Manggagawa
ni Anthony Barnedo
July 1, 2011
16:00
Natataranta ang mga paa sa paghahabol ng oras,
Nagkakarera sa pagsibol ng umaga.
Sa paghaplos ng haring araw sa mga balat
Na nagkakaisang kahit ano pang kinis nito’t gaspang
Pagsasamantalahan ka ng init,
Susunugin,
Papasuin.
Walang pakundangan ang bawat minuto
ng walong oras mong sumusobra
Sa pabrika,
Sa mga fast food,
At nakakalulang mga mall.
Ang mga galaw ay parang robot na de baterya
At kahit ga’no pa ang pagpatak ng pawis
ay walang katumbas na halaga.
Mabuti kung ang lipunan ay nagiging patas
Sa pagtingin at trato sa mayaman at mahirap.
Mabuti kung ang manggagawa’y lagi ng may tagapakinig
Sa libro de kwenta ng kanyang kalayaan at karapatan.
Dumarating sa puntong kailangan niyang dumaing
Nananakit ang balikat at kasukasuhan,
Nagkakapalang kalyo sa bawat detalye ng palad.
At ang mga paa
Patuloy na tumatakbo,
Naghahabol,
Nakikipagkarera sa buhay
Sumasalo ng buong bigat at paghihirap.
Manggagawa
Isa siyang manggagawa
Nagpapatakbo ng makina
Hindi pinapatakbo ng makina
Hinding hindi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento