Linggo, Setyembre 15, 2013

Mensahe ng Pakikiisa ng Maso at Panitik sa ika-20 anibersaryo ng BMP


MENSAHE NG PAKIKIISA
sa ika-20 anibersaryo ng BMP
Setyembre 14, 2013

Kami mula sa samahang MASO AT PANITIK ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang MASO AT PANITIK ay isang samahan ng mga makata at manunulat para sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Ang tema ng aming mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng proletaryado, at pagwasak sa relasyon ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan. Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Di dapat sa ganito lamang mauwi ang panitikan.

Para sa grupong MASO AT PANITIK, internasyunalismo at sosyalismo ang dapat lumaganap ngayon. Kaya nagkaisa ang ilang mga sosyalistang makata at manunulat na dapat gamitin ang literatura para sa pagsusulong ng kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Tungkulin ng mga kasapi ng MASO AT PANITIK ang pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.

Isa sa gabay namin sa aming mga pagsusulat ang “Sampung Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng BMP”. Sa sosyalismong tinitindigan ng BMP, ipapalit ang isang sistema na walang pagsasamantala at pang-aapi sa sinuman. Isang sistema na magtataglay ng sumusunod na katangian:

1. Lipunang walang mga uri. Lipunan na hindi hinahati, hindi sinisino o kinikilala ang tao sang-ayon lamang sa uri niyang kinalalagyan.

2. Lipunang walang imperyalismo at imperyalistang pagsasamantala. Lipunang wawakas sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

3. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Lipunang nakapundar sa sosyal na pagmamay-ari ng mga kasangkapan at mga produktong nililikha nito.

4. Lipunang hindi pinatatakbo ng 'free market' o nakapundar lamang sa tubo at paghahangad ng limpak na tubo. Lipunang nakaplano ang ekonomiya sang-ayon sa layuning ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao.

5. Lipunang ang estado ay pinatatakbo ng mga manggagawa. Lipunang ang buong populasyon ay bahagi ng armadong hukbo ng bayan.

6. Lipunang ipinatutupad ang ganap na demokrasya sa pamamagitan ng direktang partisipasyon ng bawat tao sa gobyerno at sa lahat ng usaping hinaharap ng lipunan.

7. Lipunang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao - trabaho sa lahat, libreng pabahay, libreng edukasyon sa kabataan, libreng gamot at pangangalaga sa kalusugan, at marami pa. Ang mga ito ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan.

8. Lipunang ang mga pagawaan ay patatakbuhin ng mga manggagawa mismo (workers' self-management).

9. Lipunang ganap na magpapalaya sa kababaihan mula sa pang-aapi sa pagawaan at sa loob ng tahanan.

10. Lipunang bibigkis sa pinakamalawak na pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

Kaya kami sa MASO AT PANITIK ay patuloy na magsusulat at magpopropaganda kasabay ng inyong pangarap na pagbabago hanggang maitayo natin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Mabuhay ang ika-20 anibersaryo ng BMP! Mabuhay ang uring manggagawa! Sulong tungo sa sosyalistang alternatiba!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento