Martes, Abril 17, 2012

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa, Kapartido ni Ninoy Aquino sa LABAN (1978)
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa ikawalong isyu ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012, pahina 18.)

Kilalang manggagawa si Ka Alex Boncayao. Isa siya sa kapartido ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., nang tumakbo ito para sa halalan noong 1978 para sa Interim Batasang Pambansa.Ang Lakas ng Bayan, na pinaikling LABAN, ang partido pulitikal na inorganisa ng nakakulong pa noon na si Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.  Kalaban nilang mahigpit dito ang KBL (Kilusang Bagong Lipunan). Ang ilan sa mga kumandidato rito ay sina Alex Boncayao (kinatawan ng manggagawa), Trinidad "Trining" Herrera (kinatawan ng maralita) at Jerry Barican (kinatawan ng kabataan). Sa 165 kandidato, 137 ang nakuha ng KBL, ngunit walang naipanalo kahit isa ang LABAN. Ngunit sino nga ba si Alex Boncayao, ang lider-manggagawa? Bakit ang pangalan niya ay mas sumikat, hindi pa sa halalan, kundi nang ipinangalan sa kanya ang isang brigadang kinatakutan noon ng burgesya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB)?

Ayon sa ilang pananaliksik, tubong Agos, sa bayan ng Bato, sa lalawigan ng Camarines Sur si Alex Boncayao na mula sa pamilya ng mga magsasaka. Dahil namulat sa kahirapan sa kanayunan, sa murang gulang ay nilisan niya ang pinagmulang bayan upang makapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo. Pagdating niya ng lungsod, naghanap siya ng iba't ibang trabaho upang mabuhay. Siya'y naging tricycle driver, naging dyanitor at naging assistant chemist sa pabrikang Solid Mills.

Panahon ng batas militar nang maging tagapangulo siya sa unyon ng Solid Mills. Pinangunahan niya ang mga welga't sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ng Solid Mills noong 1976-77. Noong 1975-76, isa si Alex sa mga responsableng lider ng naunang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na namuno sa militanteng kilusang manggagawa upang labanan ang diktadurya ng  rehimeng Marcos.

Kasama siya sa mga tumakbong kandidato, sa pangunguna ni Senador Ninoy Aquino, sa ilalim ng bandera ng LABAN, sa halalan ng Interim Batasang Pambansa (IBP). Kasama ni Alex Boncayao sa mga kandidato ng Laban ang mga kilalang pulitikong sina Ernesto Maceda, Ramon Mitra, Jr., Nene Pimentel, Soc Rodrigo, Charito Planas at Neptali Gonzales. Walang nakalusot ni isa sa dalawampu't isang kandidato ng LABAN.

Dahil sa malawakan at lantarang dayaan sa halalan at panghuhuli ng diktaduryang Marcos sa mga kandidato ng LABAN, nagpasyang mamundok si Alex. Tumungo si Alex sa kanayunan at nagpasyang lumahok sa armadong pakikibaka. Sumapi si Alex Boncayao sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa Nueva Ecija at nag-organisa ng mga manggagawang bukid. Hunyo 19, 1983, isang buwan bago paslangin si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport, napatay si Alex Boncayao ng mga sundalo ng rehimeng Marcos sa isang engkwentro sa Nueva Ecija.

Isang taon pagkamatay niya, noong 1984, binuo ng Metro Manila Rizal Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines ang isang brigadang ipinangalan sa kanya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB) na may layuning magkaroon ng level playing field bilang armadong hukbong tagapagtanggol ng mga manggagawa laban sa mga goons ng kapitalista, at maging tagapagtanggol ng mga inaapi. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang ABB ay kinatakutan ng burgesya’t mayayamang mapang-api sa masa habang lihim namang nagpapalakpakan, sa ayaw man natin o sa gusto, ang masang kaytagal na pinagsamantalahan ng bulok na sistema.

Si Alex Boncayao, tulad ng iba pang martir ay hindi makakalimutan ng kilusang sosyalista at ng kilusang paggawa. Ang pangalan niya'y naging simbolo ng paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala. 

Ang kanyang mga makabuluhang ambag para sa pagsusulong ng pagbabago ay hindi matatawaran. Isa siyang tunay na martir ng uring mapagpalaya. Mabuhay si Alex Boncayao, manggagawa!

Mga Pinaghalawan:
(a) aklat na Ulos, Mayo 2002
(b) Wikipedia articles
(c) filipinovoices.com
(d) matangapoy.blogspot.com
(e) Taliba ng Bayan, 1992


PAHIMAKAS KAY ALEX BONCAYAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Nagpapatuloy pa ang pakikibaka
Ng maraming api sa gabi at araw.
Sa tinig sa ilang ng luha at dusa
Ang ngalan mo'y tila umaalingawngaw.

Kasama mo noon si Ninoy Aquino
Kandidato kayo sa partidong Laban
At tumakbo kontra pasistang gobyerno
Upang ang bayang api’y mapaglingkuran.

At nang matapos nang ganap ang eleksyon
Ay pumalaot ka tungong kanayunan
Sumama ka na doon sa rebolusyon
Ang masa'y kapiling at pinagsilbihan.

Prinsipyo’y matatag, hindi nadudungo
Magiting kang lider ng masa't obrero
Ngunit pinaslang ka ng pasistang punglo
Kaytindi ng iyong isinakripisyo.

Kaya nang mapaslang ka’y naging imortal
Sa ngalan mo’y natatag isang brigada
Misyo’y durugin kapitalistang hangal
Na sa manggagawa’y nagsasamantala.

Ang ngalan mo yaong umaalingawngaw
Sa dakong iyon ng bulok na sistema
Bayani kang tunay, Ka Alex Boncayao
Tulad mong obrero'y tunay na pag-asa.

Linggo, Marso 18, 2012

Ang Komyun ng Paris - Unang Gobyerno ng Manggagawa

Komyun ng Paris (Marso 18 - Mayo 21, 1871)
UNANG GOBYERNO NG URING MANGGAGAWA
ni Greg Bituin Jr.

Dalawang buwan lamang ang itinagal ng Komyun ng Paris, ang itinuturing na unang gobyernong pinamahalaan ng mga manggagawa, ngunit ang kasaysayan nito'y hindi matatawaran. 

Sa loob ng dalawang buwang iyon na pinangunahan ng mga manggagawang kababaihan ng Paris, pinamahalaan ng mga manggagawa ang bagong anyo ng lipunan, ang lipunan ng uring manggagawa. Ngunit nakabalik ang pwersa ng burgesya, at tatlumpung libong (30,000) manggagawa ang minasaker ng tropa ng gobyernong pinamamahalaan ni Adolpe Thiers. Nagbubo ng dugo ang mga manggagawa ng Paris ngunit ang kanilang ginawa'y nagmarka na sa kasaysayan ng uring manggagawa sa daigdig. Sa akdang The Civil War in France (1871) ni Karl Marx, kanyang isinulat na ang Komyun ng Paris ang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labor could take place” (nadiskubre na ang isang pormang pulitikal kung saan ang pang-ekonomyang kaligtasan ng paggawa ay maaari nang maganap.) 

Kalagayan ng Pransya bago ang Komyun ng Paris

Nasa gitna ng digmaan ang Pransya laban sa bansang Prussia (na Germany ngayon) na pinamumunuan ni Otto von Bismarck. Ang digmaang ito, na kilalang Franco-Prussian war ng 1870-71, ay digmaan sa pagitan ng Ikalawang Imperyong Pranses at ng Kaharian ng Prussia. 

Nasakop na ng Prussian Army ang Paris, ngunit hindi nakipagmabutihan ang mga manggagawa ng Paris sa mga sundalo ng Prusya. Bumagsak ang Paris sa kamay ng Prussian Army noong Enero 28, 1871. Nagkaroon ng halalan sa Pransya noong Pebrero 8, 1871, na di alam ng mayorya ng populasyon; Pebrero 12 nang maitayo ang bagong Pambansang Asambleya; Pebrero 16 nahalal si Adolphe Thiers bilang punong ehekutibo ng Pransya; Pebrero 26 nang nilagdaan sa Versailles nina Thiers at Jules Favre ng Pransya, at ni Otto von Bismarck ng Germany, ang isang preliminary peace treaty sa pagitan ng France at Germany. Isinuko ng France ang Alsace at East Lorraine sa Germany, at nagbayad sila ng bayad-pinsalang nagkakahalaga ng 5Bilyong Francs. Unti-unting aalis ang German army pag naibigay na ang kinakailangang bayad-pinsala. Mayo 10, 1871 nang nilagdaan ang final peace treaty sa Frankfort-on-Main.

Noong Marso 1871, kumalas na sa pamumuno ni Thiers ang Pambansang Gwardya at sumama na sa mga manggagawa ng Paris, at itinayo ang isang Komite Sentral. Inilagay naman ni Thiers kanyang pamahalaan sa Versailles noong Marso 20.

Ang Komyun ng Paris

Noong Marso 18, 1871, sa permiso ng Prussia, pinadala ni Thiers ang hukbong Pranses upang kumpiskahin ang mga nagkalat na armas sa Paris na hawak ng mga manggagawa upang tiyaking hindi na lalaban ang mga manggagawa ng Paris sa hukbo ng Prusya. Balak dalhin ni Theirs ang mga makukumpiskang armas sa Versailles. Ngunit tinanggihan ito ng mga manggagawa. Pagdating pa lang ng umaga, hinarangan na ng mga manggagawang kababaihan ang pagdating ng hukbong Pranses na inatasan ni Thiers na nagtangkang kumpiskahin ang mga kanyon at iba pang armas. Hanggang sa magdatingan na ang taumbayan at pinalayas ang hukbong Pranses. 

Kahit na inatasan ni Thiers, di sumunod ang mga sundalo sa atas nitong pagbabarilin ang mga tao. Sina Heneral Claude Martin Lecomte at Heneral Jacques Leonard Clement Thomas ay pinaslang ng kanilang sariling mga tauhan. Apat na ulit inatas ng araw na iyon ni Heneral Lecomte na pagbabarilin ang mga tao, at pinakita naman ni Heneral Thomas ang kanyang brutalidad at pagkareaksyunaryo, at nahuli pa siyang nag-eespiya sa barikadang itinirik ng mga tao. Nag-alisan na rin ang maraming tropang sundalo habang may ilang natira sa Paris. Dahil dito'y nagalit si Thiers, at nagsimula na ang Digmaang Sibil sa Pransya.

Nang sumunod na araw, Marso 19, 1871, nagising ang mamamayan ng Paris sa kanilang kalayaan, at masaya nilang tinanggap ang natamong kalayaan. Ang tanging namamahala na rito ay ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya, na binubuo ng mga matatapat na tao, na hindi mga pulitiko, at ng mga manggagawa ng Paris. Marso 23, 1871, nagpahayag ang International Workingmen’s Association at Federal Council of Parisian Sections ng pagkakaisa at panawagang magkaroon ng halalan sa Marso 26, habang ipinapana-wagan ang ganap na paglaya ng mga manggagawa, at matiyak ang ganap na halaga ng kanilang lakas-paggawa. Tinawag nila ang Komyun ng Paris na isang Rebolusyong Komyunal. 

Noong Marso 26, 1871, inihalal ng mamamayan ng Paris ang konsehong tinawag na nilang Komyun ng Paris, na binubuo ng mga manggagawa, kasama ang mga kasapi ng Unang Internasyunal. Ipinroklama ang Komyun ng Paris noong Marso 28, 1871, kaya umani ang mga manggagawa ng Paris ng mabilis at malawak na suporta sa buong Pransya. Direktang kalahok sa pag-aalsang manggagawa ang mga lider ng internasyunal na kilusang manggagawa. Sa araw ding iyon ay umalis na sa pwesto ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya nang isinabatas nito ang paglalansag sa "Morality Police". 

Marso 30 nang nilansag ng Komyun ang sapilitang pagpapalingkod sa hukbo at ang mismong hukbo; ang tanging armadong hukbo lamang ay ang Pambansang Gwardya. Kinumpirma na rin ang pagkakahalal sa Komyun ng mga dayuhan, dahil "ang bandila ng Komyun ang bandila ng Daigdigang Republika". Idineklara naman noong Abril 1 na lahat ng kasapi ng Komyun ay tatanggap lamang ng kaparehong sweldo ng manggagawa, maging ito'y nasa pamahalaan o karaniwang manggagawa.

Ipinahayag din ng Komyun ang paghihiwalay ng simbahan at ng gobyerno, at ang pagpawi ng lahat ng kabayaran ng gobyerno para sa layuning pangrelihiyon, pati na ang transpormasyon ng lahat ng pag-aari ng simbahan upang gawing pambansang pag-aari. Idineklara ang relihiyon bilang pribadong bagay na lamang. 

Nagsagawa rin ang Komyun ng isang kautusan upang di barilin ng gobyernong Pranses ang mga kasapi ng Komyun. Sa kautusang ito, lahat ng mga taong mapapatunayang nakikipag-ugnayan sa gobyernong Pranses ay ituturing na bihag o hostages. Ngunit di ito naisagawa. Isang guillotine, o pamarusahang pamugot ng ulo ng nasentensyahan ng kamatayan, ang inilabas ng ika-137 batalyon ng Pambansang Gwardya, at sinunog sa harap ng taumbayan, na ikinasiya ng marami. Isa pang kautusang ipinatupad ng Komyun ang pagtanggal sa lahat ng paaralan ng lahat ng simbolong relihiyoso, litrato, dogma, dasal, at "lahat ng nasa ispero ng indibidwal na budhi". Agad itong ipinatupad.

Upang madurog ang Komyun, nagpasaklolo si Thiers kay Bismark upang gamitin sa Versailles Army ang mga binihag na hukbong Pranses na sumuko sa Sedan at Metz. Kapalit ng 5Bilyong Francs na bayad-pinsala, sumang-ayon si Bismarck. Kaya nilusob na ng hukbo ni Thiers ang Paris.

Umatras ang mga umatakeng tropa ni Thiers sa katimugang Paris nang malagasan sila ng maraming tauhan.

Abril 16, ipinahayag ng Komyun ang pagpapaliban sa lahat ng utang sa loob ng tatlong taon at pagpawi ng interes sa mga ito. Nag-atas din ang Komyun ng pagtatala ng lahat ng mga pabrikang isinara ng mga kapitalista at nagsagawa sila ng plano kung paano ito patatakbuhin ng mga manggagawang dating nagtatrabaho sa mga ito, na kanilang oorganisahin sa mga kooperatibang samahan, at planong pag-oorganisa ng lahat ng kooperatibang ito sa iisang unyon.

Tinanggal ng Komyun ang panggabing trabaho ng mga panadero, pati na mga registration card ng manggagawa, na inisyu ng Ikalawang Imperyo. Itinatag ng Komyun ang walong-oras ng trabaho bawat araw. Binuksan nila ang mga nakasarang pabrika, nagsagawa ng bagong patakaran sa pasahod at kontrata, at nagtayo ng konseho ng manggagawa sa mga pabrika. Binigyan ng tamang pasahod ang mga manggagawang delikado ang trabaho. Tinanggal ang mga multa sa manggagawa na nagkakamali.

Abril 30, inatas ng Komyun ang pagsasara ng mga sanglaan (pawnshops) sa batayang ang mga ito'y pribadong pagsasamantala sa paggawa, na balintuna sa karapatan ng mga manggagawa sa kanilang kasangkapan sa paggawa.

Mayo 10, 1871, nilagdaan ang Treaty of Frankfurt, isang tratadong pangkapayapaan bilang pagwawakas ng Franco-Prussian War.

Mayo 17, 1871 ng gabi, ipinatawag ang pulong ng Central Committee of the Union of Women, upang organisahin ang mga delegadong dadalo sa pagtatayo ng isang “federal chamber of workingwomen”.

Pagkadurog ng Komyun

Mayo 21, 1871, nakapasok ang tropa ng Versailles sa Paris. Ginugol ng French army ang walong araw hanggang Mayo 28 sa pagmasaker sa mga manggagawa, pinagbabaril ang mga sibilyang makita. Ang operasyong iyon ay pinangunahan ni Marchal MacMahon, na sa kalaunan ay naging pangulo ng Pransya. Tatlumpung librong Communards, manggagawa at mga walang armas na sibilyan at mga bata ang pinagpapatay; 38,000 ang ibinilanggo, at 7,000 ang sapilitang ipinatapon sa ibang bansa.

Saan nga ba nagkulang ang mga lumahok sa Komyun ng Paris? Bakit ito nadurog sa loob ng dalawang buwan lamang? Maraming mga ibinigay na rason ang mga nakasaksi noon.

Una, may kakulangan sa paghahanda ang mga manggagawa upang depensahan ang Komyun kung sakaling magkaroon ng paglusob sa lungsod, bagamat may ilang mga barikadang naitayo. Ikalawa, mas inuna nito ang pagtatatag ng mas maayos na hustisya sa buong Paris, imbes na durugin muna ang mga kaaway nito, lalo na ang tropa ni Thiers, upang di na muling makabalik sa kapangyarihan. Dapat ay naglunsad na sila ng opensiba laban sa hukbo ni Thiers na nasa Versailles upang di na ito magkaroon pa ng panahong makabawi. 

Ayon kay Marx, "Ang Komyun ng Paris, sa esensya, ay isang gobyerno ng uring manggagawa. Ang hukbo ng gobyerno ay pinalitan ng armadong mamamayan, ang kapangyarihan ng lehislatibo at ehekutibo ay hinawakan ng mga kinatawan ng manggagawa, na hinalal, may pananagutan at maaaring tanggalin anumang oras, at ang sahod para sa lahat ng opisyal na gawain sa pamahalaan ay kapantay ng sahod ng karaniwang manggagawa."

Para kay Lenin, hindi nasyunalismo kundi internasyunalismo ang ipinakita ng Komyun ng Paris. Ani Lenin, mahalaga ang paghihiwalay ng kaisipang nasyunalismo sa uring manggagawa: "Hayaan nyo ang burgesya sa pananagutan nito sa pambansang humilyasyon - ang tungkulin ng manggagawa ay pakikibaka para sa sosyalistang paglaya ng paggawa." Idinagdag pa ni Lenin, "Ispontanyo ang pagkakatatag ng Komyun. Noong una, ito'y isang kilusang may kalituhan. Ngunit nagkahiwa-hiwalay na ang mga uri sa takbo ng mga pangyayari. At tanging mga manggagawa lamang ang nanatiling matapat sa Komyun hanggang sa huli."

Mga Tampok na Isinagawa ng Komyun 

Ang Komyun ng Paris, bagamat sa loob lamang ng Pransya, ay hindi isang makabayang pakikibaka. Ito'y isang makauring pakikibaka ng manggagawa laban sa burgesya, laban sa kapitalismo, laban sa kapital. Ang Komyun ng Paris ay isang makasaysayang paglaban ng mga manggagawa ng Paris, isang pagsulong tungo sa pandaigdigang rebolusyon ng manggagawa, isang pagtatangkang wasakin ang burgis na makinarya ng gobyerno, at ito rin ang siyang dapat pumalit sa makinarya ng estado.

Ang Komyun ang unang tangka ng proletaryong rebolusyon na wasakin ang burges na makinaryang estado at ito rin ang siyang dapat pumalit sa winasak na makinaryang estado. Ang mga tampok at mahahalagang hakbang na ipinatupad ng Komyun ay ang mga sumusunod:

a. Pagbuwag ng regular na hukbong militar at pagtatayo kapalit nito ng armadong mamamayan.

b. Pagtatakda na ang lahat ng opisyales ay ihahalal subalit maaaring alisin sa pwesto anumang oras.

c. Pagtatanggal ng lahat ng pribilehiyo at pagbawas ng pasahod o alawans sa lahat ng naglilingkod sa estado upang ipantay sa antas ng pasahod sa mga manggagawa.

d. Ang pagwasak sa pulitika’t parlyamentaryo ng burgesya, mula sa isang talking shop ay naging isang working institution, isang institusyon ng paghaharing sabay na gumagampan ng gawaing ehekutibo at lehislatibo.

e. Ang organisasyon ng pambansang pagkakaisa. Itinayo ang mga Komyun hanggang sa antas ng pinakamaliit na komunidad. Isinentralisa ang mga Komyun sa isang sentralisadong kapangyarihan, upang ganap na wasakin ang paglaban ng mga kapitalista at ipatupad ang paglilipat ng pribadong ari-arian — pabrika, mga lupain, at iba pa — sa kamay ng buong bayan.

Mga Aral

Sa pagkadurog ng Komyun, maraming aral ang idinulot nito sa atin:

a. Hindi sapat ang pagkubkob lamang sa mga makinarya ng estado upang gamitin ng mga manggagawa, kundi ang buong estado'y dapat tuluyang wasakin upang di na makabalik pa ang burgesyang pinalitan ng Komyun. Dapat tiyakin ng Komyun kung paano mapoprotektahan nito ang kanyang sarili mula sa kanyang mga kaaway.

b. Kailangan ng maagap na pagdedesisyon kung paanong di na makakabalik at makakaporma pa ang burgesya. Maraming oportunidad ang Komyun para madurog ang mahinang pwersa ng gobyerno sa Versailles, ngunit dahil hindi maagap na nakapagdesisyon dito, sila’y binalikan at agad na dinurog. 

c. Dapat maitaas pa ang kamalayang makauri ng mga manggagawa upang maitayo nila ang sarili nilang lipunan.

d. Ang pag-aalinlangan ng Komyun na tuluyang durugin ang banta ng kaaway ay nagbigay pa ng panahon sa burgesya upang muling maorganisa (regroup), magpalakas ng pwersa, at makipag-kasundo sa mga Prussians. Masyado pang mabait ang mga manggagawa sa mga kapitalista’t burgesya.

e. Kailangan ng Komyun ng isang rebolusyonaryo, sosyalistang partido na magtitiyak ng tagumpay nito hanggang sa transisyon patungong sosyalismo.

f. Dapat kinumpiska agad ng mga manggagawa ang mga bangko, lalo na ang Bank of France, na siyang sentro ng kapitalistang yaman, na siyang ginamit ng kapitalista laban sa Komyun. Dapat isentralisa sa Komyun ang mga bangko upang tustusan ang rebolusyon.

g. Dapat nakagawa ng paraan ang mga manggagawa upang maging alyado ang mga pesante. Dahil ang mga pesante ang ginamit ng burgesya at ng hukbo ni Thiers upang durugin ang Komyun.

Ang Diktadurya ng Proletaryado

Sa karanasan ng Komyun ng Paris hinalaw ni Marx ang teorya ng diktadurya ng proletaryado. Ito ang papalit sa diktadurya ng burgesya o kapitalistang estado. Ang diktadurya ng proletaryado ay isang sosyalistang lipunang pinamu-munuan ng uring manggagawa, o proletaryado. 

Kongklusyon:

Ang Komyun ng Paris ang isa sa pinakadakila at inspiradong yugto sa kasaysayan ng uring manggagawa. Pinalitan ng mga manggagawa ng Paris ang kapitalistang estado ng sarili nilang gobyerno at tinanganan nila ang kapangyarihang ito ng dalawang buwan. Nagsikap ang mga manggagawa ng Pransya, sa kabila ng mga kahirapan, na wakasan na ang mga pagsasamantala at pambubusabos ng lipunan, at maitayo ang isang lipunan sa isang bagong batayan at pamantayan. Ang mga aral nito’y nagtiyak ng tagumpay ng Rebolusyong 1917 sa Rusya na pinangunahan ni V. I. Lenin, at naitayo ang isang Unyon ng Sobyet (konseho) na binubuo ng manggagawa.

Ang dakilang aral ng Komyun ng Paris ay isang malaking hamon sa uring manggagawa sa kasalukuyang panahon. Kailangan natin ng mas mataas na antas ng daigdigang pagkakaisa at mas matalas na kamalayang makauri upang matiyak na maipapanalo natin ang lipunang sosyalismong ating hinahangad para sa ating kagalingan at ng mga susunod pang henerasyon ng manggagawa.

Mga Sanggunian:

(a) The Civil War in France, Marso-Mayo 1871, Karl Marx; (b) Introduction on The Civil War in France, by Frederick Engels, 1891; (c) Lessons of the Paris Commune, Leon Trostky, Pebrero, 1921; (d) History of the Paris Commune, Prosper Olivier Lissagaray, 1876

Linggo, Pebrero 19, 2012

Babae - ni Cynthia Kuan


BABAE
ni Cynthia Kuan

I

Babae, ikaw daw ay hinugot sa tadyang ni Adan
Kaya dapat lang na ikaw ay andyan lang
Tama lang ba na ikaw ay simple lang
Kung ikaw naman ay may alam?

Iyong karapatan ay dapat ipaglaban
Marapat lamang iyo itong ipaalam
Ipabatid, ibahagi ng buong paham
Nang sa gayon ay malaman 
ang iyong kahalagahan

II

Babaeng feminista, babaeng aktibista
Ikaw ay simbulo ng katatagan
Katapangan, di matawaran
Ng maging sino ka man...

Ikaw ba ay sadyang ganyan
O hinubog ng karanasan
Nililok, hinulma, pinanday ng kaalaman
Anuman ang iyong pinagdaanan
Imahe ka ng iyong kasarian..

Miyerkules, Pebrero 1, 2012

Posible ang Imposible - ni Layana Grace


mula sa facebook ni Layana Grace


POSIBLE ANG IMPOSIBLE
ni Layana Grace 
Miyerkules, Pebrero 1, 2012 nang 1:05 PM

sa taong masidhi iyang pagnanasa
sa nais makuha't maabot na lupa
walang imposible't walang alintana
ang bawat paskit, paghamong mabisa

'di ko kakagatin ang mga pasaring
na 'di maaabot ang nais marating
pagka't ang lakas moy sadyang kakatiting
ika'y tao lamang at sadyang alipin

sa simpleng pagtingin sa payak na buhay
talagang mahirap makuha ang pakay
lalo't ang pagita'y 'di kaya ng sigaw
at iyang hanggana'y hindi natatanaw

kung may inaasam, sapat na dahilan
upang pagningasin punding katatagan
ang iyong tanungin ay 'yang kakayahan
gaano katiba'y ang kapit sa buhay

lahat naghahangad ng kaligayahan
ngunit iilan lang ang makakasilay
silang matatapang, 'di takot sa hukay
at di nag-iisip na mayro'ng hangganan

Lunes, Enero 30, 2012

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo
ni Greg Bituin Jr.

Sadyang nag-aapoy sa galit ang taumbayan sa bawat pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang sagot ng kapitalista’y pagbuhos ng malamig na tubig ng rollback. Kaya pag pinatampok na sa media na nag-rollback ang presyo ng langis, bigas, LPG, at iba pa, natutuwa na at kalma ang kalooban ng taumbayan, dahil nag-rollback na ang presyo ng bilihin, na akala’y ibinalik na ito sa dating presyo. Pero ang totoo, pakunswelo lang ito ng mga kapitalista. Dahil hindi naman nito ibinabalik sa orihinal na presyo ang ni-rollback na presyo. Papatungan ng malaki, ngunit wala pa sa kalahati ang iro-rollback. Isang psywar tactics ng mga kapitalista upang kumalma ang taumbayan, habang harap-harapan nilang niloloko ang mga ito.

Ang mekanismong rollback ay pagbawas lang ng kaunti sa malaking patong ng kapitalista sa presyo. Kumbaga'y salamangka ito ng mga kapitalista para maibsan ang galit ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, na talaga namang pabigat sa bulsa ng naghihirap na mamamayan. Mataas ang patong, maliit ang bawas. Ganyan ang mahika ng rollback. Ganyan ang sikolohiyang ginagamit ng kapitalista para tumubo habang niloloko ang masa.

Tingnan natin ang kahulugan ng rollback sa diksyunaryo: (1) A rollback is a reduction in price or some other change that makes something like it was before; (2) Rollback (legislation), legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation.

Sa unang depinisyon, ibinaba ang presyo ng bilihin "that makes something like it was before." Kailan ba nabalik sa orihinal na presyo ang isang bilihin kapag nag-rollback? Wala. Nag-roll lang ang presyo, pero hindi nag-back sa dating presyo nito.

Sa ikalawa namang depinisyon: "legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation", hindi naman ito nangyayari dahil sa deregulation law, tulad sa langis. Merkado ang nagtatakda ng presyo, kaya di batas ng gobyerno ang nagbabago ng presyo. 

Suriin natin ang nakaraang pag-rollback ng presyo ng langis nito lang Enero 2012. Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Dahil sa pagprotesta ng sektor ng transportasyon, dagling nag-rollback ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Nag-rollback ng 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkakrisis sa bigas. Ang dating P20 average ng isang kilo ng bigas ay umabot ng P40 bawat kilo sa kaparehong klase ng bigas. Natural, krisis, at aplikable dito ang law of supply and demand ng kapitalismo. Kaunti ang supply ng bigas kaya mataas ang presyo. Nang magkaroon naman ng supply ng bigas sa merkado, natatandaan kong sinabi sa balita na ni-rollback na ang presyo ng bawat kilo ng bigas. Ngunit sa totoo lang, kalahati lang ng itinaas na presyo ang nabawas, kaya nakapatong pa rin sa orihinal na presyo ang kalahati. Di nabalik sa P20 bawat kilo ng bigas, kundi nasa average na P30 na ang kilo ngayon. May P32, may P35 bawat kilo ng bigas.

Sabi nga ni Marx sa kanyang Das Kapital, Tomo I, Kabanata 5, pahina 182, na tumutukoy kay Benjamin Franklin: It is in this sense that Franklin says, "war is robbery, commerce is generally cheating." Kung ang digmaan ay pagnanakaw, ang komersyo sa kabuuan ay pandaraya. Tulad ng rollback na hindi naman talaga pagbalik sa tamang presyo, dahil ito'y rollback na pakonswelo, dahil ito’y paraan ng kapitalista na mapaamo ang mga konsyumer, ang rollback ay maliwanag na isang paraan ng pandaraya sa taumbayan. Malaki ang patong, maliit ang bawas, kaya may patong pa rin.

Inilinaw pa itong lalo nina Marx at Engels sa artikulong Free Trade (1848): "What is free trade, what is free trade under the present condition of society? It is freedom of capital. When you have overthrown the few national barriers which still restrict the progress of capital, you will merely have given it complete freedom of action." Ibig sabihin, malaya ang merkado na gawin ang gusto niya dahil nga ito'y malayang kalakalan. Dahil sa deregulasyon, wala nang kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng pangunahing bilihin sa bansa. Dahil sa globalisasyon, ginawang patakaran ang deregulasyon na nagpalaya sa mga malalaking kumpanya, halimbawa, kumpanya ng langis, na paikutin at bilugin ang ulo ng taumbayan para sa kanilang sariling interes na tumubo. Kaya pinauso ang rollback na kunwari’y nakikinabang ang taumbayan, gayong binawasan lang ng maliit ang malaking patong sa presyo. 

At upang masolusyunan ito, isa sa mga unang hakbang ay ibalik sa gobyerno ang pag-regulate sa presyo ng bilihin, tulad ng pag-repeal sa Oil Deregulation Law at iba pang magugulang na batas sa presyuhan.

Biyernes, Enero 27, 2012

Pagsasaaklat ng 2 Dekada ng BMP


AKLATANG OBRERO PUBLISHING COLLECTIVE
aklatangobrero@gmail.com

Enero 27, 2012

________________________
________________________
________________________

Re: Paghahanda ng Pagsasaaklat ng Dalawang Dekada ng BMP (1993-2013)

Mga kasama, 

Isang maalab at mapagpalayang pagbati!

Masalimuot ang kasaysayan ng paggawa sa Pilipinas. At ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay kabilang sa kasaysayang ito.

Ang ating sosyalistang organisasyong BMP ay magdadalawang dekada na sa susunod na taon (2013). Mula sa isa sa pinakamatinding tunggalian sa paggawa ay isinilang ang BMP noong Setyembre 14, 1993. Panahon na upang isalibro ng BMP ang kasaysayan nito, bilang testamento ng pagiging mayor na pwersa nito sa kasaysayan ng paggawa sa Pilipinas. 

Dahil dito'y minumungkahing isa sa gawing proyekto ng BMP ang pagsasalibro ng nagdaang dalawang dekada nito (mula 1993 hanggang 2013). Ibig sabihin, one-year and a half in the making ang librong ito. Mabuti na ang maaga dahil panahon ng eleksyon ang 2013 at baka di ito mapagtuunan ng pansin. Ang sumusunod ang mungkahing balangkas ng aklat.

1. Ang tunggalian sa paggawa - mula KMU-NCRR ay naging BMP (1993-1995) - ni Ka Romy Castillo

2. Ang BMP sa panahon ni Ka Popoy Lagman (1995-2001) - ni Victor Briz

3. Ang BMP mula pagkamatay ni Ka Popoy hanggang sa kasalukuyan (2001-2013) - ni Ka Leody de Guzman

4. Ang prinsipyong tangan at lipunang pangarap ng BMP - ni Ka Gem de Guzman

5. Mga naipanalong laban ng BMP - ni Ka Leody De Guzman

6. Pagtatayo ng Balangay ng BMP sa buong Pilipinas - ni Ka Ronnie Luna

7. Ang pagtatayo ng Partido ng Manggagawa at ang pagbaklas ng BMP - ni Teody Navea

8. Mga kampanyang nilahukan ng BMP, pakikipagkaisa sa iba't ibang sektor at organisasyon

9. Ang Pamana ni Ka Popoy - ilang mga sulatin ni Ka Popoy, tulad ng Pagkakaisa

10. Atake ng Globalisasyon sa BMP at sa Uring Manggagawa

11. Mga Tulang alay sa BMP - ni Greg Bituin Jr.

12. Mga Pagninilay ng mga Unyonista't Sosyalistang Kasapi ng BMP

13. Ang BMP sa hinaharap

14. At iba pang mga artikulo batay sa mapapagkaisahan ng kasalukuyang Central Committee ng BMP

Ang nasabing aklat ay ilulunsad sa ika-14 ng Setyembre, 2013, kasabay ng pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng BMP. Ang inyo pong lingkod ay tutulong sa pagtitipon ng mga akda, at pagle-layout ng nasabing aklat. Nawa’y sa ating pagpupunyagi at pagtutulungan ay maging ganap nang libro ang kasaysayan ng BMP. Marami pong salamat. Mabuhay ang BMP!


GREG BITUIN JR.
Tagapangasiwa
Aklatang Obrero Publishing Collective

Miyerkules, Enero 25, 2012

Ang Apat na Sikreto ng Sahod


ANG APAT NA SIKRETO NG SAHOD
Maikling Kwento
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maaliwalas ang umaga. Walang nakalambong na ulap sa bughaw na langit. Tila kaysarap ng simoy ng hangin bagamat nasa lungsod ang lugar na puno ng polusyon. Imbes na huni ng mga ibon ay pawang harurot ng traysikel ang bumubulabog sa katahimikan ng lugar.

Gising na ang mga manggagawa sa piketlayn, habang may ilang di pa makatayo sa pagkagupiling dahil na rin sa pagod sa nagdaang araw. Nagdagsaan kasi kahapon ang mga manggagawang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Metro East Labor Federation, at ang pederasyon ng mga nakapiket, ang Super Federation, na siyang mayhawak ng kaso ng nakawelgang unyon. 

Nagsibangon na ang ilang lider dahil sa maagang pagdating ng mga kabataang estudyante mula sa grupong Piglas-Kabataan o PK. Ang mga ito'y mga anak ng mga lider-maralita ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) at ng pederasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Bakasyon noon at isa sa gawain ng mga kabataan ang integrasyon sa hanay ng mga manggagawa, na taun-taon nilang ginagawa, at nais din nilang kapanayamin ang mga lider ng unyon para sa kanilang munting dyaryong Piglas. Bakit nga ba nakawelga ang mga manggagawa? Gaano nga ba kahirap ang buhay sa piketlayn?

"Magandang araw po!" ang bati ni Magda, ang lider ng may pitong kabataang dumalaw sa piketlayn. "Kami po ang mga lider-kabataan mula sa Piglas-Kabataan. Narito po kami upang makapanayam kayo, at kahit po sa munting panahon ay makipamuhay sa inyo."

"Ako nga pala si Lena, ang pangulo ng unyon dito sa pabrika. Mabuti naman at napadalaw kayo. Kumain na ba kayo? Pagpasensyahan nyo muna ang aming agahan, sinangag, tuyo at kamatis."

"Salamat po. Katatapos lang po namin. Bakit po kayo nakapiket ngayon?"

"Nagpiket kami dahil tinanggal kami sa trabaho bilang regular. Ang sabi ng manedsment, pwede naman daw kaming muling i-rehire pero gagawin na kaming mga kontraktwal. Ang gumagawa ngayon ng aming trabaho ay yaong mga totoong kontraktwal, kaya kaming mga regular na siyang dapat mayhawak ng mga makina ay narito't nakapiket."

Siya namang pagdating nina Vilma at Nora, pawang mga instruktor hinggil sa kalagayan ng paggawa.

"Sandali, Magda, ha? Kumustahin ko muna sila." ani Lena. "Kumusta na, Vi at Nors? Sila nga pala yung mga kabataang estudyante sa pangunguna ni Magda. Baka pwedeng makasama rin sila sa idaraos nating pag-aaral ngayon."

"Kumusta?" sabay abot ng kamay. "May idaraos nga pala kaming pag-aaral ngayon, tungkol ito sa paksang Puhunan at Paggawa. Dalo sana kayo."

"Mabuti naman po kami. Mabuti po at may pag-aaral na idaraos, makikinig kami. Alam naming anumang butil ng kaalamang aming matamo mula sa mga manggagawa ay malaking punong mabunga na ang aming makakamit."

"O, paano po? Maliit lang naman itong lugar natin kaya tiyak namang magkakarinigan tayo." ani Vi.

Katatapos lamang mag-almusal ng mga manggagawa, kaya naghanap na sila ng maayos na pwesto para sa pag-aaral. Inilatag ni Nora ang manila paper at tumambad sa mga manggagawa ang pamagat na malaking nakasulat: Puhunan at Paggawa. Ang mga estudyante naman ay naupo na rin upang matamang makinig.

"Mga kasama, isang magandang umaga sa ating lahat,” ang bungad ni Vilma. “Tayo ay nabubuhay sa ilalim ng kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang sistema ng lipunan ay katulad din ng sistema sa pabrika. Pagkat sa pabrika, sistemang kapitalismo ang pinaiiral. Suriin natin ang buhay sa pabrika. Tumatakbo ang buhay sa pabrika sa pamamagitan ng dalawang mayor na aspeto: ang puhunan at ang paggawa. Ibig sabihin, hindi pwedeng isa lang sa kanila. Ang kapitalista ang siyang may-ari ng pabrika at siyang namuhunan sa makina, hilaw na materyales, at nagbabayad sa sahod ng manggagawa, at ang manggagawa naman ang nagbebenta ng lakas-paggawa upang tumakbo ang pabrika." 

"Sila po pala ang may-ari, e, di sila po ang mapagpasya sa kumpanya", ang sabad ni Ato, isa sa mga estudyante.

"Alam nyo ba na di tatakbo ang pabrika kung wala ang manggagawa? Anumang gawin ng kapitalista sa kanyang pera, makina at hilaw na materyales, hindi sila kikita. Di tutubo ang pera, kakalawangin lang ang makina, at baka masira lang ang mga hilaw na materyales. Tatakbo lang iyan at tutubo lang ang kapitalista kapag pinagalaw na ng manggagawa ang mga makina," paliwanag ni Vilma.

"Ibig sabihin po pala, tatakbo lang ang pabrika kasi nariyan ang manggagawa," sabad muli ni Ato.

"Tama ka. Kung walang manggagawa, di tatakbo ang pabrika, ngunit pwedeng tumakbo ang pabrika kahit walang kapitalista. Makagagawa ng produkto ang mga manggagawa dahil sa kanilang lakas-paggawa na siyang binibili naman ng kapitalista, at ang pambayad sa presyo ng lakas-paggawa ng manggagawa ang tinatawag na sahod."

Tatangu-tango sina Magda, pati na si Lena at ang iba pang manggagawa.

"Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalista hinggil sa usaping sahod. Una, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Ibig sabihin, ang halaga ng lakas-paggawa ang siyang presyong binabayaran ng kapitalista, at ang tawag sa presyong ito ay sahod. Ikalawa, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ay kapital. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital," paliwanag pa ni Vilma.

"Di po ba, kaltas sa puhunan ng kapitalista ang sahod? Bakit ito ang pinakaimportante sa kapitalista, gayong kabawasan nga ito?" Malalim ang pagsusuri ni Magda.

"Magandang tanong," ani Vilma. "Ganito iyan. Ang sahod bilang pera, kapag ginastos na ng manggagawa, ay nauubos. Pero sa kapitalista, ang sahod ding ito, habang ginagastos ng kapitalista, ay lumalago. Bakit ka'nyo? Maliit lang kasi ang gastos sa sahod ng manggagawa kumpara sa tubo ng kapitalista. Magbigay tayo ng halimbawa."

Inilatag na agad ni Nora ang isa pang manila paper, at natambad sa mga manggagawa't kabataan ang isang kompyutasyon. Pulos numero sa kanang bahagi, habang sa kaliwang bahagi naman ang kumakatawan sa mga numero.

"Suriin natin ang mga datos batay sa kompyutasyon sa kita ng kumpanyang Goldi. Sa isang departamento nila, nakakagawa ang mga manggagawa ng 12,000 rolyo ng cake bawat araw, sa loob ng 3 shift. Ibig sabihin, may 4,000 cake ang nagagawa sa bawat shift. Ang halaga ng bawat cake sa merkado ay P200. May kabuuang 106 na manggagawa na sumasahod ng P450 sa loob ng walong oras na paggawa, mas mataas ng kaunti sa minimum wage ngayon na P426 dito sa National Capital Region," paliwanag ni Vilma, habang matamang nakikinig at nakatitig ang mga manggagawa sa mga numero, nagsusuri.

"I-multiply natin. Ang halaga ng kabuuang rolyo ng cake ay P2,400,000.00; mula 12,000 rolyo ng cake times P200.00 halaga ng bawat cake. Gumastos ngayon ang kumpanya ng sahod na P47,000.00 lamang, mula sa komputasyong P106 manggagawa times P450.00 na sahod kada araw. Ibawas natin ang kabuuang benta ng cake: 2,400,000.00 minus sahod na P47,700.00, ang kita ng kumpanya o gross profit ay P2,352,300.00. Ibawas na rin natin dito ang gastos sa buwis, bayad sa kuryente at tubig, gastos sa depresasyon ng makina, at hilaw na materyales, na nasa kalahati o 50% ng kita. Mula sa gross profit P2,352,300.00 (kita minus sahod) ibabawas ang kalahati nito o 50%, ang kita ng kumpanya ay P1,176,150.00 sa isang buong araw. O, di ba, malaki ang tubo ng kumpanya. Paano kung i-multiply mo pa ito sa isang buwan? E, di limpak-limpak na tubo ito, kumpara sa gastos nila sa sahod," mahabang paliwanag ni Vilma. Nakakunot naman ang noo ng mga nakikinig. Halatang nagsusuri.

"Mula sa kompyutasyon sa itaas ay dadako naman tayo sa ikatlong katotohanan ng sahod. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng tubo ng kapitalista. Ang gastos sa sahod ang siyang porsyon ng kapital na pinanggagalingan ng tubo. Sa madaling salita, ang porsyong ito ng kapital ay walang ambag sa produksyon na ginastos para sa materyales at makina. Ito ang misteryo at mahika ng kapitalismo. At panghuli sa apat na katotohanan hinggil sa sahod, ang nagpapasahod talaga sa manggagawa ay ang mismong manggagawa," dagdag pa ni Vilma. "Halina't muli tayong mag-kompyut." Inilatag ang isa pang manila paper.

"Sa P2,400,000.00 kita ng kumpanya sa isang araw, hatiin natin ito sa 106 manggagawa. Lumalabas na bawat manggagawa ay kumikita ng P22,641.51 sa bawat araw o walong oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin bawat oras ang halagang ito: P22,641.51 divided by 8 oras, pumapatak itong P2,830.19 bawat oras. Ibig sabihin, mahigit dalawang libong piso na ang kita ng bawat manggagawa sa isang oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin ito sa bawat minuto: P2,830.19 divided by 60 minuto. Lumalabas na sa bawat minuto sumasahod ang manggagawa ng halagang P47.17. At kung hahatiin naman ito sa bawat segundo: P47.17 divided by 60 segundo, lumalabas na sa bawat segundo ay may 79 sentimo ang manggagawa," mahabang talakay muli ni Vilma.

Sumabad si Magda na noon din ay nagkokompyut sa papel, "Ibig sabihin po pala, sa P450 sahod ng manggagawa, kung hahatiin sa P47.17 kita niya bawat minuto, lumalabas pong sa loob lamang ng 9.5 minuto ay nakuha na ng manggagawa ang kanyang sahod. At ang natitirang pitong oras at 50.5 minuto ay sa kapitalista na napunta. Nakagagalit naman ang ganyang katusuhan ng kapitalista. Dapat nga po talagang lumaban ang mga manggagawa"

"Tama ka, Magda. Iyan ang halaga ng di bayad na oras ng paggawa. Ibig sabihin, malaki talaga ang tinutubo ng kapitalista sa bawat araw, at mumo lang ang natatanggap ng manggagawa," ani Vilma. "Okey, mga kasama, uulitin ko, ha. Ang apat na lihim ng kapitalismo hinggil sa sahod ay ang apat na katotohanang pilit itinatago nila sa manggagawa. Ang sahod ay presyo. Ang sahod ay kapital. Ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa ng humamig ng tubo."

Nagtanong si Jose, isa pa sa mga kasamang estudyante ni Magda. "Bakit po nakapako kasi ang sweldo ng manggagawa sa P450, di po ba pwede namang taasan ito? Mga P1,000 sa isang araw, para kahit papaano naman ay mabuhay naman ng maayos ang pamilya ng manggagawa. Sa pagkakaalam ko, P1,000 ang sinasabi ng NEDA na halagang makabubuhay sa isang pamilya."

Si Nora naman ang sumagot, "Alam nyo, ang minimum wage ay tinatakda mismo ng gobyerno sa pamamagitan ng Minimum Wage Law, at pinapatupad ito ng Regional Wage Board. Mga kapitalista ang mayorya sa Kongreso na siyang nagpasa ng batas na ito, kaya anong aasahan natin, kundi pawang mga batas na pabor sa kanilang uri, pabor sa kapwa nila kapitalista. Bihira nga ang mga batas ngayong talagang kampi sa manggagawa."

Pinutol ni Vilma ang talakayan, "Sa ngayon ay iyan muna ang ating tatalakayin. May kasunod pa tayong paksa hinggil naman sa kapitalistang lipunan."

"Pinagnilayan ko pong mabuti ang mga paliwanag ninyo. Tama at lohikal. Nuong bata pa po ako ay nagtataka na kung bakit kung sinong masisipag ang siyang naghihirap, tulad ng aking amang magsasaka sa probinsya na madaling araw pa lang ay gising na para bisitahin ang bukid at mag-araro. Napakasipag pero mahirap pa rin kami. Sa ngayon po, nagpapasalamat po kaming muli sa aming mga natutunan,” ani Magda, “Handa po kaming kumuha ng iba pang pag-aaral. Naniniwala po kaming ang mga manggagawa na siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ay di dapat naghihirap.”

Katanghaliang-tapat na kaya nagyaya na si Lena kina Magda, "O, siya. Naghanda na kami ng ating pananghalian. Kumain muna tayo at saka natin ipagpatuloy ang ating naudlot na kwentuhan kanina."

"Sige po." At masaya nang nagsikuha ng kani-kanilang mga pagkain ang mga kabataang estudyante, kasama ang mga unyonistang ilang araw na ring nakapiket.

Huwebes, Enero 19, 2012

Ang "Monologo ng Manggagawa" ni Roberto "Bobet" Mendoza

ANG "MONOLOGO NG MANGGAGAWA" NI ROBERTO "BOBET" MENDOZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad ako't nabili ko sa halagang P100 lamang ang aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik" na sale sa UP Press Bookstore noong Disyembre 14, 2007. Ang nasabing aklat ay binubuo ng 760-pahina, at may sukat na 7" ang lapad at 10" ang taas. Sa kapal na ito'y baka mahigit P500 ito sa iba pang bookstore. Buti na lamang at natsambahan kong nagbaratilyo ng libro ang UP Press Bookstore na nasa unang palapag ng Balay Kalinaw sa UP Diliman.

Klasik ang librong ito at collector's item na kung tutuusin, dahil ito'y katipunan ng mga dulang nilikha mismo ng mga manggagawa mula sa pabrika, mga dulang tinipon sa loob ng tatlong dekadang singkad, mula 1967 hanggang 1997. Inilathala ang aklat na ito ng Office of Research Coordination ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon noong 1998, kung saan ang mga patnugot ng aklat na ito'y sina Glecy C. Atienza, national artist for literature Bienvenido L. Lumbera, at Galileo S. Zafra. 

Nang makita ito ni Apo Chua, isang UP professor, awtor ng libro at tagapayo ng Teatro Pabrika, tinanong agad niya sa akin kung nabasa ko na sa librong ito ang tula ni Bobet Mendoza, na isang kasapi rin ng Teatro Pabrika. Ang sabi ko'y hindi pa, at itinuro niya sa akin ang "Monologo ng Manggagawa" sa mahabang dulang "Kuwatro Kantos", na mula pahina 559 hanggang 606. Sinabi niyang basahin ko raw ang tulang ito ni Bobet Mendoza at magugustuhan ko. Kung gayon, si Bobet Mendoza ang tinutukoy sa pambungad ng dulang "Kuwatro Kantos" kung saan nakasulat: "Ang mahabang "Monologo ng Manggagawa" sa dulo ng unang eksena ay nakabatay sa monologo na laging itinatanghal noon ng isang naunang miyembro ng Tanghalang Silangan." Matatagpuan ang nasabing tula sa pahina 575-579 ng nasabing aklat. Matagal ko na ring nakilala si Bobet Mendoza dahil isa siya sa mga mang-aawit at naggigitara para sa Teatro Pabrika, na siya ring grupong pangkultura ng sosyalistang organisasyon at pampulitikang sentro ng uring manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Gayunpaman, sa aklat ay walang eksaktong nakalagay kung sino ang tiyak na may-akda ng mahabang tulang "Monologo ng Manggagawa" at tanging ang may awtor ay yaong buong dulang "Kuwatro Kantos" na nakasulat sa pambungad: "Sinulat ito nina Glecy Atienza, Roberto Mendoza at ng Teatro Pabrika Writers' Pool."

Isang trahedya ang tula, na nang dahil sa kahirapan sa lalawigan ay pinangarap ng isang karaniwang tao na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ngunit lagim ang kanyang sinapit sa huli.

Nagsimula ang tula sa paglisan ng manggagawa sa kanilang lalawigan upang magtrabaho sa Maynilang anya'y nakararahuyo. Lumuwas siya ng Maynila't nahanap ang barungbarong na tahanan ng kanyang Nana Sela. Naghanap siya ng trabaho't nakapasok sa pabrika ng pakain sa hayop, ngunit umalis din upang mapasok naman sa isang pabrika ng sapatos. Naging kasapi siya ng unyon at naging aktibo sa mga gawain doon, dahil naniniwala siyang dapat maging makatarungan ang kapitalista sa ibinibigay na sahod at benepisyo sa manggagawa. Hanggang kumilos na rin siya sa labas ng pabrika upang organisahin ang iba pang manggagawa. Ngunit naging mainit siya sa mga kapitalista.

Papauwi na ang manggagawang iyon mula sa isang pagpupulong nang hinablot siya ng kung sinong mga buhong at ipinasok sa sasakyan. Dinala sa isang talahiban, at doon naalala ng manggagawa ang iniwan niyang lalawigan pati na mga magulang at kapatid na naghihintay. Ngunit iyon na pala ang kanyang katapusan.

Tinortyur siya ng mga kumuha sa kanya hanggang siya'y pinatakbong pilit. Tumalima naman siya sa pag-aakalang siya'y makakatakas. Ngunit paano niya matatakasan ang putok ng baril? Sa huling hibla ng kanyang hininga'y umaasa siyang sana'y may magpatuloy pa ng kanyang marangal na adhikain para sa mga manggagawa.

Napakaganda ng salaysay ni Mendoza, at sinuman ang makababasa nito, sa wari ko'y maghihimagsik dahil sa kawalang katarungang sinapit ng manggagawa. Maganda ang pagkakahawak ni Mendoza sa tugma't sukat. Apat na taludtod ang bawat saknong, habang lalabing-apatin ang pantig ng bawat taludtod, bagamat di siya naging masinsin sa pagtiyak ng sesura o hati sa gitna ng tula, na dapat ay may hati sa ikapitong pantig, na sa kabuuan ng tula'y di sumusunod sa ganito. Gayunpaman, di na ito gaano pang mapapansin ng mga mambabasang di pamilyar sa batas ng tugma't sukat, at di na rin papansinin ng sinumang makikinig o manonood sa monologo, dahil sa mas mapapansin nila ang indayog at emosyon ng pagkakasalaysay ng tula.

Isang taas-noo at taas-kamaong pagbati ang iniaalay ko sa makatang ito ng uring manggagawa. Sadyang kalulugdan siya at maoorganisa niya ang mga unyonista't karaniwang manggagawa sa tula niyang ito. Mabuhay ka, kasamang Bobet!

Halina't ating namnamin ang kabuuan ng 34-saknong na tula.


MONOLOGO NG MANGGAGAWA
ni Roberto "Bobet" Mendoza, Teatro Pabrika

Naging balon ng luha mga mata ni Inang;
Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;
Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,
Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.

Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo
Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho
Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,
Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.

Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;
Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;
At maging si Tatang ay di na mananakahan;
Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.

Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;
Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;
Kahit may pananabik takot ang nakakubli;
Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.

Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;
Punong-puno ng tao kahit saan luminga;
Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;
Kaya kailangan ay matibay na sikmura.

Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan
Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;
Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;
Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.

Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita
Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella
Na nagsasaad kung saan siya nakatira
Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.

Nakakakaba ang makitid na daraanan
Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan
Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan
Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.

Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,
At sa halip ay nagtuon sa dapat marating
‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin
Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.

Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;
Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda
Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala
At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.

Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella
Ibang-iba siya noong huli kong makita
Kumikinang sa alahas, todo ang pustura
Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.

Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil
Sa paligid na ito na nakahihilahil
Taglay ang pag-asa at walang makakapigil
Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.

Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho
Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo
Binabasang lahat, paskil na madaanan ko
Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”

Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam
Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;
Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam
Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.

Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap
Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat
Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat
Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.

Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;
Upang makapagpagamot kahit papaano
Ngunit ang takdang araw upang makuha ito
Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.

Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis
Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?
‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit
Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.

Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho
Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako
At dito’y agad akong naging isang miyembro
Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.

Hindi nagtagal at akin nang naunawaan
Ang unyon pala’y para sa aming karapatan
Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan
Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.

Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo
Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko
Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo
Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.

Ang pagsasamantala ang ugat ng problema
Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya
Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika
Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.

Naging matagumpay ang aking mga gawain
Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin
Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;
Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.

Sa mga kapitalista ako ay uminit
Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,
Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit
Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.

Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid
Hindi ako natinag at ni hindi nanginig
Ako’y naniniwala na nasa aking panig
Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.

Papauwi na ako mula sa aming pulong
Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon
Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,
Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.

Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik
Ng mga lulan nitong pawang mababalasik
Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,
Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.

Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali
Sa madilim na silid na hindi ko mawari
Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi
Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.

Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan
At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan
Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan
Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.

Ang bawat parusang iginagawad sa akin
Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin
May kasamang katanungang dapat kong sagutin,
Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.

“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”
“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko
Sila ay lalong bumangis at sinila ako
Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.

Muli akong nagising sa kaibang paligid
Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib
Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid
Hinihintay ng magulang at mga kapatid.

Ako ay kinalagan ng mga mapandahas
Pinatakbo ako kahit na magkandadulas
Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas
Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.

Tumalima ako at tumakbo papalayo
‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo
Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo
Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.

Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa
Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa
Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa
Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.