Linggo, Hulyo 3, 2011

Di si Rizal ang Kumatha ng "Sa Aking Mga Kabata"

DI SI RIZAL ANG KUMATHA NG "SA AKING MGA KABATA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwing Agosto ay pinagdiriwang ang Buwan ng Wika, at tiyak na matatalakay muli ang kasabihang "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda." Karaniwan, ang kasabihang ito tungkol sa wika ay sinasabing mula raw sa isang tula ni Jose Rizal - ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na sinulat umano niya noong siya'y walong taong gulang pa lamang. Ito ang palasak hanggang ngayon.

Nang dumalo ako noong Hulyo 2, 2011 sa paglulunsad ng aklat na "Rizal: Makata" ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, nagkainteres akong lalo nang mabasa ko mismo sa likod ng aklat ang malaking nakasulat: Hindi si Rizal ang sumulat ng "Sa Aking Mga Kabata". Kaya mataman akong nakinig sa pagtalakay ni G. Almario habang ipinaliwanag niyang hindi kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata".

Balikan natin ang tulang "Sa Aking Mga Kabata":

Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.

Ang salita nati'y huad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.

Magaling ang pagkakatula, kabisado ng makata ang tugma't sukat. Bawat taludtod ng tula ay lalabindalawahing pantig, at may sesura sa ikaanim na pantig.

Ipinaliwanag ni G. Almario ang maraming tula ni Rizal, tulad ng "Mi Retiro" at "Ultimo Adios", pati kung paano ito isinalin. At ang huli niyang tinalakay ay ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" at sinabi nga niyang di kay Rizal ang tula. Maraming ibinigay na paliwanag si G. Almario, ngunit sapat na sa akin ang isa lang upang mapatunayan kong hindi nga kay Jose Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" - ang salitang "kalayaan".

Ayon kay G. Almario, sa liham ni Jose Rizal sa kanyang Kuya Paciano noong 12 Oktubre 1886, ipinagtapat ni Rizal ang kahirapan sa pagsasalin niya ng Wilhelm Tell, istorya ng isang bayani ng Switzerland, lalo na ang salitang Aleman na "Freiheit" o sa Kastila ay "libertad" dahil wala siyang makitang katumbas na salitang Tagalog nito. Kahit ang salitang "kaligtasan" ay di niya maitumbas sa pagsalin ng salitang "Freiheit" o "libertad". Nakita lang niya sa salin ni Marcelo H. Del Pilar ng akdang "Amor Patrio" ang salitang "malaya" at "kalayaan" bilang salin ng "Freiheit" o "libertad" kaya ito na ang kanyang ginamit.

Kung hindi alam ni Rizal ang salitang "kalayaan" bago niya isinalin ang Wilhelm Tell noong 1886, paano niya nasulat noong walong taong gulang pa lamang siya ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" (1869)? Tanong nga ni Almario, nagkaamnesya ba si Rizal kaya di niya napunang nagamit na niya ang salitang "kalayaan" sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata"? Pero ang totoo, di nagkaamnesya si Rizal kundi talagang di kanya ang tula. Pati ang pagkakasulat ng tula ay hindi kay Rizal, dahil sa orihinal na tulang nilimbag ni Hermenegildo Cruz, ang pagkabaybay ay "kalayaan" na dalawang beses sinulat sa tula, gayong sa paraan ng pagsusulat ni Rizal, dapat ito'y "calayaan" noong panahong siya'y nasa eskwelahan hanggang kolehiyo.

Pinuna pa ni G. Almario pati ang salitang "Ingles" kung bakit naroroon iyon, gayong dapat ay salitang "Griyego" ang nakasulat doon. Panahon kasi ng Amerikano nang ilathala ni Hermenegildo Cruz ang tulang iyon, kaya marahil papuri ito sa bagong mananakop para mailusot sa mga sensor na Amerikano ang tula. Ayon pa kay G. Almario, kung detektib lamang siya, tatlo ang suspek kung kanino talaga galing iyon - kay Hermenegildo Cruz, ang nagbigay dito ng tulang si G. Gabriel Beato Francisco, na ipinagkaloob naman dito ni G. Saturnino Racelis ng Lukban. Kaya kung di kay Rizal ang "Sa Aking Mga Kabata", di siya kumatha ng anumang tula sa wikang Tagalog. Lahat ng tula ni Rizal ay pawang nasa Espanyol.

Pag-uwi ko'y binasa ko ang Kabanata 9 ng aklat, na may pamagat na "Tumula Ba si Rizal sa Tagalog?" at sinaliksik ko ang mismong sinulat ni Rizal sa kanyang Kuya Paciano. Nasa wikang Ingles ang nakita ko, nasa filipiniana.net.

http://www.filipiniana.net/publication/rizal-leipzig-12-october-1886-to-paciano-rizal/12791881737302/1/0

"I lacked many words, for example, for the word Freiheit or liberty. The Tagalog word kaligtasan cannot be used, because this means that formerly he was in some prison, slavery, etc. I found in the translation of Amor Patrio the noun malayá, kalayaban that Marcelo del Pilar uses. In the only Tagalog book I have — Florante — I don't find an equivalent noun. The same thing happened to me with the word Bund, liga in Spanish, alliance in French. The word tipánan which is translated in Arca de la alianza or fidelis arca doesn't suffice, it seems to me. If you find a better word, substitute it. For the word Vogt or governor, I used the translation given to Pilate, hukúm. For the prose I used purposely the very difficult forms of Tagalog verbs that only Tagalogs understand."

Sa paglulunsad ng librong "Rizal: Makata" sa Filipinas Heritage Library sa Makati Avenue, nagbayad kami ng P250.00 para sa talakayan, kung saan kasama na sa binayaran ang aklat, sertipiko at meryenda. Nilathala ang libro ng Anvil Publishing. Ang paglulunsad ng libro ang handog ni G. Almario sa ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal. Kaya bawat isang dumalo ay may libro. Pinalagdaan ko iyon kay G. Almario bago kami umalis ng aking kasamang babae na naengganyong dumalo sa paanyaya ko sa facebook. Doon na kami nagkita sa venue. Marami akong inimbita sa facebook. Gayunman, sulit para sa tulad kong makata, manunulat at istoryador ang pagkakadalo ko sa talakayang iyon. Di nasayang ang pagod ko, dahil bukod sa napakarami kong natutunan, may natutunan akong bago.

Hindi pala kay Rizal at hindi pala si Rizal ang kumatha ng tulang "Sa Aking Mga Kabata", kaya tiyak malaki ang epekto nito sa Buwan ng Wika na ipinagdiriwang tuwing Agosto. Marahil, hindi na mababanggit si Rizal, at maiiwan na si Manuel L. Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa.

Mamamatay na kaya ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" ngayong nalaman nating di pala si Rizal ang totoong tumula nito?

Sa palagay ko, dahil hindi pala kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata", maraming mababago sa mga libro, at marahil unti-unti ring mawawala sa kamalayan ng madla ang tulang ito, bagamat maganda ang dalawang taludtod nitong naging gabay ko na sa aking pagsusulat at pinaghanguan ng isang palasak na kasabihan - "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento