Miyerkules, Oktubre 21, 2020

Tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look

tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look
pagkat nagpa-Maynila na't nilandas ang pagsubok
napagpasyahan ko agad magpagupit ng buhok
bagaman wala pang tulog at inaantok-antok

lumuwas upang makapagsimula sa trabaho
lalo't bagong opisina ang aatupagin ko
ang pagsasalin ng katha'y itutuloy ko rito
sa dalawang araw na miting na'y agad dumalo

bagong gupit, panibagong hamon, bagong simula
dalawang plastik na tsitsaron ang aking nginuya
habang santimbang tubig naman ang aking tinungga
inahit ang bigote't balbas, kuminis ang mukha

bagong gupit, nag-selfie, at naglinis ng paligid
maraming pagbabago't bagong simula ang hatid
tiyaking huwag magugutom kahit nagtitipid
kinakatha'y bagong paksa, mag-isa man sa silid

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento