Miyerkules, Enero 25, 2012

Ang Apat na Sikreto ng Sahod


ANG APAT NA SIKRETO NG SAHOD
Maikling Kwento
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maaliwalas ang umaga. Walang nakalambong na ulap sa bughaw na langit. Tila kaysarap ng simoy ng hangin bagamat nasa lungsod ang lugar na puno ng polusyon. Imbes na huni ng mga ibon ay pawang harurot ng traysikel ang bumubulabog sa katahimikan ng lugar.

Gising na ang mga manggagawa sa piketlayn, habang may ilang di pa makatayo sa pagkagupiling dahil na rin sa pagod sa nagdaang araw. Nagdagsaan kasi kahapon ang mga manggagawang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Metro East Labor Federation, at ang pederasyon ng mga nakapiket, ang Super Federation, na siyang mayhawak ng kaso ng nakawelgang unyon. 

Nagsibangon na ang ilang lider dahil sa maagang pagdating ng mga kabataang estudyante mula sa grupong Piglas-Kabataan o PK. Ang mga ito'y mga anak ng mga lider-maralita ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) at ng pederasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Bakasyon noon at isa sa gawain ng mga kabataan ang integrasyon sa hanay ng mga manggagawa, na taun-taon nilang ginagawa, at nais din nilang kapanayamin ang mga lider ng unyon para sa kanilang munting dyaryong Piglas. Bakit nga ba nakawelga ang mga manggagawa? Gaano nga ba kahirap ang buhay sa piketlayn?

"Magandang araw po!" ang bati ni Magda, ang lider ng may pitong kabataang dumalaw sa piketlayn. "Kami po ang mga lider-kabataan mula sa Piglas-Kabataan. Narito po kami upang makapanayam kayo, at kahit po sa munting panahon ay makipamuhay sa inyo."

"Ako nga pala si Lena, ang pangulo ng unyon dito sa pabrika. Mabuti naman at napadalaw kayo. Kumain na ba kayo? Pagpasensyahan nyo muna ang aming agahan, sinangag, tuyo at kamatis."

"Salamat po. Katatapos lang po namin. Bakit po kayo nakapiket ngayon?"

"Nagpiket kami dahil tinanggal kami sa trabaho bilang regular. Ang sabi ng manedsment, pwede naman daw kaming muling i-rehire pero gagawin na kaming mga kontraktwal. Ang gumagawa ngayon ng aming trabaho ay yaong mga totoong kontraktwal, kaya kaming mga regular na siyang dapat mayhawak ng mga makina ay narito't nakapiket."

Siya namang pagdating nina Vilma at Nora, pawang mga instruktor hinggil sa kalagayan ng paggawa.

"Sandali, Magda, ha? Kumustahin ko muna sila." ani Lena. "Kumusta na, Vi at Nors? Sila nga pala yung mga kabataang estudyante sa pangunguna ni Magda. Baka pwedeng makasama rin sila sa idaraos nating pag-aaral ngayon."

"Kumusta?" sabay abot ng kamay. "May idaraos nga pala kaming pag-aaral ngayon, tungkol ito sa paksang Puhunan at Paggawa. Dalo sana kayo."

"Mabuti naman po kami. Mabuti po at may pag-aaral na idaraos, makikinig kami. Alam naming anumang butil ng kaalamang aming matamo mula sa mga manggagawa ay malaking punong mabunga na ang aming makakamit."

"O, paano po? Maliit lang naman itong lugar natin kaya tiyak namang magkakarinigan tayo." ani Vi.

Katatapos lamang mag-almusal ng mga manggagawa, kaya naghanap na sila ng maayos na pwesto para sa pag-aaral. Inilatag ni Nora ang manila paper at tumambad sa mga manggagawa ang pamagat na malaking nakasulat: Puhunan at Paggawa. Ang mga estudyante naman ay naupo na rin upang matamang makinig.

"Mga kasama, isang magandang umaga sa ating lahat,” ang bungad ni Vilma. “Tayo ay nabubuhay sa ilalim ng kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang sistema ng lipunan ay katulad din ng sistema sa pabrika. Pagkat sa pabrika, sistemang kapitalismo ang pinaiiral. Suriin natin ang buhay sa pabrika. Tumatakbo ang buhay sa pabrika sa pamamagitan ng dalawang mayor na aspeto: ang puhunan at ang paggawa. Ibig sabihin, hindi pwedeng isa lang sa kanila. Ang kapitalista ang siyang may-ari ng pabrika at siyang namuhunan sa makina, hilaw na materyales, at nagbabayad sa sahod ng manggagawa, at ang manggagawa naman ang nagbebenta ng lakas-paggawa upang tumakbo ang pabrika." 

"Sila po pala ang may-ari, e, di sila po ang mapagpasya sa kumpanya", ang sabad ni Ato, isa sa mga estudyante.

"Alam nyo ba na di tatakbo ang pabrika kung wala ang manggagawa? Anumang gawin ng kapitalista sa kanyang pera, makina at hilaw na materyales, hindi sila kikita. Di tutubo ang pera, kakalawangin lang ang makina, at baka masira lang ang mga hilaw na materyales. Tatakbo lang iyan at tutubo lang ang kapitalista kapag pinagalaw na ng manggagawa ang mga makina," paliwanag ni Vilma.

"Ibig sabihin po pala, tatakbo lang ang pabrika kasi nariyan ang manggagawa," sabad muli ni Ato.

"Tama ka. Kung walang manggagawa, di tatakbo ang pabrika, ngunit pwedeng tumakbo ang pabrika kahit walang kapitalista. Makagagawa ng produkto ang mga manggagawa dahil sa kanilang lakas-paggawa na siyang binibili naman ng kapitalista, at ang pambayad sa presyo ng lakas-paggawa ng manggagawa ang tinatawag na sahod."

Tatangu-tango sina Magda, pati na si Lena at ang iba pang manggagawa.

"Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalista hinggil sa usaping sahod. Una, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Ibig sabihin, ang halaga ng lakas-paggawa ang siyang presyong binabayaran ng kapitalista, at ang tawag sa presyong ito ay sahod. Ikalawa, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ay kapital. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital," paliwanag pa ni Vilma.

"Di po ba, kaltas sa puhunan ng kapitalista ang sahod? Bakit ito ang pinakaimportante sa kapitalista, gayong kabawasan nga ito?" Malalim ang pagsusuri ni Magda.

"Magandang tanong," ani Vilma. "Ganito iyan. Ang sahod bilang pera, kapag ginastos na ng manggagawa, ay nauubos. Pero sa kapitalista, ang sahod ding ito, habang ginagastos ng kapitalista, ay lumalago. Bakit ka'nyo? Maliit lang kasi ang gastos sa sahod ng manggagawa kumpara sa tubo ng kapitalista. Magbigay tayo ng halimbawa."

Inilatag na agad ni Nora ang isa pang manila paper, at natambad sa mga manggagawa't kabataan ang isang kompyutasyon. Pulos numero sa kanang bahagi, habang sa kaliwang bahagi naman ang kumakatawan sa mga numero.

"Suriin natin ang mga datos batay sa kompyutasyon sa kita ng kumpanyang Goldi. Sa isang departamento nila, nakakagawa ang mga manggagawa ng 12,000 rolyo ng cake bawat araw, sa loob ng 3 shift. Ibig sabihin, may 4,000 cake ang nagagawa sa bawat shift. Ang halaga ng bawat cake sa merkado ay P200. May kabuuang 106 na manggagawa na sumasahod ng P450 sa loob ng walong oras na paggawa, mas mataas ng kaunti sa minimum wage ngayon na P426 dito sa National Capital Region," paliwanag ni Vilma, habang matamang nakikinig at nakatitig ang mga manggagawa sa mga numero, nagsusuri.

"I-multiply natin. Ang halaga ng kabuuang rolyo ng cake ay P2,400,000.00; mula 12,000 rolyo ng cake times P200.00 halaga ng bawat cake. Gumastos ngayon ang kumpanya ng sahod na P47,000.00 lamang, mula sa komputasyong P106 manggagawa times P450.00 na sahod kada araw. Ibawas natin ang kabuuang benta ng cake: 2,400,000.00 minus sahod na P47,700.00, ang kita ng kumpanya o gross profit ay P2,352,300.00. Ibawas na rin natin dito ang gastos sa buwis, bayad sa kuryente at tubig, gastos sa depresasyon ng makina, at hilaw na materyales, na nasa kalahati o 50% ng kita. Mula sa gross profit P2,352,300.00 (kita minus sahod) ibabawas ang kalahati nito o 50%, ang kita ng kumpanya ay P1,176,150.00 sa isang buong araw. O, di ba, malaki ang tubo ng kumpanya. Paano kung i-multiply mo pa ito sa isang buwan? E, di limpak-limpak na tubo ito, kumpara sa gastos nila sa sahod," mahabang paliwanag ni Vilma. Nakakunot naman ang noo ng mga nakikinig. Halatang nagsusuri.

"Mula sa kompyutasyon sa itaas ay dadako naman tayo sa ikatlong katotohanan ng sahod. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng tubo ng kapitalista. Ang gastos sa sahod ang siyang porsyon ng kapital na pinanggagalingan ng tubo. Sa madaling salita, ang porsyong ito ng kapital ay walang ambag sa produksyon na ginastos para sa materyales at makina. Ito ang misteryo at mahika ng kapitalismo. At panghuli sa apat na katotohanan hinggil sa sahod, ang nagpapasahod talaga sa manggagawa ay ang mismong manggagawa," dagdag pa ni Vilma. "Halina't muli tayong mag-kompyut." Inilatag ang isa pang manila paper.

"Sa P2,400,000.00 kita ng kumpanya sa isang araw, hatiin natin ito sa 106 manggagawa. Lumalabas na bawat manggagawa ay kumikita ng P22,641.51 sa bawat araw o walong oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin bawat oras ang halagang ito: P22,641.51 divided by 8 oras, pumapatak itong P2,830.19 bawat oras. Ibig sabihin, mahigit dalawang libong piso na ang kita ng bawat manggagawa sa isang oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin ito sa bawat minuto: P2,830.19 divided by 60 minuto. Lumalabas na sa bawat minuto sumasahod ang manggagawa ng halagang P47.17. At kung hahatiin naman ito sa bawat segundo: P47.17 divided by 60 segundo, lumalabas na sa bawat segundo ay may 79 sentimo ang manggagawa," mahabang talakay muli ni Vilma.

Sumabad si Magda na noon din ay nagkokompyut sa papel, "Ibig sabihin po pala, sa P450 sahod ng manggagawa, kung hahatiin sa P47.17 kita niya bawat minuto, lumalabas pong sa loob lamang ng 9.5 minuto ay nakuha na ng manggagawa ang kanyang sahod. At ang natitirang pitong oras at 50.5 minuto ay sa kapitalista na napunta. Nakagagalit naman ang ganyang katusuhan ng kapitalista. Dapat nga po talagang lumaban ang mga manggagawa"

"Tama ka, Magda. Iyan ang halaga ng di bayad na oras ng paggawa. Ibig sabihin, malaki talaga ang tinutubo ng kapitalista sa bawat araw, at mumo lang ang natatanggap ng manggagawa," ani Vilma. "Okey, mga kasama, uulitin ko, ha. Ang apat na lihim ng kapitalismo hinggil sa sahod ay ang apat na katotohanang pilit itinatago nila sa manggagawa. Ang sahod ay presyo. Ang sahod ay kapital. Ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa ng humamig ng tubo."

Nagtanong si Jose, isa pa sa mga kasamang estudyante ni Magda. "Bakit po nakapako kasi ang sweldo ng manggagawa sa P450, di po ba pwede namang taasan ito? Mga P1,000 sa isang araw, para kahit papaano naman ay mabuhay naman ng maayos ang pamilya ng manggagawa. Sa pagkakaalam ko, P1,000 ang sinasabi ng NEDA na halagang makabubuhay sa isang pamilya."

Si Nora naman ang sumagot, "Alam nyo, ang minimum wage ay tinatakda mismo ng gobyerno sa pamamagitan ng Minimum Wage Law, at pinapatupad ito ng Regional Wage Board. Mga kapitalista ang mayorya sa Kongreso na siyang nagpasa ng batas na ito, kaya anong aasahan natin, kundi pawang mga batas na pabor sa kanilang uri, pabor sa kapwa nila kapitalista. Bihira nga ang mga batas ngayong talagang kampi sa manggagawa."

Pinutol ni Vilma ang talakayan, "Sa ngayon ay iyan muna ang ating tatalakayin. May kasunod pa tayong paksa hinggil naman sa kapitalistang lipunan."

"Pinagnilayan ko pong mabuti ang mga paliwanag ninyo. Tama at lohikal. Nuong bata pa po ako ay nagtataka na kung bakit kung sinong masisipag ang siyang naghihirap, tulad ng aking amang magsasaka sa probinsya na madaling araw pa lang ay gising na para bisitahin ang bukid at mag-araro. Napakasipag pero mahirap pa rin kami. Sa ngayon po, nagpapasalamat po kaming muli sa aming mga natutunan,” ani Magda, “Handa po kaming kumuha ng iba pang pag-aaral. Naniniwala po kaming ang mga manggagawa na siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ay di dapat naghihirap.”

Katanghaliang-tapat na kaya nagyaya na si Lena kina Magda, "O, siya. Naghanda na kami ng ating pananghalian. Kumain muna tayo at saka natin ipagpatuloy ang ating naudlot na kwentuhan kanina."

"Sige po." At masaya nang nagsikuha ng kani-kanilang mga pagkain ang mga kabataang estudyante, kasama ang mga unyonistang ilang araw na ring nakapiket.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento