Huwebes, Nobyembre 17, 2011

Wakasan ang Impunidad


Nobyembre 23, Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Impunidad
ni Greg Bituin Jr.

Kasabay ng ikalawang anibersaryo ng pinakamatinding atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan, ang Maguindanao massacre sa Mindanao, ilulunsad ng iba’t ibang grupo sa buong mundo ang kauna-unahang pagkilala sa International Day to End Impunity (IDEI) sa Nobyembre 23, 2011 bilang bahagi ng pandaigdigang panawagan ng hustisya para sa lahat ng mga pinaslang dahil sa kanilang karapatang magpahayag.

Matatandaang noong Nobyembre 23, 2009, walang awang pinaslang ang 57 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag at manggagawa sa media, sa Maguindanao, habang ang mga ito’y papunta upang samahan ang pamilya Mangudadatu at mga tagasuporta nito sa pagpa-file ng kandidatura sa pagka-gobernador ni Esmael Mangudadatu.

Noong Hunyo 2, 2011, inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang 2011 special report na pinamagatang “Getting Away with Murder” sa pandaigdigang pulong ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX) sa Beirut, Lebanon, kung saan tinalakay ang impunidad sa buong mundo. Doon idineklara ng mga mamamahayag ang Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity) bilang pag-alala sa kamatayan ng 32 Pilipinong mamamahayag na napatay sa Maguindanao massacre. Nasa 2011 impunity index ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq, Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India. Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag sa buong mundo ang pinatay mula 1992, at 36 na nitong 2011.

Ang pandaigdigang aktibidad sa Nobyembre 23 ay pinangungunahan ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX), na nakabase sa Toronto, Canada, at isang network ng 95 na organisasyon ng mga mamamahayag sa buong mundo. Sa Pilipinas naman, ito’y pinangungunahan ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

Ano nga ba ang impunidad? Ayon sa international law of human rights, ito’y tumutukoy sa kabiguang dalhin sa hustisya ang mga lumabag sa mga karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay isang kultura ng pagpatay at kawalang hustisya. Nariyan ang kaso ng pagpatay at pagdukot sa mga aktibista, o desaparesidos, na hanggang ngayon ay di pa nakikita.

Ang Pilipinas ang itinuturing na isa sa mga delikadong lugar sa mga mamamahayag sa buong mundo. Ayon sa CMFR, may 121 mamamahayag na ang pinaslang sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Sa mga kasong ito, nasa 8% pa lamang ang mga kasong nareresolba.

Dapat mawakasan na ang ganitong mga karahasan at kultura ng kamatayan.

Wakasan na ang impunidad! End Impunity, Now!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento