IPAGPATULOY ANG PAGPAPALAGANAP
NG SOSYALISTANG PANITIKAN SA SARILING WIKA
Ang sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK ay nagpupugay sa lahat ng mga sosyalistang manunulat sa kasaysayan, mga Pilipino man sila o mula sa ibang bayan.
Ang tema ng Buwan ng Wika 2011 ay "Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas". Kaya bilang mga sosyalistang manunulat, naniniwala kami sa Maso at Panitik na sa pamamagitan ng Wikang Filipino ay maipatagos sa sambayanan ang panitikang sosyalista, lalo na yaong tumatalakay sa mga isyu ng lipunan at sa adhikaing pagbabago tungo sa isang lipunang sosyalismo dahil naniniwala kaming ang sosyalismo ang tuwid na landas. Ang Buwan ng Wika ay isang pagkakataon upang ipakita ang galing ng bawat sosyalistang manunulat sa pagkatha at pagpapalaganap ng sosyalistang panitikan na amin nang nasimulan.
Ang wika ang sinasabing diwa ng ating pagkatao at kaluluwa ng isang bansa, na ating gamit sa pakikisalamuha at pakikipagtalastasan sa ating kapwa. Nagsisilbi itong tulay na nag-uugnay sa atin sa ating mga karatig na pamayanan at sa ating mga kababayan. Kaya tayo'y nagkakaisa at nagkakaunawaan. Gayundin naman ang panitikan na siyang daluyan ng wika.
Bilang mga sosyalistang manunulat, naninindigan kaming may matatawag na tayong sosyalistang panitikan sa sariling wika. Nilingon namin ang mga akda ng mga yumaong manunulat at lider-manggagawa, tulad ng sosyalistang nobelang "Banaag at Sikat" ni Lope K. Santos, ang mga akda nina Hermenegildo Cruz, Amado V. Hernandez, Lazaro Francisco, mga maikling kwento ng grupong Mga Agos sa Disyerto, hanggang sa sosyalistang akdang "Puhunan at Paggawa" ni Filemon Lagman, na nag-iwan ng mapagpalaya't matitinding bakas upang ipagpatuloy namin ang pagsusulong ng panitikang sosyalista.
Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pangangampanya tungo sa lipunang sosyalismo. Kaya nararapat lamang na organisahin ang mga aktibistang manunulat at makata upang makapag-ambag sa pagsulong ng sosyalistang literatura sa buong bansa, kundi man sa buong daigdig.
Bilang pagkilala sa Buwan ng Wika, naninindigan kami sa Maso at Panitik na ipagpapatuloy namin ang pagsusulong ng panitikang sosyalista sa sariling wika sa lahat ng larangan ng panitikan, maging ito man ay tula, dula, maikling kwento, awit, sanaysay, kritisismo, nobela, iskrip-pangradyo o pampelikula, at iba pa. Ipagpapatuloy namin ang pagtitipon ng mga akdang sosyalista na sa kalaunan ay aming ilalathala, upang ang nasa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ay mamulat na dapat baguhin ang sistemang naging dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Patuloy naming gagamitin natin ang Wikang Filipino sa pagmumulat hinggil sa kalagayan ng kasalukuyang lipunan at paninindigan sa mga isyung nakakaapekto sa sambayanan.
Ngayong Buwan ng Wika, magpapatuloy kami sa Maso at Panitik sa adhikaing ipalaganap ang sosyalistang panitikan sa puso't diwa ng bayang naghihirap. Magpapatuloy kami sa aming tungkuling pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan at pagtalakay sa pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.
(Agosto 22, 2011)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento