggagawa sanang maging sandigan
Hindi kapitalista ang dapat na paglingkuran.
Pagkaganun pa man ang laban ay huwag bitawan
Magkaisa sa makataong interes ng bayan
Ang lawa ng karangyaan, ang lupang tinubuan
Iwaksi ang sistemang nagpapahirap sa bayan.
Tulang may labing limang pantig bawat taludtod.
Ang tulang ito ay hango sa mga kwento ng mga nakatira sa baybayin ng Laguna Lake o “Lupang Kanduli” na ang ibig sabihin ay lupang inaabot ng tubig mula sa lawa. Ang tula ay sumasalamin sa buhay at suliranin ng mga mamamayang naghahangad ng makataong serbisyo para sa katiyakan ng kanilangt paninirahan.