Linggo, Disyembre 18, 2011

Pahayag sa ika-25 anibersaryo ng KPML

Pahayag ng grupong Maso at Panitik sa ika-25 anibersaryo ng KPML
Disyembre 18, 2011

Nagpupugay ang sosyalistang grupong pampanitikang Maso at Panitik sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ngayong Disyembre 18. Isa itong okasyon ng pagdiriwang at pagninilay sa pakikibaka, tagumpay, kabiguan at pagpapatuloy ng KPML, bilang sosyalistang sentro ng maralita, sa nakaraang dalawampu't limang taon. Isang kasaysayan ng pagpapatuloy sa hanay ng maralitang nakikibaka laban sa lupit ng demolisyon, laban sa kahirapan, laban sa bulok na sistema. Isang kasaysayang dapat magsilbing inspirasyon bagamat patuloy na naghihirap ang maralita, patuloy ang mga demolisyon ng kabahayan sa kalunsuran, patuloy ang pagpapatapon sa maralita sa mga relokasyong malayo sa kanilang trabaho.

Mula nang isilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, patuloy itong nakibaka para makamit ng mga maralita ang kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Marami nang lider-maralita ang nagbuwis ng buhay para sa kapakanan ng maralita. Nariyan si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, na namatay habang nakikipagdebate sa loob ng Senado para ipagtanggol ang kapakanan ng maralita laban sa demolisyon. Nariyan ang ipanalo ng KPML ang iba't ibang isyu laban sa demolisyon, tulad ng tagumpay ng mga maralita sa Sitio Mendez. Nariyan ang pakikibaka laban sa paglaganap ng HIV at AIDS, kampanya laban sa child labor at kontraktwalisasyon, kampanya para sa pabahay at karapatang pantao. Nariyan ang patuloy na pagkilos sa parlyamento ng lansangan upang ipaglaban ang karapatan ng maralita sa paninirahan at iba pang isyung pulitikal, at ipakita ang pakikiisa at pagdamay sa laban ng iba’t ibang aping sektor ng lipunan, tulad ng manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan. Nariyan ang mga lider-maralita at kasapian nitong nananatiling matatag at hindi tumitigil sa kanilang pakikibaka upang ipalaganap ang sosyalistang adhikain ng organisasyon, buhay man ang ialay. Marami mang sakripisyo ang pinagdaanan ng KPML, nananatili itong matatag sa anumang unos na dumatal sa organisasyon.

Ang KPML bilang sosyalistang organisasyon ng maralita ay dapat magpatuloy at huwag panghinaan, sa gitna man tayo ng delubyo ng globalisasyon, sa ilalim man tayo ng bulok na sistemang kapitalismo, dapat magpatuloy ang mga maralita at higpitan ang pagkakaisa tungo sa pagkakamit ng kanilang bisyon, misyon at layuning nakaukit sa kanilang programa, plataporma at saligang batas hanggang sa tagumpay.

Patuloy tayong makibaka. Patuloy nating hawanin ang landas tungo sa adhikain nating lipunan. Kaya sa okasyong ito, isang pagpupugay para sa mga lider at kasapi ng KPML. Tuloy ang laban tungo sa pagkakamit ng sosyalismo, tungo sa lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, tungo sa lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang ugat ng kahirapan. 

Mabuhay ang KPML! Mabuhay ang sosyalistang sentro ng maralita!

Miyerkules, Disyembre 7, 2011

Monopolyo nga naman - ni Anthony Barnedo

Monopolyo nga naman
ni Anthony Barnedo
09.25.11
10am

Sa aking pagka-aliw sa sarsuwelang nasaksihan
Umusbong ang hinagpis sa kaapihang natuklasan
Monopolyo ay resulta ng elitistang banggaan
Hindi tunggalian ng mahirap at ng mayaman.

Lahat sila’y nagkakaisa, kumpitensya man ay nar’yan
Pagsagad ng kahirapan, sadyang tubo ang dahilan
Paglilinlang sa masang kailanma’y di naambunan
Serbisyo’t pakinabang ng kasalukuyang lipunan.

Ang gobyerno’y parang isang manyikang tautauhan
Para bang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Anong klaseng monopolyo pa kaya ang aabangan
At tuluyan ng magising damdamin ng mamamayan
Halina’t baklasin naghaharing uri ng lipunan
Manggagawa’t maralita ay magkaisa’t lumaban.

Ang gobyerno’y sadyang isang manyikang tautauhan
Sadya ngang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Mahiwagang Langis - ni Anthony Barnedo


Mahiwagang Langis
ni Anthony Barnedo
07.02.11
8am


Haplusin mo ang aking kaibuturan
Lunasan mo ang aking nararamdaman
Maghimala ka ng walang katapusan
Gamutin mong sugat ng puso't isipan.

Pagmasdan mo silang nangangailangan
Pila-pila lang, nakikipag-unahan
Resetang hawak walang mapaghugutan
Bahala nang umiwas kay kamatayan.

Grabe na kalala itong kalagayan
Pagkakawang gawa'y ginawang minahan
Parang sa isang pyesta'y nagchichibugan
Habang naglilimos ang karamihan.

Itong paghihirap tuluyang wakasan
Pananamantala'y dapat ng pigilan
Isang hagod lang ng makapangyarihan
Mahiwagang langis, maghiwaga naman.

Miyerkules, Nobyembre 23, 2011

Pahayag sa International Day to End Impunity

Pahayag ng grupong Maso at Panitik

WAKASAN ANG IMPUNIDAD!

Kaming mga makata't manunulat mula sa sosyalistang grupong Maso at Panitik ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng mga manunulat at mamamahayag sa buong mundo sa pagmarka sa Nobyembre 23 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Impunidad (International Day to End Impunity). Ang araw na ito'y itinakda ng mga mamamahayag sa iba't ibang panig ng mundo bilang pag-alala sa pagmasaker sa 32 mamamahayag, sa kabuuang 57, sa tinaguriang Maguindanao massacre.

Ang impunidad, ayon sa international law of human rights, ay tumutukoy sa kabiguang madala sa hustisya ang mga lumabag sa mga karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay kultura ng pagpatay at kawalang hustisya.

Idineklara ng mga mamamahayag mula sa iba't ibang panig ng mundo ang Nobyembre 23 na International Day to End Impunity sa pulong ng International Freedom of Expression Exchange (IFEX) noong Hunyo 2, 2011. Doon ay inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang 2011 special report na pinamagatang "Getting Away with Murder", kung saan nasa 2011 impunity index ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq, Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India. Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag mula sa iba't ibang panig ng mundo ang pinatay mula 1992, kung saan 36 dito ay ngayong 2011.

Dapat mabigyan ng katarungan ang mga pagkamatay na ito ng mga mamamahayag. Kaya kami sa grupong Maso at Panitik, habang nakikibaka para sa pagbabago ng sistema at pagkakamit ng hustisya para sa lahat, ay nakikiisa sa lahat ng mamamahayag sa panawagang wakasan na ang impunidad.

Naniniwala kaming makakamit ang tunay na hustisya at mawawakasan ang impunidad kung mapapalitan ang pandaigdigang kapitalismo ng isang sistemang tunay na maglilingkod sa lahat ng mamamayan, walang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon upang lahat ay makinabang, isang lipunang pamumunuan ng uring manggagawa.

Patuloy kaming tutula at magsusulat ng mga maiikling kwento at sanaysay, at sa hinaharap ay makapagsulat ng nobela na tumalatakay sa kasalukuyang kalagayan ng sambayanan sa ilalim ng salot na sistemang kapitalismo at ang pangangailangang makibaka at kumilos upang mapalitan ito tungo sa sistemang sosyalismo, isang sistemang magtitiyak ng karapatan ng bawat isa, isang lipunang makatao.

Wakasan ang Impunidad! Hustisya sa lahat ng mamamahayag na biktima ng masaker sa Maguindanao! Hustisya para sa lahat! Mabuhay ang uring manggagawa! Mabuhay ang mga sosyalistang makata at manunulat!

Huwebes, Nobyembre 17, 2011

Wakasan ang Impunidad


Nobyembre 23, Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Impunidad
ni Greg Bituin Jr.

Kasabay ng ikalawang anibersaryo ng pinakamatinding atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan, ang Maguindanao massacre sa Mindanao, ilulunsad ng iba’t ibang grupo sa buong mundo ang kauna-unahang pagkilala sa International Day to End Impunity (IDEI) sa Nobyembre 23, 2011 bilang bahagi ng pandaigdigang panawagan ng hustisya para sa lahat ng mga pinaslang dahil sa kanilang karapatang magpahayag.

Matatandaang noong Nobyembre 23, 2009, walang awang pinaslang ang 57 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag at manggagawa sa media, sa Maguindanao, habang ang mga ito’y papunta upang samahan ang pamilya Mangudadatu at mga tagasuporta nito sa pagpa-file ng kandidatura sa pagka-gobernador ni Esmael Mangudadatu.

Noong Hunyo 2, 2011, inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang 2011 special report na pinamagatang “Getting Away with Murder” sa pandaigdigang pulong ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX) sa Beirut, Lebanon, kung saan tinalakay ang impunidad sa buong mundo. Doon idineklara ng mga mamamahayag ang Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity) bilang pag-alala sa kamatayan ng 32 Pilipinong mamamahayag na napatay sa Maguindanao massacre. Nasa 2011 impunity index ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq, Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India. Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag sa buong mundo ang pinatay mula 1992, at 36 na nitong 2011.

Ang pandaigdigang aktibidad sa Nobyembre 23 ay pinangungunahan ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX), na nakabase sa Toronto, Canada, at isang network ng 95 na organisasyon ng mga mamamahayag sa buong mundo. Sa Pilipinas naman, ito’y pinangungunahan ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

Ano nga ba ang impunidad? Ayon sa international law of human rights, ito’y tumutukoy sa kabiguang dalhin sa hustisya ang mga lumabag sa mga karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay isang kultura ng pagpatay at kawalang hustisya. Nariyan ang kaso ng pagpatay at pagdukot sa mga aktibista, o desaparesidos, na hanggang ngayon ay di pa nakikita.

Ang Pilipinas ang itinuturing na isa sa mga delikadong lugar sa mga mamamahayag sa buong mundo. Ayon sa CMFR, may 121 mamamahayag na ang pinaslang sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Sa mga kasong ito, nasa 8% pa lamang ang mga kasong nareresolba.

Dapat mawakasan na ang ganitong mga karahasan at kultura ng kamatayan.

Wakasan na ang impunidad! End Impunity, Now!

Linggo, Nobyembre 13, 2011

Tayo ang 99.999%

TAYO ANG 99.999%
ni Greg Bituin Jr.

Simboliko ang katawagang 99%. Tumutukoy ito sa mga mayorya ng naghihirap na mamamayan sa buong mundo. Sila ang pinahihirapan ng 1% ng bilyonaryo at milyonaryo sa daigdig.

Ayon sa United Nations, umabot na sa 7 Bilyon ang tao sa buong mundo. Ang 99% ng 7B ay 6,930,000,000, at ang 1% ay 70,000,000. Ibig sabihin, 70 Milyon ang mayayamang kumokontrol sa buong mundo. Napakalaki ng bilang nila, 70M. Baka nga mas maliit pa ang bilang nito dahil sa kanilang kumpetisyon ay tiyak nagkakainan sila. Marahil 0.01% o 700,000 lang sila, at tayo naman ay nasa 99.99% o 6,999,300,000. O kaya sila'y 0.001% o 70,000 milyonaryo sa buong mundo, at tayo naman ay 99.999% = 6,999,930,000.
Gayunpaman, dahil ipinanawagan na sa buong mundo ang 99%, na hindi naman ito round-off, ito na rin ang tinanggap natin, dahil mas madaling maunawaan ng simpleng masa. Naghihirap ang 99%. Ang damuhong 1% ang dahilan ng patuloy na kahirapan at pagdurusa ng sambayanan.

Dito sa Pilipinas, sa populasyon nating 94 Milyon, tayong nasa 99% ay bumibilang ng 93,060,000, habang silang 1% ay 940,000 milyonaryo lamang, o marahil ay napakababa pa ng bilang nito. Marahil sila'y 0.001% o 940 lamang, habang tayo'y 99.999% o 93,999,060 katao. Ang bilang ng bilyonaryo'y tiyak na mabibilang sa daliri.

Ngunit sa ating kabilang sa 99%, ilan dito ang organisado? Wala pa bang 1% ng 99%, o 930,600? May 1,500 na unyon na nakatala sa DOLE, kung saan nasa 8 milyon ang organisado. Pero ang may CBA lamang ay nasa 200,000 indibidwal. Ibig sabihin 8.5% lamang manggagawa ang organisado, ngunit 0.2% lamang ang may CBA.

Nakararami ang mga mahihirap sa bansa. Nariyan ang nasa sektor ng maralita, magsasaka, mangingisda, at iba pa. Kaunti na lang ang mga regular na manggagawa, at karamihan ay mga kontraktwal na. Dapat silang maorganisa bilang kasama sa 99% upang baguhin ang kalagayang ang kumokontrol lamang sa buhay ng mayorya sa Pilipinas ay ang 1%. Isama na rin natin dito ang ispesyal na sektor ng kababaihan at kabataan upang mas tumaginting ang tinig ng protesta laban sa mga naghaharing uri.

Kabilang sa nasa 1% ang mga nakaupo sa kongreso at senado, mga nasa ekekutibo at hudikatura, mga malalaking negosyante, anupa't nakapwesto sila sa matataas na posisyon sa pamahalaan at mayhawak ng malalaking negosyo sa bansa. Sila ang mga bilyonaryo't milyonaryong dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Sila ang may-ari ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain, na kahit yata dagat at hangin ay gusto ring ariin at pagtubuan. Sila ang gumagawa ng batas, na dapat sana'y para sa lahat ng mamamayan, ngunit laging pabor sa kanilang uri. Sila ang nagpauso ng salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa. Sila ang madalas magpademolis ng bahay ng maralita. Sila ang mga kapitalistang mahilig magpunta sa simbahan, magdasal, at laging nagbibigay ng malaking donasyon sa simbahan, ngunit hindi maitaas ang sahod ng kanilang manggagawa. Silang 1% ang dahilan ng malaking agwat ng mahirap at mayaman.

Sa buong mundo, ang 1% ang kumokontrol sa ekonomya ng daigdig. Sila ang nagsasagawa ng polisiya sa World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at iba pang mga financial institution. Sila ang nagpapautang sa maraming mahihirap na bansa, ngunit may malaking interes, na dahilan upang lalo pang maghirap ang mga mahihirap.

Silang mga nasa 1% ang pahirap sa bayan, pahirap sa buong mundo. Hangga't pag-aari nila ang malalawak na lupain, makina't pabrika, paiikutin lang nila tayo sa kanilang mga maninipis na palad, habang ang mga manggagawa't iba pang aping sektor ng lipunan ay pulos lipak at kalyo na ang palad ngunit nananatiling mahirap. Silang mga nasa 1% ang dapat nating patalsikin.

Tayong nasa 99% ay dapat maorganisa sa adhikaing baguhin ang lipunang ito tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao kung saan wala nang 1% na nagpapahirap sa sambayanan. Dapat tayo na'y maging 100% na nakakakain ng sapat sa bawat araw, at nakakamtan ang ating mga batayang karapatan, kabilang na ang karapatan sa paninirahan, trabaho, kalusugan, edukasyon, at iba pa.

Ngunit hindi natin ito makakamtan kung hindi tayo kikilos. Kung hindi tayo, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa? Halina’t mag-organisa! Baguhin ang sistema!

Martes, Nobyembre 8, 2011

Karahasan sa Kababaihan, Tigilan Na!

KARAHASAN SA KABABAIHAN, TIGILAN NA!
ni Greg Bituin Jr.

Kamakailan ay nabalita sa telebisyon ang pagdukot, panggagahasa't pagpatay noong Setyembre 23 sa estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na si Given Grace Cebanico, 19 na taong gulang. Kasunod nito'y nabalita sa pahayagang Remate ang panggagahasa at pagpatay sa isang 9-anyos na batang babaeng natagpuang patay sa loob ng isang simbahan sa Muntinlupa noong Oktubre 27. Kahindik-hindik at nakagagalit ang mga balitang ito. Wala silang kalaban-laban at kinitlan pa ng buhay. Anong uri ng mga halimaw ang may kagagawan ng mga ito?

Napakarami nang karahasan sa mga kababaihan. Nariyan ang pisikal na karahasan, tulad ng pananakit at pagpatay; sekswal na karahasan, tulad ng panghihipo lalo na pag nalalasing, panggagahasa, pagtrato sa babae bilang sekswal na bagay o sex object, paggamit ng malalaswang salita; sikolohikal na karahasan, tulad ng pangangaliwa at pagmamanman (stalking); at pinansyal na pang-aabuso, tulad ng pagbawi ng sustentong pinansyal.

Dahil sa ganitong mga karahasan sa kababaihan, may dalawa nang pandaigdigang araw ng kababaihan na ginugunita sa buong mundo bilang paalala na ang mga kababaihan ay taong may dangal at hindi dapat dinadahas. Ang una at mas kilala ay ang International Women's Day tuwing Marso 8, at ang ikalawa'y ang International Day for the Elimination of Violence Against Women tuwing Nobyembre 25. Sa dalawang ito'y mas madugo ang kasaysayan ng Nobyembre 25.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day tuwing Marso 8 ay unang idineklara sa ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng Manggagawang Kababaihan sa Copenhagen na dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa labimpitong bansa. Ipinanukala ito ni Clara Zetkin ng Social Democratic Party sa Alemanya na magkaroon ng ispesyal na araw para idulog ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang mga karapatan.

Ang Nobyembre 25 naman ay idineklara ng United Nations (UN) noong 1999 bilang paggunita sa tatlong pinaslang na magkakapatid na babaeng Mirabal. Noong Nobyembre 25, 1960, sa utos ng diktador na si Rafael Trujillo ng Dominican Republic ay pinaslang sina Patria Mercedes Mirabal, María Argentina Minerva Mirabal at Antonia María Teresa Mirabal. Ang magkakapatid na babaeng ito'y nakibaka upang wakasan ang diktadurya ni Trujillo. Mula 1981 ay ginugunita ng mga aktibista para sa karapatan ng kababaihan ang Nobyembre 25 bilang paggunita sa tatlong babaeng ito. At noong Disyembre 17, 1999, idineklara ng UN General Assembly ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Mula rito'y itinatag na rin ng mga kababaihan ang 16 Days of Activism Against Gender Violence mula Nobyembre 25 (International Day for the Elimination of Violence Against Women) hanggang Disyembre 10 (International Human Rights Day) upang simbolikong idiin na ang mga karahasan sa kababaihan ay paglabag sa karapatang pantao.

Matatamaan na rin sa 16 na araw na ito ang Nobyembre 29 na kilalang International Women Human Rights Defenders Day, at Disyembre 6 na anibersaryo naman ng Montreal Massacre, kung saan pinaslang noong Disyembre 6, 1989 ang labing-apat na kababaihan sa Engineering Building ng École Polytechnique sa Montreal sa Canada.

Ang mga makasaysayang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi dapat kababaihan lamang ang gumugunita kundi ang mga kalalakihan din. Pagkat meron din silang inang pinagkautangan ng buhay, asawang nagbigay ng kanilang mga anak, mga kapatid na babae, anak na babae, at mga kaibigang babae. Anupa't kalahati ng buong mundo'y pawang kababaihan.

Kaya hindi lamang tuwing Marso 8 dapat maging aktibo sa pakikibaka ang mga kababaihan kundi sa Nobyembre 25 din, at sa 16 na araw mula rito hanggang Disyembre 10, upang igiit, kilalanin at respetuhin ang kanilang mga karapatan. Sana, sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito’y mabawasan na ang mga karahasan sa kababaihan, lalo na sa mga bata. Ang pagsasabatas ng Republic Act No. 9262 (2004) o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act ay isa nang malaking hakbang upang bigyang proteksyon ang mga kababaihan at kanilang mga anak na nakararanas ng pang-aabuso o karahasan. Kailangang tumungo sa karapatang pantao at pagrespeto sa kapwa ang oryentasyon ng lahat sa kababaihan. At higit sa lahat, hindi dapat masayang ang mga araw ng paggunitang ito sa mga kababaihan sa buong mundo at sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito upang kilalanin ang karapatan ng kababaihan sa buhay, dignidad, at pantay na pagtrato. Itigil na ang mga karahasan sa kababaihan!

Hustisya kay Given Grace at sa lahat ng mga babaeng biktima ng karahasan!

Mabuhay ang ating mga ina, asawa, kapatid at anak na babae! Mabuhay ang mga kababaihan!

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri


MGA AGOS SA DISYERTO: ISANG PAGSUSURI
ni Greg Bituin Jr.

Ang pag-alon ng Mga Agos sa Disyerto ang nagbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at kabataan. Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Sa mga manunulat na ito'y tanging si Ordoñez pa lang ang aking nakadaupang-palad at nagbigay sa akin ng huli niyang libro ng mga tula sa launching nito.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Mabisa ang mga paglalarawan sabuhay ng karaniwang tao. Lumitaw ang grupong Mga Agos sa Disyerto sa panahong tigang ang panitikang Pilipino sa mga agos ng totoong nangyayari sa lipunan, sa panahong pulos pag-iibigan at romansa ang nangingibabaw na panitikan, dahil ito ang nais ng komersyal. Binali nila ito at sinundan nila ang yapak ng mga nauna sa kanila, tulad ni Rizal na may-akda ng Noli at Fili, ni Amado V. Hernandez na may-akda ng marami ring maiikling kwento at kilalang nobelang "Mga Ibong Mandaragit" (na dumugtong sa El Fili ni Rizal) at "Luha ng Buwaya", ni Lazaro Francisco na may-akda ng nobelang satire na "Maganda pa ang Daigdig" at "Daluyong", at marami pang iba.

Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Mga kwentong hindi pumasa sa magasing Liwayway ngunit nanalo ng Palanca, at nailathala sa magasin ng kolehiyo, tulad ng The Quezonian ng MLQU.

Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil, hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng sosyalistang rebolusyon, atbp.

Ang panitikan ay nagbabago, umuunlad. At ang mga kwentista'y mas nagiging matalas na rin sa pagsusuri sa lipunan. Kung noon ay palasak sa mga kwento ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, ngayon naman ay naging tungkulin na ng mga manunulat na ilagay sa kwento ang mga pagsusuri ngayon batay sa kongkretong kalagayan ng kapitalistang lipunan. Nasapol ito mismo ni Rogelio Ordonez sa kanyang maikling kathang "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" nang kanyang tinalakay dito kung paanong ang isang bukirin ay naging pabrika, ang mga magsasaka'y naging manggagawa, pati na mga problema sa pabrika tulad ng kawalan ng umento sa sahod at ang pangamba sa pag-uunyon.

Sa ngayon, may panibagong hamon sa mga seryosong manunulat, ang ilarawan sa kanilang mga maikling kwento ang tunay na kalagayan ng mga aping sektor ng lipunan, laluna ang uring manggagawa, sa ilalim ng kapitalistang lipunang umiiral ngayon, at ang pangangailangan ng isang bagong sistemang ipapalit sa kapitalismo - ang sosyalismo. At ang mahalaga, mailathala ito sa mga magasin, at sa kalaunan ay maisalibro ito sa darating na panahon upang magamit din ng mga mag-aaral sa sekundarya at sa kolehiyo. Sa ngayon, tanging ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang tumatalakay sa sosyalismo. Nasundan ito ng mahabang tulang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng Manggagawa) (1936) ni Lino Gopez Dizon. Ngunit sa pagsingit ng kaisipang pambansang demokratiko sa panitikan ay hindi na nasundan ang mga akdang may sosyalistang adhikain, na batay sa pagkakaisa ng uring proletaryado.

Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.

Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.

Siyanga pala, maraming salamat sa isang kasamang nagbigay ng aklat na Mga Agos sa Disyerto na kabilang sa mga binigay niyang halos dalawampung aklat pampanitikan, na pawang nasa sariling wika. Mabuhay ka, kasama!

Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pandepensa sa niyuyurakan nilang pagkatao at dignidad. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "Sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang po kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban, tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Wala itong pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang alam lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil walang trabaho roon at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi kinakausap nang maayos ang mga maralita nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat usapin ng maralita, dapat tandaang magkasama lagi ang kanilang tatlong mahahalagang usapin - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay, pinalayas pa, inilayo pa sa trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya tiyak na lalong gutom at kahirapan ang inaabot ng mga maralitang pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city housing dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na sa market value nakabatay ang halaga ng pabahay, dapat ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad. Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, dalawang libong piso (P2,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P200 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Kinikilala pa ba ng kasalukuyang lipunan na ang mga maralita’y mga tao ring tulad nila? Kung laging etsapwera ang maralita, nararapat lamang magkaisa sila’t lumaban at tuluyan nang baguhin ang mapang-aping lipunang ito. Dapat magkaisa ang lahat ng maralita bilang iisang uri at lusawin na ang konseptong demolisyon at relokasyon!

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang magkakasakitan, masasaktan din ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatang mabuhay ng may dignidad.

Huwebes, Oktubre 20, 2011

Ang FASAP at ang Baligtaring Hukuman

ANG FASAP AT ANG BALIGTARING HUKUMAN
ni Greg Bituin Jr.

Nanalo na sa korte nitong Setyembre 7, 2011 ang 1,400 myembro ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) ang labintatlong taon ng pakikibaka at paghahanap ng katarungan. Ilegal ang pagsibak sa trabaho ng 1,400 manggagawa ng PAL at dapat silang i-reinstate at mabayaran. Pabor sa FASAP ang desisyon, at ito'y "final and executory", pinal na at hindi na pakikinggan pa ang anumang apela dito. Ngunit sa isang iglap lamang, sa pamamagitan ng isang liham ng abogado ng Philippine Airlines (PAL) na si Atty. Estelito Mendoza sa Korte Suprema, ang desisyong "final and executory" ay biglang nabalewala. Binawi agad ng Supreme Court en banc ang naunang desisyon ng Second Division ng Korte Suprema na nagdedeklarang ilegal ang pagsibak ng PAL sa 1,400 flight attendants noong 1998.

Huling balwarte ng demokrasya ang turing sa Korte Suprema, ngunit sa pagbawi nito sa desisyon ng 2nd Division, tunay na nabahiran ang pangalan at dangal ng Korte Suprema. Nang dahil sa sulat ng abogado ng ikalawang pinakamayamang tao sa bansa, kaybilis magpasiya ng Korte Suprema. Sa napakabagal na hustisya sa mga mahihirap sa Pilipinas, napakabilis ng hustisya kay Lucio Tan. Hindi maiiwasang magduda kung may umikot ngang milyong-milyong pisong salapi sa kasong ito. Aba'y pag mahirap, kaybagal ng hustisya. Magbibilang pa ng ilang taon sa kulungan bago mapalaya sa isang kasong di pala nila nagawa.

Tagapagtanggol nga ba talaga ng naghaharing uri, ng mga elitista't mayayaman ang hukuman? Nakapagtataka bang laksa-laksang mahihirap ang nakakulong kaysa mayayaman?

Sa liham ni Estelito Mendoza, kinwestyon nito ang komposisyon ng Second Division na naglabas ng resolusyon. Wala na raw kasi ang lahat ng myembro ng Third Division na unang humawak at nagdesisyon sa kaso. Ikinagalit ito ng mga kasapi ng FASAP, kaya agad silang nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema noong Oktubre 12 upang kondenahin ang pagbawi ng Supreme Court en banc sa naunang desisyon ng Supreme Court Second Division. Ngunit dahil napakahaba ng pisi ng mga kasapi nito, nakapag-file pa rin sila ng Motion for Reconsideration. Sa inihaing petisyon ng FASAP, hiniling nila na ibasura ang SC en banc resolution na may petsang October 4, 2011.

Ang desisyong pabor sa mga manggagawa ng PAL ay naging bato pa. Nakapagdududa pa bang kampi sa kapitalista maging ang hudikatura? Iisa lang sila ng uri. Nagpapatunay lang itong sa ilalim ng kapitalistang sistema ng lipunan, hindi pagkamakatao ang umiiral kundi ang kaganiran ng kapitalista sa tubo. Umiikot ang salapi. At ito ang masakit. Gaano man katindi at kahaba ng pasensya ng manggagawa upang ipaglaban ang kanilang karapatan, nanalo na sila, pabor na sa kanila, “final and executory” na ang desisyon sa kanila, ngunit nababaligtad pa. Napakayamang kapitalista kasi ang kanilang kalaban. Ikalawang pinakamayaman sa buong Pilipinas.

Kung nangyayari ito sa mga manggagawa ng PAL, na nakibaka talaga sa labanan sa korte, paano pa ang mga mahihirap na naghahanap ng hustisya, ngunit walang pambayad sa korte? Hindi ito makataong lipunan. Walang hustisya para sa manggagawa hangga’t itong mga kapitalista ang nakapangyayari sa ating lipunan. Walang hustisya sa mga maralita hangga’t kapitalismo ang sistema. Parang Divisoria na pati ang Korte, kung sino ang may pambayad, sila ang nananalo. Kung sino ang mas malaki ang bayad, sila ang nagwawagi. Nakapagtataka pa bang mas marami ang mahihirap na nakakulong, at ang mga mayayamang nakulong ay nakalalaya na. Hindi ito makatarungan. Dapat mabago mismo ang sistema. Dapat itayo ang totoong lipunang makatao na magtitiyak na walang maiitsapwera, na ang hustisya ay para sa lahat.

Ang nangyari sa FASAP ay eye-opener para sa marami na wala tayong maaasahan sa ilalim ng kapitalistang lipunan kundi lalo’t lalong kahirapan at pagdurusa. Panahon na para wakasan ang ganitong klase ng sistema, at itayo na ang isang lipunang makatao.

Miyerkules, Oktubre 19, 2011

Ang Nagwawalanghiya Pa ang Pinagpapala

ANG NAGWAWALANGHIYA PA
ANG PINAGPAPALA
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinipsip nila ang ating lakas-paggawa
na madalas ay di binabayarang tama
ibinabaon tayo sa pagiging dukha
kahirapan pa natin ay pinalalala

pag nalugi naman ang kanilang kumpanya
manggagawa'y sisisihin dahil nagwelga
pinagpapala pa'y mga kapitalista
ng gobyernong kauri nila sa burgesya

pag ang bansa'y nagkaproblema sa panggugol
obrero'y tanggal, buhay ng dukha'y sasahol
pag may krisis, bangko pa ang pinagtatanggol
sa kapitalista'y di sila makatutol

bakit ba yaong mga nagwawalanghiya
ang siyang sa mundong ito'y pinagpapala
kapitalista'y sinambang tila Bathala
habang itsapwera ang manggagawa't dukha

globalisasyon ang lumikha nitong krisis
obrero'y unti-unti nilang tinitiris
karapatan ng masa itong pinapalis
turing ng kapitalismo sa masa'y ipis

habang mga bangkong tuloy sa pagkalugi
tutulungan ng gobyernong mapagkandili
di sa kanyang mamamayan, kundi sa imbi
tila sumumpang bangko'y tutulungan lagi

kapitalismo nga'y walanghiya't kaysakim
sa puso'y dumuduro't nagdulot ng lagim
sa bituka nati'y gumuguhit, matalim
hanggang magsuka tayo ng dugong nangitim

palitan na natin itong sistemang bulok
sa pagbabago lahat tayo'y magsilahok
mga sektor, dukha, babae, tagabundok
uring manggagawa'y ilagay na sa tuktok

Martes, Setyembre 13, 2011

Primitibo Komunal sa Lansangan... Nakikita mo ba sila?

PRIMITIBO KOMUNAL SA LANSANGAN…
Nakikita mo ba sila?
Ni: Kokoy Gan

Pagala-gala, sama-samang nanginginain, pangangaso, walang pag-aari at mangmang. Iyan ang depinisyon ng unang tao noon - uncivilized people. Lagi nilang iniisip ang kapakanan ng kanilang tribu at kalikasan. Lahat ng pag-aari ay pag-aari ng lahat at lahat ng produksyon ay pantay pantay na pinaghahatian.

Madalas akong napapadaan sa lugar ng Escolta, sa kahabaan ng Rizal Avenue at Lawton, lagi kong napapansin ang mga taong nakatira sa lansangan o pulubi sa katawagan ng mga mayayaman. Sa tuwing sila ay aking nakikita, sila ay aking pinagmamasdan at pinagtagni-tagni ko ang kanilang mga ginagawa hanggang sa humulma at nabuo sa isip ko: ito ba ang mukha ng lipunang kapitalista? Alam ko na mayroon pang ibang ganito sa ibang lugar sa Pilipinas na kaparehas din nila. Bakit naging baliktad yata ang nangyayari? Kung sino pa ang mga dayuhan at iilang mga mayayaman ay sila pa ang may kontrol at kumakamal ng yaman ng ating bansa. Sila ang nagmamay-ari ng mga empresa, mga malaking lupain at mga pabrika. Kaya nilang mag-impluwensya sa pamamagitan ng kanilang yaman o pera. Kaya rin nilang pondohan at magpanalo ng kandidato kahit maging presidente para hawakan at papaboran ang kanilang gusto at para mapanatili ang kanilang yaman at para maproteksyonan ang kanilang mga interes. Ganito sila kagarapal. Oo, tao sa kapwa tao ang naglalaban. Bakit may iba silang oryentasyon? Ang magpayaman sa kabila ng maraming naghihirap.

Primitibo nga silang tingnan pero may kaibahan sila sa unang mga tao noon. Ang kaibahan noon ay may malalaking mga puno na naging proteksyon sa kalikasan, kanlungan ng mga hayop o pinipitasan ng mga bunga na kanilang makakain. Iyan ay wala na ngayon kasi tinayuan na ng mga malalaking gusali, wala ng lupang masasaka para tugunan ang kanilang pagkain, dahil pag-aari na ng iilan gaya ng mga panginoong may lupa o haciendero. Ang kanilang bahay ay kariton. Dito nila inilalagay ang kanilang mga gamit. Sama-sama silang nanginginain sa paghahalukay sa mga basurahan ng itinapong pagkain ng mga malalaking restaurant, nakatira sa mga condominium at mga sikat na subdivision. Gabi na, kailangan nilang i-safety ang kanilang mga katawan lalo na ang mga bata na kasama nila, tulak tulak ang kanilang kariton, sarado na ang mga establesimyento. Maghahanap sila ng malaking espasyo na kahit umulan man ay hindi sila mababasa. Ilalatag na nila ang mga dalang karton. Habang sila’y natutulog, kailangan may isang gising na magbabantay sa mga kasamahan nila. Baka nakawin ng sindikato ang kanilang mga sanggol na kasama nila ng mga sindikato para ibenta sa mga mayayaman na hindi nagkakaanak. Magliliwanag na, kailangan nilang lisanin ang lugar kase pagagalitan sila ng may-aring negosyante pag sila naabutan sa ginamit nilang lugar. Nabalitaan nila na may tagas ang isang tubo ng NAWASA, sama-sama nilang pupuntahan para labahan ang kanilang mga damit at isasabay ang paligo.

Nakakagigil... bakit may ganito dito sa ating bansa, sila ba ang biktima ng bulok na sistema?! ang sistemang kapital? Kung aking iisipin, iba-iba ang kanilang karanasan, tiyak ang karamihan sa kanila ay nademolis ang mga bahay, natanggal sa trabaho at biktima ng mga malulupit na patakaran na kontra maralita.

Baguhin natin ang sistemang ito! Sosyalismo! Walang mahirap at walang mayaman, walang mapang-aping uri, may pagkalinga ang gobyerno sa kanyang mamamayan, pantay na hatian, pantay na karapatan at libre ang mga serbisyong panlipunan, may sapat na kita at kaaya-aya at libreng pabahay. Kung ito ang sistema natin, tiyak wala tayong makikitang mga nakatira sa lansangan at naghihirap.

Biyernes, Setyembre 2, 2011

Nagumu-ulol (Enrage) - ni Alex Paulino

Nagumu-ulol (Enrage)
ni Alex Paulino

Nagumu-ulol ang aking diwa
Sa krisis na iyong likha
ibig ko ng kumawala
Sa tanikalang ikaw rin ang may gawa

Nagumu-ulol ang aking isip
Bangungot ka sa aking panaginip
nais kong magising ng pilit
i-mulat aking mata sa tulad mong ganid

Nagumu-ulol ang aking katauhan
sa hirap ay lagi mong pinagtatawanan
kinukutya minumura't pinararatangan
sinisisi aking kamangmangan

Nagumu-ulol na ang karamihan
yaring pagdurusa'y malunasan
durog ang puso ina-ba pa ng lalo
luha't dugo ay naghalo

Balang araw mag-umu-ulol ang taong bayan
sa gutom bunga ng iyong kapariwaraan
di na a-atras sa ano mang laban
bangis nitoy katarungan
upang lapain at lamunin ka ng tuluyan!

Martes, Agosto 23, 2011

Paalam, Edith Tiempo at Kerima Polotan


The socialist literary group Maso at Panitik is one with the Filipino literary community in mourning the death of two noted Filipino female writers over the weekend. They left the Philippine literary community with deep sadness.

National Artist for Literature Edith Tiempo passed away late afternoon August 21, 2011 at the age of 92, while Palanca awardee and journalist Kerima Polotan Tuvera died August 19, 2011 at the age of 85.

Tiempo’s published works include the novel A Blade of Fern (1978), His Native Coast (1979), The Alien Corn (1992), One, Tilting Leaves (1995) and The Builder (2003); the poetry collections, The Tracks of Babylon and Other Poems (1966), and The Charmer’s Box and Other Poems (1993); and the short story collection Abide, Joshua, and Other Stories (1964). Her works have won numerous prizes from the Don Carlos Palanca Awards in Literature, the CCP literary contest, and the Philippine Free Press literary contest.

Polotan was the most awarded writer among her contemporaries at one time. She won the Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature for her short stories “The Virgin” (1952), “The Trap” (1956), “The Giants” (1959), “The Tourists” (1960), “The Sounds of Sunday” (1961) and “A Various Season” (1966).

Pahayag ng grupong MASO AT PANITIK sa Buwan ng Wika 2011

IPAGPATULOY ANG PAGPAPALAGANAP
NG SOSYALISTANG PANITIKAN SA SARILING WIKA

Ang sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK ay nagpupugay sa lahat ng mga sosyalistang manunulat sa kasaysayan, mga Pilipino man sila o mula sa ibang bayan.

Ang tema ng Buwan ng Wika 2011 ay "Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas". Kaya bilang mga sosyalistang manunulat, naniniwala kami sa Maso at Panitik na sa pamamagitan ng Wikang Filipino ay maipatagos sa sambayanan ang panitikang sosyalista, lalo na yaong tumatalakay sa mga isyu ng lipunan at sa adhikaing pagbabago tungo sa isang lipunang sosyalismo dahil naniniwala kaming ang sosyalismo ang tuwid na landas. Ang Buwan ng Wika ay isang pagkakataon upang ipakita ang galing ng bawat sosyalistang manunulat sa pagkatha at pagpapalaganap ng sosyalistang panitikan na amin nang nasimulan.

Ang wika ang sinasabing diwa ng ating pagkatao at kaluluwa ng isang bansa, na ating gamit sa pakikisalamuha at pakikipagtalastasan sa ating kapwa. Nagsisilbi itong tulay na nag-uugnay sa atin sa ating mga karatig na pamayanan at sa ating mga kababayan. Kaya tayo'y nagkakaisa at nagkakaunawaan. Gayundin naman ang panitikan na siyang daluyan ng wika.

Bilang mga sosyalistang manunulat, naninindigan kaming may matatawag na tayong sosyalistang panitikan sa sariling wika. Nilingon namin ang mga akda ng mga yumaong manunulat at lider-manggagawa, tulad ng sosyalistang nobelang "Banaag at Sikat" ni Lope K. Santos, ang mga akda nina Hermenegildo Cruz, Amado V. Hernandez, Lazaro Francisco, mga maikling kwento ng grupong Mga Agos sa Disyerto, hanggang sa sosyalistang akdang "Puhunan at Paggawa" ni Filemon Lagman, na nag-iwan ng mapagpalaya't matitinding bakas upang ipagpatuloy namin ang pagsusulong ng panitikang sosyalista.

Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pangangampanya tungo sa lipunang sosyalismo. Kaya nararapat lamang na organisahin ang mga aktibistang manunulat at makata upang makapag-ambag sa pagsulong ng sosyalistang literatura sa buong bansa, kundi man sa buong daigdig.

Bilang pagkilala sa Buwan ng Wika, naninindigan kami sa Maso at Panitik na ipagpapatuloy namin ang pagsusulong ng panitikang sosyalista sa sariling wika sa lahat ng larangan ng panitikan, maging ito man ay tula, dula, maikling kwento, awit, sanaysay, kritisismo, nobela, iskrip-pangradyo o pampelikula, at iba pa. Ipagpapatuloy namin ang pagtitipon ng mga akdang sosyalista na sa kalaunan ay aming ilalathala, upang ang nasa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ay mamulat na dapat baguhin ang sistemang naging dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Patuloy naming gagamitin natin ang Wikang Filipino sa pagmumulat hinggil sa kalagayan ng kasalukuyang lipunan at paninindigan sa mga isyung nakakaapekto sa sambayanan.

Ngayong Buwan ng Wika, magpapatuloy kami sa Maso at Panitik sa adhikaing ipalaganap ang sosyalistang panitikan sa puso't diwa ng bayang naghihirap. Magpapatuloy kami sa aming tungkuling pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan at pagtalakay sa pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.

(Agosto 22, 2011)

Martes, Agosto 16, 2011

BAHAY KUBO 2011 Version.... - ni Gina Sy-Luna

BAHAY KUBO 2011 Version....
Gina Sy-Luna, mula sa facebook

Bahay Condo, kahit munti
ang mga Gadgets doon ay sari sari
Flat screen na TV, Blu-Ray DVD
.........IPOD, IPAD, IPHONE.

Laptop na malaki, Laptop na maliit
at saka meron pa, portable MP3
Digicam, Videocam, WIFI at HD
sa paligid - ligid ay puno ng .... Chargeeeerrrr! :)

Miyerkules, Agosto 3, 2011

Sa Dulo ng Pakikibaka - ni Noel Manzano

SA DULO NG PAKIKIBAKA
Noel Manzano

Batid ko ang hirap ay di madaling masupil
Kahit lakas paggawa'y ialay hanggang huling butil
Sapagkat silang namumuhunan ay sobra ang sutil
Patuloy ang opresyon, sa buhay siyang kumikitil.

Balangkasin ang isang makatuwirang paniningil
Dinaranas ng maralita ay dapat ng matigil
Kapitalismong hayok sa dugo'y tanggalan ng pangil
Wakasan ang pang-aapi't marahas na paniniil.

Ang maso'y nakahanda upang tanikala'y matanggal
Nang aliping sahuran sa kamay ng iilang hangal
Huwag papasilaw sa kanilang pagpapakabanal
Sapagkat tanging tubo lang ang kanilang pinagdarasal.

Ang karet ang panghaharibas sa lahat ng sagabal
Sa sosyalismong lipunan na magtataas ng dangal
Nang manggagawa't maralitang hantungan ng kalakal
Na tanging nakikinabang, Imperyalistang nananakal.

Sa dulo ng pakikibaka ang tanging magtatanggol
Kundi aping uri sa naghaharing uri hahabol
Walang magpapabagsak sa kapitalismo, susukol
Kundi rebolusyunaryong hukbo ang siyang hahatol.

Martes, Agosto 2, 2011

Manggagawa - ni Anthony Barnedo

Manggagawa
ni Anthony Barnedo
July 1, 2011
16:00

Natataranta ang mga paa sa paghahabol ng oras,
Nagkakarera sa pagsibol ng umaga.

Sa paghaplos ng haring araw sa mga balat
Na nagkakaisang kahit ano pang kinis nito’t gaspang
Pagsasamantalahan ka ng init,
Susunugin,
Papasuin.

Walang pakundangan ang bawat minuto
ng walong oras mong sumusobra
Sa pabrika,
Sa mga fast food,
At nakakalulang mga mall.

Ang mga galaw ay parang robot na de baterya
At kahit ga’no pa ang pagpatak ng pawis
ay walang katumbas na halaga.

Mabuti kung ang lipunan ay nagiging patas
Sa pagtingin at trato sa mayaman at mahirap.

Mabuti kung ang manggagawa’y lagi ng may tagapakinig
Sa libro de kwenta ng kanyang kalayaan at karapatan.

Dumarating sa puntong kailangan niyang dumaing
Nananakit ang balikat at kasukasuhan,
Nagkakapalang kalyo sa bawat detalye ng palad.

At ang mga paa
Patuloy na tumatakbo,
Naghahabol,
Nakikipagkarera sa buhay
Sumasalo ng buong bigat at paghihirap.

Manggagawa
Isa siyang manggagawa
Nagpapatakbo ng makina
Hindi pinapatakbo ng makina
Hinding hindi.

Paglayang Nasayang - ni GBJ

PAGLAYANG NASAYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(Namatay sa sakit na kanser ang bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero, 63, noong Hulyo 15, 2011. Nilagdaan naman ni Pangulong Noynoy Aquino ang release paper ni Umbrero noong Hulyo 19, apat na araw pagkamatay ni Umbrero.)

huli na ang lahat, Noynoy Aquino
huli na pagkat ang pinalaya mo
sa una mong presidential clemency
ay ilang araw nang naililibing

di ko alam, 'yan ba ang utak-wangwang
na laging huli't palpak ang dulugan
noon pa dinulog ang kasong iyan
ngunit di naman agad inaksyunan

level 4 na ang kanser ni Umbrero
tanging hiling niya, Noynoy Aquino
ay makasama ang kanyang pamilya
sa nalalabi pang araw sa mundo

ngunit bigo siya, binigo siya
ng pangulong ayaw ng utak-wangwang
ilan pa, Noynoy, ang bibiguin mo
ilan pa ang mabibigo sa iyo

namatay siyang bigong makasama
sa huling araw ang kanyang pamilya
presidential clemency mo'y wala na
sayang pagkat iyon ang iyong una

tularan mo ang ina mong butihin
bilanggong pulitikal, palayain
paulit-ulit itong aming hiling:
BILANGGONG PULITIKAL, PALAYAIN!

Miyerkules, Hulyo 27, 2011

Ang Palaruan - katha ni Alex Castro

ANG PALARUAN
katha ni Alex Castro

Pagsikat ng araw sa mumunting palaruan
Nagmamadaling lumuwas sa bahay-bahayan
Suot ng tsinelas, almusa'y kinalimutan
Mga manlalaro'y sabay-sabay nagtakbuhan

Parang mga langgam, nagsiakyatan sa bundok
Nalunod sa tawanan, sigawan, at kantahan
"Tunay na laro'y magsisimula na, kalahok
Hablot ng sako't paramihan ng kayamanan"

Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot
Isa, dalawang kilo, punuin lang ang sako
Naghalo na ang pawis at ang dumi ng bundok
Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot

Paglubog ng araw sa mumunting palaruan
Isang mumunting bundok na pinagbubungkalan
Pagod naglakad palayo, mga kabataan
Bitbit ang mga sako ng ginto't kayamanan

Isang silip sa sako na agad pinatitimbang
Ginto't kayamanan pala ay basura lang
Sa palaruan ay isang mayamang nilalang
Sa palaruan lang isang mayamang nilalang

Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot
Ang takbo ng araw ay hindi na nagbago
Iisa na ang buhay ng bata at ng bundok
Hukay dito, hukay doon, ikot lang ng ikot

ang tulang ito'y ipinasa ni Primo Morillo ng Sanlakas-Youth sa pamamagitan ng facebook, mula sa https://www.facebook.com/photo.php?fbid=238065946217435&set=a.214401385250558.63985.100000420938015&type=1&theater

Biyernes, Hulyo 15, 2011

Maso at Panitik's solidarity message to KPML's 4th National Congress

MASO AT PANITIK
http://masoatpanitik.blogspot.com, masoatpanitik@gmail.com

Poetry should also contain steel and poets should know how to attack. ~ Vietnamese revolutionary leader Ho Chi Minh

Kami sa sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK ay taas-kamaong nagpupugay sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdaraos nila ng kanilang Ika-4 na Pambansang Kongreso nitong Hulyo 16, 2011 sa KKFI Gymnasium sa P. Paredes St., Sampaloc, Maynila.

Ang MASO AT PANITIK ay samahan ng mga makata’t aktibistang alagad ng panitikan na nagsusulong ng kaisipang Marxismo at Leninismo sa pambansang kamalayan na ang adhikain ay ang pagtatayo ng lipunang sosyalismo. Ang tema ng aming mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng manggagawa’t maralita, pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, at pagpapalaganap ng diwang sosyalismo. Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, elitista, mayayaman, at uring kapitalista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Habang bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pakikibaka tungo sa lipunang sosyalismo. Naniniwala kami sa MASO AT PANITIK na dapat gamitin ang literatura para isulong ang kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Kaya dapat nating payabungin ang sosyalistang literatura sa ating mga kwento, awit, sanaysay, tula’t dula, di lang sa hanay ng masa, kundi sa hanay din ng akademya, media, atbp.

Napakaraming dukha ang may talento sa pagkatha, ngunit di nabibigyan ng pagkakataong ipakita ang kanilang natatanging galing, kaya narito kami sa MASO AT PANITIK upang tumulong at gumabay sa mga may talentong maralita at kabataang manunulat at makata mula sa komunidad, habang isinusulong ang pakikibaka ng maralita, kasabay ng pagpapalaganap ng diwang sosyalismo. Dapat magparami at mag-organisa ng mga magsusulong ng sosyalistang literatura sa bansa, maralita man sila, manggagawa, estudyante, kabataan, aktibista, atbp.

Payo nga ni Ho Chi Minh, dapat marunong ding umatake ang mga makata. Kaya inaatake namin ang bulok na sistema, mga elitista’t burgesyang naghahari-harian na nagpapanatili sa kabulukan ng lipunan. Kasabay ng pagkatha ang gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpopropaganda. Isa sa gabay namin ang prinsipyo ng KPML sa Saligang Batas nito, Artikulo 2, Seksyon 4: “Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.” Kaagapay ng KPML ang MASO AT PANITIK sa pagsusulong ng SOSYALISMO!

KPML, SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA!

PABAHAY, TRABAHO, SERBISYO, IPAGLABAN! MABUHAY ANG KPML!

Linggo, Hulyo 3, 2011

Di si Rizal ang Kumatha ng "Sa Aking Mga Kabata"

DI SI RIZAL ANG KUMATHA NG "SA AKING MGA KABATA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwing Agosto ay pinagdiriwang ang Buwan ng Wika, at tiyak na matatalakay muli ang kasabihang "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda." Karaniwan, ang kasabihang ito tungkol sa wika ay sinasabing mula raw sa isang tula ni Jose Rizal - ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na sinulat umano niya noong siya'y walong taong gulang pa lamang. Ito ang palasak hanggang ngayon.

Nang dumalo ako noong Hulyo 2, 2011 sa paglulunsad ng aklat na "Rizal: Makata" ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, nagkainteres akong lalo nang mabasa ko mismo sa likod ng aklat ang malaking nakasulat: Hindi si Rizal ang sumulat ng "Sa Aking Mga Kabata". Kaya mataman akong nakinig sa pagtalakay ni G. Almario habang ipinaliwanag niyang hindi kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata".

Balikan natin ang tulang "Sa Aking Mga Kabata":

Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.

Ang salita nati'y huad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.

Magaling ang pagkakatula, kabisado ng makata ang tugma't sukat. Bawat taludtod ng tula ay lalabindalawahing pantig, at may sesura sa ikaanim na pantig.

Ipinaliwanag ni G. Almario ang maraming tula ni Rizal, tulad ng "Mi Retiro" at "Ultimo Adios", pati kung paano ito isinalin. At ang huli niyang tinalakay ay ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" at sinabi nga niyang di kay Rizal ang tula. Maraming ibinigay na paliwanag si G. Almario, ngunit sapat na sa akin ang isa lang upang mapatunayan kong hindi nga kay Jose Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" - ang salitang "kalayaan".

Ayon kay G. Almario, sa liham ni Jose Rizal sa kanyang Kuya Paciano noong 12 Oktubre 1886, ipinagtapat ni Rizal ang kahirapan sa pagsasalin niya ng Wilhelm Tell, istorya ng isang bayani ng Switzerland, lalo na ang salitang Aleman na "Freiheit" o sa Kastila ay "libertad" dahil wala siyang makitang katumbas na salitang Tagalog nito. Kahit ang salitang "kaligtasan" ay di niya maitumbas sa pagsalin ng salitang "Freiheit" o "libertad". Nakita lang niya sa salin ni Marcelo H. Del Pilar ng akdang "Amor Patrio" ang salitang "malaya" at "kalayaan" bilang salin ng "Freiheit" o "libertad" kaya ito na ang kanyang ginamit.

Kung hindi alam ni Rizal ang salitang "kalayaan" bago niya isinalin ang Wilhelm Tell noong 1886, paano niya nasulat noong walong taong gulang pa lamang siya ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" (1869)? Tanong nga ni Almario, nagkaamnesya ba si Rizal kaya di niya napunang nagamit na niya ang salitang "kalayaan" sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata"? Pero ang totoo, di nagkaamnesya si Rizal kundi talagang di kanya ang tula. Pati ang pagkakasulat ng tula ay hindi kay Rizal, dahil sa orihinal na tulang nilimbag ni Hermenegildo Cruz, ang pagkabaybay ay "kalayaan" na dalawang beses sinulat sa tula, gayong sa paraan ng pagsusulat ni Rizal, dapat ito'y "calayaan" noong panahong siya'y nasa eskwelahan hanggang kolehiyo.

Pinuna pa ni G. Almario pati ang salitang "Ingles" kung bakit naroroon iyon, gayong dapat ay salitang "Griyego" ang nakasulat doon. Panahon kasi ng Amerikano nang ilathala ni Hermenegildo Cruz ang tulang iyon, kaya marahil papuri ito sa bagong mananakop para mailusot sa mga sensor na Amerikano ang tula. Ayon pa kay G. Almario, kung detektib lamang siya, tatlo ang suspek kung kanino talaga galing iyon - kay Hermenegildo Cruz, ang nagbigay dito ng tulang si G. Gabriel Beato Francisco, na ipinagkaloob naman dito ni G. Saturnino Racelis ng Lukban. Kaya kung di kay Rizal ang "Sa Aking Mga Kabata", di siya kumatha ng anumang tula sa wikang Tagalog. Lahat ng tula ni Rizal ay pawang nasa Espanyol.

Pag-uwi ko'y binasa ko ang Kabanata 9 ng aklat, na may pamagat na "Tumula Ba si Rizal sa Tagalog?" at sinaliksik ko ang mismong sinulat ni Rizal sa kanyang Kuya Paciano. Nasa wikang Ingles ang nakita ko, nasa filipiniana.net.

http://www.filipiniana.net/publication/rizal-leipzig-12-october-1886-to-paciano-rizal/12791881737302/1/0

"I lacked many words, for example, for the word Freiheit or liberty. The Tagalog word kaligtasan cannot be used, because this means that formerly he was in some prison, slavery, etc. I found in the translation of Amor Patrio the noun malayá, kalayaban that Marcelo del Pilar uses. In the only Tagalog book I have — Florante — I don't find an equivalent noun. The same thing happened to me with the word Bund, liga in Spanish, alliance in French. The word tipánan which is translated in Arca de la alianza or fidelis arca doesn't suffice, it seems to me. If you find a better word, substitute it. For the word Vogt or governor, I used the translation given to Pilate, hukúm. For the prose I used purposely the very difficult forms of Tagalog verbs that only Tagalogs understand."

Sa paglulunsad ng librong "Rizal: Makata" sa Filipinas Heritage Library sa Makati Avenue, nagbayad kami ng P250.00 para sa talakayan, kung saan kasama na sa binayaran ang aklat, sertipiko at meryenda. Nilathala ang libro ng Anvil Publishing. Ang paglulunsad ng libro ang handog ni G. Almario sa ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal. Kaya bawat isang dumalo ay may libro. Pinalagdaan ko iyon kay G. Almario bago kami umalis ng aking kasamang babae na naengganyong dumalo sa paanyaya ko sa facebook. Doon na kami nagkita sa venue. Marami akong inimbita sa facebook. Gayunman, sulit para sa tulad kong makata, manunulat at istoryador ang pagkakadalo ko sa talakayang iyon. Di nasayang ang pagod ko, dahil bukod sa napakarami kong natutunan, may natutunan akong bago.

Hindi pala kay Rizal at hindi pala si Rizal ang kumatha ng tulang "Sa Aking Mga Kabata", kaya tiyak malaki ang epekto nito sa Buwan ng Wika na ipinagdiriwang tuwing Agosto. Marahil, hindi na mababanggit si Rizal, at maiiwan na si Manuel L. Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa.

Mamamatay na kaya ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" ngayong nalaman nating di pala si Rizal ang totoong tumula nito?

Sa palagay ko, dahil hindi pala kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata", maraming mababago sa mga libro, at marahil unti-unti ring mawawala sa kamalayan ng madla ang tulang ito, bagamat maganda ang dalawang taludtod nitong naging gabay ko na sa aking pagsusulat at pinaghanguan ng isang palasak na kasabihan - "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda."

Lunes, Hunyo 27, 2011

Monopolyo na naman - ni Anthony Barnedo

Monopolyo na naman
Anthony Barnedo

Ang iilang naghaharing uri'y nagbabanggaan
Ang demokrasya'y kanila ng pinaglalaruan
Matira ang matibay, magdurusa ang talunan
Tiyak ang tubo sa magwawagi ang hangganan.

Kalayaan sa merkado'y tuluyang niyurakan
Mapagtagumpayan lamang ang pagiging gahaman
Piso pisong text ngunit limpak limpak ang kitaan
At may bulong bulungan, wala namang pinuhunan.

At ano 'tong gustong magpasaya sa mamamayan
Animo'y bulag sa tunay na interes ng bayan
Naturingang taga-pangalaga ng karapatan
Namumuong monopolyo'y binibigyan ng daan.

Babalik na naman bangungunot ng nakaraan
Mas grabe pa ang kahihinatnan ng sambayanan
Pagsasamantalang nagdudulot ng kahirapan
Monopolyong hatid ng imperyalistang isipan.

Halina maralita, kumilos tayo't lumaban
Pagkakaisa'y bigkisin para sa kalayaan
Manggagawa ang ating hanay lalong palakasin
Ang pang-aapi ay tuluyan na nating buwagin.

Sabado, Hunyo 11, 2011

Re: Mag-ambag sa unang literary chap book ng grupong MASO AT PANITIK

Re: Mag-ambag sa unang literary chap book ng grupong MASO AT PANITIK

MASO AT PANITIK
masoatpanitik@gmail.com, http://masoatpanitik.blogspot.com/

Hunyo 8, 2011

Mga kaibigan, kasama, kapwa makata at manunulat,

Isang maalab na pagbati!

Isa sa plano ng sosyalistang grupo ng manunulat at makata, ang MASO AT PANITIK, ay ang maglathala ng literary chap book. Ang unang chap book ay katipunan ng mga tula, sanaysay at kwento hinggil sa pagsusuri o kritik sa isang taon ng panunungkulan ni Noynoy Aquino bilang pangulo. Ang unang chap book ng sosyalistang MASO AT PANITIK ay ilalabas sa merkado sa ika-25 ng Hulyo, 2011, kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Noynoy.

Dahil po dito, kayo po ay inaanyayahang mag-ambag ng akdang pampanitikan batay sa inyong pagsusuri sa unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy. Limang tula ang maksimum na maaaring iambag ng bawat makata. Dalawang sanaysay at isang maikling kwento naman ang maksimum bawat manunulat. Ang lahat po ay pawang nakasulat sa wikang Filipino, at maaari din namang mag-ambag ng akda sa wikang Ingles, ngunit isa lamang bawat manunulat. Kung nais nyo namang maunawaan ang tugma't sukat sa pagtula, nagbibigay ng pag-aaral na tinatawag na STSPK (Seminar sa Tugma't Sukat para sa mga Progresibong Kilusan) ang grupong MASO AT PANITIK. Maaari kayong magpa-iskedyul.

Mangyaring pakipasa ang inyong tula sa email na masoatpanitik@gmail.com at sa aklatangobrero@gmail.com. Ang huling petsa ng pasahan (deadline) ay sa Hulyo 20, 2011, upang bigyang puwang pa ang pagta-type, pag-edit, pag-layout at paglalathala ng chap book.

Inaasahan po namin ang inyong maagap na pagtugon upang makasama ang inyong sulatin sa unang chap book ng grupong MASO AT PANITIK. Maraming salamat.


GREG BITUIN JR.
Kasaping Tagapagtatag at Pasimuno, MASO AT PANITIK

Martes, Enero 4, 2011

Ang Tula Bilang Propaganda - ni GBJ

ANG TULA BILANG PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan ay sinabi ng dakilang lider at rebolusyonaryong Vietnamese na si Ho Chi Minh, "Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." Kung paglilimiang mabuti ang mga katagang ito, sinasabi ni Ho Chi Minh na ang makata'y di lang tagahabi ng mga kataga o nagtatahi lang ng mga salita. Ang makata'y isa ring mandirigma. Ibig sabihin, dapat di pulos mabulaklak na salita, kundi bakal na tagabandila rin ng katotohanan na umaatake sa bulok na sistema ang dapat mamutawi sa mga titik ng kanyang mga tula.

At sino ang dapat atakehin ng makata? Ang mga naghaharing uri ba o ang mga inaaping uri? Kanino siya magsisilbi? Marahil ang makata'y mas magiging kakampi ng inaaping uri. Dahil wala namang pera sa tula. Sino ba namang tangang kapitalista ang mamumuhunan sa tula gayong alam naman niyang malulugi siya rito? Pagtutubuan ba ng uring elitista ang mga tula ng makata? Hindi. Bihira, kundi man kakaunti lang ang bibili nito kaya tiyak ang kanilang pagkalugi.

Kung hindi kakampi ng naghaharing uri ang makata, kakampi ba siya ng inaaping uri? Ang kanyang mga tula, palibhasa'y nasa anyo ng tugma't sukat, lalo na kung matalinghaga na siyang isang katangian ng tula, ay maaaring di basahin ng dukha o ng mga manggagawa dahil marahil mahihirapan silang arukin ang mga ito pagkat di ito ang karaniwan nilang sinasalita sa araw-araw. Baka isnabin lang nila ito't ituring ding elitista ang makata. Kaya saan susuling ang makata? Nasa kanya ang desisyon. Ngunit dahil sa mapanuligsang katangian ng makata sa mga nangyayaring di dapat sa bayan, mas mapapakinabangan siya ng aping uri upang mapalaya ang mga ito sa kanilang kaapihan. Kaya may mga makatang aktibista. Gayunman, marami ang nangingimi, o marahil ay naiirita, sa mga nililikhang tula ng mga aktibista. Di daw sila sanay magbasa ng tula, dahil hindi ito pangkaraniwan, at nauumay sila sa tugma nito't sukat. Kaya nagkakasya na lamang sila sa pagbabasa ng mga prosa o akdang tuluyan.

Ngunit ang tula'y pangmatagalan, panghabampanahon, di tulad ng mga polyetong pinapakalat na ang buhay ay nakadepende sa lumitaw na isyu sa kasalukuyan, na pagkatapos maresolba ang isyu ay sa bentahan ng papel, kundi man sa basurahan, ang tungo ng mga polyeto. Ang tulang "Mga Muog ng Uri" na isinulat ni Amado V. Hernandez sa kulungan ng Muntinlupa noong Mayo 1952 ay nalathala sa libro, habang wala ka nang makikitang mga polyetong ipinamahagi noong APEC Conference sa Pilipinas noong 1996. Ang tulang "Manggagawa" ng makatang Jose Corazon de Jesus na isinulat noong bandang 1920s (1932 namatay ang makata) ay nagawan pa ng kanta, habang ang mga polyeto noong Pebrero 2006 laban sa pagrereyna ni Gloria Macapagal-Arroyo ay di mo na makita ngayon. Wala ka na ring makitang kopya ng paid advertisement ng mga manggagawang bumuo ng UPACC (Union Presidents Against Charter Change) sa Philippine Daily Inquirer noong Mayo ng 1997 o 1998 (di ko na matandaan ang taon).

Makikita pa ang kopya ng mahabang tulang "Epiko ni Gilgamesh" sa napreserbang 12 tabletang luwad mula sa koleksyon ng aklatan ni Haring Ashurbanipal ng ika-7 siglo BC. Ito'y orihinal na pinamagatang "Silang Nakakita ng Kailaliman" (Sha naqba imuru) o Paglaktaw sa Iba Pang mga Hari (Shutur eli sharri). Ang mahahabang epikong tulang Iliad at Odyssey ni Homer ay buhay pa rin ngayon. Sa Pilipinas, naririyan ang dalawang mahahabang tulang tumatalakay sa isyu ng bayang sawi dahil sa mga naghahari-harian sa lipunan, "Florante at Laura" ni Balagtas, at ang "Sa Dakong Silangan" ni Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus). May maiikli rin namang mga tula, tulad ng walang kamatayang "The Raven" at "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe, mga tula ng komunistang si Pablo Neruda, ang "Invictus" ni William Ernest Henley, ang "Manggagawa" at "Bayan Ko" ni Jose Corazon de Jesus, "Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan" ni Amado V. Hernandez, at "Republikang Basahan" ni Teodoro Agoncillo. Nariyan din ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na pinagmulan ng kasabihang "ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”, ngunit ayon sa makabagong pananaliksik ay di pala akda ni Gat Jose Rizal ang naturang tula (nasa aklat na "Rizal: Makata" na akda ni national artist Virgilio S. Almario ang tungkol dito).

Narito ang birtud ng tula bilang isang makasaysayang sining at tagabandila ng kultura ng sibilisasyon noon pang una. Ipinipreserba nito ang kasaysayan, kaisipan, damdamin at paninindigan ng mga una pang tao sa pamamagitan ng tula. Di lang ang iniisip ng mga tao noon, kundi kung ano ang karanasan ng kanilang bayan at nararanasan ng kanilang mamamayan. Ang ganitong preserbasyon ng mga tula ng mahabang panahon ang isa sa mahalagang katangian ng tula na makasaysayan at kapaki-pakinabang para sa mga susunod na henerasyon.

Sa Pilipinas, nagtunggalian noon ang Sining-para-sa-Sining (art for art's sake) na kinakatawan ni Jose Garcia Villa laban sa aktibismo sa panitik na kinakatawan naman ni Salvador P. Lopez. Ito, sa pakiwari ko, ang pulso ng debate hinggil sa form versus content, o anyo laban sa nilalaman. Debateng maaari namang pag-ugnayin at hindi paghiwalayin. Maaari namang magtugma't sukat, o laliman ang talinghaga, kahit na pulitikal ang nilalaman, upang hindi ito lumabas na nakakaumay sa panlasa ng mambabasa. Kailangang mas maging mapanlikha o creative pa ang makata upang basahin at pahalagahan ang kanyang katha.

Sa sirkulo ng mga aktibista't rebolusyonaryo sa kilusang kaliwa, ang pagtula ay isang obra maestra ng makata, lalo na yaong nasa mga pook ng labanan, sa sonang gerilya man iyan, sa pabrika, sa dinemolis na erya ng iskwater, sa pangisdaan, maging sa paaralan. Ang tula'y kanyang kaluluwa, kakabit ng kanyang pagkatao, at hindi isang libangan lang. Ang tula’y propaganda upang patagusin sa kamalayan ng masa ang paninindigan ng makata.

Nagmula ang salitang "propaganda" sa Congregatio de Propaganda Fide, na ang ibig sabihin ay "congregation for propagating the faith," o "kongregasyon para sa pagpapalaganap ng pananampalataya", isang komite ng mga kardinal na itinatag noong 1622 ni Gregory XV upang pangasiwaan ang mga misyon sa ibayong dagat. Nagbago ang kahulugan nito noong Unang Daigdigang Digmaan, at nagkaroon ng negatibong kahulugan. Gayunman, ang tunay na kahulugan nito ang ating ginagamit ngayon - pagpapalaganap ng kaisipan o paniniwala.

Dahil para sa mga makatang mandirigma, ang tula'y armas sa propaganda, armas ng pagmumulat sa masa, sandata upang mulatin ang uring manggagawa sa kanyang mapagpalayang papel upang palitan ang sistemang mapang-api at mapagsamantala. Ang tula'y kasangkapan ng makatang proletaryado laban sa burgesya at naghahari-harian sa lipunan.

Sa ngayon, naitayo ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK noong Setyembre 2010 ng ilang mga mapangahas at makatang aktibista na layuning dalhin ang ideolohiyang sosyalista sa panitikang Pilipino. Lumikha na rin sila ng blog para sa layuning ito.

Nauna rito'y prinoyekto ng Aklatang Obrero Publishing Collective na tipunin ang mga nagawa nang tula, maikling kwento't sanaysay na tinipon ng mga nasa panig ng RJs. Nailathala na ang tatlong tomo ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa mula 2006 hanggang 2008, dalawang tomo ng KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita mula 2007 hanggang 2008, at ang unang aklat ng TIBAK: Katipunan ng Panitikang Aktibista noong 2008. Walang nailathalang aklat na MASO, KOMYUN at TIBAK nitong 2009 at 2010, dahil bukod sa kakapusan ng pinansya, ay dahil sa kakulangan ng akda ng mga literati, tulad ng makata at manunulat ng maikling kwento, sa kilusang sosyalista. Ang mga susunod na tomo ng mga aklat na ito'y poproyektuhin na ng grupong Maso at Panitik sa pakikipagtulungan sa Aklatang Obrero. Kaya asahan ng uring manggagawa at masa ng sambayanan ang muling paglilimbag ng MASO, KOMYUN at TIBAK.

Higit pa sa metaporang pagkausap sa mga buwan, bituin, paruparo at bulaklak, at tigib ng damdaming panaghoy ng pag-ibig ang tungkulin ng tula. Pagkat ang tula bilang propaganda ay pagmumulat ng mga natutulog na isipan, o ng mga walang pakialam sa mga nangyayari sa lipunan. Ngunit di naman lahat ay nagbabasa ng tula, kaya dapat maging mapanlikha ang mga sosyalistang makata. Ang mga tula nila'y maaaring gawing awitin, o kaya naman ay bigkasin sa mga rali, sa harap ng mas maraming nagkakatipong manggagawa't aktibista. Halina’t suriin natin ang ilan sa mga walang kamatayang saknong at taludtod sa panulaang Pilipino, na nagsilbi upang mulatin ang maraming Pilipino sa kalagayan ng lipunan at mapakilos sila tungo sa pagbabago.

Maraming manghihimagsik ang namulat sa kalagayan ng bayan nang mabasa ang ilang saknong ng Florante at Laura, tulad ng:

“Sa loob at labas / ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang / nangyayaring hari
Kagalinga’t bait / ay nalulugami
Ininis sa hukay / ng dusa’t pighati.”

Ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, na binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod, ay tigib ng pagpupugay sa lumilikha ng yaman ng bansa, ang mga manggagawa.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus
16 pantig bawat taludtod

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Mapagmulat. Maraming tulang nagsasalaysay na ang tingin ng marami ay simpleng maikling tulang nagsalaysay lamang sa ilang pangyayari, ngunit pag niliming maigi ay mapapansin ang hiyas ng diwang naglalarawan na pala ng tunggalian ng uri sa lipunan. Sa sumusunod na tula’y inilarawan ang konseptong baluktot na lumukob na sa madla, ngunit sa pamamagitan ng ilang taludtod lamang ay nagwasak sa kasinungalingan ng mga ideyang pilit isinaksak ng naghaharing uri sa dukha.

MGA TAGA-LANGIT
ni Gat Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod

“Saan ako galing?” ang tanong ng anak,
“Galing ka sa langit” ang sagot ng ina;
“Ang tatang at ikaw, taga-langit din ba?”
“Oo, bunso, doon galing tayong lahat.”
“Masarap ba, inang, ang buhay sa langit?”
“Buhay-anghel: walang sakit, gutom, uhaw,
walang dusa’t hirap, walang gabi’t araw,
abot ng kamay mo ang balang maibig.”

Bata’y nagtatakang tanong ay ganito:
“Kung tayong mag-anak ay sa langit mula
at ang buhay doo’y kung pulot at gata
bakit nagtitiis tayo sa impyerno?”
Sa gayon, ang tanging panagot ng ina,
ay isang malalim na buntong-hininga.

Napakasimple ng tula ni Gat Amado, ngunit tumatagos sa isip at puso ang kamalian ng mga ideyang burgis. Sadyang mapagmulat. Ang bata mismo’y nagtataka kung galing nga ba tayo sa langit? O ang langit na sinasabi’y ang tinatamasa ng mga naghaharing uri sa lipunan, ang buhay na pulot at gata. Bakit ba tayo pinabayaan ng langit na sinasabi at dito sa mundo’y pulos hirap. Sadya ngang higit pa sa pagdala ng makata sa pedestal ng pagsinta sa nililiyag ang tungkulin at katangian ng tula. Bagkus ito mismo’y kasangkapan ng aping uri upang mamulat ang mas marami pang kababayang naghihirap. Hindi lang pagtalakay ng isyu, hindi lang paglalarawan ng nagaganap sa lipunan, bagkus ay nagpapaliwanag at nangungumbinsi sa uring api na hindi permanente ang kalagayan ng dukha, na may sisilay pang panibagong sistemang magbabalik sa dangal ng tao, maging siya man ay dukha o petiburges. Kailangang wasakin ang mga baluktot na kaisipang nagpapanatili ng kamangmangan ng tao, tulad ng paniniwala sa pamahiin, mitolohiya at burgis na advertisements. Kailangang baligtarin natin ang mga kaisipang nakaangkla sa pagkamal ng tubo, imbes na sa pagpapakatao.

Malaki ang papel ng pulitika at ekonomya sa buhay ng tao. Mula pa pagkabata'y sakop na siya ng paaralan, alituntunin ng pamahalaan, kabuhayan, lipunan at kalinangan. Minomolde ng panitikan bilang bahagi ng kalinangan ng isang bansa ang kaisipan ng tao. Nariyan ang sanaysay, tula, dula, maikling kwento, na hindi lamang mababasa sa libro, kundi maririnig sa radyo at mapapanood sa telebisyon, sinehan, DVD, at mga balita't dokumentaryo sa mas malawak na saklaw. Alam ng makata na hindi nahihiwalay ang kanyang mga tula sa lipunan.

Ang tula bilang propaganda ay pagmumulat. Tagabandila na may nagaganap na tunggalian ng uri sa lipunan. Walang takot bagkus ay nakaharap na tulad ng mandirigmang sugatan na nais ipanalo ang isang digmaan. Kung matatandaan ko pa ay ganito ang sinabi minsan ni Bob Dylan, “Art is not merely a reflection of reality but it must also subvert reality.” Ibig sabihin, ang tula bilang sining ay hindi lang tagapaglarawan ng mga isyu ng lipunan at mga bagay-bagay sa paligid, bagkus ang tula’y tagapagwasak din, tulad ng pagkawasak ng konsepto ng langit sa isipan ng bata sa tula ni Gat Amado.

Kaya kailangang maunawaan ng mga makabagong makata ngayon ang pangangailangang gamitin nila ang kanilang mga tula para sa pagsulong ng pakikibaka tungo sa pagpapalit ng sistemang kapitalismo tungo sa susunod na yugto nito. Sosyalisado na ang produksyon, ngunit pribado pa rin ang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon kaya marami pa ring naghihirap. Tungkulin ng mga aktibista’t rebolusyonaryong makata na gamitin ang kanilang mga tula sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Ito ang niyakap na tungkulin ng sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK.

Tulad ng sinabi ni Ho Chi Minh, tunay na malaki ang tungkulin ng makata sa pagmumulat, lalo na sa uring manggagawa, upang baguhin ang bulok na sistemang umiiral sa lipunan. Bilang mandirigmang makata, kinatas ko sa ilang taludtod ang tungkulin ng tula sa rebolusyon:

TULA AT REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i.

ano ang silbi ng tula sa rebolusyon
kung di ito nagmumulat ng masa ngayon

dapat ba tula'y ialay lang sa pedestal
ng malaking tubo't kapitalistang hangal

o tula'y pwersang gamit sa pakikibaka
upang mapalitan ang bulok na sistema

dapat ang bawat tula'y sintigas ng bakal
masasandigan, may prinsipyong nakakintal

tula'y malaking silbi sa pakikibaka
lalo sa pagmumulat ng aping masa

di basta-basta mahuhulog sa imburnal
pagkat bawat tula ng makata'y may dangal

tula'y may tindig, naghahangad ng paglaya
ng uring manggagawa at lahat ng dukha

ii.

dapat bawat makata'y alam sumalakay
sa bulok na sistema, gobyerno’t kaaway

makata'y dapat agapay ng pagbabago
at tinig ng mga aping dukha't obrero

sila'y di dapat laging nasa toreng garing
kundi kasama ng dukha't masang magiting

sa laban dapat makata'y kayang tumagal
hindi agad natitinag o hinihingal

dapat alam nila paano umatake
nang matulungang manalo ang masang api

laban sa mga ganid, mapagsamantala
at kumakatawan sa bulok na sistema

makata'y dapat magaling ding umasinta
at kayang durugin ang lahat ng puntirya